frchito

Archive for the ‘Catholic Homily’ Category

MANATILI. MANAGANA. MAMAYAPA!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Panahon ng Pagkabuhay, Taon B on Mayo 11, 2012 at 13:08

Ika-6 na Linggo ng Pagkabuhay(B)

Mayo 13, 2012

Mga Pagbasa: Gawa 10:25-26.34-35.44-48 / 1 Jn 4:7-10 / Jn 15:9-17

Isang mapagpala at mapitagang pagbati sa aking mga tagabasa sa malapit at sa malayo. Isang kabatirang nakatataba ng puso ay ang kaalamang ito ay binabasa ng mga kapanalig na matatagpuan sa malalapit at malalayong lugar sa buong daigdig, gaya ng mga natatanggap kong mga paramdam mula sa inyo. Di man marami, sapat na ito upang pagsikapan kong ipagpatuloy ang pagsusulat nito kahit may mga pagkakataong tila wala akong makitang panahon o kakayahang pangatawanan ito tuwing darating ang Linggo.

Sa mga kapanalig kong nasa malalayong lugar ito naka-alay, yamang ang babanggitin ko ay may kinalaman sa kanilang paglisan, pangingibang-bayan, o paglayo sa mga mahal sa buhay at lupang sinilangan.

Alam kong bagama’t puno ang bulsa ninyo, salat naman ang inyong puso. Mahirap ang mapalayo sa mahal na pamilya. Mahirap ang magmahal nang ang namamagitan ay libo-libong milya at walang katapusang lipad sa eroplano, na hindi naman magagawa nang karaka-raka, kapag nasintahan.

Mahirap ang magmahal nang nasa malayo. Sa aking buong pagkapari, patung-patong ang mga malulungkot at mapapait na kwento ng pamilyang nawawasak dahil sa malayong pagmamahalan.  Alam nating lahat ito … hindi makukuha sa pa text-text ang pagbuo ng isang nagkakaniig na pamilya. Hindi kaya ito ang patawag-tawag sa telepono lamang, kahit mahigit isang oras mo pang tanungin at kumustahin ang iyong mahal sa buhay. Hindi rin ito makukuha sa Skype, o Facetime, Yahoo instant messaging, gaano man ka hi-tech o ka-mahal ang iyong 4G cellphone o iPad, o android na smart phone.

Ang pag-ibig ay hindi makukuha sa pa-rega-regalo lamang, kundi sa pananatili o pagkakaloob, o pagpapalagayang-loob.

Tingnan natin kung ano ang saad ng mga pagbasa sa araw na ito.

Sa unang pagbasa, nakita natin na ang pag-ibig ng Diyos ay walang balakid, walang harang, walang anumang maaaring humadlang. Para sa Diyos, walang espesyal, walang natatangi, walang sinumang hindi kayang marating ng Kaniyang biyaya. Pati si Cornelio, na isang pagano, at ang kanyang buong sambahayan, ay nasilayan ng matinding init ng pag-ibig ng Diyos. Dinggin natin ito mismo kay Pedro: “Walang itinatangi ang Diyos … Sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit saang bansa.”

Sa buhay natin, wag ka lamang lumayo ng ilang daang milya, ay magkaka problema ka na. Malayo sa tingin, malayo ka rin sa pagtingin, at lalung malayo sa pagturing. (Out of sight, out of mind!). Hindi madali ang panatiliin ang pakikipag niig kung hanggang Skype o cellphone ka lamang. Sa mundong ibabaw, maraming balakid, maraming hadlang, at maraming nagpapahiwalay sa isa’t isa. Hindi lingid sa atin, na ang panahon ay isang lambong na nagpapahina sa pagmamahalan. Kita natin ito maski sa mga showbiz personalities. Ang mga dating magkakapatid na nagmamahalan, ay nagiging matalik na magkaaway paglipas ng panahon. Mga magkakasama sa tinatawag nilang “industriya” ay di miminsang nagdedemandahan, naggigirian, at nagtutungayaw sa harap ng camera. Mayroon pang nagsusuntukan sa harap ng marami at ng buong bansa!

Kay raming balakid … kay raming hadlang!

Kailangan natin makarinig ng magandang balita tungkol sa pag-ibig na hindi nagmamaliw, pag-ibig na hindi nasasapawan ng bagay na material, at hindi nalulukuban ng labis na pagpapahalaga sa sariling kapakanan.

Narito ang balitang ito! Hatid ni Jesus, na siyang kumatawan sa pag-ibig ng Diyos Ama.

Ang pag-ibig na ito ay hindi isang kathang-isip o isang pakagat lamang sa mass media. Hindi ito isang kuryente na ang pakay ay makapanlinlang ng maraming tao. Hindi ito isang press o praise release na ang gusto ay pabanguhin o pabahuin ang sinuman.

Ito ang pawang katotohanan! Alin? Na ang panawagan sa ating ay mag-ibigan tayo, “sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig!”

Ano raw? Anong pag-ibig? Heto … agape … hindi eros at hindi philia, na parehong nanghihinawa, nagsasawa, at naglalaho. Ang philia, na kaakibat ng pag-ibig ng magkakapatid at mag-iina ay naglalaho. Ilang mga artista at mga pulitiko ang nag-aaway sa ngalan ng katanyagan at kapangyarihan? Ilang mga dati-rati ay ubod ng gwapo at ganda, na ngayong kulubot at matanda na ay laos na, hindi na tanyag, at hindi na kaibig-ibig?

Ilang mga kwento ng mga taong nagmamahalan, ngunit pagdating sa Saudi ay nakakita na ng iba, sapagkat, hindi nga ito makukuha sa pa text text, kundi sa pagiging malapit sa isa’t isa?

Kailangan ko ring makarinig ng magandang balitang ito tungkol sa pag-ibig na hindi nagmamaliw, hindi natatabunan ng bagay na material, at hindi nalulukuban ng alapaap ng kalayuan. Sa mga panahong ito, hindi ko pa rin maubos maisip na pati mga taong pinagmalasakitan mo at pinagbuhusan ng lahat ng kaya mo ay babaligtad at mag-iisip ng masama sa iyo, tulad nang nangyari sa akin kung saan tatlong taon ako nagpagal at nagpakahirap! Madaling maglaho ang eros. Madaling matunaw ang philia, at madaling bumaligtad ang taong walang tunay na maka-Diyos na pag-ibig.

Iisa ang nais kong tumbukin sa mga katagang ito. Mayroong tunay at wagas na pag-ibig. Hindi nagmamaliw. Hindi naglalaho. At higit sa lahat, hindi nawawala dahil lamang sa distansya. Ito ang pag-ibig ng Diyos. “Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos, kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang Kanyang anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.”

At sapagkat ito ang tunay, may dapat tayong gawin, ayon kay Jesus. Manatili. Managana. At mamayapa sa Kanya. Manatiling malapit sa Kanyang puso, sa kanyang piling … “Manatili kayo sa aking pag-ibig.” Tanging Siya. Walang nang iba. Wala nang higit pa!

BAGONG LANDASIN TAHAKIN; LUMA AY LIMUTIN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon B on Pebrero 15, 2012 at 20:24

Ika-7 Linggo ng Taon (B)
Pebrero 19, 2012

Mga Pagbasa: Isa 43:18-19.21-22.24-25 / 2 Cor 1:18-22 / Marco 2:1-12

Iisang larawan ang naglalaro sa isipan ko habang sinusulat ko ang pagninilay na ito, (sa harapan ng TV habang nanonood sa pinaka bagong telenovela sa Pilipinas, ang impeachment trial!). Ang larawang ito ay may kinalaman sa “landas,” o “butas” o pamamaraan o daanan.

Una sa lahat, isa munang kumpisal … sa buhay natin ngayon, marami tayong dahilan upang tanggapin ang mapait na katotohanang ang daan ay kumikipot sa maraming antas at aspeto ng buhay natin. Marami tayong halimbawa rito: ang hanging nahahaluan na ng kung ano-anong lason … ang tubig na hindi na tayo ngayon nakatitiyak kung ang kadalisayan ang pag-uusapan; ang palasak na katiwalian sa loob at labas ng pamahalaan, sa bawa’t sulok ng lipunan natin na pinamumugaran ng taong malalayang tulad natin lahat.

Kumikipot ang daan, naglalaho ang lagusan … at tila sa maraming pagkakataon, wala tayong masulingan; wala tayong mapuntahan. Parang ang lahat ng landas ay nababarahan, nahaharangan.

Ito ang katatayuan ng paralitiko sa ebanghelyo. Marami ang nangangailangan kay Jesus. Marami ang umaasa, at lalung marami ang naghihintay. Puno na ang tahanan, wala nang lagusan, at wala nang madaanan patungo sa loob.

Ito ang nagbibigay sa akin ng kalungkutan. Kumikipot, hindi lamang ang lagusan, kundi, pati halos lahat ng iniikutan natin sa buhay, sa mundong ito na nababalot ng sari-saring mga kasakiman at pagpapahirap sa kapwa.

Subali’t sa kabila ng lahat ng ito, ang araw na ito na ginawa ng Panginoon, ay may taglay na magandang balita para sa ating lahat na kung minsan ay pinapanawan na ng pag-asa.

Narito ang buod ng magandang balitang ito: “Ako’y magbubukas ng isang landasin sa gitna ng ilang, maging ang disyerto ay patutubigan.” Mga kataga itong nakapagpapainit ng puso at damdamin, mga pangakong bitaw ni Isaias sa Lumang Tipan, na naging makatotohanan sa Bagong Tipan.

Tuwing tayo ay magtitipon sa araw ng Linggo, ito ang pinakaaabangan natin, ang tunghayan ang mga nagaganap sa kapaligiran sa panahong kasalukuyan upang ito ay masinagan ng liwanag ng ebanghelyo, at magkaroon ng katuturan, pati ang mga bagay na tila walang katuturan, tila walang kahulugan.

Kasama rito ang katotohanang ang mga daanan natin ay kumikipot … katumbas sa daanan ni Juan Bautista na baku-bako at liku-liko.

Subali’t ito bang pagkakaloob ng Diyos ng daan ay isang pananagutan lamang ng Diyos? Siya lamang ba ang dapat gumawa ng paraan upang ang “patubig” na pangako niya para sa ilang ay masaganang dumaloy?

Hindi ito ang aking basa sa mensahe ng ebanghelyo. Totoo na magbubukas ang bubong. Totoo na gagawa siya ng daan. Subali’t ito ay magaganap kung mayroong pagkukusa at pakikipagtulungan ang tao. Mabubuksan lamang ang bubungan kung mayroong magagandang-loob na handang tumulong sa paralitiko, handang magbuhat sa kanya pataas ng bubong, at handa ring gumawa ng lagusan sa kisame. Hindi Diyos lamang ang taya dito. Hindi puedeng Siya lamang ang gagawa ng paraan.

Malinaw na kailangan rin nating magtaya, mamuhunan, at kumilos. Maliwanag na nasa Diyos ang awa, subali’t nasa atin ang gawa.

Pero mayroon pang isang mahalagang bagay tayong pakatandaan. Ang pagkipot ng daanan, ang pagkasira ng kalikasan, ang pagbabago ng klima sa buong mundo ay nababatay sa iisang katotohanan lamang. Walang iba ito kundi ang ating pagkamakasalanan. Ang lahat ay nagmumula, nag-uugat, at nagsasanga-sanga lamang dahil sa kasalanan ng tao.

Hindi lamang isang kwentong nakapagpapagaan ng damdamin ang narinig natin sa mga pagbasa. Kailangan rin nating gumawa. Kailangan natin ang maging tapat, at hindi mga taong nagsasalawahan sa tuwina, at namamangka sa dalawang ilog, na ang sagot ay hindi mo maintindihan kung “oo” o “hindi.” Kailangang matibay at buo ang loob sa paglapit sa Panginoon, tulad ng paralitikong, gumawa ng lahat, at nagsikap nang walang puknat, makatagpo lamang si Jesus, maski na sirain at butasin ang bubong at kisame ng bahay.

Nguni’t ano ang tugon ni Jesus? Hindi lamang kagalingan. Hindi kagya’t pagpapagaling sa paralisis. Ang una niyang ginamot ay ang batayan at ugat ng lahat ng nagpapakipot sa landas ng buhay, sa lahat ng nagbabara sa daraanan ng biyaya ng Diyos. Pinatawad niya muna ang kasalanan ng paralitiko. At matapos nito ay kanyang sinabihan: “tumindig ka, dalhin ang higaan, at lumakad ka.”

Ito ang bagong landasin na kaloob ng Diyos. Ito ang bagong daan, hindi dating daan, na dapat natin bigyang pansin. At para matahak ang bagong landasing ito, kailangan nating iwaksi, isiphayo, at limutin ang lahat ng luma, ang lahat ng masama, ang lahat ng kasangga ng kabutihan at kaganapan ng buhay na dulot ni Kristong Panginoon.

Hala! Tumindig na! Tahakin ang bagong landasin; ang lahat ng luma ay limutin!