frchito

Archive for the ‘Epipaniya’ Category

PAGKAKALOOB O PANLOLOOB?

In Epipaniya, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Pagsilang ng Panginoon, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Enero 2, 2009 at 09:19

midc49mbecketti

magifredi1

KAPISTAHAN NG EPIPANIYA
(PAGPAPAHAYAG NG PANGINOON)
Enero 4, 2009

Marami ang mga balak at gawaing panloloob tuwing nalalapit ang Pasko. Lagi nilang sinasabi na mahirap ang buhay, kung kaya’t ang ilan ay nanloloob na lamang ng hindi nila bahay, ng hindi nila gamit, upang mabuhay. Nakapagtataka, pero kung mahirap ang buhay, bakit nila mas pinahihirap ito sa ibang tao sa kanilang maiitim na balak at gawain?

Bago mag Pasko, isang kahindik-hindik na barilan ang naganap sa Paranaque, malapit kung saan ako malimit mag-Misa. Mahigit 15 ang namatay, kasama na ang masasamang-loob na nagbalak manloob at maglimas ng hindi nila pinaghirapan. Kapag nakaririnig tayo ng ganitong balita, nagpupuyos ang damdamin natin … nagtatanong … Bakit may mga taong ang pakay lamang ay mamitas at umani ng hindi nila itinanim? Bakit mayroong mga taong ang gusto lamang ay dumulog sa hapag na puno ng pagkaing hindi sila ang nagbayo, ni hindi nagluto?

Ang higit na nakararami ay hindi ayon sa ganitong saloobin at gawain – ang panloloob at pagnanakaw.

Mahalaga sa ating Pinoy ang “loob.” Ang “loob” ng Pinoy ay kumakatawan sa kabuuan at yaman ng ating pagkatao. Ang “loobin” natin ang buod ng kung sino tayo, ang lagom ng ating tinatawag na “kakanyahan” (identity). Ang mabuting loob, ang mababa ang loob, ang maganda ang kalooban ay pawang mga konseptong may kinalaman sa isang mabuting tao, sa isang taong ang kabuuan ay pawang kaaya-aya, pawang kaiga-igaya. Ang loob ang tanda ng lahat ng mabuti at maganda sa isang tao.

Nguni’t dahil dito, ang yurakan ang “loob” na ito ay siya ring sukdulan ng kasamaan para sa mga Pinoy. Ang magbigay ng dahilan para sa “sama ng loob” ay ang tapakan ang batayan ng pagkatao natin. Ang “looban” ang bahay o pag-aari ng isang Pinoy ay pagyurak sa kakanyahan ng tao, ang bale-walain ang kaganapan ng pagkatao natin bilang Pinoy.

Ito ang dahilan kung bakit nagpupuyos ang damdamin natin kapag “nilooban” tayo, kapag ang bahay natin ay pinasok at hinalughog. Ito ay paglabag sa kaibuturan ng ating kalooban.

Sa araw na ito, ang liturhiya ay may kinalaman sa konsepto ng “loob” pero sa isang natatanging paraan. Ang mga mago ay hindi nanloob, bagkus nagkaloob. Ito ang tahasang kabaligtaran ng lahat ng masamang kaakibat ng panloloob. Sila ay naparoon sa kinalalagyan ng bagong silang na sanggol, hindi upang manloob, kundi magkaloob. Hindi sila naparoon upang kumabig, kundi ang magbigay ng pag-ibig, ng pag-aalay na tanda ng pag-ibig at pagmamagandang-loob.

Malaki ang kinalaman nito sa ating pananampalataya. Marami ngayong kabataan ang laging naghahanap ng kung ano ang kanilang mahihita sa anumang gawain. Marami ang nagsasabing, wala sila, ika ngang, napapala sa Misa. Diumano’y wala silang nakukuha, wala silang natatanggap o naiuuwi.

Ang saloobing ito ay saloobing pakabig, hindi pagkakaloob. Ito ang saloobin na walang iniwan sa mga nanloloob.

Ang Misa ay hindi panloloob … Ito ay pagkakaloob … Ito ay pakikisama sa mga taong “may magandang kalooban” na silang nararapat magbigay-puri at luwalhati sa Diyos, na una at higit sa lahat ay nagkaloob ng sarili sa ikaluluwalhati ng lahat.

Mahalaga na ang diwang ito ng pagkakaloob ay tumiim sa ating bagang at kaisipan, at kalooban. Sapagka’t ito ang diwa ng Kapaskuhan – ang magkaloob, ang magbigay, at hindi ang kumabig. Ang Pasko ay pista ng pag-ibig, hindi pagkabig.

Mayroong kabaligtaran sa mga mago ang nababasa natin sa ebanghelyo. Nariyan si Herodes, na nagulumihanan sa pagsilang ng sanggol na si Jesus. Pakabig siya, hindi isang taong tigib ng pag-ibig. Pati bata ay pinatulan niya para lamang matiyak ang kanyang kapangyarihan. Ang kanyang niloloob ay masasabi nating kaakibat ng “sama ng loob.” Ang kanyang hiling sa mga mago na ituro rin sa kanya ang kinalalagyan ng bata ay malayo sa diwa ng pagkakaloob, kundi ang panloloob, ang pagsasamantala sa kaalaman ng iba, para sa pansariling kapakanan. Hindi na tayo dapat magtaka na nakilatis ng mga mago ang tunay niyang niloloob, kung kaya’t hindi nila sinabi kung saan matatagpuan ang sanggol.

At alam natin lahat kung ano ang kanyang ginawa – ang kasukdulan ng panloloob nang kinitil niya ang buong “kalooban” ng mga batang paslit na walang kamalay-malay.

Isa sa magandang kagawian ng mga Pinoy sa maraming lugar, lalu na sa panahon ng Pasko, ay ang malayang pagkakaloob ng alay sa Misa. Bagama’t hindi ang material na bagay ang mahalaga, ang pag-aalay ay tanda ng malayang pagkakaloob sa Diyos.

Ito ang isa sa mga malinaw na liksiyon ng kapistahan natin ngayon. Ang Misa ay isang sakripisyo. Bilang sakripisyo, ang buod ay nakasalalay sa kaloob, sa alay, sa puhunang malaya nating ibinibigay sa Diyos. Naparito tayo sa Misa, hindi upang kumabig, kundi upang magkaloob ng buo nating sarili, lahat ng ating balakin, pangarap, kakayahan, at bunga ng ating gawain.

Sa madaling salita, ang Misa ay hindi upang mayroon tayong mahita at mapala, kundi, ang pagkakaloob higit sa lahat, ng lahat ng ating niloloob sa Diyos. Sa ganitong paraan, tunay ngang tayo ay karapat-dapat makibahagi sa kaloob niyang kapayapaan – para sa mga taong may mabubuting kalooban!

Nanguna ang mga mago sa Belen. Naiwan ang masasama ang kalooban tulad ni Herodes. At tayo ay inaanyayahang makisama at makilakbay sa mga mago. Ang hantungan ng lakbaying ito ay walang iba kundi Siyang dakilang kaloob ng Diyos para sa atin lahat.

Dapat pa bang itanong kung mayroon tayong mahihita sa lahat ng ito?

MAPALAD ANG MGA NAGHAHANAP

In Catholic Homily, Epipaniya, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo on Enero 3, 2008 at 09:12

KAPISTAHAN NG EPIPANIA
Enero 6, 2008

Mga Pagbasa: Is 60:1-6 / Efeso 3:2-3a, 5-6 / Mt 2:1-12

Mahabang panahon na ang lumipas mula noong tumanyag ang awit ni Freddie Aguilar na tungkol sa “bulag, pipi, at bingi.” Doon ay binigyang-diin niya na napakaraming tao ang may kakayahang tumingin subali’t mistulang bulag. Kay raming nakapagwiwika nguni’t mistula ring pipi, at kay raming may kakayahang makinig, subali’t kung titingnan ang pamumuhay ay parang bingi.

Malinaw rito na hindi sapat ang kakayahan at kagalingan. Dapat itong lakipan ng isang mabisa at mabuting layunin. Ang bansang Pilipinas ay pinamumugaran ng napakaraming taong may kakayahan. Napakarami ang politikong masasabi nating batikan at dalubhasa sa mga pasikot-sikot ng sinasabing “paglilingkod sa taong-bayan.” Napakarami ang mga maaalam at mga aral na tukoy ang mga solusyon ng mga problemang kinasasadlakan ng bayan.

Subali’t hindi sapat ang may kakayahang tumingin, magsalita, at makinig. Mahirap gisingin ang nagtutulug-tulugan. Mahirap gamutin ang nagsasakit-sakitan. At lalong mahirap tawagin ang pansin ng isang nagbibingi-bingihan.

Bulag, pipi, at bingi … Ito ang malaking suliraning bumabagabag sa ating lipunan. Hindi malayo ito sa sitwasyong nakita ng tatlong mago sa palasyo ni Herodes.

Isang salita liban sa “mago” ang maaari natin gamitin. Ang  tunay na paham ay hindi yaong alam na ang lahat. Ang tunay na maalam at matalino ay ang nakababatid na mayroon pa rin silang hindi natatagpuan, hindi pa natutunghayan, at hindi pa nakikita. Ang tunay na paham ay patuloy na naghahahanap, nagsisiyasat, nagtatanong, at nag-iimbestiga. Ang tunay na paham ay patuloy na naghahanap ng katotohanan, ng kaganapan nito at katuparan.

Subali’t ang pinakamasahol na kabulagan, kapipihan, at kabingihan ay ang pagtigil sa paghahanap, ang pagtanggap sa kung ano na ang kalakaran ng panahon, kung ano na ang takbo ng kasaysayan. Ang tunay na bulag, pipi, at bingi, ay ang taong wala nang hinahanap, wala nang inaasam, at wala nang pinagsisikapan.

Ang bulag, pipi, at bingi ay siyang hindi na napupukaw ang interes upang makatagpo sa tunay na kasagutan, upang mapalalim ang kabatiran at pang-unawa sa mga bagay na mahalaga.

Ang ating kapistahan sa araw na ito ay pagdadakila sa taong mapaghanap, sa taong nagsisiyasat, nagsisikap, at nagpupunyagi upang matamo ang lubos na katotohanan. Sa isang banda, dalawang uri ng tao ang natatambad sa ating paningin sa araw na ito. Ang unang uri ay kinakatawan ni Herodes. Siya ay bulag … bulag sa katotohanang ang kanyang kapangyarihan ay pansamantala lamang. Siya ay pipi … tikom ang bibig sa kanyang tunay na layunin. Bagama’t hiniling niya sa tatlong mago na balikan siya upang ituro kung saan ang bagong silang na Mesiyas, cerrado ang bunganga niya sa tunay niyang pakay. Si Herodes rin ay bingi … hindi siya nakinig sa paulit-ulit na hula ng mga propeta na dapat sana’y naunawaan niya nang lubos bilang isang hari ng mga Judio.

Ang ating lipunan ay pinamumugaran ng mga bulag, pipi, at bingi. Maraming dekada na ang nagdaan. Maraming panganib na ang sinuutan ng buong bayan, at lalong marami nang pagpapahirap ang ipinataw ng isang sistema political na mapang-api, mapagsamantala, mapagkamkam, madaya, at makasarili. Subali’t hindi pa rin natin nakita, hindi pa rin natin mapag-usapan, at hindi pa rin natin marinig ang paulit-ulit na panawagan ng Diyos sa pamamagitan ng Simbahan.

Ito ay isang panawagan na ang kahihinatnan ay malinaw pa sa araw … “ang bayang naglalakad sa karimlan ay makakikita ng kaliwanagan.” Ito ay isang paghamon na tiyak ang bunga sa kahulihan … “Panginoon, papupurihan ka’t sasambahin ng lahat ng mga bansa sa sangkalupaan.”

Ngunit, salamat sa Diyos, ay may isang uring kakaiba … ang mga mago na hindi nag-asal bulag, pipi, at bingi. Ang mga mago ay mga taong naghanap, nagsikap, nagpagal, at naglakbay makita lamang ang bagong silang na Mesiyas.

Tunay na mapalad ang mga naghahanap. Makakakita sila at makatutunghay sa kanilang hinahanap. Nguni’t kaaba-aba ang taong nag-aasal bulag, pipi, at bingi. Tulad ni Herodes, sila ay maaagnas sa kanilang kabuktutan at pagkamakasarili.

Sa buong Simbang Gabi ay tinunton natin ang kahalagahan ng pag-asa. Binigyang diin rin ito ni Papa Benito XVI. Tayo, aniya, ay may kaligtasan dahil sa pag-asa. Sa araw na ito, pag-asa muli ang ating tinutunton. Ang taong may pag-asa ay hindi kailanman maaring taguriang bulag, pipi, at bingi.

Ang taong may pag-asa ay naghahahanap. At ang taong naghahanap ay nakakakita, nakatutunghay, at nakatatagpo.

Hindi sila nabigo sa kanilang paghahanap. Nagpakita mismo sa kanila ang Diyos sa anyo ng isang sanggol na bagong luwal. At sa pamamagitan ng batang paslit na ito ay nagliwanag ang kaluwalhatian ng Diyos. Naganap ang pangako sa lumang tipan sa pamamagitan ng mga propeta. Nabunyag ang lalim, lawak, at liwanag ng misteryo ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa katauhan ni Kristong Panginoon sa anyong pagkabata.

Patuloy tayong naghahanap sa isang bagong araw sa Pilipinas at saan man may Pinoy na nagpapagal. Patuloy taong umaasa. Nguni’t tulad ng mga mago, hindi tayo “sitting pretty” at nakasalampak lamang sa isang sulok ng ating buhay at bahay. Tulad ng mga mago, humahayo tayo at nagsisikap na bumalikwas sa pagkagupiling sa kahirapan, kadayaan, katakawan, at pagkakanya-kanya.
Ang Pista ng Epipaniya ay pagpapakilala at pagpapahayag ng Diyos sa tanan. Ang mga bulag kuno ay hindi nakakakita, lalu na ang mga nabulagan ng kanilang kagustuhang magkamal at magkimkim. Ang mga pipi ay cerrado ang bibig sa pagpuri. Hindi nila mapuri ang sinomang sa tingin nila ay balakid sa kanilang madilim na pangarap. Ang mga bingi ay walang narinig. Cerrado pati tainga nila sa balitang mapagligtas at mapagpalaya.

Ikaw ba ay isa pa ring bulag, pipi, at bingi?

Paranaque City, Philippines – Enero 3, 2008