KAPISTAHAN NG EPIPANIA
Enero 6, 2008
Mga Pagbasa: Is 60:1-6 / Efeso 3:2-3a, 5-6 / Mt 2:1-12
Mahabang panahon na ang lumipas mula noong tumanyag ang awit ni Freddie Aguilar na tungkol sa “bulag, pipi, at bingi.” Doon ay binigyang-diin niya na napakaraming tao ang may kakayahang tumingin subali’t mistulang bulag. Kay raming nakapagwiwika nguni’t mistula ring pipi, at kay raming may kakayahang makinig, subali’t kung titingnan ang pamumuhay ay parang bingi.
Malinaw rito na hindi sapat ang kakayahan at kagalingan. Dapat itong lakipan ng isang mabisa at mabuting layunin. Ang bansang Pilipinas ay pinamumugaran ng napakaraming taong may kakayahan. Napakarami ang politikong masasabi nating batikan at dalubhasa sa mga pasikot-sikot ng sinasabing “paglilingkod sa taong-bayan.” Napakarami ang mga maaalam at mga aral na tukoy ang mga solusyon ng mga problemang kinasasadlakan ng bayan.
Subali’t hindi sapat ang may kakayahang tumingin, magsalita, at makinig. Mahirap gisingin ang nagtutulug-tulugan. Mahirap gamutin ang nagsasakit-sakitan. At lalong mahirap tawagin ang pansin ng isang nagbibingi-bingihan.
Bulag, pipi, at bingi … Ito ang malaking suliraning bumabagabag sa ating lipunan. Hindi malayo ito sa sitwasyong nakita ng tatlong mago sa palasyo ni Herodes.
Isang salita liban sa “mago” ang maaari natin gamitin. Ang tunay na paham ay hindi yaong alam na ang lahat. Ang tunay na maalam at matalino ay ang nakababatid na mayroon pa rin silang hindi natatagpuan, hindi pa natutunghayan, at hindi pa nakikita. Ang tunay na paham ay patuloy na naghahahanap, nagsisiyasat, nagtatanong, at nag-iimbestiga. Ang tunay na paham ay patuloy na naghahanap ng katotohanan, ng kaganapan nito at katuparan.
Subali’t ang pinakamasahol na kabulagan, kapipihan, at kabingihan ay ang pagtigil sa paghahanap, ang pagtanggap sa kung ano na ang kalakaran ng panahon, kung ano na ang takbo ng kasaysayan. Ang tunay na bulag, pipi, at bingi, ay ang taong wala nang hinahanap, wala nang inaasam, at wala nang pinagsisikapan.
Ang bulag, pipi, at bingi ay siyang hindi na napupukaw ang interes upang makatagpo sa tunay na kasagutan, upang mapalalim ang kabatiran at pang-unawa sa mga bagay na mahalaga.
Ang ating kapistahan sa araw na ito ay pagdadakila sa taong mapaghanap, sa taong nagsisiyasat, nagsisikap, at nagpupunyagi upang matamo ang lubos na katotohanan. Sa isang banda, dalawang uri ng tao ang natatambad sa ating paningin sa araw na ito. Ang unang uri ay kinakatawan ni Herodes. Siya ay bulag … bulag sa katotohanang ang kanyang kapangyarihan ay pansamantala lamang. Siya ay pipi … tikom ang bibig sa kanyang tunay na layunin. Bagama’t hiniling niya sa tatlong mago na balikan siya upang ituro kung saan ang bagong silang na Mesiyas, cerrado ang bunganga niya sa tunay niyang pakay. Si Herodes rin ay bingi … hindi siya nakinig sa paulit-ulit na hula ng mga propeta na dapat sana’y naunawaan niya nang lubos bilang isang hari ng mga Judio.
Ang ating lipunan ay pinamumugaran ng mga bulag, pipi, at bingi. Maraming dekada na ang nagdaan. Maraming panganib na ang sinuutan ng buong bayan, at lalong marami nang pagpapahirap ang ipinataw ng isang sistema political na mapang-api, mapagsamantala, mapagkamkam, madaya, at makasarili. Subali’t hindi pa rin natin nakita, hindi pa rin natin mapag-usapan, at hindi pa rin natin marinig ang paulit-ulit na panawagan ng Diyos sa pamamagitan ng Simbahan.
Ito ay isang panawagan na ang kahihinatnan ay malinaw pa sa araw … “ang bayang naglalakad sa karimlan ay makakikita ng kaliwanagan.” Ito ay isang paghamon na tiyak ang bunga sa kahulihan … “Panginoon, papupurihan ka’t sasambahin ng lahat ng mga bansa sa sangkalupaan.”
Ngunit, salamat sa Diyos, ay may isang uring kakaiba … ang mga mago na hindi nag-asal bulag, pipi, at bingi. Ang mga mago ay mga taong naghanap, nagsikap, nagpagal, at naglakbay makita lamang ang bagong silang na Mesiyas.
Tunay na mapalad ang mga naghahanap. Makakakita sila at makatutunghay sa kanilang hinahanap. Nguni’t kaaba-aba ang taong nag-aasal bulag, pipi, at bingi. Tulad ni Herodes, sila ay maaagnas sa kanilang kabuktutan at pagkamakasarili.
Sa buong Simbang Gabi ay tinunton natin ang kahalagahan ng pag-asa. Binigyang diin rin ito ni Papa Benito XVI. Tayo, aniya, ay may kaligtasan dahil sa pag-asa. Sa araw na ito, pag-asa muli ang ating tinutunton. Ang taong may pag-asa ay hindi kailanman maaring taguriang bulag, pipi, at bingi.
Ang taong may pag-asa ay naghahahanap. At ang taong naghahanap ay nakakakita, nakatutunghay, at nakatatagpo.
Hindi sila nabigo sa kanilang paghahanap. Nagpakita mismo sa kanila ang Diyos sa anyo ng isang sanggol na bagong luwal. At sa pamamagitan ng batang paslit na ito ay nagliwanag ang kaluwalhatian ng Diyos. Naganap ang pangako sa lumang tipan sa pamamagitan ng mga propeta. Nabunyag ang lalim, lawak, at liwanag ng misteryo ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa katauhan ni Kristong Panginoon sa anyong pagkabata.
Patuloy tayong naghahanap sa isang bagong araw sa Pilipinas at saan man may Pinoy na nagpapagal. Patuloy taong umaasa. Nguni’t tulad ng mga mago, hindi tayo “sitting pretty” at nakasalampak lamang sa isang sulok ng ating buhay at bahay. Tulad ng mga mago, humahayo tayo at nagsisikap na bumalikwas sa pagkagupiling sa kahirapan, kadayaan, katakawan, at pagkakanya-kanya.
Ang Pista ng Epipaniya ay pagpapakilala at pagpapahayag ng Diyos sa tanan. Ang mga bulag kuno ay hindi nakakakita, lalu na ang mga nabulagan ng kanilang kagustuhang magkamal at magkimkim. Ang mga pipi ay cerrado ang bibig sa pagpuri. Hindi nila mapuri ang sinomang sa tingin nila ay balakid sa kanilang madilim na pangarap. Ang mga bingi ay walang narinig. Cerrado pati tainga nila sa balitang mapagligtas at mapagpalaya.
Ikaw ba ay isa pa ring bulag, pipi, at bingi?
Paranaque City, Philippines – Enero 3, 2008