frchito

Archive for the ‘Gospel Reflections’ Category

BUKA, BUKAS, BIGKAS!

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon B on Setyembre 4, 2009 at 09:30

dp1830183

Ika-23 Linggo ng Taon (B)
Setyembre 6, 2009

Tatlong magkakaugnay na kataga ang lumulutang sa tatlong pagbasa natin sa Misa: buka, bukas, bigkas!

Sa unang pagbasa, isang hula ang humulas sa bibig ni Isaias: “ang bibig ng mga pipi ay aawit.” Sa ikalawang pagbasa, ang diwa ng kabukasan, ang pantay na pagtrato sa kapwa ang siya namang binigyang-diin ni Santiago: “Huwag magpakita ng pagtatangi kaninuman.” Sa ebanghelyo, isa namang maigting na bigkas ang sinasaad ng ikatlong pagbasa: “Ginawa niya nang mabuti ang lahat. Nabuksan Niya ang tenga ng mga bingi, at nakapagwika ang mga pipi.”

Marami ngayon ang panay ang buka ang bibig habang maagang naghahanda sa eleksyon. Marami ang panay ang ngawa sa pagtatatwa ng lahat ng uri ng kamalian sa lipunan. Ang maraming mga politico ay bukang-buka ang mga pangako, ang mga sinasabi nilang mga plataporma sa kanilang paglilingkod sa bayan.

Nguni’t batay sa ating mga pagbasa, hindi sapat ang magbuka ng bibig. Lalong hindi sapat ang magpahulas ng madudulas na pangako, na matapos mahalal ay napapako sa kawalan, katiwalian, at kung minsan ay tahasang kawalang-hiyaan! Ang hula ni Isaias sa unang pagbasa ay hindi lamang isang halimbawa ng kabukasan ng bibig at isipan, bagkus isang kabukasan sa katotohanan tungkol sa Diyos na maawain. Payo ni Isaias sa atin: “Huwag matakot; magpakatatag!”

Sa ating lipunan, madaling manalo, hindi ang tunay na marunong, kundi ang mga matatalino lamang. Madaling mahalal ang mga popular at mababait, nguni’t hindi ang bukas ang puso at isipan sa tunay na kabutihan! Nakalulusot malimit ang mga may kiling, ang may paboritong mga tagasunod, ang mga makatutulong rin sa kanila pagdating ng eleksyon. Tahasang taliwas ito sa tagubilin ni Pablo: “Huwag magpakita ng pagtatangi kaninuman.”

Maganda ang makinig sa mga pagbasa. Matamis kung minsan ang mga pananalitang naririnig natin. Subali’t ang banal na kasulatan ay dapat maging buhay natin lahat. Dapat na ito ay maghatid sa buhay na ganap – para sa mayaman at para sa mahihirap.

Sa dami ng kahirapan sa daigdig, maraming tao ang nagsasabing wala nang panahon na puedeng gugulin sa mga walang kapararakang bagay. Marami ang wala ni isang oras tuwing Linggo sa pagsamba, sa pagbibigay ng nararapat sa Diyos. Ang pagdarasal, para sa marami, ay tila isang pagsasayang ng panahon, na walang ibubungang mabuti.

Nguni’t bahagi ng pangaral ngayon ng mga pagbasa ang wastong pagbubuka ng bibig bilang papuri sa Diyos. Hinihingi ng katarungan na ipagkaloob sa Diyos ang nararapat sa Kanya. At ayon kay Isaias, pati mga pipi ay aawit ng papuri sa Diyos.

Malinaw rin na pangaral ng mga pagbasa ang batayan ng kakayahang magpuri sa Diyos. Ito ang pagiging bukas sa katotohanang ang Diyos ay may kinalaman sa buhay ng tao. Ang Diyos ay hindi isang tuod na estatwa lamang na walang pakialam sa atin. Siya ay Ama at Panginoon na may malasakit sa buhay natin. Siya rin ay walang pagtatangi sa kaninuman at ang tingin Niya sa atin ay pantay-pantay.

At dito ngayon papasok ang pinakamahalaga sa lahat – ang bunga ng pagiging buka ang bibig sa pagpaparangal at pagpupuri sa Diyos; ang bunga rin ng pagiging bukas ang puso at kaisipan sa kanyang pagka-Diyos.

Ito ang bigkas ng pusong nagmamahal, ang bigkas ng bibig ng isang taong may malasakit sa Diyos at sa Kanyang kaluwalhatian. Ito ang bigkas ng pag-ibig, ang bigkas ng panalangin, ang bigkas ng bibig at damdamin na kumikilala sa Diyos bilang Diyos, Ama, at Panginoon. Malayong malayo ito sa bigkas ng mga tampalasang walang bukam-bibig kundi ang kapakanan daw ng iba, nguni’t walang ibang hinahanap liban sa paglawig ng kanilang kapangyarihan, at paglago ng yaman.

Ito ang ginagawa natin ngayon sa Banal na Misa. Mula sa simula, ang Misa ay isang pamumukadkad ng pag-ibig ng Diyos sa kanyang bayan. Mula sa simula hanggang sa wakas, ang lahat ay may kinalaman sa kabukasan ng Kanyang walang maliw na pag-ibig sa atin. Mula sa simula hanggang sa katapusan, ang Misang ito ay isang mahaba, matimyas, at madamdaming pagbigkas ng Kanyang kaluwalhatian. “Ang lahat ay ginawa Niya nang mabuti … Nakaririnig ang mga bingi at nakapagwiwika ang mga pipi.”

Purihin ang Kanyang ngalan!

GABAY, TULAY, BUHAY

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Mabuting Pastol, Pagninilay sa Ebanghelyo on Hulyo 17, 2009 at 14:29

jesus the good shepherd
Ika- 16 na Linggo (B)
Julio 19, 2009

Linggo na naman … araw ng pahinga, araw ng pagninilay, araw ng pagkilatis ng ating buhay at pagkilala sa kung ano ang nagpapaikot at nagpapainog sa buhay nating lahat. Noong araw, ang Linggo ay madaling maramdaman at makilala. Wala pa noong mga call centers, walang mga supermarket na 24/7 … wala pang mga 7/11 na bukas maghapon at magdamag, anumang araw, anumang dahilan, anumang lugar sa buong kapuluan!

Madali ang makakita ng gabay sa panahong malinaw ang kaibahan sa Linggo at sa ordinaryong araw. Halos lahat ay tumitigil sa trabaho noon sa araw ng Linggo. Karamihan ay nagsisimba … marami ang nagpapahinga. Ibang-iba ang turing sa Linggo at ibang-iba ang pinagkakaabalahan ng balana. Simbahan, sine, at sistehan ang inaatupag noon ng marami. Masaya na ang karamihan sa panaka-nakang simpleng mami at siopao … sa Mamonluk, sa Hen Wah, o sa simpleng pondohan saanman.

Subali’t sa panahon ng globalisasyon na bumabalot sa buong daigdig, ang Linggo ay nagiging Lunes at ang gabi ay nagiging araw. Wala nang kaibahan sa araw ng trabaho at araw ng pahinga.

Sa kontekstong ito ang daigdig na puno ng pagkakaabalahan, narinig natin ngayon ang mataginting na paanyaya ng Panginoon: “Halina sa isang liblib na lugar upang makapagpahinga at makapagnilay.” Sa konteksto ng kawalan ng gabay at guia ang maraming tao sa gitna ng kaguluhan, ating itinatanghal ang katotohanan tungkol kay Kristong Panginoon … “Ang Panginoon ay aking Pastol, wala na akong hahanapin pang iba.”

Sa gitna ng kaguluhan sa lipunan, kay raming “pastol” ang tumatawag ng pansin ng tao. Kay raming “tulay” ang nagpapanggap na maghahatid sa buhay ng kaginhawahan. Kay raming “gabay” ang nagpapakilalang sila ang maghahatid sa kariwasaan at katiwasayan. Ilan ang mga showbiz na personalidad ang halos ituring bilang diyos ng marami? Ilang mga politico ang siyang halos ay sambahin ng kanilang mga tagasunod? Ilang mga artista ang itinatanghal bilang modelo ng mga kabataan, kahit na ang kanilang halimbawa ay malayo sa tama at magaling?

Nagdalang-habag ang Panginoon sa mga taong nagmistulang mga tupang walang pastol, ayon sa ebanghelyo ng araw na ito.

Ito ang magandang balita na parating sa atin ngayon. Sa gitna ng kaguluhan at kawalang kaayusan, nagpapakilala siya sa atin ngayon bilang butihing pastol.

Subali’t ano bang uring pastol and kanyang parating at turo sa atin ngayon? Ito ba ay kagaya ng mga iba-iba at salu-salungat na pastol na nakikita natin sa TV? … ang mga nangagsisituro ng marami sa pamamagitan ng paninira sa ibang relihiyon? Ang mga tampalasang mga “naglilingkod daw” sa bayan na walang inatupag kundi pahabain ang kanilang “paglilingkod?” ang mga lobong nararamtan sa anyo ng tupa na nagsasamantala sa kamangmangan ng maraming ang tanging layunin na ngayon sa buhay ay makasama sa isang dambuhalang stasyon ng TV upang maging bigatin?

Sa magandang balita ngayon, hindi silaw ng salapi, hindi busilak ng bibig, at lalung hindi ningning ng pagmumukha ang dulot ni Kristong mabuting pastol. Nang siya ay nahabag sa madla, ang ginawa niya ay hindi isang “praise release” o papuri sa pamamagitan ng “envelopmental journalism,” hindi isang pakagat sa mass media, o pakitang-tao lamang sa TV at walang katapusang video grabs. Ang dulot ng butihing pastol ay ang “pangangaral” sa madlang nagmistulang tupang walang pastol.

Malinaw ang pahatid ng unang pagbasa …. Ayaw ng Diyos ng mga nagpapanggap na pastol na naghahatid ng pagkakawatak-watak ng mga tupa. Ayaw ng Diyos ng mga mapagsamantala. At ang kanyang pangarap ay ang magpa-usbong ng isang magmumula sa angkan ni David, na maghahari magpakailanman.

Naganap na ang pagsapit ng usbong na ito ni David sa katauhan ni Kristo. Siya ang butihing Pastol. Siya ang naghahatid sa atin at gabay natin. Siya ang tulay na naghahatid sa buhay. Wala nang iba. Wala nang iba pang dapat hanapin.

Nawa’y ang butihing pastol na walang iba kundi si Kristo ay pumukaw sa damdamin at isipan nating lahat sa araw na ito, upang makinig, matuto, at sumunod sa kanya na siyang tanging gabay, at tulay patungo sa buhay na walang hanggan.