frchito

BUKA, BUKAS, BIGKAS!

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon B on Setyembre 4, 2009 at 09:30

dp1830183

Ika-23 Linggo ng Taon (B)
Setyembre 6, 2009

Tatlong magkakaugnay na kataga ang lumulutang sa tatlong pagbasa natin sa Misa: buka, bukas, bigkas!

Sa unang pagbasa, isang hula ang humulas sa bibig ni Isaias: “ang bibig ng mga pipi ay aawit.” Sa ikalawang pagbasa, ang diwa ng kabukasan, ang pantay na pagtrato sa kapwa ang siya namang binigyang-diin ni Santiago: “Huwag magpakita ng pagtatangi kaninuman.” Sa ebanghelyo, isa namang maigting na bigkas ang sinasaad ng ikatlong pagbasa: “Ginawa niya nang mabuti ang lahat. Nabuksan Niya ang tenga ng mga bingi, at nakapagwika ang mga pipi.”

Marami ngayon ang panay ang buka ang bibig habang maagang naghahanda sa eleksyon. Marami ang panay ang ngawa sa pagtatatwa ng lahat ng uri ng kamalian sa lipunan. Ang maraming mga politico ay bukang-buka ang mga pangako, ang mga sinasabi nilang mga plataporma sa kanilang paglilingkod sa bayan.

Nguni’t batay sa ating mga pagbasa, hindi sapat ang magbuka ng bibig. Lalong hindi sapat ang magpahulas ng madudulas na pangako, na matapos mahalal ay napapako sa kawalan, katiwalian, at kung minsan ay tahasang kawalang-hiyaan! Ang hula ni Isaias sa unang pagbasa ay hindi lamang isang halimbawa ng kabukasan ng bibig at isipan, bagkus isang kabukasan sa katotohanan tungkol sa Diyos na maawain. Payo ni Isaias sa atin: “Huwag matakot; magpakatatag!”

Sa ating lipunan, madaling manalo, hindi ang tunay na marunong, kundi ang mga matatalino lamang. Madaling mahalal ang mga popular at mababait, nguni’t hindi ang bukas ang puso at isipan sa tunay na kabutihan! Nakalulusot malimit ang mga may kiling, ang may paboritong mga tagasunod, ang mga makatutulong rin sa kanila pagdating ng eleksyon. Tahasang taliwas ito sa tagubilin ni Pablo: “Huwag magpakita ng pagtatangi kaninuman.”

Maganda ang makinig sa mga pagbasa. Matamis kung minsan ang mga pananalitang naririnig natin. Subali’t ang banal na kasulatan ay dapat maging buhay natin lahat. Dapat na ito ay maghatid sa buhay na ganap – para sa mayaman at para sa mahihirap.

Sa dami ng kahirapan sa daigdig, maraming tao ang nagsasabing wala nang panahon na puedeng gugulin sa mga walang kapararakang bagay. Marami ang wala ni isang oras tuwing Linggo sa pagsamba, sa pagbibigay ng nararapat sa Diyos. Ang pagdarasal, para sa marami, ay tila isang pagsasayang ng panahon, na walang ibubungang mabuti.

Nguni’t bahagi ng pangaral ngayon ng mga pagbasa ang wastong pagbubuka ng bibig bilang papuri sa Diyos. Hinihingi ng katarungan na ipagkaloob sa Diyos ang nararapat sa Kanya. At ayon kay Isaias, pati mga pipi ay aawit ng papuri sa Diyos.

Malinaw rin na pangaral ng mga pagbasa ang batayan ng kakayahang magpuri sa Diyos. Ito ang pagiging bukas sa katotohanang ang Diyos ay may kinalaman sa buhay ng tao. Ang Diyos ay hindi isang tuod na estatwa lamang na walang pakialam sa atin. Siya ay Ama at Panginoon na may malasakit sa buhay natin. Siya rin ay walang pagtatangi sa kaninuman at ang tingin Niya sa atin ay pantay-pantay.

At dito ngayon papasok ang pinakamahalaga sa lahat – ang bunga ng pagiging buka ang bibig sa pagpaparangal at pagpupuri sa Diyos; ang bunga rin ng pagiging bukas ang puso at kaisipan sa kanyang pagka-Diyos.

Ito ang bigkas ng pusong nagmamahal, ang bigkas ng bibig ng isang taong may malasakit sa Diyos at sa Kanyang kaluwalhatian. Ito ang bigkas ng pag-ibig, ang bigkas ng panalangin, ang bigkas ng bibig at damdamin na kumikilala sa Diyos bilang Diyos, Ama, at Panginoon. Malayong malayo ito sa bigkas ng mga tampalasang walang bukam-bibig kundi ang kapakanan daw ng iba, nguni’t walang ibang hinahanap liban sa paglawig ng kanilang kapangyarihan, at paglago ng yaman.

Ito ang ginagawa natin ngayon sa Banal na Misa. Mula sa simula, ang Misa ay isang pamumukadkad ng pag-ibig ng Diyos sa kanyang bayan. Mula sa simula hanggang sa wakas, ang lahat ay may kinalaman sa kabukasan ng Kanyang walang maliw na pag-ibig sa atin. Mula sa simula hanggang sa katapusan, ang Misang ito ay isang mahaba, matimyas, at madamdaming pagbigkas ng Kanyang kaluwalhatian. “Ang lahat ay ginawa Niya nang mabuti … Nakaririnig ang mga bingi at nakapagwiwika ang mga pipi.”

Purihin ang Kanyang ngalan!

Advertisement
  1. thank you for your homilies fr. chito

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: