frchito

Archive for the ‘Homily in Tagalog’ Category

DI SA PAGKAING NAAAGNAS, KUNDI SA TINAPAY NA WALANG KUPAS!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon B on Hulyo 30, 2009 at 19:06

panem
Ika-18 Linggo ng Taon(B)
Agosto 2, 2009

Malimit tayong maghanap ng kung ano ang nagtatagal, kung ano ang matibay, sulit sa anumang ating ibinayad, mga bagay na hindi madaling kalawangin, di kagya’t nasisira, at di marupok sa tingin at sa gamit.

Sa kabila nito, kay dali nating mainip, magsawa, mainis, at magtampo. Tulad ng mga Israelita, na pinupog ng reklamo si Moises matapos sila dalhing palabas sa pagka-alipin sa Egipto, hindi lamang tayo naiinis. Tayo man ay nag-aalsa … nag-aalboroto, kumbaga, at nagpapahayag ng niloloob maging sa Diyos man o sa tao.

Sa gitna ng ganitong saloobin at gawain ng tao, malinaw pa rin ang pahayag ng mga pagbasa ngayon, tulad ng ating tugon sa unang pagbasa noong nakaraang Linggo: “Binubusog tayo ng kamay ng Diyos; tinutugon Niyang lahat ang ating pangangailangan.” Sa kabila ng ating pagkasuwail, ganito pa rin ang tugon ng Diyos sa atin at siya nating tugon sa unang pagbasa: “Pinagkalooban sila ng Diyos ng tinapay na mula sa langit.”

Nguni’t tunghayan natin ang tinapay na ito …

Ang puno at dulo ng reklamo ng mga Israelita ay iisa … ang kanilang tinapay ay pinagsawaan nila … ang manna … Nasabik sila sa mga karne, recado, at pangsahog na sagana sa Egipto. Nakalimutan nila ang biyaya at natuon ang puso at isipan sa pagpapasasa. Nalungkot sila sa tinapay na walang lasa … walang ulam …. Walang kasabay na masaganang mga pang-ulam sa tinapay na mula sa langit.

Kay dali nating lumimot… kay dali nating magtampo … ginusto natin ang isang bagay kahapon …. Sinisiphayo natin ngayon at kinasusuklaman sa panahong ito. Sala tayo sa init … sala rin sa lamig. Hindi kailanman tayo nasiyahan sa kung ano ang meron tayo. At sa oras na makamit ang pinakamimithi, lagi tayong nag-aasam ng bagay na wala sa atin. Mas luntian, ika nga, ang damo sa halamanan ng kapitbahay. Laging mas ganap, mas mainam, mas nakalalamang sa anumang bagay. Maging sa larangan ng politika, ayaw natin dati sa presidente. Maging ang itinatanghal natin bilang bayani ngayon ng demokrasya, ay pinagsikapan natin ibuwag sa paulit-ulit na kudeta na madugo at marahas. Ang mga nagsusulong dati ng cha-cha ay ngayon ay salungat dito, at ang pinalayas natin sa pamamagitan ng people power ang siya ngayong itinatanghal bilang tugon sa lahat ng mga suliranin nating hinaharap ngayon.

Matay nating isipin, ang lahat ng bagay na iwiwaksi natin at pinagsasawaan ang mga bagay na pansamantala … mga bagay na pangkasalukuyang sarap lamang … mga bagay na di nagtatagal. Nag-alsa ang Israelita laban sa tinapay na hindi man lamang maiipon para sa kinabukasan. Dapat silang magtipon sa bawa’t umaga ng manna. Nag-alsa sila sa bagay na hindi nananatili … hindi nagtatagal … At ang lahat ng tampulan ng atensyon ng balana ay sa mga bagay na walang kapararakan, mga bagay na naaagnas at nagwawakas.

Subali’t sa kabila ng masamang balitang ito, ay isang mahalagang balita ang tumatambad sa ating kamalayan … Ito ang balita tungkol sa Eukaristiya na nagtipon-tipon sa atin ngayon. Ito ang magandang balita na sinasaad sa tugon natin sa unang pagbasa … “Binigyan sila ng Diyos ng tinapay mula sa langit.”

Hindi sila ang pokus ng ating pagninilay ngayon, kundi tayo. Tayo ngayon ang tampulan ng pag-aalay na ito ng manna na hindi basta nabubulok; hindi basta naglalaho.

At ang tinapay na ito ay walang iba kundi ang katawan at dugo ni Jesus na ipinagkaloob nang lubusan para sa ating lahat. Ito ang kahulugan ng sinasabi ng Panginoon sa mga nangagsipagsunuran sa kaniya, matapos sila pakainin. Nagsisunod sila sapagka’t naghahanap sila ng pagkain. Pero diniretso sila ni Kristo … Hindi siya ang pakay nila, aniya, kundi ang kabusugan. Sa kabila ng kanilang kababawan, at pag-reklamo sapagka’t mahirap tanggapin ang pangaral ni Kristo, nagkaloob pa rin siya ng pinakamahalagang aral bagama’t ang kaganapan ay mangyayari sa kaniyang pagkakaloob ng sarili sa kamatayan sa krus.

At pinagtagubilinan sila ng isang mahalagang pangaral. Huwag aniya tayo masiyahan sa pagkaing naaagnas, bagkus maghanap ng pagkaing walang kupas.
Ito ang Eukaristiya … tinapay ng buhay … tinapay na mula sa langit … tinapay na dulot ni Kristo …. Walang agnas, walang kupas … pagkaing nagbibigay-buhay … pagkaing naghahatid sa buhay na walang hanggan!

Ikaw, saan ka pa? Dito na tayo, pre! Walang kakupas-kupas!

GABAY, TULAY, BUHAY

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Mabuting Pastol, Pagninilay sa Ebanghelyo on Hulyo 17, 2009 at 14:29

jesus the good shepherd
Ika- 16 na Linggo (B)
Julio 19, 2009

Linggo na naman … araw ng pahinga, araw ng pagninilay, araw ng pagkilatis ng ating buhay at pagkilala sa kung ano ang nagpapaikot at nagpapainog sa buhay nating lahat. Noong araw, ang Linggo ay madaling maramdaman at makilala. Wala pa noong mga call centers, walang mga supermarket na 24/7 … wala pang mga 7/11 na bukas maghapon at magdamag, anumang araw, anumang dahilan, anumang lugar sa buong kapuluan!

Madali ang makakita ng gabay sa panahong malinaw ang kaibahan sa Linggo at sa ordinaryong araw. Halos lahat ay tumitigil sa trabaho noon sa araw ng Linggo. Karamihan ay nagsisimba … marami ang nagpapahinga. Ibang-iba ang turing sa Linggo at ibang-iba ang pinagkakaabalahan ng balana. Simbahan, sine, at sistehan ang inaatupag noon ng marami. Masaya na ang karamihan sa panaka-nakang simpleng mami at siopao … sa Mamonluk, sa Hen Wah, o sa simpleng pondohan saanman.

Subali’t sa panahon ng globalisasyon na bumabalot sa buong daigdig, ang Linggo ay nagiging Lunes at ang gabi ay nagiging araw. Wala nang kaibahan sa araw ng trabaho at araw ng pahinga.

Sa kontekstong ito ang daigdig na puno ng pagkakaabalahan, narinig natin ngayon ang mataginting na paanyaya ng Panginoon: “Halina sa isang liblib na lugar upang makapagpahinga at makapagnilay.” Sa konteksto ng kawalan ng gabay at guia ang maraming tao sa gitna ng kaguluhan, ating itinatanghal ang katotohanan tungkol kay Kristong Panginoon … “Ang Panginoon ay aking Pastol, wala na akong hahanapin pang iba.”

Sa gitna ng kaguluhan sa lipunan, kay raming “pastol” ang tumatawag ng pansin ng tao. Kay raming “tulay” ang nagpapanggap na maghahatid sa buhay ng kaginhawahan. Kay raming “gabay” ang nagpapakilalang sila ang maghahatid sa kariwasaan at katiwasayan. Ilan ang mga showbiz na personalidad ang halos ituring bilang diyos ng marami? Ilang mga politico ang siyang halos ay sambahin ng kanilang mga tagasunod? Ilang mga artista ang itinatanghal bilang modelo ng mga kabataan, kahit na ang kanilang halimbawa ay malayo sa tama at magaling?

Nagdalang-habag ang Panginoon sa mga taong nagmistulang mga tupang walang pastol, ayon sa ebanghelyo ng araw na ito.

Ito ang magandang balita na parating sa atin ngayon. Sa gitna ng kaguluhan at kawalang kaayusan, nagpapakilala siya sa atin ngayon bilang butihing pastol.

Subali’t ano bang uring pastol and kanyang parating at turo sa atin ngayon? Ito ba ay kagaya ng mga iba-iba at salu-salungat na pastol na nakikita natin sa TV? … ang mga nangagsisituro ng marami sa pamamagitan ng paninira sa ibang relihiyon? Ang mga tampalasang mga “naglilingkod daw” sa bayan na walang inatupag kundi pahabain ang kanilang “paglilingkod?” ang mga lobong nararamtan sa anyo ng tupa na nagsasamantala sa kamangmangan ng maraming ang tanging layunin na ngayon sa buhay ay makasama sa isang dambuhalang stasyon ng TV upang maging bigatin?

Sa magandang balita ngayon, hindi silaw ng salapi, hindi busilak ng bibig, at lalung hindi ningning ng pagmumukha ang dulot ni Kristong mabuting pastol. Nang siya ay nahabag sa madla, ang ginawa niya ay hindi isang “praise release” o papuri sa pamamagitan ng “envelopmental journalism,” hindi isang pakagat sa mass media, o pakitang-tao lamang sa TV at walang katapusang video grabs. Ang dulot ng butihing pastol ay ang “pangangaral” sa madlang nagmistulang tupang walang pastol.

Malinaw ang pahatid ng unang pagbasa …. Ayaw ng Diyos ng mga nagpapanggap na pastol na naghahatid ng pagkakawatak-watak ng mga tupa. Ayaw ng Diyos ng mga mapagsamantala. At ang kanyang pangarap ay ang magpa-usbong ng isang magmumula sa angkan ni David, na maghahari magpakailanman.

Naganap na ang pagsapit ng usbong na ito ni David sa katauhan ni Kristo. Siya ang butihing Pastol. Siya ang naghahatid sa atin at gabay natin. Siya ang tulay na naghahatid sa buhay. Wala nang iba. Wala nang iba pang dapat hanapin.

Nawa’y ang butihing pastol na walang iba kundi si Kristo ay pumukaw sa damdamin at isipan nating lahat sa araw na ito, upang makinig, matuto, at sumunod sa kanya na siyang tanging gabay, at tulay patungo sa buhay na walang hanggan.