frchito

Archive for the ‘Homily in Tagalog’ Category

MAGTAPATAN TAYO

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon,Linggo ng Karaniwang Panahon Taon K,Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo,Taon K on Agosto 11, 2016 at 02:31

Ika-20 Linggo -Taon K

Agosto 14, 2016

MAGTAPATAN TAYO!

Puno ng malalim na kahulugan ang mga pagbasa natin ngayon, lalu na ang ebanghelyo. Kung bibigyang buod natin, may kinalaman ang lahat sa pagiging matatag, sa pagiging matiisin, matibay, at matapang sa pagharap sa anumang uri ng suliranin. Sa biglang wari, mistulang masungit at marahas ang pananalita ng Panginoon. “Naparito ako upang pagliyabin ang daigdig, at sana nga ay naglalagablab na!”

Ang salita ng Panginoon ay tila nagpupuyos, nagdadaig, nagliliyab. Mainit ang dating … nakadadarang, tila nakapapaso. Tahasan … tuwiran … walang pasikot-sikot … walang paligoy-ligoy.

Hindi politiko ang Panginoong Jesucristo. Hindi siya bulaan. Hindi siya isang taong ang dila ay sanga-sanga, tulad ng mga politikong ang sinasabi ay hindi mo lubos mapagwari kung ano ang tunay na ibig sabihin at tunay nilang layunin. Deretso ang kaniyang tingin. Deretso rin ang kaniyang turing. At ang kaniyang mithiin para sa atin ay siya ring alay niyang tuntunin. “Akala ba ninyo ay naparito ako upang maghatid ng kapayapaan sa lupa?”

Ano nga ba ang tahasang-tiyak na tinutumbok ng Panginoon? Ano nga ba ang binibigyang-diin niya sa mga pananalitang ito na tigib ng talinghaga?

Una sa lahat, ang kinapapalooban ng ebanghelyo ay kung ano ang binabanggit ng una at ikalawang pagbasa. Sa aklat ni propeta Jeremias, natunghayan natin kung ano ang sinapit ng taong sinugo ng Diyos. Ang kaniyang pagtalima sa paanyaya ng Diyos na mangaral ay nauwi sa dakilang paghihirap. Tinuligsa siya at inusig hanggang sa halos ay mamatay sa gutom sa balon.

Magtapatan tayo … ito ang tila baga’y sinasaad sa unang pagbasa … ang pagsunod sa Panginoon ay hindi biro … hindi isang laro na ang dulot ay kaaya-ayang buhay na nahihilata sa kasaganaan at kaluwagan.

Sa ikalawang pagbasa naman, lalu pang idiniin ng sulat sa mga Hebreo na ang pagsunod kay Kristo ay isang pagpupunyagi at patuloy na pagtakbo hanggang makamit ang premyo. Ito, aniya, ay tila isang timpalak na may kinalaman sa pagiging matatag, mapunyagi, maporsigue … hanggang sa tagumpay kasama si Kristo.

Magtapatan tayo … ang daan patungo sa kabanalan ay hindi nalalatagan ng alpombrang malambot. Ang daan ng kabanalan ay makipot at masikip, at hindi kasya rito ang mga Lamborghini, Ferrari, Porsche at iba pang magagarang sasakyang pilit na ipinupuslit ng mga tampalasang kakutsaba ng mga tao sa gobyerno ng Pilipinas.

Ito ang kinapapalooban ng ebanghelyo na tila ang pananalita ay mabagsik at masungit. Subali’t ito ang dapat nating unawaing mabuti. Ang pagsasabi nang matapat, ay pagsasama nang maluwat.

Nararapat natin marahil unawain ang mga salitang ito sa liwanag ng salitang kanto boy: “magtapatan tayo!”

Magtapatan tayo … ang apoy ay nakadadarang, nakapapaso … hindi tayo isinusugo ni Kristo upang manatiling malamig na parang bangkay. Ang kristiyano na tumanggap ng turing na kristiyano ay dapat makadarang, makaimpluwensiya ng kultura ng lipunan. Ang hindi nakadadarang ay nanlalamig, nanghihinawa, at nagpapadala sa agos ng lipunan.

Magtapatan tayo … ang apoy ay nakapagdadalisay. Ang ginto ay hindi magiging dalisay kung hindi ito idadaan sa apoy na lantayan. Lantay na ginto ang bunga ng init na nakapagdadalisay. Hindi kailanman dadalisay ang ating bayang Pilipino kung ang ating mga dila ay sanga-sanga tulad ng mga bulaang mga politiko at kanilang mga kampon sa larangan ng komersiyo.

Magtapatan tayo … ang isang pamilyang ang mga kasapi ay panay matatamis na pananalita lamang ang puhunan at hindi naninindigan sa wasto at tama ay hindi lalago, hindi uunlad, hindi aangat. Maiiwan sila sa antas ng bolahan, panlilinlang, at pagbabalatkayo. Hindi makalalayo ang panay lamang ang ngiti at kindat sa buhay. Kung ang mali at taliwas at tiwali ay kikindatan at ngingitian lamang natin, hindi uusad ang ating mithiin … hindi aangat ang ating lipunan. Kung ang isang magulang, sa ngalan ng kabaitan at pagbibigay-layaw sa anak, ay magbubulag-bulagan, kahit na ang ginagawa ng anak ay hindi ayon sa kagustuhan ng Diyos, ang kanyang kilos ay walang init, walang hatid na pandadarang, ngunit wala ring buhay … malamig pa sa bangkay!

Nagpupuyos ang aking damdamin sa dami ng katiwalian sa ating bayan. Nag-iinit kung minsan ang aking kalooban. Ang pag-iinit na ito ay hindi lamang galit na walang patutunguhan. Ito ay apoy na mapagdalisay, init na nandadarang, init na nagtutulak sa ating lahat upang gumawa nang kung ano ang ating kayang gawin.

Magtapatan tayo … nang tayo ay kumpilan, dinarang tayo ng mga kaloob ng Espiritu Santo … Nasaan na ang apoy na ito? Nasaan na ang init ng iyong pagpupunyagi? Saan na natin ikinubli ang apoy na dapat sana ay nagliliyab at naglalagablab na sa ating lipunan?

Magtapatan tayo … ang nagsasabi nang matapat ay nagsasama nang maluwat.

 

Mithiin at Tuntunin

In Linggo ng Karaniwang Panahon Taon K,Taon K on Agosto 3, 2016 at 18:57

Ika-19 na Linggo – Taon K
Agosto 7, 2016
MITHIIN, TUNTUNIN

Linaw ng paningin ang paksa natin noong nakaraang Linggo. Kung ano ang tingin,
siyang turing. Kung pinahahalagahan natin ang mga bagay na di nagtatagal at kagya’t
naglalaho, ito ay isang halimbawa ng binabanggit ni Kohelet: “Walang kabuluhan …
walang kakabu-kabuluhan!” Hindi yaman, at lalong hindi ang kasakiman, ang dapat na
ituring na hantungan ng buhay ng mga taga-sunod ni Kristo.

Ang mga pagbasa natin ngayong araw na ito ay tila karugtong ng paksang ito noong
isang Linggo. Kung noong nakaraang Linggo ay pinaalalahanan tayo na ang
pinakamahalaga ay di yamang materyal, o anu mang bagay na makamundo, sa araw na
ito, tinutuunan ng mga pagbasa kung ano ang dapat ituring na hantungan at hangganan ng buong buhay ng tao.

Ano nga ba ang siyang dapat pagtuunan ng pansin ng tao nang higit sa lahat? Ano nga ba
ang siyang dapat at wastong mithiin ng bawa’t nilalang sa mundong ito?

Ang aklat ng Karunungan ay tumutugon sa ating katanungan. Walang iba kundi ang
Diyos ang maituturing na nasa likod ng lahat ng kababalaghang naganap sa pagtawid ng
mga Israelita sa dagat, habang tinutugis ng mga Egipcio (Unang Pagbasa). Wala ring iba
maliban sa Diyos ang siyang sinunod ni Abraham, at siyang naging tampulan ng kanyang
dakilang pananampalataya, magpasahanggang ialay niya ang tangi niyang anak na si
Isaac (Ikalawang Pagbasa).

Maliwanag na hindi lamang linaw ng paningin ang pinag-uusapan dito. Maliwanag na
hindi lamang mithiin ang pinapaksa natin ngayon.

Ito ang binigyang-liwanag ng ebanghelyo ayon kay Lucas. Hindi sapat aniya ang hindi
mabulagan ng bagay na makamundo. Hindi sapat na hindi mabulagan ng pag-aasam ng
yaman. May higit pang dapat tayong pagtuunan ng pansin. Hindi maaaring ang tao ay
manatili sa ilalim ng balag ng alanganin. Kung hindi makamundong bagay ang mithiin
natin, dapat ay mayroon tayong higit sa lahat ay pinahahalagahan. Ang tao ay nilikha ng
Diyos na dapat mayroong pinanghahawakang pagpapahalaga.

Ito ang paanyaya sa atin ng ebanghelyo ni Lucas. Ang linaw ng mata ay dapat matuon sa
malinaw ring mithiin. At ang mithiing ito, na higit sa lahat ng makamundong mithiin, ay
walang iba kundi ang parehong Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Jacob. Siya ang Diyos
ng pangako at pagtupad ng pangako.

Kung minsan, mahirap mag-anyaya ng tao kung hindi niya alam ang kaniyang gusto.
Hindi sapat na tanungin ang isang tao kung ano ang ayaw niyang pagkain. Matapos mong
matanong siya kung ano ang ayaw, darating ang punto na dapat mo siyang tanungin kung
ano ang gusto niya. Mahirap umorder sa restoran ng menu na ang pangalan ay “kahit
ano.”

Noong isang Linggo, tiniyak natin na hindi yaman at pagkakamal ng salapi ang ating
hantungan. Ngunit tiniyak din natin na hindi kasalatan at paghihikahos ang gusto ng
Diyos para sa atin. Bagama’t dineklara ni Kristong “mapalad” ang mga dukha, hindi niya
sinasabing ang pagiging dukha ang siyang dapat na maging mithiin ng lahat ng tao. Hindi
“kahit ano” ang paanyaya at kalooban ng Diyos para sa kanyang bayan.

Kung hindi “kahit ano” o “maski ano,” ano bang mithiin ang dapat mayroon ang tao?
Tama lang bang paningin at wastong pagturing? Tama lang bang pagkilatis at wastong
hangarin?

Hindi. Hindi lamang ang mga iyon. Ang hangarin na bunga ng wastong pagkilatis ay
dapat na hindi manatiling mithiin. Ang paalaala ni Kristo ay malinaw: “Manatiling gising
at handa. Sapagka’t hindi ninyo alam ang araw kung kailan darating ang Panginoon”
(Bersikulo ng Aleluya). Ang siyang dapat mithiin ay walang iba kundi ang Panginoon
mismo … hindi yaman, hindi kasalatan, bagkus ang Diyos na higit sa lahat.

Subali’t ang hangaring ito ay may kaakibat na tungkulin. Una, magpaanyo kayo ng
lukbutang hindi nananakaw o nasisira, isang yamang makalangit, sapagka’t kung saan
naroon ang yaman ay nanduon rin ang inyong puso.” Ikalawa, “maging tulad ng mga
utusang naghihintay sa pagbabalik ng kanilang amo mula sa kasalan na handang
magbukas ng pinto sa oras ng pagkatok. Mapalad ang mga utusang matatagpuang
nagbabantay sa pagbabalik ng amo.”

Ang mithiin natin ay walang iba kundi ang Diyos. Siya ang tampulan ng lahat nating
hangarin. Siyang ating mithiin ay siya ring ating tuntunin. “Mapalad ang utusang
madadatnang gumagawa ng kanyang tungkulin.” Hindi sapat ang mangarap. Ito ay dapat
lakipan ng pagsisikap. Kung anong mithiin, siya ring tuntunin.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 553 other followers