frchito

Archive for the ‘Homily in Tagalog’ Category

BAWAL ANG PASAWAY!

In Adviento, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Panahon ng Pagdating, Propeta Isaias, Taon A on Disyembre 21, 2013 at 10:34

Isiah_550x415

Ika-apat na Linggo Adbiyento A
Disyembre 22, 2013

BAWAL ANG PASAWAY!

May mga taong sadyang pasaway. May mga taong parang kawali ang tainga. May marunong makinig, at hindi marunong tumalima. May madaling kausap at mayroong mahirap kausapin.

Hari man siya at magaling, si Acaz ay isang pasaway, nag-taingang kawali, at hindi nakinig sa pahayag ni Isaias. Nanganganib silang sakupin ng mga taga Assiria, pero nagmatigas ang kalooban, sa kabila ng tanda o pangako na namumutawi sa labi ng propeta.

Pangako ng pag-asa ang pangitain ni Isaias. Isang tandang maliwanag ng pakikisalamuha ng Diyos sa kanyang bayan.

Pero may malaking guwang ang nasa pagitan ng pangako at katuparan. May taong madaling magbitiw ng salita. Sa dinami-dami ng taong ako ay naging pari, at namuno sa napakaraming fund raising at iba pang mga proyekto, malimit ang maingay ay hanggang salita lamang. Ang mga nangangako ay napapako sa pangako. Walang natutupad. Walang nangyayari. Kapag ang isang tao ay nagsabing magbibigay daw siya ng donasyon, wag mo nang asahan. Pero ang mga tahimik, ang mga walang kibot at walang salita, kalimitan ay sila ang nagbibigay.

May tawag ang mga Kano dito … walk your talk. Isabuhay mo ang sabi mo. Kung ano ang sabi, siyang gawa.

Natupad ang pangakong binitiwan ni Isaias sa kasaysayan. Naganap na ang Pasko ng pagsilang. Dumatal na ang Mesiyas, bagama’t hindi siya kinilala ng sarili niyang bayan. Pero ang pangako ng Diyos ay hindi lamang isang kabanata sa kasaysayan nang nakalipas. Ang pangako ng Diyos ay pang nagdaan, pang kasalukuyan, at pang hinaharap. Walang panahon sa Diyos. Ang lahat ay patungkol sa walang hanggan. Walang simula at walang katapusan.

Pero sino ba ang nagkukulang sa ating dalawa? Hindi ang Diyos. Gaya ng nababasa natin, tinupad niya ang pangako nang isilang si Jesus na mananakop at tagapagligtas.
Kung gayon, sino ang nagkulang? Maliwanag pa sa sikat ng araw … si Acaz ang ang mga katulad niya … ang tao … tayong lahat na pawang naging salawahan.

May malaking guwang malimit sa pagitan ng pangako at katuparan. Ilang beses tayo nangako at hindi natupad? Ilang beses tayo nagbitiw ng salita nguni’t hindi natin pinanindigan?

Sa ikaapat na Linggong ito ng Adbiyento, tunghayan natin ang halimbawa ng isang naging tapat sa pangako … Dahil sa kanya ang guwang sa pagitan ng pangako ng Diyos at katuparan ng kanyang Salita ay naganap …

At heto ang mga katagang patunay … “Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria.”

Nakinig. Tumalima. Sumunod … Iyan ang dapat rin nating gawin. Bawal ang pasaway sa bayan ng mga sumasalampalataya.

TAMA NA ANG PANINISI … TANGGAPIN AT AMININ!

In Adviento, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Propeta Isaias, San Juan Bautista, Taon A on Disyembre 7, 2013 at 11:18

advent2A_3

Ikalawang Linggo Adbiyento Taon A
Disyembre 8, 2013

TAMA NA ANG PANINISI … TANGGAPIN AT AMININ!

Aaminin ko, mahirap ang tumanggap ng anumang mapait. Mahirap ang tumanggap na tayo ay mahina at walang kakayahan. Mahirap rin ang magbahagi ng isang bagong pag-asa, kung ang lahat ng nakikita natin ay kawalang pag-asa.

Matulain at mabulaklak ang mga salita ni Isaias na naririnig natin tuwing magpapasko. Mga pangitain … mga panaginip o panagimpan ng Diyos para sa kanyang pinakamamahal na bayan. Ito rin ang mga pangarap ng mga taong ngayon ay sadlak sa hirap … nawala ang bahay, nawala ang kabuhayan, at napawi ang lahat ng tulay tungo sa kinabukasan. Marami ang nagbabaka sakali sa ibang lugar … naglilipatan … naghahanap ng masusulingan. Ubos na ang bangka ay ubos pa rin ang mga niyog. Marami ay namatayan pa at ang mga katawan ay hindi na matagpuan.

Kahapon ay isang mapait na katotohanan ang nagpatangis sa akin. Isang malapit na itunuturing kong kaibigan ang pinaslang sa sariling tahanan ng mga tampalasang ang hanap lamang ay pera.

Mahirap makita rito ang matulaing pangarap ni Isaias.

Pero bago tayo manghinawa at magpadala sa kawalang pag-asa, teka muna sandali at pakinggan natin ang sinasabi ng dalawa pang pagbasa …

Unahin natin si Pablo. Sa kanyang liham sa taga Roma, ipinaalala niyang ang Kasulatan ay nakatuon sa “ikatututo natin,” sa “kalakasan ng loob,” at sa pagkakaroon ng pag-asa.

Naikwento ko na noong nakaraang mga pagninilay na sa likod ng bawat kapaitan ay may nagkukubling kaliwanagan. Nang manalasa ang bagyo, at tumambad sa kaalaman ng mundo ang dami ng namatay, ang dami ng winasak na kabuhayan at kinabukasan, mahirap isipin na ang pamumuhay na marangal na sinasaad ng kasulatan ay tunay na kapani-paniwala.

Walang iniwan ito sa kalagayan ng isang bansang tulad natin, na sa kabila ng ating pagiging Kristyano, ay pinamumugaran ng pinakamasahol na uri ng kurapsyon. Parang hindi na sinasagian ng hiya ang sinuman. Parang wala nang pakundangan sa dignidad ng tao ang mga salarin, tulad ng pumatay sa isang batang-batang dalagang ang tanging pagkakamali ay ang mapunta sa maling lugar, sa maling oras, kung kailan naghahanap ng mabibiktima ang mga kriminal na tila wala nang puso, wala nang konsiyensya, at wala nang damdaming makatao. Wala raw silang intensyong gawan siya ng masama. Wala raw silang masamang hangad sa babaeng walang awang sinakal at sinaksak sa loob ng kanyang sariling kotse. Wala ring iniwan ito sa ginawa ng dalawang binatilyo sa aking kaibigang walang kalaban-laban, walang kalakas-lakas upang makaganti, at walang masamang binhing ipinunla sa tanang buhay niya at ng kanyang pamilya.

Wala na ring hiya ang mga nasa kongreso. Wala ni isang umaamin. Walang tumatanggap. Walang nagsisisi yaman din lamang at lahat daw ng kanilang pirma ay ginaya lamang. Bilyon-bilyong piso ang naglaho na lamang at sukat, pero wala ni isa diumano ang nakaaalam kung paano nawala ito.

Ang masamang balita ay ito … tayo man ay maraming palusot. Kanya-kanya tayong gawa ng istorya. Wala ang tumatanggap ng pananagutan. “Kasalanan ko bang ako ay isinilang nang mahirap?” “Masama bang magmahal nang lubos?” (kahit may tunay nang asawa at anak!) “Minana ko lamang ang problemang ito!” “Wala akong magagawa. Isinilang akong ganito.” “Wala akong intensyong masama!” (kahit masama ang ginagawa, may palusto pa rin).

Alam kong ayaw natin marinig ang salitang ito, pero hindi nag-atubili si Juan Bautista na tawagin ang mga ganitong tao nang ganito: “Kayong lahi ng mga ulupong!”

Masakit Kuya Eddie! Pero walang tama at totoo, lalo na’t tumitimo at tumatagos, ang masasabi nating hindi masakit.

Malinaw na ayaw ni Juan Bautista ang mga palusot natin. Malinaw na gusto niyang tayo ay manindigan at tumayo ayon sa tama. Tama na ang mga pasulot natin. Tama na ang paninisi ng iba. Wag na nating sisihin ang ating magulang, ang nakaraan, ang ating bayang sinilangan, ang kakulangan nito at kakulangan noon. Sapat na ang ipinagkaloob sa atin.

Panindigan ang tuwid na daan at kung hindi ay tuwirin at ihanda para sa kanya. Tama na ang palusot. Tama na ang paninisi. “Pagsisihan ninyo at talikdan ang inyong mga kasalanan.”