frchito

Archive for the ‘Karaniwang Panahon’ Category

KABULUHAN, KALIGAYAHAN, AT KALUGURAN

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Tagalog Homily, Taon K on Agosto 1, 2013 at 17:21

rich-fool-watchful-servants-nelly-bubeIka-18 Linggo ng Taon K

Agosto 4, 2013

KABULUHAN, KALIGAYAHAN, AT KALUGURAN

Wala raw kabuluhan, walang kakabu-kabuluhan, ani Kohelet ang mga bagay na karaniwang pinagkakaabalahan ng tao sa mundo. “Anumang gawin niya ay nagdudulot ng balisa at hinanakit.”

Tama ba ito? Ang alam ko ay maraming napapasaya ang mamahaling selfon. Alam kong marami ang nag-aasam magkaroon ng Maserati, ng Rolls Royce, at ng mamahaling mga sapatos na puedeng ipakita ang larawan sa Facebook. Alam ko ring, masarap din namang kumain kain pag may time, o pumasyal-pasyal din pag may time …

Kung Facebook ang pagbabatayan, wala yatang malungkot sa Pilipinas. Lahat ay may selfie, may larawang sila mismo ang kumuha, at marami sa kanila ay nag-lalike rin ng kanilang sariling posting kahit na walang iba ang mag-like.

Pero medyo parang KJ o bad trip ang dating ni Kohelet. Ano ba yan? Wala raw kabuluhan ang lahat ng bagay … walang kakabu-kabuluhan!

Teka … ilagay natin sa tamang konteksto ang lahat. Masarap ang mga bagay materyal sa mundo. Walang masama na mag-asam at magkamit ng bagay na mahalaga, tulad ng walang masamang magkaroon ng kompyuter, o smartphone, o iPad, o kahit Android tablet.

Pero eto, ang dapat nating malaman. Hindi ito ang hangganan at hantungan ng buhay natin. Hindi lang dito nagwawakas ang kabanata ng ating buhay. May higit pa sa buhay kaysa sa mga ito.

Ito ang paalaala ni Pablo.  Aniya, bagama’t walang masama na magkaroon ng bagay na makamundo, hindi tama ang manatili  lamang sa libel na ito. Hindi wasto na mahirati na lamang at sukat sa mga makamundong mga layunin at adhikain. Ang kanyang payo? Heto: “Ang pagsumakitan ninyo ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Kristo na nakaupo sa kanan ng Diyos.”

May dagdag pa ang Panginoon sa ebanghelyo. Isang binata ang nagsumbong sa kanya: “Iutos nyo po sa kapatid ko na ibigay sa akin ang bahagi ko sa aming mana.”

Sa mga kahilingang ibinato sa Panginoon, ito ang hindi niya pinaunlakan. Hindi raw siya, referee, sabi ng Panginoon.

Balitang malaki sa social media ang lahat ng kaswapangan sa customs, sa pork barrel, at marami pang iba. Walang pinagbago sa datihan ang mga balita. Ang nag-iba lamang ay dati-rati ay nakapaiingay ng mga pahayagan. Ngayon ay parang nabusalan lahat.

Tamang-tama sa pahatid mensahe ng Panginoon ngayon. “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagka’t ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan.”

Nakapagtatakang dalawang magkasalungat na balita ang natutunghayan natin sa mga araw na ito. Sa unang banda, ang mga taong nanggigitata sa karukhaan … sa kabilang dako naman ay ang pagdating ng Maserati, ng Rolls Royce, at ang mga larawan ng mga taong kung magdiwang ng birthday sa Hollywood ay parang walang katapusan ang kanilang yaman.

Hindi masama ang mag-asam. Walang masama sa magsikap at magkamit. Pero may paala-ala ang Diyos sa atin sa araw na ito. Ang lahat ng ito, kumpara sa mga dapat nating hintaying makamit sa kabilang buhay, ay walang kakabu-kabuluhan. Ibig sabihin nito ay simple lang … Mahalaga ang yamang mundo. Nguni’t may mas mahalaga kaysa rito – ang yamang espiritwal, na hindi lamang para sa mundong ibabaw.

Narito ang wagas na kaluguran. Narito ang tunay na kaligayahan!

AMA NAMIN!

In Karaniwang Panahon, Taon K on Hulyo 27, 2013 at 16:41

images-10Ika-17 Linggo ng Taon K

Hulyo 28, 2013

AMA NAMIN!

Sa ating bayan, mahirap ang lumapit sa mataas na taong hindi mo kilala. Lagi kang naghahanap ng padrino, ng taong tutulong sa iyo at maghahatid sa iyo. Bihira sa ating kultura ang taong bigla at basta na lamang papasok sa opisina ninuman nang walang namamagitan.

Hindi tagapamagitan ang hinahanap natin, kung tutuusin nating mabuti. Hindi tayo naghahanap ng fixer, ika nga. Hindi tayo naghahanap ng taong gagawa ng bagay na dapat nating gawain. Ang ating tunay na hanap ay isang taong may kaugnayan sa sinumang gusto nating marating o makapulong.

Si Abraham ay itinuring ni Pablo bilang ating Ama sa pananampalataya. Sa kwento sa unang pagbasa, narinig natin kung paano siya naki-usap, kung paano siya nagmakaawa sa Diyos, maligtas lamang ang mga taong mabubuti, kahit sasampu na lamang ang natitira. Nakita natin kung paano namagitan si Abraham, at kung paano niya pinalambot ang loob ng Diyos kung kaya’t ang kaparusahang nararapat sa mga taga Sodom at Gomora ay hindi matuloy.

Nanalangin si Abraham. Nagmakaaawa. Namagitan at nanikluhod sa Diyos na maawain.

Iba talaga ang may pinagsamahan. Kung tutuusin, si Abraham ay hindi na banyaga sa Diyos, at ang Diyos ay hindi na iba kay Abraham. May pinagsamahan sila. May kaugnayan. May pinagsaluhang pangarap at panawagan. Magmula nang siya ay tumugon sa panawagan ni Yahweh, na siya ay lumisan sa Ur at magtungo sa bayang pangako, naging karapat-dapat si Abraham upang manikluhod at humiling sa Diyos.

At ano ang dahilan nito? Sapagka’t sila ay may pinagsamahan na.

Mahirap ang maki-usap para sa sinuman. Pero nagiging madali kung ang ating pinakikiusapan ay may kaugnayan na sa atin, kung may pinagsamahan na tayo.

Tunghayan natin ang kwento sa ebanghelyo. Dalawang tao ang sinasabi nanghihingi ng tulong. Ang una ay naggambala ng kapitbahay sa kalagitnaan ng gabi dahil wala siya ni anumang puedeng ipakain sa bisita. Mapilit ang kanyang tono sa panghihingi ng tulong … makulit. Sino sa atin ang hindi magbibigay na lamang wag lamang tayo kulitin nang ganoon? Ang isa naman ay may kinalaman sa kakayahan nating magbigay nang kung ano ang hinihingi ng isang anak.

Ano ang sikreto? Ano ang dahilan at sila ay pinagbigyan?

Nasa unahan ng ebanghelyo ang sagot. Ano ba ang turo sa atin ng Panginoon? Napakasimple. Para bagang sinasabi niya na hindi tayo makadidiretso sa sinuman kung wala tayong relasyon, kung wala tayong kaugnayan, kung wala tayong pinagsamahan.

Ito ang sinabi ni Pablo sa ikalawang pagbasa. Hindi na tayo iba sa Diyos. Hindi tayo mga banyagang hindi niya kilala. “Nalibing tayo,” aniya, “kasama ni Kristo sa binyag.” At hindi lamang yan, “binuhay tayong muli kasama niya, matapos patawarin ang ating mga kasalanan.”

Di ba maliwanag ito? Na tayo ay may kaugnayan na sa kaniya?

Dahil dito, ang turo ni Jesus ay ito. Kung tayo raw ay mananalangin, tumawag raw tayo sa Diyos ng “Ama Namin.” “Papa,” “Ama,” “Itay.”

Ito ang kaugnayang hindi Niya mapahihindian. Ito ang dahilan kung bakit tayo ay karapat-dapat magdasal at lumapit sa Kanya nang may pananampalataya at pagtitiwala.