frchito

Posts Tagged ‘Ika-17 Linggo ng Taon K’

AMA NAMIN!

In Karaniwang Panahon, Taon K on Hulyo 27, 2013 at 16:41

images-10Ika-17 Linggo ng Taon K

Hulyo 28, 2013

AMA NAMIN!

Sa ating bayan, mahirap ang lumapit sa mataas na taong hindi mo kilala. Lagi kang naghahanap ng padrino, ng taong tutulong sa iyo at maghahatid sa iyo. Bihira sa ating kultura ang taong bigla at basta na lamang papasok sa opisina ninuman nang walang namamagitan.

Hindi tagapamagitan ang hinahanap natin, kung tutuusin nating mabuti. Hindi tayo naghahanap ng fixer, ika nga. Hindi tayo naghahanap ng taong gagawa ng bagay na dapat nating gawain. Ang ating tunay na hanap ay isang taong may kaugnayan sa sinumang gusto nating marating o makapulong.

Si Abraham ay itinuring ni Pablo bilang ating Ama sa pananampalataya. Sa kwento sa unang pagbasa, narinig natin kung paano siya naki-usap, kung paano siya nagmakaawa sa Diyos, maligtas lamang ang mga taong mabubuti, kahit sasampu na lamang ang natitira. Nakita natin kung paano namagitan si Abraham, at kung paano niya pinalambot ang loob ng Diyos kung kaya’t ang kaparusahang nararapat sa mga taga Sodom at Gomora ay hindi matuloy.

Nanalangin si Abraham. Nagmakaaawa. Namagitan at nanikluhod sa Diyos na maawain.

Iba talaga ang may pinagsamahan. Kung tutuusin, si Abraham ay hindi na banyaga sa Diyos, at ang Diyos ay hindi na iba kay Abraham. May pinagsamahan sila. May kaugnayan. May pinagsaluhang pangarap at panawagan. Magmula nang siya ay tumugon sa panawagan ni Yahweh, na siya ay lumisan sa Ur at magtungo sa bayang pangako, naging karapat-dapat si Abraham upang manikluhod at humiling sa Diyos.

At ano ang dahilan nito? Sapagka’t sila ay may pinagsamahan na.

Mahirap ang maki-usap para sa sinuman. Pero nagiging madali kung ang ating pinakikiusapan ay may kaugnayan na sa atin, kung may pinagsamahan na tayo.

Tunghayan natin ang kwento sa ebanghelyo. Dalawang tao ang sinasabi nanghihingi ng tulong. Ang una ay naggambala ng kapitbahay sa kalagitnaan ng gabi dahil wala siya ni anumang puedeng ipakain sa bisita. Mapilit ang kanyang tono sa panghihingi ng tulong … makulit. Sino sa atin ang hindi magbibigay na lamang wag lamang tayo kulitin nang ganoon? Ang isa naman ay may kinalaman sa kakayahan nating magbigay nang kung ano ang hinihingi ng isang anak.

Ano ang sikreto? Ano ang dahilan at sila ay pinagbigyan?

Nasa unahan ng ebanghelyo ang sagot. Ano ba ang turo sa atin ng Panginoon? Napakasimple. Para bagang sinasabi niya na hindi tayo makadidiretso sa sinuman kung wala tayong relasyon, kung wala tayong kaugnayan, kung wala tayong pinagsamahan.

Ito ang sinabi ni Pablo sa ikalawang pagbasa. Hindi na tayo iba sa Diyos. Hindi tayo mga banyagang hindi niya kilala. “Nalibing tayo,” aniya, “kasama ni Kristo sa binyag.” At hindi lamang yan, “binuhay tayong muli kasama niya, matapos patawarin ang ating mga kasalanan.”

Di ba maliwanag ito? Na tayo ay may kaugnayan na sa kaniya?

Dahil dito, ang turo ni Jesus ay ito. Kung tayo raw ay mananalangin, tumawag raw tayo sa Diyos ng “Ama Namin.” “Papa,” “Ama,” “Itay.”

Ito ang kaugnayang hindi Niya mapahihindian. Ito ang dahilan kung bakit tayo ay karapat-dapat magdasal at lumapit sa Kanya nang may pananampalataya at pagtitiwala.

Advertisements

ANG DIYOS BA AY “UNLI” O “ONLY”?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Hulyo 18, 2010 at 22:29

Ika-17 Linggo ng Taon(K)
Julio 25, 2010

Mga Pagbasa: Gen 18:20-32 / Col 2:12-14 / Lucas 11:1-13

Uso ngayon ang “unli” kahit saan. Unlimited calls, unlimited texts, unlimited rice, at marami pang iba. Sa dami ng mga network na naglalaban-laban, unahan sila sa pagkakaloob ng kung ano-anong gimik upang mabili ang kanilang SIM at load. Sa dami ng mga kainan sa buong bansa, unahan din ang mga food chains ng kung ano-anong gimik na katumbas ng “unli.” Nadyan ang Mang Inasal na nagpauso ng unlimited rice. Sumunod ang marami, kasama ang maraming kainan sa Cebu, na unahan sa pagkakaloob ng unlimited rice.

Ayaw ng tao ngayon ang anumang tasado. Hindi na kikita ang mga restoran na ang nakalagay sa plato ay kaning hugis tasa, na may katabing ilang hiblang hilong gulay, at ilang maliliit na pirasong ulam. Tulad ng mga “load,” gusto ng tao ngayon ay panay unli, walang limit, walang bakod, walang hangganan.

Kung walang limit, hindi ito nakukuha sa bilang. Sa unang pagbasa, tumawad si Abraham … kung may limampu, aniya, maglulubag ba kaya ang loob ng Diyos? Tugon ng Diyos ay hindi nabakuran ng bilang, ng numero o anumang pasubali. Naglubag ang loob ng Diyos, hanggang sa ang tawad ng Diyos ay bumaba sa sampu!

Iisa ang tinutumbok ng pagbasang ito: unli ang pag-ibig ng Diyos … walang hangganan, hindi tasado, hindi bilang, hindi nababakuran. Sa pakiusap ng taong nagsusumamo sa panalangin, naglulubag ang loob ng Diyos; humuhupa ang kanyang galit, at nagkakaloob ng hinihiling sa Kaniya.

Ito ang pangako ng Diyos sa isang nagsusumamong Abraham: “Hindi ko wawasakin ang lunsod dahil sa sampung iyon.”

Ngunit sa kabila ng paghahanap natin ng lahat ng uri ng “unli,” hindi maipagkakaila na marami sa ginagawa natin ay tasado, bilang, at sukat. Binibilang natin ang minuto habang nag-sesermon si Father. Sinusukat natin ang takbo ng oras kung tayo ay gumagawa ng bagay na hindi natin lubos na gusto. Tinatasahan natin ang isa’t isa kung hindi tayo lubos na magaan ang loob sa isa’t isa. Binabakuran natin ang buhay natin… Tingnan nyo na lang kung gaano karaming bakod at guardia ang nagbabantay sa ating mga subdivision sa buong Pilipinas!

Mapagkait tayo … madamot …. Mapagkwenta, kung ang pag-uusapan ay ang pakikitungo natin sa Diyos. Ni hindi natin kaya manatili sa simbahan ng higit sa isang oras. Ni hindi tayo makahintay na matapos ang panghuling awit bago lumabas ng simbahan. Ni hindi tayo makarating sa Misa nang tama sa oras.

Gusto natin ang unli, pero hindi unli ang pagmamahal natin sa Diyos.

Ang magandang balita natin ngayon ay kabaligtaran ng mga saloobin nating madamot at mapagbilang. Para sa Diyos, pati tayong dati rati ay patay sa kasalanan, ay muli niyang binuhay. Sabi ni San Pablo ay “pinatawad niya ang ating mga kasalanan at pinawalang-bisa niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus.”

Walang pasubali … walang hangganan … walang limitasyon ang pag-ibig niya sa atin. Ni pagkadipa niya sa krus ay kanyang sinukat. Wala siyang ipinagkait. Walang ikinubli, at lalung walang binawi.

Medyo sukat din ang ating mga hiling. Lahat ay nabibilang. Lahat ay nasusukat. Subali’t sa turo ng Panginoon sa atin, unli rin ang kanyang turo … Ama namin sa langit … sa langit, hindi sa lupang ibabaw. Bago humiling ng kung ano-ano, ay ipinagkaloob muna sa Diyos ang nararapat sa kanya – pagsamba, pagpupuri, pagbubunyi. “Sambahin ang ngalan Mo.” Sa halip na makamundong hiling ay binigyang-halaga ang higit na mahalagang katotohanan … “mapasaamin ang kaharian Mo.”

Unli ang hiling natin … unlimited happiness, unlimited na karangalan para sa Diyos, una sa lahat, bago sa tao.

Pero, sa kabilang dako, unli rin ang hanap natin kalimitan. Unli ang hanap ng mga korap na politicong walang kabubusugan. Unli ang hanap ng mga tiwaling hindi yata napupuno ang kaban, kahit na puno na ang salop ng taong-bayan, at handa nang kalusin ang kanilang salop. Unli ang gusto ng maraming politikong sila na lamang yata ang may karapatan at may kaalaman na “maglingkod sa bayan.” Mayor na si Sir, ay mayora pa rin si Misis, at mayor at congressman pa si Junior at si Baby. Unlimited ang poder na hanap ng mga rebelde. Walang balakid, walang harang, walang sasalungat.

Sa kabilang dako, sukat na sukat tayo kung magbigay. Subali’t kung ang isang ama raw ay hindi magkakait ng anumang hiling ng isang anak, gaano pa kaya ang Diyos?

Unli, hindi only, ang Diyos natin. Hindi siya sukat kung magmahal. Unli ang Diyos kung magkaloob, at unli ang hangad Niya para sa Kanyang mahal na bayan. Hindi tasado ang kanyang biyaya. Hindi di metro ang kanyang pagmamahal. “kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa langit!”

Boracay, Malay, Aklan Province
Philippines
July 16, 2010