frchito

Archive for the ‘Karaniwang Panahon’ Category

SA PANIG NG KALIWANAGAN, HINDI NG KADILIMAN!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Nobyembre 10, 2011 at 08:57

Ika-33 Linggo ng Taon (A)
Nobyembre 13, 2011

Mga Pagbasa: Kaw 31:10-13.19-20.30-31 / 1 Tes 5:1-6 / Mt 25:14-30

Hindi ko alam kung ang aking mga tagabasa ay nakaranas nang umakyat ng bundok sa kadiliman ng gabi. Kapag walang buwan, at masinsin ang kakahuyan sa kabundukan, ang pag-akyat sa bundok sa gabing madilim ay isang mapanganib at nakatatakot na gawain. Hangga’t maaari, ipagpapaliban na ng isang mountain climber ang pagtahak ng landas paakyat sa pagdatal ng araw at kaliwanagan.

Noong kami ay mga bata pa sa aming munting bayan sa Mendez, Cavite, noong ang kuryente ay dumarating lamang sa loob ng 12 oras sa bawa’t araw, walang mga ilaw ang mga daan, at kapag walang buwan, ang kapaligiran ay tunay na balot ng matinding kadiliman.

Mahirap ang paapu-apuhap sa dilim. Mahirap ang pakapa-kapa saanmang balot ng kadiliman. At mapanganib ang maglakad paakyat ng bundok nang walang ilawan. Ito marahil kung bakit ang mga gumagawa ng kabuktutan ay laging kumikilos sa gitna ng kadiliman, at ayaw kumilos sa ilalim ng sikat ng araw.

Nguni’t hindi lamang material at pisikal na ilaw ang pinahahalagahan natin sa usaping ito. Malinaw ito sa mga pagbasa natin sa araw na ito. Sa kulturang Pinoy, ang Nanay ay tinaguriang “ilaw ng tahanan.” Sa aklat ng Kawikaan na ginamit sa unang pagbasa, maituturing na maningning na ilawan ang isang asawang uliran at mabuti. Higit pa sa kagandahang kumukupas ang liwanag na makikita sa isang asawang mabuti at kapaki-pakinabang.

Kadiliman at kaliwanagan din ang ipinaghahambing ni San Pablo sa ikalawang pagbasa. Ang mga handa sa pagdating at pagbabalik ng Panginoon ay hindi aniya nabubuhay sa kadiliman, kundi sa kaliwanagan.

Sa ebanghelyo, ang talinghagang ating narinig ay may kinalaman sa tatlong alipin na pinagkatiwalaan ng yaman ng kanilang amo. Bukod sa iba pang mga kahulugan na malimit nating marinig tungkol dito, maari din nating maunawaan ito bilang isang paghahambing ng taong nabubuhay sa dilim o sa kaliwanagan.

Ang unang alipin ay binigyan ng limang libong piso; ang ikalawa ng dalawang libo, at ang ikatlo ng isang libong piso. Ang naunang dalawa ay nanatili sa liwanag … ikinalakal nila ang ipinagkatiwala sa kanila … pinarami at pinatubo … pinalaki at pinagyaman … Nguni’t ang tumanggap ng iisang libo ay nanatili sa dilim … ibinaon, itinago, ipinagkait … at higit sa lahat, pinagbintangan pa ang kanyang amo sa pagiging ganid at mapagkamkam. Sa halip na pagyamanin, ang pera ay pinanatiling tulog sa kadiliman ng kawalang-tiwala at paghuhusga sa sariling amo.

Nais kong isipin na sari-saring kadiliman ang bumabalot sa atin ngayon tuwing ayaw nating pagyamanin ang angking yaman natin na galing lahat sa Diyos.

Alam natin kung gaano kalaking kadiliman ang bumabalot sa lipunan natin ngayon … Pinaka masahol na airport diumano ang NAIA sa buong mundo. Pang-apat na pinakamahirap magnegosyo sa Pilipinas kumpara sa lahat ng bansa sa buong mundo. Pinaka delikado ang bansa natin para sa mga mamamahayag … Isa tayo sa pinaka malaki ang nawawala taun-taon sa korupsyon at katiwalian, sa lahat ng antas ng lipunan, ma pribado man o publiko. Ang kumuha lamang ng isang business permit sa bansa natin ay paggugugulan ng isang negosyante ng mahabang oras at maraming pera, at ang batas o patakaran ay napapalitan lagi sa pag-upo ng mga bagong administrasyon. Pati mga kontratang ginawa ng nakaraang administrasyon ay biglang nakakansela o napawawalang-bisa, dahil bago ang nakaupo sa Malacanan.

Mahirap maglakad sa dilim sa gitna ng kagubatan, nguni’t lalong mahirap ang kumilos at magpakabuti sa lipunang balot na balot ng sari-sari at iba-ibang uri ng kadiliman!

Mahirap ang magpaka Kristiyano kung alam mong mayroong mga taong kinamumuhian ang mga tagasunod ni Kristo at hindi lamang nilalapastangan, kundi pinapaslang, at pinupugutan ng ulo ng mga taong relihiyon din ang sinasabing dahilan ng kanilang pagkamuhi. Kay hirap maging tapat sa lipunang pinamumugaran ng mga taong handang pumatay sa ngalan ng kanilang diyos.

Ilang beses din ako naka-akyat ng bundok sa matinding kadiliman. Sa isang pagkakataon, papalapit na kami sa tuktok ng bundok Pulag habang rumaragasa ang signal number 3 na bagyo! Sa pagkakataong ito, malaki ang tulong ng mumunting mga ilawan, mga lente o lamparang de baterya na siyang naggagabay sa gitna ng kadiliman.

Nais kong imungkahi na ang ilawang ito ay ang pag-asa na patuloy na naggagabay sa ating lahat. Mahirap magpaka tino at magpaka Kristiyano, nguni’t posible ito … Kaya natin ito … kung mayroong lamang tayong tangang ilaw ng pag-asa.

Huwag sana natin kalimutan ang turo ni San Pablo … “Nguni’t hindi kayo nabubuhay sa kadiliman … Kayong lahat ay kabilang sa panig ng kaliwanagan – sa panig ng araw – hindi sa panig ng kadiliman o ng gabi.”

Ahon na at bumangon tungo sa kaliwanagang ito!

PANGINOON, IKAW LAMANG!

In Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Taon A, Uncategorized on Nobyembre 4, 2011 at 11:33

Ika-32 Linggo ng Taon (A)
Nobyembre 6, 2011

Mga Pagbasa: Karunungan 6:12-16 / 1 Tes 4:13-18 / Mt 24:42a-44

PANGINOON, IKAW LAMANG!

Mahalaga ang magkamit ng kakayahang kumilatis ng mga bagay-bagay. Sa panahon natin, palasak ang mga peke, tulad ng pekeng Rolex, pekeng Nike, at kung ano-ano pang palsong mga produktong nagpapanggap na orihinal nguni’t gawa lamang naman pala sa China.

Sa dami ng mga kadayaang gawa ng mga negosyante, kung minsan, napakahirap mamili kahit ng mga pagkain. Mahirap malaman kung ang mga pusit na galing China ay tunay na sariwa o nabuhusan ng formaldehyde o ano-ano pang mga kemikal. Mahirap makilala sa mga pulpol na politico ang tunay nagsasabi ng katotohanan, o nambobola lamang.

Kailangan natin ng tunay na karunungan upang mabatid kung alin ang tama, alin ang palso, alin ang peke, at alin ang palpak.

Sa araw na ito, makalangit na karunungan ang ikinikintal sa atin ng mga pagbasa. Sa unang pagbasa, narinig natin ang isang himig para sa karunungang makalangit – karunungang “maningning at di kumukupas.” Alam nating lahat na ang peke, na tubog lamang sa ginto o sa pilak, ay hindi nananatiling makintab. Hindi naglalaon, ito ay kumukupas, naglalaho ang kinang, at napupuno ng pekas.

Ito rin ang nagaganap kung ang hanay ng ating pagpapahalaga ay nababaluktot … kapag ang mga pinahahalagahan natin ay katumbas ng pwet lamang ng baso, o pekeng tanso, o walang iba kundi plastic, kapag ang itinatampok natin o ginagawang diyus-diyusan ay dapat pangalawa lamang o pangatlo liban sa tunay na Diyos.

Malinaw ang paalaala sa atin ng tugon matapos ang unang pagbasa: “Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang!”

Pero napakadali sa atin ang mabulagan dahil sa mababaw na pagtingin natin. Sa biglang-wari, ang paghihirap ay isang parang sumpa. Sa biglang wari, ang kamatayan ay ang kasukdulan ng kawalang kahulugan. Sa biglang tingin, pagkatalo ang magapi ng sakit, ng ano mang uri ng kahirapan, at ng kamatayan.

Tunay na pagkilatis, bunsod ng makalangit na karunungan ang kailangan natin.

Ito ang pagkilatis na turo ngayon ni San Pablo. Sa mata ng pananampalataya, binigyang-kahulugan ni Pablo ang kamatayan, batay sa kahulugan ng kamatayan mismo ng Panginoon: “Naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay. Kaya naman, naniniwala tayong bubuhayin din ng Diyos ang lahat ng namatay na nananalig kay Jesus – upang isama sa kanya.”

Nguni’t dapat nating aminin na mahirap makita ang lahat ng ito. Mahirap makita bilang isang pagpapala ang kahirapan, ang pagdurusa, lalu na’t alam natin na ang nagdurusa ay taong inosente at walang kamuang-muang sa nagaganap – tulad ng mga sanggol, na dahil sa kasalanan at kapabayaan ng kanilang mga magulang, ay nagdaranas ng sari-saring kapaitan sa buhay.

Mahirap makita ang diamanteng nagkukubli sa kapaitang ito. Mahirap makita ang pagpapalang nagtatago sa likod ng pagdurusa.

Nguni’t napakadaling mapagkamalian ang puwit ng baso at makita ito bilang isang mamahaling Kristal. Madaling mapagkamalian ang bagay na material at hindi nagtatagal bilang kasukdulan ng kayamanan at walang hanggang kaligayahan. Madaling gawing Diyos ang sa mula’t mula pa ay isang payaso o anino lamang ng tunay na Diyos na buhay.

Madaling mabulag dahil sa makikintab at makikinang na pekeng tanso o palsong ginto na tubog lamang naman sa manipis at mababaw na kagandahan.

Sampung dalaga ang naatangan upang magbantay sa pagdating ng lalaking ikakasal. Ang lima ay nasiyahan na sa puwit ng baso o palsong ginto. Nasiyahan na sila sa isang ilawang walang pampuno ng langis sa sandaling magkulang. Nabulag na sila sa ilaw na hatid ng kanilang ilawang napakadali palang maubusan ng langis.

Ang lima ay may angking karunungan. Nagsikap. Nagpaanyo. Naghanda. Hindi nasiyahan at lalung hindi nabulagan sa lumalagablab na apoy ng kanilang mga sulo. Naghanap ng paraan at naghanda sa sandaling maubusan. Naghirap nang kaunti sa pagdadala ng extrang langis. Inisip ang kahihinatnan ng kanilang ginagawa. Nakita ang maaaring maganap, o puedeng mangyari. Malayo ang kanilang tingin, at hindi nasiyahan sa kinang ng pekeng ginto ngayon at dito.

May angkin silang tunay na karunungan! At ito ang malaking kaibahan sa pagitan ng limang bobo at limang marunong!

Bobo tayo kung hindi natin makita ang tunay na siya nating hinahanap. Bobo tayo kung tayo ay manatili lamang sa kung ano ang sininisinta, kung ano ang ginugusto, at hindi ang siyang tunay nating panagimpan at pangarap ng puso. Ang ginugusto at sinininta, kalimitan, ay tulad lamang ng puwit ng baso – mababaw, pahapyaw, at madalian.

Natumbok ng salmista ang tunay nating panagimpan, at tunay nating inaasam at siyang makapagbibigay-katuparan sa kaibuturan ng pagkatao natin – walang iba kundi ang Diyos!

“Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang!”