frchito

Archive for the ‘Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

SUMAMA NA’T MAKIBAKA!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Taon K on Disyembre 7, 2012 at 19:40

yfphoto3newIkalawang Linggo ng Adbiyento (K)

Disyembre 9, 2012

Mga Pagbasa: Baruch 5:1-9 / Filipos 1:4-6, 8-11 / Lucas 3:1-6

SUMAMA NA’T MAKIBAKA!

Mahirap ang sumulat kapag ang isipan ay puno ng agam-agam at kalungkutan. Habang nakatuon ang mga daliri ko sa teclado ng kompyuter, tila walang pumasok sa isipan, yamang ang puso ay binabagabag ng maraming bagay. Halos 500 daan na ang kompirmadong nasawi dahil sa bagyong Pablo, at mahigit 250,000 pamilya ang nawalan hindi lamang ng tahanan, kundi ng lahat na kailangan upang mabuhay. Habang nagsusulat ako, balitang isa na namang malakas na lindol ang yumanig sa Japan, at nagbabantang may isa na namang tsunami ang posibleng dumating sa maraming lugar.

Mahirap ang umasa at mapanatag ang kalooban kung ganitong susun-suson ang pangambang dumarating sa buhay

Suliranin rin marahil ni Baruch ang umasa at magtiwala. Bilang kalihim ni Jeremias, malamang na dinama rin ni Baruch ang pangambang sumagi sa puso ni Jeremias. Malamang na tulad ng kanyong bosing, tumangis rin Baruch tulad nang tumangis at nanaghoy si Jeremias, dahil sa malaking pagsubok na kanyang pinagdaanan. Tulad ni Jeremias, nakita ni Baruch sa kanyang sariling mga mata ang kapaitan ng pagkatapon sa Babilonia.

Pero anu bang uring lohika o takbo ng kaisipan ang nagbunsod kaya kay Baruch na magwika ng mga pangungusap na tigib ng pag-asa? Ano bang batayan niya at sa araw na ito ay bukambibig niya ang kagalakan at katiyakan? – “Hubarin mo,” aniya, “ang lambong ng pagluluksa at isuot mo ang walang hanggang kaningningan ng Diyos.”

Parang batong buhay na lumagpak sa aking harapan ang mga salitang ito – sapagka’t ako man, ay halos manghinawa na sa susun-susong mga pagsubok na dumadaan sa ating bayan at higit sa lahat sa mga Kristiyano, na patuloy na inuusig ng materyalismo at sekularismo.

Madali para sa akin ang madala ng panghihinawa. Madali sa akin ang panawan ng pagtitiwala. Nguni’t sa Linggong ito, ikalawang linggo ng panahon ng pagdating, hindi isipan at lohika o takbo ng pangangatwiran ang dapat pairalin. Walang lohika sa pagdurusa. Walang katuturan ang paghihirap, lalu na’t ang naghihirap ay mga inosenteng taong walang kamuang-muang at walang kinalaman sa mga panghaharabas ng mga makapangyarihan sa mga kagubatan natin at kabundukan. Nakapanlulunos makitang daan-daan ang mga patay na namatay dahil sa kaswapangan ng kanilang kapwa, dahil sa pagwawalang bahala ng mga negosyante at politicong tanging bulsa lamang nila ang iniisip ang hindi ang kapakanan ng lahat at kinabukasan ng daigdig.

Sa Linggong ito, hindi kukote, hindi talino, hindi lohika at isipan ang siyang dapat maghari, bagkus ang kagalakan, ang katiwasayan, at pag-asa at pagpapaubaya ng sarili sa Poong Maykapal.

Maging si Pablo ay kagalakan ang turo: “Ang aking mga panalangin para sa inyo ay laging puspos ng kagalakan dahil sa inyong tulong sa pagpapalaganap ng mabuting balita tungko kay Kristo.” Kagalakan, hindi kalungkutan … Pagtitiwala at pag-asa, hindi panghihinawa.

Dapat natin marahil tingnan ang kung anong kalalagayan ang sinapit ni Juan Bautista.  Magulo rin ang Israel noong panahong yaon … Apat ang namumuno sa lugar na pinaghati-hati sa apat ng mga Romano, at walang kaisahan … parang Pilipinas, na wala pa ring kaisahan.

Nguni’t ito ang matindi … dito dumating si Juan Bautista, sa loob ng kaguluhang ito. Dito siya nangaral. At hindi lamang siya tumalungko at nanood sa tabing-daan. Hindi. May ginawa siya. Nangaral … nagpagal … “Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas.”

May trabaho siyang dala … may dapat gawin … bukod sa umangal ay mag-reklamo …

Sasama ka ba sa kanya? Naghihintay ka rin ba ng isang magandang umaga? Nag-aasam ka ba sa isang panibagong lupa at panibagong langit?

Hali! Sama na! Sumunod na’t sumama … Makibaka … patagin ang baluktot na landas ng buhay mo at buhay nating lahat.!

Ito ang tunay na pag-asa, hindi batay sa ngawa at dada, kundi batay sa gawa, na siyang pundasyon ng tunay na kagalakan at pag-asa!

TUTUPARIN, PASISIBULIN, PAIIRALIN!

In Adviento, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Propeta Jeremias, Tagalog Homily on Nobyembre 30, 2012 at 18:35

jeremiah-michelangeloiUnang Linggo ng Adbiyento (Taon K)

Disyembre 2, 2012

Mga Pagbasa: Jer 33:14-16 / 1 Tesalonika 3:12-4:2 / Lc 21:25-28, 34-36

TUTUPARIN, PASISIBULIN, PAIIRALIN!

Dama nyo ba ang pinapasan ni Jeremias? Hindi ko masasabing damang dama ko, pero sa pakiwari ko’y may konti akong pakiramdam. Mahirap ngayon ang manindigan, di ba? Ang daming kontra … ang daming maraming alam, at sa dami ng mga nasa cyberspace ngayon, na kanya-kanyang mga alyas at avatar, mas madali ngayon ang manira, ang sumalungat, ang bumatikos. Pati ba naman ang canonisasyon ni San Pedro Calungsod ay binabatikos ng mga taong antemano ay may kimkim na galit sa ating mga Katoliko.

Pero tingnan nating mabuti. Ang pinagdaanan ng mga Israelita na mapatapon sa Babilonia ay karanasang hindi natin pa nararanasan. Ito ang pinagdaanan ni Jeremias, na hindi nagkulang ng paalaala sa kanyang mga katoto na magbalik-loob sa Diyos.

Nguni’t naganap nga ang siyang naganap, dahil sa kabuktutan ng tao, at pagkamasuwayin. Nagkasala sila ng paulit-ulit, at sila’y ipinatapon sa lupaing banyaga, sa ilalim ng mga taong walang pagkilala sa tunay na Diyos. Ewan ko kung ano pakahulugan ninyo dito, pero sa ganang akin, ito ay isang paghamong walang katulad, ang mayurakan ang kasarinlan, at matapakan ang pinagpipitagang pananampalataya.

Ayon sa mga pag-aaral at pagsasaliksik, sa loob ng 40 taong darating, ang Pilipinas ay hindi na malalayo sa tayo ng Espana at Italya at Kanlurang Europa ngayon – halos walang Diyos, walang pananampalataya, at walang pitagan sa Maylikha. Marami sa mga kabataan ngayon ay nagsisimba (daw) lamang sa labas ng simbahan, at hindi nila binibitawan ang cellphone. Wala nang nakikinig sa aming mga pari, at lalung hindi sa mga obispo. Hirap kaming ipaliwanag ang mayamang pangaral ng simbahan, pangaral na lubha nilang kinakailangan upang mapalapit sa Diyos.

Tuyot na tuyot ang pangitaing hinaharap natin ngayon. Nakapanlulumo. Nakalulungkot, at kapanga-pangamba.

Subali’t ang taon ng Simbahan ay patuloy na nagpapaalala sa atin. Sa tuwing sasapit ang Adbiyento, muling binubuhay sa puso natin at kaisipan ang hibla ng pag-asa, at himig ng katuparan. Di ba’t ito ang mga katagang binanggit ni Jeremias, na kamakailan lamang ay nasabi nating lubusan nang nanghinawa at pinanawan ng pag-asa? Darating daw ang araw, kung kailan tutuparin ang pangako ng Diyos. Darating rin ang araw kung kailan pasisibulin ang matuwid na sanga ni David. Di lamang ito, paiiralin din daw niya ang katarungan at katuwiran.

Ito ay mga salitang puno ng pangako at lalung puno ng pag-asa.

Ito ang pag-asang natupad, natutupad, at muli pang matutupad sa pagdating ng panahon.

Natutupad nga ba?

Bakit hindi? Habang sinusulat ko ito, nanonood ako sa livestream ng Misa sa Cebu, bilang pagpapasalamat sa Diyos sa karangalang ipinagkaloob kay San Pedro Calungsod. Buhay pa rin kahit papaano ang pananampalataya! Libo-libo ang sumama sa prusisyon, sa Misa, at sa iba pang pagdiriwang sa kanyang karangalan. Ilang mga maysakit ang sa kabila ng paghihirap ay patuloy na umaasa at tumitingala sa langit, na wari baga’y ipinagpapasa Diyos na ang lahat, lalu na ang kanilang paghihirap!

Ito ang katotohanang hatid sa atin ng mga pagbasa – Diyos na mismo ang “magpapalakas ng ating loob” at tayo ay may kakayahang “manatiling banal at walang kapintasan.”

Ako man ay personal na nagdaan sa iba-ibang uri ng pagsubok. Nagtampo rin ako sa Diyos lalu na’t alam kong ang pagdurusang sinapit ko ay hindi dahil sa anumang masama at maitim kong balak, kundi galing sa makataong inggit at kakulangan lamang ng pagkakaintindihan.

Ito ang malinaw na turo sa atin sa araw na ito. Dumating man ang mga tanda, sumapit man ang anumang mga nakasisindak na signos o mga tanda mula sa kalawakan, ay nananatili ang katotohanang ito … at wala nang iba:

TUTUPARIN KO ANG PANGAKO, PASISIBULIN KO ANG MATUWID NA SANGA NI DAVID, AT PAIIRALIN KO ANG KATARUNGAN AT KATUWIRAN.

Meron pa bang hahalaga pa kaysa rito? Meron pa bang dapat hanapin pa? Tanging Siya lamang … Tanging Diyos lamang … Purihin nawa ang kanyang ngalan!