frchito

Archive for the ‘Propeta Jeremias’ Category

PASYON, HINDI PARANGAL!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Propeta Jeremias, San Pedro, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Agosto 30, 2014 at 09:54

stock-illustration-7042447-get-behind-me-satan

Ika-22 Linggo ng Taon A
Agosto 31, 2014

PASYON, HINDI PARANGAL!

Marami tayong hindi nauunawaan agad. Marami tayong tanong at agam-agam sa buhay. Tulad ni Jeremias, marami rin tayong daing at angal sa Diyos: “Panginoon, ako’y iyong hinikayat, at sumunod naman ako.” Si Saul man, ay isang taong hindi agad nakuha ang lahat at ang kabuuan. Si Saul ang numero unong tagapag-usig sa grupong itinatag ni Kristo.

Noong nakaraang Linggo, nakita natin kung paano iniangat ni Kristo ang dangal ni Pedro. Tumaas siya, ika nga, sa puwesto. Tinawag siyang bato, at sa batong iyong diumano, ay itatatag ni Kristo ang kanyang simbahan. Nakuha ni Pedro ang bahaging ito. Madaling makuha ang bagay-bagay lalo na’t dagdag dangal, dagdag sahod, at dagdag sa ating pagkatao!

Pero ngayon, tila hindi nakuha ni Pedro ang kabuuan. Tulad mo. Tulad ko. Hindi ko maintindihan kung bakit dapat ako magdusa sa pagsisikap itama ang mali, at sa pagsisikap ibangon ang isang lupaypay na sa maling mga pamamaraan. Tulad ni Jeremias, ngali-ngali kong dasalin, “Panginoon, naloko mo ako… Panginoon, naisahan mo ako!”

Balik tayo kay Pedro … Tinawag na Bato. Pero ngayon, nang nagwika si Kristo na siya ay magdurusa, pahihirapan, at ipapapatay, naghalo ang balat sa tinalupan! Nagalit si Pedrong Bato! “Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos!” Naunawaan niya ang parteng dapat siya ay bato. Pinangatawanan niya ang kanyang pagiging muog at pundasyon. Pero hindi niya nakita ang kabuuan, ang kahulugan, ang karunungang nagkukubli sa kahirapan, at tila pagkasadlak sa pagkatalo at pagkagulapay sa pagdurusa o kawalan ng tagumpay.

Ilang beses tayo umangal sa Diyos at nag-reklamo? “Higit kang malakas kaysa sa akin, at ikaw ay nagwagi.” Siguro ay tumakbo sa isipan ni Pedro ito … “Akala ko ba, bato ako?” Kung gayon, bakit kaya si Kristo ay nagwiwika tungkol sa pagkatalo?

Marami tayong nakukuha sa simula, pero marami rin tayong hindi lubos na nauunawaan. At hindi kaiba sa atin si Pedro. Hindi rin kaiba sa atin si Jeremias at si Saul. Sa simula, si Saul ay isang mabangis na taga-usig. Sa simula, si Jeremias ay panay reklamo ang wika.

Tulad mo. Tulad ko. Ngayon ay sana’y pakinggan natin ang ikalawang bersyon ni Jeremias: “Parang apoy na naglalagablab sa puso ang iyong Salita.” Tunghayan rin natin ang ikalawang bersyon ni Pablo: “Ialay ninyo ang sarili bilang handog na buhay … Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito.”

Oo … tingnan natin muli at unawain ang kabuuan … ang hantungan … ang panawagan sa likod ng tila hindi natin maunawaang kahirapan …

“Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.”

Ano ang tawag sa atin ni Kristo? Hindi ang sumunod sa kanyang yapak … Hindi rin ang sumunod sa kanyang mga salita lamang, kundi ang sumunod sa KANYA! At ano ba ang naging hantungan ng kanyang buhay sa mundo? Pasyon, hindi parangal!

At ano ang kabuuan ng lahat nang ito? Hindi lang parangal, kundi walang hanggang dangal, at walang hanggang buhay!

Nakuha mo ba?

APOY SA LUPA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Propeta Jeremias, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Agosto 17, 2013 at 11:38

getdataIka-20 Linggo ng Taon K
Agosto 18, 2013

APOY SA LUPA

Kahindik-hindik ang mga balitang dumarating sa atin sa mga nakaraang araw. Isa na rito ang pagragasa ng matinding katiwalian sa libel na hindi natin inaasahan – kung paanong ang kaban ng bayan ay pinaghati-hatian ng mga tampalasan, lalu na’t ang ilan sa mga ito ay tinatawag nating “kagalang-galang” na “mambabatas.”

Nguni’t nakababahala rin sa biglang wari ang mga pagbasa natin ngayon. Nariyan si Jeremias na itinapon sa isang putikang balon, dahil lamang na hindi siya nagsalita ayon sa kagustuhan ng hari, dahil hindi niya sinabi ang gustong marinig ng makapangyarihan.

Narinig rin natin sa ikalawang pagbasa ang tungkol sa pangangailangan “magpatuloy tayo sa takbuhing nasa ating harapan.” Narinig rin natin na dapat natin “iwaksi ang kasalanan at anumang bumabalakid sa atin.”

Pero ang higit na matindi ay ito: apoy raw ang dala ng Panginoon sa mundo, at pagkakawatak-watak sa pami-pamilya saanman.

Tahimik at payapa ang daloy ng tubig kapag malalim ang ilog at walang balakid sa agos. Nguni’t kapag may mga batong bumabalakid sa agos, ang tubig ay nagiging maingay, bumibilis, at rumaragasa. Kung minsan, nasusubok ang tibay at tatag ng bato o ng pader kapag rumagasa na ang tubig. Kung minsan, gusto mo man tumayo at manindigan, ang bilis at dami ng tubig ay kaya kang tinagin at anurin pag nagkataon.

Mahirap ang sumansala sa agos. Mahirap ang sumalungat sa takbo o kalakaran ng lipunan. Kapag dalawang batong buhay ang nag-umpugan, nagkiskisan at nagsalpukan, nagbubunga ito ng mga alipato, mga maliliit na apoy na puedeng pagmulan ng isang sunog.

Walang apoy na magaganap kung walang pagsalungat, kung walang salpukan o balakid. Pero ito ba ang gusto ng Panginoon sa atin ngayon? … ang makisakay na lamang at magpa-anod sa agos? … ang hindi magbigay balakid sa takbo ng masama at di tama?

Masakit ang sinapit ni Jeremias sa kanyang pagsansala. Ipinakain sa balon. Itinakwil. Mahirap ang ipagpatuloy ang takbuhin tungo sa katarungan at kapakanang pangkalahatan. Mas madali ang magpadala. Mas madali ang manatiling bulag, pipi, at bingi sa harap ng mali at hindi makatarungan. Mas madali rin ang magpadala na lamang sa kalakaran at manatiling busal ang bibig sa harap ng katiwalian.

Parang hindi ito ang hamon sa atin ngayon. Ang hamon sa atin ay ang ipagpatuloy ang takbuhin, ang tularan si Jeremias, at ang maghatid ng apoy sa daigdig at hayaang magkawatak-watak ang anuman kung ito lamang ang tanging paraan upang itaguyod ang wasto, ang tama, ang makatarungan, at ang naghahatid sa kabanalan at kapakanang pangkalahatan.

Sabi nga nila, hiwalay kung hiwalay … puti at de color … tama at mali … at maghalo na kung maghahalo ang balat sa tinalupan, kung ito ay kinakailangan! Apoy sa daigdig and hatid sa atin ng Panginoong ating tagapagligtas. At kung ang mga balita ang pagbabatayan natin, ito ang lubha nating kailangan ngayon.