frchito

Archive for the ‘Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

UPANG MAKABAHAGI SA PAGPAPALA NG MABUTING BALITA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon B on Pebrero 3, 2012 at 13:13

Ikalimang Linggo (Taon B)
Pebrero 5, 2012

Mga Pagbasa: Job 7:1-4.6-7 / 1 Cor 9:16-19.22-23 / Mc 1:29-39

Nasa gitna ako ng isang pagbibigay ng seminar workshop sa isang grupo ng mga madre at mga narses na naglilingkod para sa mga taong sinisiphayo ng lipunan – mga pinaka nangangailangan ng tulong ng kapwa, sapagka’t hindi sila matanggap ng lipunan.

Naririnig ko ang kanilang mga panimdim, ang kanilang mga hinaing at mga hinanakit na nagmula pa sa kanilang pagkabata, o sa mga mapapait na karanasan sa buhay. Nakikita ko rin ang kanilang angkin at taal na kakayahang hanguin ang sarili sa kanilang pagkagulapay sa mga matinding karanasang ito.

Habang naghihintay ako upang matapos ang ipinagawa ko sa kanila, nagpasya akong umupo at magnilay sa liturhiya para sa ikalimang Linggo ng taon, sa araw na ito, ika-5 ng Pebrero, ikalima ring Linggo ng ordinaryong panahon.

Nagkatuig na ang mga sinasaad ng pagbasa, lalu na sa unang pagbasa, ay mga hinaing pa rin – ang mga pagtangis na bukambibig ni Job, sa gitna ng lahat ng mga mapapait na karanasang ipinagkaloob sa kaniya ng Poong Maykapal.

Halos makibagay ako at madala rin sa mga panaghoy ni Job: “Pag-asa ko’y lumalabo, at matuling tumatakas. O Diyos, alalahaning ang buhay ko’y napalitan na ng lagim.”

Magulo pa rin ang mundo. Masalimuot pa rin ang mga pinagdadaanan natin. Bukod sa trahedya sa CDO at Iligan, bukod pa rin sa trahedya ng Ondoy at Pepeng, ay may iba pang mga trahedyang gawa mismo ng tao, na patuloy na nagbabanta sa buhay ng marami. Patuloy pa rin ang paglawig ng kasakiman sa lipunan, at lahat ng uri ng panlalamang at pagmamalabis.

Mahaba ang listahan ng ating mga pansarili at pangmaramihang mga suliranin. Kung minsan, nawawalan tayo ng pag-asa, at nanghihinawa tayo sa paggawa ng mabuti.

Nguni’t alam natin na si Job ay hindi nanatili sa ganuong saloobin. Nahango niya ang kanyang sarili sa kapaitan at sa maramdaming mga pagtatanong niya at pagtangis. Tulad ni Pablo, na sa kabila ng pagkabilanggo, sa kabila ng mga sakuna sa karagatan na pinagdaanan niya, at sa kabila rin ng isang mahiwagang sakit na tinawag niyang “tinik sa kalamnan,” ay nakuha pa rin niya na magwika sa wakas: “napaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng lalong marami … Ako’y nakibagay sa lahat ng tao upang ang ilan man lamang ay maligtas ko, kahit sa anong paraan.”

Wala sa atin sinuman ang walang pinagdaanang kapaitan sa buhay. Wala isa man sa atin ang makapagsasabing ganap at walang bahid ang kanyang pagkabata at pagkatao. Lahat tayo ay naglalakbay sa buhay na ito, na parang mga peregrino na nag-aasam makarating sa isang banal na lugar. Lahat ay nakaranas matisod o madapa, o mabalakid sa anumang kaparaanan. Lahat tayo ay nasugatan at nasaktan. Hindi tayo isinilang upang maging anghel, kundi upang maging normal na taong may marupok na pusong natutong magdamdam.

Nguni’t tulad sa kasaysayan ni Job, hindi ito ang wakas na kabanata ng buhay natin. Ang wakas ay nakasalalay sa mga kamay natin upang atin sulatin. Sa kwento ni Job at ni Pablo, malaking bahagi ang ginanapan ng kanilang pananampalataya at pagkilala sa Diyos. Mula sa kanilang pananampalataya nila nasalok ang matinding kakayahang bumangon sa anumang uri ng panghihinawa at panghihina. Mula sa Diyos nila nakuha ang lakas upang muling bumangon at gumanap sa tungkuling ipalaganap ang mabuting balita ng walang hanggang pag-asang mula sa Diyos, na “nagpapagaling,” at malapit sa mga sawing-palad.

Huwag sana tayo manghinawa sa paggawa ng dapat. Huwag sana tayo padala sa agos ng kawalang pag-asa sa lipunan. Huwag tayong mawalan ng lakas tulad ng lakas ni San Pablo, na nagbata ng sari-saring hirap mapalaganap lamang ang magandang balita ng kaligtasan.

Sa gitna ng kawalang pag-asang dulot ng susun-susong mga suliranin at pagsubok, gawin natin ang lahat “alang-alang sa Mabuting Balita, upang makabahagi tayo sa mga pagpapala nito.”

Talamban, Cebu
Pebrero 3, 2012

LIHIM NA NAHAYAG; HIWAGANG NABUNYAG!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Tagalog Homily, Taon B on Disyembre 14, 2011 at 07:07

Ika-apat na Linggo ng Adbiyento (B)
Disyembre 18, 2011

Mga Pagbasa: 2 Sam 7:1-5.8-12.14.16 / Ro 16:25-27 / Lucas 1:26-38

Isa sa mga aklat na matamang pinag-uusapan sa Panitikan noong araw ay ang nobela ni Lope K. Santos na pinamagatang BANAAG AT SIKAT. Ewan ko sa inyo kung nabasa ninyo iyon. Ako, hindi! Nagsasabi lang ng totoo … Mahirap basahin ito … una, iisa ang kopya sa aming library … ikalawa, naninilaw na at bawa’t buklat mo, ay tila mapipilas ang mga dahon (o pahina!). Kasama ito sa mga epiko, tulad ng BI-AG NI LAM-ANG, na pamagat lang naman ang pinag-uusapan sa klase. Wala ni isa man sa amin, kasama na ang aming guro, ang nakabasa nito!

Lihim itong nanatiling lihim at nagkukubli sa aming mga guni-guni. Para itong THE DA VINCI CODE … maraming tumuligsa; maraming bumatikos, nguni’t kakaunti ang tunay na nakatunghay at nakabasa.

Pero may gamit ang aklat ni Lope K. Santos (buong-buo lagi kung banggitin sa klase ng Pilipino ang kanyang ngalan!), kahit man lamang bilang pambukas ng pagninilay na ito. Angkop na angkop … tugmang-tugma sa aking paksang napili.

Alin? Anong paksa? Eto … binuksan ng aklat ni Samuel … ang banaag ng kaligtasang unti-unting nahayag simula sa buhay ni David. Si David ay isang talubatang pastol na iniangat ng Diyos upang gumanap sa balakin niya patungkol sa kanyang bayang pinakamamahal. Bumanaag sa buhay ni David ang simulain ng balakin ng Diyos tungkol sa kaligtasan ng sangkatauhan.

Pero, nauuna ako sa istorya … pinangungunahan ko ang hanay ng mga naganap sa pahinang ito ng buhay ni David, isang simple at walang kayang binatilyo, na ang alam lamang ay ang magpastol ng tupa, magpainom sa mga kahayupan, at maghatid sa wastong damuhan upang mabuhay at dumami.

Sa kapayakan at kahirapang ito, sa kawalang-malay at kasimplehang ito namanaag ang bukang liwayway ng kaligtasan. Kay David, na dati ay isang simpleng pastol, na natanghal bilang hari ng mga Judio, nagsimula ang malawakan at malalim na panagimpan ng Diyos para sa kanyang bayang pinili.

Pero tulad ng marami nating politico, at tulad rin ng dating mga simpleng pari na sa sandaling magkaroon ng mitra at bacullum (staff) ay biglang nagbabago, o mga dating simpleng seminarista, na oras maging pari at magkaroon ng dalawa o tatlong letra sunod sa pangalan, ay biglang lumulobo at nagiging mahangin, si David ay biglang naging ampaw na puno ng ere. Nagpasya siyang igawa ng bahay ang kaban ng tipan. Akala niya’y siya ang may tangang pinakamagandang plano sa balat ng lupa. Walang masama, walang lisya sa tama at wasto, walang anumang bahid ng pag-iimbot …

Nguni’t iba ang balakin ng Diyos. Iba ang kanyang iginuguhit na tadhana para kay David. Hindi para sa kanya ang magpasya kung sino ang gagawa ng kung ano. Kaya’t ito ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Natan: “Ako mismo ang gagawa ng isang tahanan para sa iyo … Patatagin ko ang iyong sambahayan … magiging matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia’y di mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono.”

Ang lihim na balakin ng Diyos para sa kanyang bayan ay namanaag sa katauhan ni David. Unti-unti at dahan-dahang nahayag ang balak ng kaligtasan, at isang datihang pastol na walang kaya at kapangyarihan ang naging tulay ng magandang balitang ito ng kaligtasan!

Taliwas ito sa ating pang-araw-araw na karanasan. Poder, posisyon, at panggugulang ang natutunghayan natin sa bawa’t araw na ginawa ng Diyos … mula sa may baril, mula sa may trono, at kapangyarihan; mula sa dati-rati ay mga ordinaryong mortal na nagsikap rin at naghirap ring mag-aral ng Balarila at Panitikan (na magpahangga ngayon ay hindi ko pa rin nauunawaan!) Ang mga matitikas na heneral na nagtangay ng daan-daang milyong piso mula sa kaban (hindi ng tipan kundi) ng bayan, tulad ng mga ngayon ay nabubuhay sa karangyaang ilang mga pari at Obispo, ay mga anak rin ng mga simpleng magsasaka, mga simpleng taong nagpundar unti-unti, nagpakahirap at nagsakripisyo, mapag-aral lamang ang kanilang mga anak! Ang mga diumano’y “naglilingkod” na mga tao sa bayan, na ngayon ay nagpapasasa sa yamang hindi nila pinaghirapan, di ba’t sila, tulad mo, tulad ko, ay mga anak-pawis din lamang, at mga taong hindi isinilang na may subong kutsarang pilak sa bibig?

Parang si David, na nakatikim lamang ng kaunting ginhawa ay nag-asal pakawalang timawa kapagdaka.

Masamang balita? Marahil … lalu na para sa mga tinatamaan. Magandang balita? Tumpak, lalu na sa mga dinaplisan at nauulanan ng aking mga pasaring (kasama ako rito, unang-una sa hanay ng mga makasalanan!).

Tutal, di ba’t ito ang dahilan kung bakit tayo nagtitipon ngayon dito sa simbahan? Di ba’t tayo ay nagsasama-sama ngayon sapagka’t kailangan natin ng kaligtasan at kailangan rin natin ng kaunting tulak upang gampanan ang misyon nating lahat?

Heto ang kaunting tulak … mula kay David na tinuruan ni Natan ng isang malaking dagok sa kanyang kapalaluan. Ang kaligtasan ay kaloob ng Diyos. Hindi ito makukuha sa pa-cute, pagbubuhat ng sariling bangko, at pagtahak sa daan ng kapalaluan. Ito ay nakukuha sa kababaang-loob at kahinahunan, tulad ng numero unong payak at simpleng tao na iniangat mismo ng Diyos upang maging Ina ng Mananakop. Siya ang tunay na banaag at sikat. Siya ang orihinal na nabanaagan ng liwanag ng kaligtasan na si Jesus. Sa kanyang kapayakan, sa kanyang kaamuan at kahinahunan, sa kanyang kawalang paghahangad ng rangya at kapangyarihan, siya ay hinirang ng Diyos upang maging “kaban ng Tipan,” sisidlan ng kabanalan, at tagapagdala ng walang kupas at wagas na Liwanag, si Kristo Jesus, ang Mananakop.

Sa pamamagitan ni Maria, na nabanggit sa ebanghelyo natin ngayon, ang orihinal na “banaag” – ang silahis ng unang liwanag sa madaling araw, ay natunghayan ng buong sanlibutan. Sa pamamagitan niya, ang lubos at taos na SIKAT ng kaligtasan ay nailuwal, naipagkaloob, at naihatid sa taong nabubuhay sa kadiliman ng kasalanan.

Simula kay David, ang lihim ng Diyos ay nagmulang mahayag. Sa pamamagitan ni Maria, ang hiwagang nagkukubli sa kapayakan at kasimplehan at kababaan, ay nabunyag para sa ating lahat na nababalot sa dilim!