frchito

Posts Tagged ‘Pag-asa sa kabila ng Paghihirap’

AKING KINASASABIKAN, IKAW LAMANG!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Hunyo 21, 2013 at 10:38

images-3Ika-12 Linggo ng Taon K

Hunyo 23, 2013

AKING KINASASABIKAN, IKAW LAMANG!

Ligalig ang mga salita ni Zacarias … nagwika siya tungkol sa pagtangis, iyakan, at paninibat. Pero ang kapalit ay malayo sa ligalig: pagiging mahabagin at mapanalangin, at ang karumihan ay mapapalitan ng kalinisan.

Pangako rin, at hindi pagkapako sa dusa ang dulot na aral ni San Pablo. Sa kabila ng pagkakaiba-iba, sa pagitan ng mga Judio at Hentil, babae at lalake, alipin o malaya, ang lahat ng nabinyagan, aniya, kay Kristo, ay nagkakaisa, at naging tagapagmana ng pangako ng Diyos.

Hindi madaling tanggapin ang pangaral na ito, lalu na’t hindi maganda ang takbo ng buhay natin sa ngayon. Sa kaunting ulan ay baha. Matapos ang baha ay ang sisihan, ang tapunan ng lahat ng uri ng pagbibintang. Nguni’t dahil sa tayong lahat ay nalalagay sa alanganin ang buhay, nakapag-iisip tayong lahat ng hindi maganda tungkol sa kung sino dapat ang managot sa mga problemang ito. Minsan, at kasama na ako rito, hindi maalis sa isipan natin ang mga katanungang tulad ng ganito: bakit kaya kahit taon-taon namang problema ito ay wala pa rin tayong nagawang solusyon sa mga ito? Bakit kaya sa kabila  ng mga batas ay tuloy pa rin ang pagdami ng mga namamahay sa tabing ilat, ilog, at estero. At ito ang matindi … sa kabila ng taon-taon nating parehong problema, ay bakit kaya parang walang magawa ang sinuman, at tuwing eleksyon ay bida pa sa mga kandidato ang mga taong pinagsasamantalahan lang naman nila tuwing eleksyon?

Mahirap ang buhay natin at ang higit na masahol na kahirapan ay ang kakitiran ng isipan at ang pag-iisip lamang ng pansarili at panandaliang kapakanan.

Nais kong isipin na lahat tayo ay naghahanap ng short-cut, ng madaliang daan, ng landas na maghahatid sa atin sa mabilisang ginhawa. Kausap ko kahapon ang isang kababayan kong naging kapitan ng barangay sa loob ng 18 taon. Tinanong ko siya kung bakit ang dami nang dayuhan sa aming bayan. At ito ang sagot niya … may lupa silang sinasaka sa probinsiya. Pero ang hanap nila ay madaliang pera, ang sweldo na walang masyadong hirap, at walang sobrang habang panahon ng paghihintay. Wala nang gustong magsaka … wala nang gustong magtanim … wala nang gustong sobrang mahirapan. Gusto lamang ay mabilisang ginhawa.

Nais kong isipin rin na pati si Kristong Panginoon ay misang natukso rin na maghanap na kaunting katanyagan mula sa tao. Nagtanong siya sa ebanghelyo: “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Tulad nating lahat … naghahanap rin tayo ng kaunting pagtingin, kaunting paghanga, kaunting pagpapahalaga sa mabutin nating nagagawa kung minsan …

Pero di naglaon at bumalik si Jesus sa tunay niyang layunin at pakay. Bumalik siya sa tunay na katauhan niya at misyon. At nang sinagot siya ni Pedro: “Ikaw ang Kristo, ang Mesiyas ng Diyos,” kagya’t niyang sinabihan ang mga alagad: “Ang Anak ng Tao’y dapat magbata ng maraming hirap. Itatakwil siya ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba. Ipapapatay nila siya, nguni’t sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.”

May mga pagkakataong naghahanap rin ako ng ginhawa, ng kaunting katanyagan, o kahit man lamang konting pagtingin o pagpapahalaga sa aking nagagawang mabuti. Kung minsan dumarating. Subali’t sa kalimitan, ni ha ni ho ay wala kang marinig. Parang tungkulin mo lahat na gawin ang ginagawa mo, at ang masakit pa Kuya Eddie, ay ito. Ni gaputok na pasasalamat ay wala kang maririnig sa tao.

Masakit man ay makatotohanan. At ang higit na katotohanang dapat isaisip ay ito … na ang pinakamahalaga sa lahat ay ang ating pangangailangan sa Diyos, ang ating malalim na paghahanap sa Kaniya … “Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang!”

UPANG MAKABAHAGI SA PAGPAPALA NG MABUTING BALITA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon B on Pebrero 3, 2012 at 13:13

Ikalimang Linggo (Taon B)
Pebrero 5, 2012

Mga Pagbasa: Job 7:1-4.6-7 / 1 Cor 9:16-19.22-23 / Mc 1:29-39

Nasa gitna ako ng isang pagbibigay ng seminar workshop sa isang grupo ng mga madre at mga narses na naglilingkod para sa mga taong sinisiphayo ng lipunan – mga pinaka nangangailangan ng tulong ng kapwa, sapagka’t hindi sila matanggap ng lipunan.

Naririnig ko ang kanilang mga panimdim, ang kanilang mga hinaing at mga hinanakit na nagmula pa sa kanilang pagkabata, o sa mga mapapait na karanasan sa buhay. Nakikita ko rin ang kanilang angkin at taal na kakayahang hanguin ang sarili sa kanilang pagkagulapay sa mga matinding karanasang ito.

Habang naghihintay ako upang matapos ang ipinagawa ko sa kanila, nagpasya akong umupo at magnilay sa liturhiya para sa ikalimang Linggo ng taon, sa araw na ito, ika-5 ng Pebrero, ikalima ring Linggo ng ordinaryong panahon.

Nagkatuig na ang mga sinasaad ng pagbasa, lalu na sa unang pagbasa, ay mga hinaing pa rin – ang mga pagtangis na bukambibig ni Job, sa gitna ng lahat ng mga mapapait na karanasang ipinagkaloob sa kaniya ng Poong Maykapal.

Halos makibagay ako at madala rin sa mga panaghoy ni Job: “Pag-asa ko’y lumalabo, at matuling tumatakas. O Diyos, alalahaning ang buhay ko’y napalitan na ng lagim.”

Magulo pa rin ang mundo. Masalimuot pa rin ang mga pinagdadaanan natin. Bukod sa trahedya sa CDO at Iligan, bukod pa rin sa trahedya ng Ondoy at Pepeng, ay may iba pang mga trahedyang gawa mismo ng tao, na patuloy na nagbabanta sa buhay ng marami. Patuloy pa rin ang paglawig ng kasakiman sa lipunan, at lahat ng uri ng panlalamang at pagmamalabis.

Mahaba ang listahan ng ating mga pansarili at pangmaramihang mga suliranin. Kung minsan, nawawalan tayo ng pag-asa, at nanghihinawa tayo sa paggawa ng mabuti.

Nguni’t alam natin na si Job ay hindi nanatili sa ganuong saloobin. Nahango niya ang kanyang sarili sa kapaitan at sa maramdaming mga pagtatanong niya at pagtangis. Tulad ni Pablo, na sa kabila ng pagkabilanggo, sa kabila ng mga sakuna sa karagatan na pinagdaanan niya, at sa kabila rin ng isang mahiwagang sakit na tinawag niyang “tinik sa kalamnan,” ay nakuha pa rin niya na magwika sa wakas: “napaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng lalong marami … Ako’y nakibagay sa lahat ng tao upang ang ilan man lamang ay maligtas ko, kahit sa anong paraan.”

Wala sa atin sinuman ang walang pinagdaanang kapaitan sa buhay. Wala isa man sa atin ang makapagsasabing ganap at walang bahid ang kanyang pagkabata at pagkatao. Lahat tayo ay naglalakbay sa buhay na ito, na parang mga peregrino na nag-aasam makarating sa isang banal na lugar. Lahat ay nakaranas matisod o madapa, o mabalakid sa anumang kaparaanan. Lahat tayo ay nasugatan at nasaktan. Hindi tayo isinilang upang maging anghel, kundi upang maging normal na taong may marupok na pusong natutong magdamdam.

Nguni’t tulad sa kasaysayan ni Job, hindi ito ang wakas na kabanata ng buhay natin. Ang wakas ay nakasalalay sa mga kamay natin upang atin sulatin. Sa kwento ni Job at ni Pablo, malaking bahagi ang ginanapan ng kanilang pananampalataya at pagkilala sa Diyos. Mula sa kanilang pananampalataya nila nasalok ang matinding kakayahang bumangon sa anumang uri ng panghihinawa at panghihina. Mula sa Diyos nila nakuha ang lakas upang muling bumangon at gumanap sa tungkuling ipalaganap ang mabuting balita ng walang hanggang pag-asang mula sa Diyos, na “nagpapagaling,” at malapit sa mga sawing-palad.

Huwag sana tayo manghinawa sa paggawa ng dapat. Huwag sana tayo padala sa agos ng kawalang pag-asa sa lipunan. Huwag tayong mawalan ng lakas tulad ng lakas ni San Pablo, na nagbata ng sari-saring hirap mapalaganap lamang ang magandang balita ng kaligtasan.

Sa gitna ng kawalang pag-asang dulot ng susun-susong mga suliranin at pagsubok, gawin natin ang lahat “alang-alang sa Mabuting Balita, upang makabahagi tayo sa mga pagpapala nito.”

Talamban, Cebu
Pebrero 3, 2012