frchito

Archive for the ‘LIngguhang Pagninilay’ Category

BAWAL ANG PASAWAY!

In Adviento, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Panahon ng Pagdating, Propeta Isaias, Taon A on Disyembre 21, 2013 at 10:34

Isiah_550x415

Ika-apat na Linggo Adbiyento A
Disyembre 22, 2013

BAWAL ANG PASAWAY!

May mga taong sadyang pasaway. May mga taong parang kawali ang tainga. May marunong makinig, at hindi marunong tumalima. May madaling kausap at mayroong mahirap kausapin.

Hari man siya at magaling, si Acaz ay isang pasaway, nag-taingang kawali, at hindi nakinig sa pahayag ni Isaias. Nanganganib silang sakupin ng mga taga Assiria, pero nagmatigas ang kalooban, sa kabila ng tanda o pangako na namumutawi sa labi ng propeta.

Pangako ng pag-asa ang pangitain ni Isaias. Isang tandang maliwanag ng pakikisalamuha ng Diyos sa kanyang bayan.

Pero may malaking guwang ang nasa pagitan ng pangako at katuparan. May taong madaling magbitiw ng salita. Sa dinami-dami ng taong ako ay naging pari, at namuno sa napakaraming fund raising at iba pang mga proyekto, malimit ang maingay ay hanggang salita lamang. Ang mga nangangako ay napapako sa pangako. Walang natutupad. Walang nangyayari. Kapag ang isang tao ay nagsabing magbibigay daw siya ng donasyon, wag mo nang asahan. Pero ang mga tahimik, ang mga walang kibot at walang salita, kalimitan ay sila ang nagbibigay.

May tawag ang mga Kano dito … walk your talk. Isabuhay mo ang sabi mo. Kung ano ang sabi, siyang gawa.

Natupad ang pangakong binitiwan ni Isaias sa kasaysayan. Naganap na ang Pasko ng pagsilang. Dumatal na ang Mesiyas, bagama’t hindi siya kinilala ng sarili niyang bayan. Pero ang pangako ng Diyos ay hindi lamang isang kabanata sa kasaysayan nang nakalipas. Ang pangako ng Diyos ay pang nagdaan, pang kasalukuyan, at pang hinaharap. Walang panahon sa Diyos. Ang lahat ay patungkol sa walang hanggan. Walang simula at walang katapusan.

Pero sino ba ang nagkukulang sa ating dalawa? Hindi ang Diyos. Gaya ng nababasa natin, tinupad niya ang pangako nang isilang si Jesus na mananakop at tagapagligtas.
Kung gayon, sino ang nagkulang? Maliwanag pa sa sikat ng araw … si Acaz ang ang mga katulad niya … ang tao … tayong lahat na pawang naging salawahan.

May malaking guwang malimit sa pagitan ng pangako at katuparan. Ilang beses tayo nangako at hindi natupad? Ilang beses tayo nagbitiw ng salita nguni’t hindi natin pinanindigan?

Sa ikaapat na Linggong ito ng Adbiyento, tunghayan natin ang halimbawa ng isang naging tapat sa pangako … Dahil sa kanya ang guwang sa pagitan ng pangako ng Diyos at katuparan ng kanyang Salita ay naganap …

At heto ang mga katagang patunay … “Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria.”

Nakinig. Tumalima. Sumunod … Iyan ang dapat rin nating gawin. Bawal ang pasaway sa bayan ng mga sumasalampalataya.

LIMA. DALAWA. PAGPAPALA!

In Eukaristiya, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Hunyo 1, 2013 at 11:21

Monstrance3Katawan at Dugo ni Kristo – Taon K

Junio 2, 2013

LIMA, DALAWA, PAGPAPALA!

Mahilig tayo magbilang tuwina. Iyan ang ginagawa lagi ng mga nagsusurvey… bilang dito, bilang doon. Iyan din ang ginagawa ng mga media networks. Paramihan ng taganood … pataasan ng rating, at lahat ay ginagawa maging tanyag lamang, pati na ang pambabastos ng walang malay na tao.

Lilima ang tinapay ng bata, at dadalawang isda … napakasakit Kuya Eddie! Ika nga …

Sa buhay natin, parang kulang ang lahat. Kulang ang pang matrikula, at marami ngayon ay mapipilitang tumigil o lumipat sa siksikang mga pampublikong eskwela. Kulang at kulang ang lahat ng bagay. Wala pa akong taong nakilala na sapat ang pera, kasya ang luho at wala nang hahanapin pa.

Araw ngayon ng milagro. Sa bawa’t lugar, as anumang araw, kung saan at kung kailan may nag-aalay ng Misa, may milagro. Di ba’t milagro ang mapalitan ang tinapay at alak at maging katawan at dugo ni Kristo?

Ito ay milagro sa may pananampalataya. Alam rin ng Diyos na kulang at kulang ang kanyang pangaral sa mga taong ayaw maniwala. Alam rin ng Diyos na sa buhay natin ay laging may kulang, laging may kapos, laging walang pagtatapos, at lagi tayong dapat magtuos!

Nguni’t sa huling pagtutuos, tanging tinapay at alak lamang ang mahalaga. Sa huling pagtutuos, batid ng Diyos na kahit lilima, kahit dadalawa, kahit kapos ay mayroon siyang itinuturong higit na mahalaga, higit na dakila, higit na banal at kapana-panabik.

Ang tao ay walang kabubusugan, walang kasiyahan. Walang ganap at perpektong kaligayahan sa mundong ibabaw.

Si Melkisedek at kakaibang propeta. Hindi siya nag-alay ng tulad ng alay ng iba. Ang alay niya ay tinapay, at ang kanyang alay ay nagbunga ng pagpapala. Tumanggap ng pagpapala at pagbabasbas si Abram dahil dito. Ang tinapay at alak ay naging daan ng pagpapala!

Ano bang pagpapala ito? Lilima nga at dadalawa … tumpak, nguni’t ano ba ang nahita natin dito? Pinagpala at nabusog at nakinabang ang libo-libong tao. Nagpala rin sila sa Diyos sa kaloob ng tinapay mula sa langit.

Ito ang dakilang pagpapalang gusto at hanap natin … Ito ang naging milagro sa tinapay at alak … naging katawan at dugo ni Kristong Panginoon. “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.”

Higit pa sa pag-alala ang gawa natin ngayon. Tayo ay nagpapala, nagbabasbas, pinagpala at pinagkalooban. At hindi lamang lilimang tinapay at dadalawang duling na isda ang ating tinanggap.

Dahil sa lima. Dahil sa dalawa. Pagpapalang umaatikabo! Buhay na walang hanggan! Dulot ng tinapay ng buhay na isinilang rin sa bahay ng tinapay, Betlehem … si Kristong pagkaing nagbibigay-buhay at naghahatid sa buhay na walang hanggan!

Ano pa ang hanap nyo? Lilima ba ang nakikinig sa iyo? Dadalawa ba ang tumutulong sa iyo? Kakaunti ba ang iyong pera, at kakaunti lang ang kakampi mo sa buhay?

Wag malungkot. Wag tumangis. “Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kalis na ito ay ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa muling pagparito niya!”

Lima. Dalawa. Sobra! … umaatikabong pagpapala!