frchito

Archive for the ‘LIngguhang Pagninilay’ Category

UMASA NANG HUSTO; UMASINTA NANG WASTO

In Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Taon K, Uncategorized on Pebrero 13, 2016 at 12:05

3Temptations[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Unang Linggo ng Kwaresma – Taon K

Pebrero 14, 2016

UMASA NANG HUSTO; UMASINTA NANG WASTO!

Alam ito ng lahat ng nanirador noong bata. Minsan, may dalawa o tatlong ibon sa puno. Gusto mo man tamaan ang lahat, iisa lang ang puede mong asintahin. Iisa lang ang kaya mong puruhin sa tirador. Kapag ginusto mong matira ang lahat, wala kang tatamaan, at makalilipad lang ang lahat ng ibon sa puno.

Minsan, hindi natin alam ang gusto natin. Nagdaraan ang pagkakataong sobrang tayog ng ating hangarin. sobrang dami ang gusto natin makamit, at sobrang taas ang nais natin marating. Hindi lang si Pepe ang mayroong matayog na saranggola.

Sa ebanghelyo natin, tatlong tukso at pagsubok ang pinagdaanan ng Panginoon sa ilang. Madali nating basahin ang kwento ng tukso ng Panginoon na parang isang maikling kwento lamang na walang kinalaman sa atin.

Subali’t ang Salita ng Diyos ay buhay. May kinalaman at koneksyon sa buhay natin, ngayon, kailanman, saanman. Hindi ito isang nobelang kapupulutan lamang ng aral. Ang Salita ng Diyos ay buhay at ito ay buhay (na ang aksento ay sa wakas).

Kung ang Salita ng Diyos ay buhay, tulad ng batong buhay, ang salaysay tungkol sa pagtutukso kay Kristo ay salaysay nating lahat.

Sabi ni Richard Viladesau, ang tatlong tuksong pinagdaanan ni Kristo ay tuksong bumababag rin sa atin, dahil sa ating maling pagkaunawa sa misyon ni Jesus. Ang hanap natin ay hindi isang tagapagligtas. Ang hanap natin ay isang gagawa ng lahat para sa atin, ang isang gaganap sa maraming mga dakilang milagro at magliligtas sa atin kahit wala tayong ginagawa.

Gusto ng bawa’t mag-aaral na pumasa … kahit hindi nag-aaral at gumagawa ng mga dapat gawain. Pa bandying bandying sa klase, pero sa wakas ay aasa sa Diyos ng tulong upang makapasa …

May mga taong inom nang inom, o kain nang kain nang bawal. At kapag dinapuan ng malubhang karamdaman at takbo sa Diyos at humihiling ng kagalingan …

May mga hindi tumutupad sa tungkulin, pero pagdating ng panahon ay dinadaan sa paki-usap ang lahat ….

May mga magulang na bili nang bili ng bagong kotse tuwing ika-tatlong taon, pero sandamakmak ang utang sa mga paaralang pinag-aaralan na kanilang anak …

Boto tayo nang boto ng kurap, ng mangmang, ng madaya at madulas lamang ang dila, tapos umaasa tayong ang bansa ay sumagana at mapahanay sa mayayamang bansa …

Sira tayo nang sira ng kalikasan, subali’t pag dumating ang kalamidad ay umaasa tayong ililigtas tayo ng Diyos sa kapahamakan.

Masyadong matayog ang ating mga hangarin … masyadong matataas ang gusto nating marating …. Tinapay mula sa bato (walang kahirap-hirap, ika nga!) tulad ng pera galing sa droga … kapangyarihang walang pananagutan …. Pagwawalang-bahala sa sarili, kasi nandyan naman ang gamut o ang Panginoon!

Hindi lamang tatlo ang tuksong bumabagabag sa atin sa panahon natin.

Kailangan natin ng isang malinaw na paningin at tapat na puso upang aminin.

Alin?

Di ba’t kaya nagkaka-leche-leche ang lipunan natin ay dahil sa gusto natin ng tinapay galing sa bato? Gusto natin biglang yaman lahat. Gusto nating lahat na mamasyal linggo-linggo sa mall, sa beach, at wala akong kilalang hindi nag-asam magkaroon ng membership sa country club.

Walang masama sa tinapay. Kailangan natin kumain at mabuhay. Pero ang tinapay mula sa bato, ang lahat ng uri ng kasakiman, kadayaan, katakawan at kawalang kabubusugan sa salapi ay isang tuksong malinaw – sobrang tayog, sobrang dami, at walang hangganan ang gusto ng marami. (Ehem, mga trapo!)

Di ba’t kaya di tayo masaya ay sapagka’t wala tayong posisyon? Wala tayong kakakayanan? At wala tayong impluwensya sa lipunan? Di ba’t ito rin ang isang dahilan kung bakit magulo ang gobyerno sapagka’t ang naghahawak ng posisyon ay mga luklok ng mga politikong ibinoto ng kulto, at inilagay bilang bayad sa kanilang boto?

Di ba’t kaya tayo di masaya ay sapagka’t naiinip tayo sa Diyos? Sapagka’t hindi ginagawa ng Diyos ang gusto natin? Di ba’t kaya palasak ang paninira sa kalikasan ay sapagka’t “bahala na si Lord?” … na para bagang kahit itapon natin ang sarili mula sa taas ng templo ay ililigtas tayo ng Diyos? Na kahit na tayo mag-inom at mag-droga ay mabait naman si Lord?

Pero hindi lahat ay masama. May magandang balita ako sa inyo at sa ating lahat.

Ang Diyos, sa kabila ng lahat ay nananatiling maawain at mapagpatawad. Patuloy siyang nagliligtas. Patuloy siyang nagmamahal. Patuloy siyang nagpapatawad.

Pero meron tayong dapat gawain. Bawasan ang luho … bawasan ang sobrang pag-aasam. Umasa tayo nang husto, pero umasinta tayo nang tama.

Nasa Diyos ang awa, pero nasa tao ang gawa.

Umasa nang husto, pero umasinta at gumawa nang wasto. Hindi lang tinapay na galing sa bato … hindi lang puwet ng baso … hindi lang kapangyarihang makamundo … hindi lang ang paglalagak ng kaya naman natin gawin, sa mga kamay ng Diyos.

Ito ang tamang pag-aasam at wastong pagnanasa.

MANGHINAWA O MAGHINTAY NANG BUONG GALAK

In Adviento, LIngguhang Pagninilay, Panahon ng Pagdating, Taon K, Uncategorized on Disyembre 9, 2015 at 10:06

Ika-3 Adbiyento_K

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-3 Linggo ng Adbiyento Taon K

Disyembre 13, 2015

MANGHINAWA O MAGHINTAY NANG BUONG GALAK!

Sa panahon natin, marami ang nadadala na ng kawalang pag-asa. Marami ang hindi na naniniwalang maari pang magbago ang mga bagay-bagay. Sa darating na halalan, malamang na minority president na naman ang mailuluklok, sa kadahilanang ang mga higit na nakakaunawa, pero nanghihinawa na ay ipauubaya na lamang sa mga puedeng bayaran ang tungkuling pumili ng pinuno.

Pero sa mata ng pananampalataya, walang imposibleng bagay, at walang anumang dahilan para tayo ay mawalan ng pag-asa.

Ito ang pinag-ibayong paalaala sa atin ng panahon ng Adbiyento, kung kailan ang diwa ng paghihintay ang laman ng puso at isipan ng bawa’t mananampalataya.

Tingnan natin ang mga tahasang sinasaad ng mga pagbasa … Sa unang pagbasa, deretsahang sinasabi sa atin ng propeta: “Magalak nang lubusan, Lunsod ng Jerusalem!”

Malinaw na hindi panghihinawa ang aral, kundi ang kagalakang matimyas at matingkad. Ito rin ang turo ni Pablo sa mga taga Filipos: “”Huwag kayong mabalisa. … Magalak kayong lagi sa Panginoon.”

At ano ang dahilan ng ganitong kagalakan?

Simple lang ayon kay Pablo … “Malapit nang dumating ang Panginoon.”

Pero sandali nating tunghayan ang ibig sabihin ng mag-intay. Merong nag-iintay na nagpapalipas-oras lamang. Nakatunganga habang patinging-tingin sa relos. Merong nag-iintay na may ginagawa pa rin. Naglilinis ng bahay habang naghihintay ng kung ano man. Meron din namang naghihintay na puno ng pag-asa at nagdarasal.

Tingnan natin kung paano isinabuhay ni Juan Bautista at ng mga nakinig sa kanyang pangaral ang paghihintay na pinag-uusapan natin. Ang tanong sa kanya ay hindi ang pagtunganga bagkus kung “ano ang dapat nilang gawin.”

Oo, ang paghihintay sa panahon ng Adbiyento ay hindi isang walang kahulugang paghihintay tulad sa ginawa ni Juan Tamad na maghapong nakanganga habang naghihintay mahulog ang bayabas sa bibig.

Ang paghihintay na binanggit ni Juan ay puno ng paggawa, aktibo, at hindi nagkukubli sa kawalang pag-asa at kawalang kakayahang gumawa ng ano man.

Hindi kataka-takang kasama sa mga lumapit kay Juan ay mga publikano, mga taga kolekta ng buwis na sanay mangupit at kumobra ng sobra. Sila man, ay mayroong dapat gawin … ang paghihintay ay hindi nangangahulugang tuloy ang dating gawi, kundi ang paggawa ng isang panibagong daan tungo sa ganap na pagbabago.

OK ang manabik. OK rin ang maghintay. Pero mas OK ang gumawa ng nararapat upang ang paghihintay ay maging mabunga at makabuluhan.

Gusto niyo kung saan puede magsimula? Gayahin natin si Juan Bautista. Kailangan nating paghiwalayin ang dayami at ang trigo. Kailangan natin ng kalaykay at bagong panyapak. Kailangan ng apoy na susunog sa luma at mali.

Sa ating bansa, tila dapat ay malaking apoy ang maganap. Kailangan nating linisin ang maraming lumang bagay na siyang balakid sa ating paglago bilang isang bayan.

Higit sa lahat, ang bawat isa sa atin ay may kailangang tunay na pagbabalik-loob at pagbabago.

Samahan natin ang Santo Papa sa pagpasok sa banal na pintuan ng pagbabago, at isabuhay ang dakilang habag at awa ng Diyos sa buong taong darating at sa buong buhay natin!