frchito

Posts Tagged ‘Pagsamba sa Diyos Lamang’

UMASA NANG HUSTO; UMASINTA NANG WASTO

In Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Taon K, Uncategorized on Pebrero 13, 2016 at 12:05

3Temptations[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Unang Linggo ng Kwaresma – Taon K

Pebrero 14, 2016

UMASA NANG HUSTO; UMASINTA NANG WASTO!

Alam ito ng lahat ng nanirador noong bata. Minsan, may dalawa o tatlong ibon sa puno. Gusto mo man tamaan ang lahat, iisa lang ang puede mong asintahin. Iisa lang ang kaya mong puruhin sa tirador. Kapag ginusto mong matira ang lahat, wala kang tatamaan, at makalilipad lang ang lahat ng ibon sa puno.

Minsan, hindi natin alam ang gusto natin. Nagdaraan ang pagkakataong sobrang tayog ng ating hangarin. sobrang dami ang gusto natin makamit, at sobrang taas ang nais natin marating. Hindi lang si Pepe ang mayroong matayog na saranggola.

Sa ebanghelyo natin, tatlong tukso at pagsubok ang pinagdaanan ng Panginoon sa ilang. Madali nating basahin ang kwento ng tukso ng Panginoon na parang isang maikling kwento lamang na walang kinalaman sa atin.

Subali’t ang Salita ng Diyos ay buhay. May kinalaman at koneksyon sa buhay natin, ngayon, kailanman, saanman. Hindi ito isang nobelang kapupulutan lamang ng aral. Ang Salita ng Diyos ay buhay at ito ay buhay (na ang aksento ay sa wakas).

Kung ang Salita ng Diyos ay buhay, tulad ng batong buhay, ang salaysay tungkol sa pagtutukso kay Kristo ay salaysay nating lahat.

Sabi ni Richard Viladesau, ang tatlong tuksong pinagdaanan ni Kristo ay tuksong bumababag rin sa atin, dahil sa ating maling pagkaunawa sa misyon ni Jesus. Ang hanap natin ay hindi isang tagapagligtas. Ang hanap natin ay isang gagawa ng lahat para sa atin, ang isang gaganap sa maraming mga dakilang milagro at magliligtas sa atin kahit wala tayong ginagawa.

Gusto ng bawa’t mag-aaral na pumasa … kahit hindi nag-aaral at gumagawa ng mga dapat gawain. Pa bandying bandying sa klase, pero sa wakas ay aasa sa Diyos ng tulong upang makapasa …

May mga taong inom nang inom, o kain nang kain nang bawal. At kapag dinapuan ng malubhang karamdaman at takbo sa Diyos at humihiling ng kagalingan …

May mga hindi tumutupad sa tungkulin, pero pagdating ng panahon ay dinadaan sa paki-usap ang lahat ….

May mga magulang na bili nang bili ng bagong kotse tuwing ika-tatlong taon, pero sandamakmak ang utang sa mga paaralang pinag-aaralan na kanilang anak …

Boto tayo nang boto ng kurap, ng mangmang, ng madaya at madulas lamang ang dila, tapos umaasa tayong ang bansa ay sumagana at mapahanay sa mayayamang bansa …

Sira tayo nang sira ng kalikasan, subali’t pag dumating ang kalamidad ay umaasa tayong ililigtas tayo ng Diyos sa kapahamakan.

Masyadong matayog ang ating mga hangarin … masyadong matataas ang gusto nating marating …. Tinapay mula sa bato (walang kahirap-hirap, ika nga!) tulad ng pera galing sa droga … kapangyarihang walang pananagutan …. Pagwawalang-bahala sa sarili, kasi nandyan naman ang gamut o ang Panginoon!

Hindi lamang tatlo ang tuksong bumabagabag sa atin sa panahon natin.

Kailangan natin ng isang malinaw na paningin at tapat na puso upang aminin.

Alin?

Di ba’t kaya nagkaka-leche-leche ang lipunan natin ay dahil sa gusto natin ng tinapay galing sa bato? Gusto natin biglang yaman lahat. Gusto nating lahat na mamasyal linggo-linggo sa mall, sa beach, at wala akong kilalang hindi nag-asam magkaroon ng membership sa country club.

Walang masama sa tinapay. Kailangan natin kumain at mabuhay. Pero ang tinapay mula sa bato, ang lahat ng uri ng kasakiman, kadayaan, katakawan at kawalang kabubusugan sa salapi ay isang tuksong malinaw – sobrang tayog, sobrang dami, at walang hangganan ang gusto ng marami. (Ehem, mga trapo!)

Di ba’t kaya di tayo masaya ay sapagka’t wala tayong posisyon? Wala tayong kakakayanan? At wala tayong impluwensya sa lipunan? Di ba’t ito rin ang isang dahilan kung bakit magulo ang gobyerno sapagka’t ang naghahawak ng posisyon ay mga luklok ng mga politikong ibinoto ng kulto, at inilagay bilang bayad sa kanilang boto?

Di ba’t kaya tayo di masaya ay sapagka’t naiinip tayo sa Diyos? Sapagka’t hindi ginagawa ng Diyos ang gusto natin? Di ba’t kaya palasak ang paninira sa kalikasan ay sapagka’t “bahala na si Lord?” … na para bagang kahit itapon natin ang sarili mula sa taas ng templo ay ililigtas tayo ng Diyos? Na kahit na tayo mag-inom at mag-droga ay mabait naman si Lord?

Pero hindi lahat ay masama. May magandang balita ako sa inyo at sa ating lahat.

Ang Diyos, sa kabila ng lahat ay nananatiling maawain at mapagpatawad. Patuloy siyang nagliligtas. Patuloy siyang nagmamahal. Patuloy siyang nagpapatawad.

Pero meron tayong dapat gawain. Bawasan ang luho … bawasan ang sobrang pag-aasam. Umasa tayo nang husto, pero umasinta tayo nang tama.

Nasa Diyos ang awa, pero nasa tao ang gawa.

Umasa nang husto, pero umasinta at gumawa nang wasto. Hindi lang tinapay na galing sa bato … hindi lang puwet ng baso … hindi lang kapangyarihang makamundo … hindi lang ang paglalagak ng kaya naman natin gawin, sa mga kamay ng Diyos.

Ito ang tamang pag-aasam at wastong pagnanasa.

Advertisement