frchito

Archive for the ‘Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

BUKAS-LOOB, BUKAL SA LOOB, KALOOB

In Homily in Tagalog, Kwaresma, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Marso 4, 2009 at 20:45

image1362-transfiguration2a

Ikalawang Linggo ng Kwaresma(B)
Marso 8, 2009

Mga Pagbasa: Genesis 22:1-2, 9a, 10-13, 15-18 / Roma 8:31b-34 / Marco 9:2-10

Ang katagang “loob” sa mga Tagalog at sa kulturang Pinoy ay hitik na hitik sa kahulugan. Kumakatawan ito sa kaganapan at kabuuan ng kung sino ang isang tao at ano siya sa harap ng ibang tao. Naglalaman ito hindi lamang ng iniisip ng isang tao, kundi pati na rin ang angking yaman ng pagkatao na bumubukal sa kaibuturan ng puso at kaisipan ng isang Pinoy. Ang mababa ang loob ay isang taong mapagpakumbaba, mahinahon, at hindi marahas at matangas sa pagsasalita at pagkilos. Ang masama ang loob ay isang taong may kinikimkim na negatibong damdamin laban sa anuman o sinoman. Ang panatag ang loob ay isang taong hindi balisa, hindi magulo ang isip at damdamin, bagkus banayad ang takbo ng buhay at walang anumang pabugso-bugso ang damdamin at isipin. Ang isang taong may mabuting kalooban ay may angking yamang hindi agad matutumbasan … isang taong maganda ang hangarin at balakin, pansarili man o pang-ibang tao.

Panay may kinalaman sa “loob” ang mga pagbasa natin sa araw na ito.

Simulan natin sa unang pagbasa. Narinig natin kung paano sa kabila ng tindi at hirap na ialay na sakripisyo ang sariling anak, si Abraham ay nagpamalas ng kabukasan ng loob – ang kahandaang ibigay sa Diyos ang Kanyang kahilingan. Akma na siyang yuyurakan sana ang bugtong na Anak nang ipamalas naman ng Diyos ang Kanyang pagkilala sa kabukasang-palad ni Abraham. “Huwag mo nang pagbuhatan ng kamay ang bata … batid ko na kung gaano ka kadeboto sa Diyos, sapagka’t hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong tanging anak.”

Ang Diyos na kumilala sa kabukasang-loob ni Abraham ang siya namang itinatanghal ni Pablo sa kanyang liham sa mga taga Roma. Dito naman, kung paanong si Abraham ay nagpamalas ng kahandaang mag-alay sa Diyos, ani San Pablo, ipinamalas naman ng Diyos ang bukal sa loob Niyang pag-aalay sa Kanyang bugtong na Anak. “Siya na hindi nagkait ng Kanyang sariling Anak, bagkus inialay para sa ating lahat, hindi ba Niya ipagkakaloob rin ang lahat ng iba pa kasama ni Jesus?”

Kung ano ang pamana ng Ama ay siyang pamalas ng Anak. Kung paanong naging handa si Abraham na umakyat sa bundok ng Moriah para mag-alay, ganuon din ang kahandaang ipinamalas ni Jesus na mag-alay ng sarili sa bundok ng Tabor. Subali’t tila nagpaligsahan ang mag-Ama sa kabukasang-palad. Ang kahandaan ni Jesus ay nilampasan pa ng kahandaan ng Ama na magkaloob, bilang tugon sa pagkakaloob ng Kanyang Anak. Nagbagong-anyo si Kristo. At sa pagbabagong-anyong ito ay nabunyag, hindi lamang ang katunayan kung sino siya, kundi ang katotohanan tungkol sa Diyos. Nabunyag ang likas na katangian ng Diyos na mapagkaloob, bukas ang loob, at bukal sa loob ang kagalingan at kabutihan, at may angking wagas na pag-ibig sa Kanyang bayan: “Ito ang aking pinakamamahal na Anak. Pakinggan ninyo siya.”

Nagsimula ang kwaresma sa isang tanda – ang tanda ng krus na ipinahid sa pamamagitan ng abo sa ating noo. Ang abo ay walang halaga, walang anumang silbi. Ito ang natitira kapag naipagkaloob ng kahoy ang lahat. Ang kahoy o anumang natutupok o nasusunog ay nag-aalay ng lahat lahat na. Walang natitira kapag sinunog ang anumang katawang-lupa liban sa abo. Itong abong ito ang naging tanda ng pagpasok at pagpapasinaya ng kwaresma.

Sa lumang tipan ang abo ay tanda ng pagbabalik-loob sa Diyos. Ang mga nagsisisi ay naliligo sa abo at nagsusuot ng sako. Ang walang silbing bagay ay naging tanda ng pagkakaloob ng buong sarili, mula sa kaibuturan ng puso at damdamin ng isang tao. Ang walang halaga ay naging mahalagang tanda ng pag-aalay ng sarili sa Diyos na pinahahalagahan.

Ayaw natin ang abo. Galit tayo sa anumang may bahid ng pagiging basura. Ayaw natin ng tirang pagkain. Ayaw natin ng damit na pinaglumaan na. Ayaw natin ng anumang bagay na gamit na kumbaga, o bagay na katumbas na ng abo – luma na, nahiratsa na, napagsawaan na.

Ito marahil ang dahilan kung bakit hindi tayo maka-usad-usad bilang isang bayan. Gusto natin ay laging buo, ganap, bago, at hindi pa napagsasawaan. Ayaw natin ng upos na … ayaw natin ng paubos na at wala nang halaga tulad ng pulbos na gabok na wala nang silbi.

Subali’t hindi abo lamang ang hiningi ng Diyos kay Abraham. At lalung hindi upos ang ipinagkaloob ng Ama sa Kanyang bayang hinirang. Hindi gabok ang inialay ng Ama para sa atin …. “Ito ang pinakamamahal kong Anak …”

Inialay Niya sa atin ang kasukdulan ng lahat na … ang tangi at bugtong Niyang Anak.

Ito ang diwa ng pagpepenitensya sa panahon ng Kwaresma – ang bukas-loob, ang bukal sa loob at wagas na pagkakaloob ng sarili. Lubos, hindi lang talbos o upos, ang ating bigay sa Diyos. Tagos sa kalooban at mula sa isang pusong talos ang tunay na halaga ng ipinagkakaloob sa Diyos … tulad ni Abraham na handang ipagkaloob ang anak na si Isaac ayon sa habilin ng Diyos.

Napakadamot natin bilang tao. Napakakipot at napakaliit ang mga niloloob natin. Mapagkait tayo sa Diyos. Hindi man lamang natin kayang ipagkaloob ang isang oras bawa’t linggo sa pagdalo sa Misa. Napakakipot at napakakitid kung minsan ang isip natin – hirap tayong buksan ang isip at kalooban sa walang pasubaling pagkakaloob ng sarili. Sobra kung minsan ang pagpapahalaga natin sa sarili.

Hindi abo ang turing natin sa sarili. Ang tingin natin sa ating sarili ay malayo sa alabok. Mataas ang pagpapahalaga natin sa sarili. Mapag-imbot at palalo tayong lahat, tulad ng hari ng kasinungalingan na nagmataas at nagmatigas sa kanyang desisyon: “Hindi ako maglilingkod sa Diyos.” (Non serviam!)

Itong mga palalong kagaya nito ang siyang lalong napapariwara. “Binuwag ng Diyos ang mga palalo, at iniangat sa trono ang mabababang-loob.”

Sa Miercoles ng abo ay binigyang-tandang maliwanag ang kung sino tayo … “Alalahanin mo tao, na ikaw ay alabok at sa alabok ka muling magbabalik.”

Sa tandang ito ng kawalan, ng kababaan, at kawalang silbi ay nabunyag ang kung sino tayo sa harapan ng Diyos – taga-sunod at kapatid ng Kanyang bugtong na Anak na Kanyang “pinakamamahal.” Sa pamamagitan ni Kristo, at dahil sa biyayang kaloob ng Diyos sa ngalan ni Kristo, ang abong ito ay nagiging isang mahalagang diamante sa harapan ng Ama. “Kung ang Diyos ay nasa ating panig, sino ang sasalungat sa atin?”

IRINGAN AT SALUNGATAN SA ILANG

In Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Pagninilay sa Ebanghelyo on Pebrero 27, 2009 at 21:25

temptationofjesus

Unang Linggo ng Kwaresma(B)
Marso 1, 2009

Mga Pagbasa: Gen 9:8-15 / 1 Pedro 3:18-22 / Marco 1:12-15

Pangako at pag-asa ang malinaw na pinapaksa ng unang pagbasa. Matapos ang baha, matapos ang mga kaparusahang dulot ng paulit-ulit na pagkakasala ng bayang hinirang ng Diyos, naglubag ang loob ng Diyos at nangako: “wala nang baha ang gugunaw sa daigdig.” Hindi lamang ito … nagbitiw pa Siya ng pangako – isang pangakong bibigyang-tanda ng isang bahaghari. Isa itong tanda na tumutuon sa kasunduan ng Diyos at ng kanyang liping hinirang.

Nguni’t tila sinasalungat ng ikalawang pagbasa ang binibigyang-diin sa una. Wala nang baha, subali’t ang liham ni Pablo ay isang matayog na pagkilala sa simbolismo ng tubig na siyang naging daan sa kaligtasan ni Noe at ng kanyang mga kasama. Sa tubig ng baha, ay lumutang ang katotohanang malinaw sa tubig ng binyag. Kung paanong sina Noe ay naligtas sa rumaragasang tubig, ay ganuon din ang tubig ng binyag na rinagasa ang bahid ng kasalananang mana, at ang nagdaan dito ay tumanggap na panibagong buhay.

Tila puno ng salungatan ang mga pagbasa ngayon. Tulad ng salungatan sa ating ebanghelyo. Parang isang duelo ang naganap sa salaysay ni Marco. Nguni’t ang salaysay ay puno ng mahahalagang simbolo. Dinala diumano si Jesus ng Espiritu sa ilang. Sa maraming pagkakataon, si Jesus ay nagtungo sa bundok upang makipagniig sa Kanyang Ama. Nguni’t sa ating salaysay ngayon, ilang ang kanilang pinuntahan. Alam natin kung ano ang ibig sabihin nito. Ang ilang ay kaakibat ng takot, kawalang-katiyakan, at mga pahimakas ng kamatayan. Walang gaanong buhay ang makikita sa ilang. Walang gaanong pag-asa ang masusumpungan dito. Kakaunting halaman ang nabubuhay dito; kakaunting hayop ang naka-aagguanta sa disyerto. Nababalot sa tuyot at init sa araw at masidhing lamig naman sa pagkagat ng dilim. Salungat na lagay na panahon ang malimit matatagpuan sa ilang. Sala sa init, sala rin naman sa lamig.

Dito sa larangang ito na isang sagisag ng salungatan naganap ang duelo sa pagitan ng kabutihan at ng kasamaan. Dito sa lupang kahapis-hapis, na puno ng hinagpis at pangamba nangyari ang isang matinding salungatan at iringan. Dito nagpangharap ang may akda ng buhay at ang may pakana ng kawalang-buhay at kawalang pag-asa. Hindi lang iringan ang naganap, kundi matinding salungatan. Makailang beses na naglaan ng patibong ang hari ng kasinungalingan. Makailang pagkakataon ay naghanda ng alok na sa ating wari ay mahirap tanggihan … ito ang katotohanan tungkol sa tukso.

Ito rin ang katotohanan tungkol sa ating buhay sa lupang bayang kahapis-hapis.

Tigib ang buhay natin ng lahat ng uri ng salungatan. Sa larangang political, tila hindi magkasundo ang nagbabangayang mga “askal” at “hybrid” sa Senado. Ang iringan sa partido political sa ating bayan ay alam nating walang katapusan, walang patumangga. Panay ang satsatan… panay ang salungatan at imbestigasyon. Nguni’t patuloy na tila nagwawagi ang hari ng kasinungalingan. Panalo ang madadaya, ang mga kurap, ang mga mandarambong at masisiba sa gobyerno. Honorable pa nga ang tawag natin sa kanila.

Puno ng iringan ang pribado nating buhay saanman … mga mayayaman at makapangyarihang pamilya ang nagbabangay sa blog, dahil lamang na sila ay nalampasan sa fairway habang naglalaro ng golf. Ang mga escuela ay patuloy na pataasan ng ere … nag-iiringan dahil lamang sa larong basketbol. Ang mga luntian ay di patatalo sa mga asulan. Ang mga dilawan ay di rin palalamang sa mga pulahan. Lamangan, ungusan, unahan, iringan, salungatan … Ito ang makulay nating daigdig sa ating lipunan.

Sanay na sanay ang hari ng kasinungalingan sa pagpupunla ng iba-ibang uri ng iringan at salungatan. Bihasang-bihasa si Taneng magkalat ng lagim ng pagkasuklam sa isa’t isa. Kung titingnan natin ang buhay natin, puno ng dilubyo ang lahat ng antas at larangan ng buhay. May dilubyo sa gobyerno – dilubyo ng panlalamang at panggugulang. Lahat na yata ng kontrata ay pinasok ng salungatan, sumbungan, at lamangan. At lahat na yata ng mga whistle blowers ay nangagpiyakan dahil lamang sa sila ay nagulangan at nadehado sa partihan. Dilubyo … baha … kawalang katiyakan …. Kawalang pag-asa … ang lahat ng ito ay kaakibat ng isang karanasan sa ilang.

At dito ngayon ang nag-uumpugang mga larawan ay maghahatid sa atin sa isang magandang balitang siyang tinutunton ng mga pagbasa. Sala-salabat, kumbaga … salu-salungat … Nguni’t sa likod ng pagsasalungat na ito ng mga larawan ay nakikita natin ang isang higit na malaking larawan ng kaligtasan.

Si Noe at mga kasama ay tumanggap ng kaligtasan sa tubig ng dilubyo. Ani Pablo, lahat ng bininyagan ay nagdaan sa tubig na siya namang nagdulot ng kaligtasan sa kanila, tulad nang ang mga Israelita ay tumanggap ng kaligtasan nang sinuong nila ang tubig sa dagat na pula. Si Kristo ay humarap sa pinakamasahol na taga-salungat – ang pangunahing kontrabida sa buhay natin. Si Kristo ay sumuong sa isang duelo. Hindi siya umurong. Hindi siya nangimi at nagtago. Siya ay humarap at sa kabila ng iringan at salungatan ay nagpalutang ng isang mataginting na panawagan sa mga taong tulad natin, ay napapalibutan ng pagsasalungat ng tukso at kasalanan. At ito ang kanyang panawagan: “Nalalapit na ang kaharian ng Diyos. Magsisi at sumampalataya sa ebanghelyo.”

Duelo rin ang buhay natin sa araw-araw. Parang kontrapelo ang lahat. Wala tayong mapulot na liksiyon ng kaisahan sa pamahalaan at mga politico. Pati ang kung paano gagawin ang eleksyon ay pinag-iiringan at pinag-aawayan ngayon pa man. Ang naituturo natin sa escuela ay nababaligtad agad ng TV at ng internet. Dumadami ang sumasalungat at kumokontra sa turong moral ng simbahan at ng ebanghelyo.

Subali’t sa salaysay tungkol sa iringan sa ilang, malinaw ang nagwagi … malinaw ang kung sino ang magwawagi kailanman, saanman.

Sa Misang ito, kinikilala natin ang lumutang sa iringan at salungatan sa ilang … si Kristo, ang ating daan, katotohanan, at buhay.