Unang Linggo ng Kwaresma(B)
Marso 1, 2009
Mga Pagbasa: Gen 9:8-15 / 1 Pedro 3:18-22 / Marco 1:12-15
Pangako at pag-asa ang malinaw na pinapaksa ng unang pagbasa. Matapos ang baha, matapos ang mga kaparusahang dulot ng paulit-ulit na pagkakasala ng bayang hinirang ng Diyos, naglubag ang loob ng Diyos at nangako: “wala nang baha ang gugunaw sa daigdig.” Hindi lamang ito … nagbitiw pa Siya ng pangako – isang pangakong bibigyang-tanda ng isang bahaghari. Isa itong tanda na tumutuon sa kasunduan ng Diyos at ng kanyang liping hinirang.
Nguni’t tila sinasalungat ng ikalawang pagbasa ang binibigyang-diin sa una. Wala nang baha, subali’t ang liham ni Pablo ay isang matayog na pagkilala sa simbolismo ng tubig na siyang naging daan sa kaligtasan ni Noe at ng kanyang mga kasama. Sa tubig ng baha, ay lumutang ang katotohanang malinaw sa tubig ng binyag. Kung paanong sina Noe ay naligtas sa rumaragasang tubig, ay ganuon din ang tubig ng binyag na rinagasa ang bahid ng kasalananang mana, at ang nagdaan dito ay tumanggap na panibagong buhay.
Tila puno ng salungatan ang mga pagbasa ngayon. Tulad ng salungatan sa ating ebanghelyo. Parang isang duelo ang naganap sa salaysay ni Marco. Nguni’t ang salaysay ay puno ng mahahalagang simbolo. Dinala diumano si Jesus ng Espiritu sa ilang. Sa maraming pagkakataon, si Jesus ay nagtungo sa bundok upang makipagniig sa Kanyang Ama. Nguni’t sa ating salaysay ngayon, ilang ang kanilang pinuntahan. Alam natin kung ano ang ibig sabihin nito. Ang ilang ay kaakibat ng takot, kawalang-katiyakan, at mga pahimakas ng kamatayan. Walang gaanong buhay ang makikita sa ilang. Walang gaanong pag-asa ang masusumpungan dito. Kakaunting halaman ang nabubuhay dito; kakaunting hayop ang naka-aagguanta sa disyerto. Nababalot sa tuyot at init sa araw at masidhing lamig naman sa pagkagat ng dilim. Salungat na lagay na panahon ang malimit matatagpuan sa ilang. Sala sa init, sala rin naman sa lamig.
Dito sa larangang ito na isang sagisag ng salungatan naganap ang duelo sa pagitan ng kabutihan at ng kasamaan. Dito sa lupang kahapis-hapis, na puno ng hinagpis at pangamba nangyari ang isang matinding salungatan at iringan. Dito nagpangharap ang may akda ng buhay at ang may pakana ng kawalang-buhay at kawalang pag-asa. Hindi lang iringan ang naganap, kundi matinding salungatan. Makailang beses na naglaan ng patibong ang hari ng kasinungalingan. Makailang pagkakataon ay naghanda ng alok na sa ating wari ay mahirap tanggihan … ito ang katotohanan tungkol sa tukso.
Ito rin ang katotohanan tungkol sa ating buhay sa lupang bayang kahapis-hapis.
Tigib ang buhay natin ng lahat ng uri ng salungatan. Sa larangang political, tila hindi magkasundo ang nagbabangayang mga “askal” at “hybrid” sa Senado. Ang iringan sa partido political sa ating bayan ay alam nating walang katapusan, walang patumangga. Panay ang satsatan… panay ang salungatan at imbestigasyon. Nguni’t patuloy na tila nagwawagi ang hari ng kasinungalingan. Panalo ang madadaya, ang mga kurap, ang mga mandarambong at masisiba sa gobyerno. Honorable pa nga ang tawag natin sa kanila.
Puno ng iringan ang pribado nating buhay saanman … mga mayayaman at makapangyarihang pamilya ang nagbabangay sa blog, dahil lamang na sila ay nalampasan sa fairway habang naglalaro ng golf. Ang mga escuela ay patuloy na pataasan ng ere … nag-iiringan dahil lamang sa larong basketbol. Ang mga luntian ay di patatalo sa mga asulan. Ang mga dilawan ay di rin palalamang sa mga pulahan. Lamangan, ungusan, unahan, iringan, salungatan … Ito ang makulay nating daigdig sa ating lipunan.
Sanay na sanay ang hari ng kasinungalingan sa pagpupunla ng iba-ibang uri ng iringan at salungatan. Bihasang-bihasa si Taneng magkalat ng lagim ng pagkasuklam sa isa’t isa. Kung titingnan natin ang buhay natin, puno ng dilubyo ang lahat ng antas at larangan ng buhay. May dilubyo sa gobyerno – dilubyo ng panlalamang at panggugulang. Lahat na yata ng kontrata ay pinasok ng salungatan, sumbungan, at lamangan. At lahat na yata ng mga whistle blowers ay nangagpiyakan dahil lamang sa sila ay nagulangan at nadehado sa partihan. Dilubyo … baha … kawalang katiyakan …. Kawalang pag-asa … ang lahat ng ito ay kaakibat ng isang karanasan sa ilang.
At dito ngayon ang nag-uumpugang mga larawan ay maghahatid sa atin sa isang magandang balitang siyang tinutunton ng mga pagbasa. Sala-salabat, kumbaga … salu-salungat … Nguni’t sa likod ng pagsasalungat na ito ng mga larawan ay nakikita natin ang isang higit na malaking larawan ng kaligtasan.
Si Noe at mga kasama ay tumanggap ng kaligtasan sa tubig ng dilubyo. Ani Pablo, lahat ng bininyagan ay nagdaan sa tubig na siya namang nagdulot ng kaligtasan sa kanila, tulad nang ang mga Israelita ay tumanggap ng kaligtasan nang sinuong nila ang tubig sa dagat na pula. Si Kristo ay humarap sa pinakamasahol na taga-salungat – ang pangunahing kontrabida sa buhay natin. Si Kristo ay sumuong sa isang duelo. Hindi siya umurong. Hindi siya nangimi at nagtago. Siya ay humarap at sa kabila ng iringan at salungatan ay nagpalutang ng isang mataginting na panawagan sa mga taong tulad natin, ay napapalibutan ng pagsasalungat ng tukso at kasalanan. At ito ang kanyang panawagan: “Nalalapit na ang kaharian ng Diyos. Magsisi at sumampalataya sa ebanghelyo.”
Duelo rin ang buhay natin sa araw-araw. Parang kontrapelo ang lahat. Wala tayong mapulot na liksiyon ng kaisahan sa pamahalaan at mga politico. Pati ang kung paano gagawin ang eleksyon ay pinag-iiringan at pinag-aawayan ngayon pa man. Ang naituturo natin sa escuela ay nababaligtad agad ng TV at ng internet. Dumadami ang sumasalungat at kumokontra sa turong moral ng simbahan at ng ebanghelyo.
Subali’t sa salaysay tungkol sa iringan sa ilang, malinaw ang nagwagi … malinaw ang kung sino ang magwawagi kailanman, saanman.
Sa Misang ito, kinikilala natin ang lumutang sa iringan at salungatan sa ilang … si Kristo, ang ating daan, katotohanan, at buhay.
huhuhuhu, ang lalim pa rin ng Tagalog version, ninong Father Chito 🙂
pangmakata, ingat Lng po sa Luneta (don nga b o Urdaneta?)…Bagumbayan pala 🙂
regards po from your maganda and gwapong inaanax 🙂
from Gina and Bryan
PS: positive npong buntis si Gina, 6 weeks n, yahoo 🙂