frchito

Archive for the ‘Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

ARAP, HANAP, YAKAP

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Hulyo 23, 2008 at 12:55

Ika-17 Linggo ng Taon (A)
Julio 27, 2008

Mga Pagbasa: I Hari 3:5, 7-12 / Roma 8:28-30 / Mateo 13:44-52

Ang hanay ng mga pagbasa natin ngayon ay nagsimula sa isang karanasan na malamang ay karanasan din natin. Isang pangarap ang kwento ng unang aklat ng mga Hari – pangarap ng talubatang si Solomon. Nagpakita sa pangarap ang Diyos na nagtanong sa kanya kung ano ang kanyang hanap o mithiin. Ang kanyang hiling ay kung ano ang hanap ng kanyang ginintuang puso: “Pagkalooban mo ako ng isang pusong mapang-unawa, upang mapatnubayan ko ang iyong bayan, at maging maalam kumilatis ng wasto o mali.”

Kung ano ang arap ay siyang hanap ni Solomon. Ang kanyang ginintuang mithiin ay hindi nauwi lamang sa kanyang pansariling kapakanan, bagkus nakatuon sa ikabubuti ng bayan ng Diyos. Ang kanyang arap ay maagap na sinuklian ng Diyos ng isang pangako at pagpapala: “Pagkakalooban kita ng isang pusong marunong at mapang-unawa na kailanman ay hindi nakita saanman ni mapapantayan ninuman.”

At ang maagap na tugon ng Diyos ay siya rin nating maagap na kasagutan matapos ang unang pagbasa: “Panginoon, mahal ko ang iyong mga kautusan.”

Ang ikalawang pagbasa ay isa namang patunay sa tunay na layunin at mithiin ng Diyos para sa atin. Ang hanap ng tao ay hindi kailanman binigo ng Diyos. “Batid natin,” ani San Pablo, “na lahat ng bagay ay nauuwi sa kabutihan para sa mga nagmamahal sa Diyos.” Masasabi natin na ito rin ang pangarap ng Diyos para sa atin – ang mapanuto ang lahat at makaniig ng Diyos.

Hindi ba’t ito ang nasa likod ng lahat ng ating mga pithaya at sanghaya? Hindi ba’t ito ang nilalaman ng ating mga puso at damdamin? Ito ang isa sa mga binigyang-diing pangaral ni Ronald Rolheiser sa kanyang aklat na The Holy Longing. Sa likod ng lahat ng ating arap (mithiin), ay walang ibang kundi ang Diyos ang ating hanap. Siya lamang at ang kanyang kalooban ang ating tunay na pinipithaya at inaasam-asam.

Maraming  nilalaman ang ating puso at damdamin araw-araw. Nandiyan ang kagustuhan natin na lumawig ang kapayapaan sa mundo. Nandiyan ang pagnanasa natin ng karampatangkaginhawahan ng buhay para sa lahat. Nandiyan ang paghahanap natin ng kasagutan sa maraming mga suliraning bumabagabag sa atin araw-araw.

Madali ang mabulid sa pagkakamaling manatili na lamang at sukat sa mga makamundong mga mithiin at layunin. Madali rin ang masadlak lamang sa pansariling pagnanasa – ang maghanap, ayon sa kalakaran ng kultura at lipunang punong –puno ng katiwalian, ng lahat ng uri ng makasariling layunin – ang magpadala na lamang sa agos at takbo ng lipunan.

Ito ang kultura ng korupsyon na parang agos ng tubig na tumatangay sa maraming mga Pilipino sa ating panahon. Ito ang kahulugan ng pananatili lamang sa antas ng makamundo at makasariling mga pagnanasa, na wala nang pagsasaalang-alang sa Diyos.

Pagkakataon na sana ni Solomon ang humiling ng lahat ng bagay na ika-iigaya at ikapapakinabang lamang niya. Nguni’t hindi ito ang kanyang arap at hanap. Mayroon pang higit siyang minimithi. Niyakap niya rin ang arap ng Diyos at isinaalang-alang ang Kanyang kalooban. At sapagka’t nagtapat siya sa Diyos ng tunay na layunin niyang dakila na nakatuon sa kapakanang pangkalahatan, maagap rin at maigting ang yakap ng Diyos sa kanya. Pangako at pagpapala ang tinanggap niya mula sa Diyos na gumagawa para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa Kanya.

Ang tunay na arap at hanap ni Solomon, ay ang Diyos at ang kanyang dakilang pagmamahal para sa kanyang bayan.

Lahat tayo ay naghahanap ng kayamanang walang kupas, ng kagandahan at kaligayahang walang maliw. Mahalaga na matukoy natin ito. Gaya ng sinasaad sa ebanghelyo, hindi tayo dapat masiyahan lamang sa asero, o puwet ng baso. Ang ating hanap ay isang kayamanang nabaon sa lupa. Hindi tayo nasisiyahan hangga’t hindi natin nakakamit ito. Gagawa tayo ng lahat mapasa-atin lamang ang natatagong kayamanan sa lupaing nabanggit. At kapag nasumpungan natin ito, ay handa tayong ipagbili ang lahat, mapasa-atin lamang ang dakilang yamang ito – ang perlas na hindi mapapantayan ng halaga.

Nagugunita ko ang kwento ni Pippin, na apo ni Carlomagno, Emperador ng Imperyong Romano. May mga tinig na nagsasabi sa kanyang magpakasasa sa poder, sa ginto, at sa kapangyarihang kaakibat ng pamumuhay sa palasyo ng Emperador. Sa wakas ng kanyang buhay, ay napagtanto niya na walang kulay na hindi kukupas, walang kapangyarihan at posisyon na hindi maaagnas at maglalaho. Ang orihinal niyang arap, ay hindi niya tunay na hanap. Napagtanto niya na siya ay hindi na kailangang mag-asam na maging isang agila, o kaya isang malalim, malawak, at makapangyarihang ilog sa kagubatan. Sa wakas, natanggap niya ang katotohanan. Siya ay nagkaroon ng tunay na karunungan.

Ito ang magandang balita ng Panginoon para sa atin sa araw na ito. Marami tayong arap, hanap, at naisin. Subali’t tanging isa lamang ang wastong hanap ng ating pusong nabihag na ng Diyos – ang karunungang maka-langit, at ang pagmamalasakit para sa  Diyos at sa kapwa. Sa kaibuturan ng ating puso at damdamin, ang arap at hanap natin ay walang iba kundi ang Diyos. Siya at ang kanyang kaharian ay ang kayamanang nakabaon sa lupa – kayamanang handa tayong pagsikapan at pagbayaran nang malaki.

Ang ating arap at hanap ay ang yakap ng Diyos sa buhay na walang hanggan.

Sa kabutihang-palad, ang ating arap at hanap na ito ay maagap na tinutugunan ng Diyos. Siya mismo ang gumagawa ng paraan at daan upang tayo ay kanyang mayakap sa isang maigting at mapagmalasakit na pag-ibig. “Batid natin na ang Diyos ay gumagawa para sa ikabubuti ng lahat ng mga nagmamahal sa Kanya.”

Naiintindihan ba natin ang lahat ng ito?

PAGKILALA AT PAGKILATIS, HINDI PAGLILITIS

In Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Hulyo 17, 2008 at 16:34

Ika-16 na Linggo ng Taon (A)

Julio 20, 2008

Noong isang Linggo, nabanggit natin kung paano ang mga kabataan ngayon ay hindi na marunong kumilala ng punong santol at ang kaibahan nito sa punong mangga. Sa ating pagpapaliwanag tungkol sa talinghaga ng naghasik ng buto, nagunita natin ang makataong karanasan ng tagumpay, sa isang banda, at pagkasawi o pagkabigo, sa kabilang dako. May butong nahulog sa masamang lupa. Hindi ito yumabong at nagbunga. Ito ay tumutukoy sa pagkabigo. Mayroon namang nahulog sa magandang lupa. Ito ay nagbunga ng sandaan, animnapu, o tatlumpu. Ito naman ay naglalarawan ng tagumpay. Subali’t bukod sa pagkabigo at pagtatagumpay, ang talinghagang nabanggit ay tumutuon din sa isang mahalagang katanungan para sa lahat: ano bang uring lupa tayo? Tayo ba ay tumatanggap at nagbubunga? Tayo ba ay isang salaysay ng tagumpay o pagkabigo?

Sa madaling salita, ang talinghaga ay nakatuon sa pangangailangan ng tao na matutong kumilala at kumilatis – ang kakayahang makaunawa sa mga payak na salaysay na ginamit ng Panginoon upang mangaral. Isa sa kahulugan ng pangaral na ito ay ang katotohanang ang tao ay dumadaan sa iba-ibang karanasan, at kasama rito ang karanasan ng tagumpay at pagkabigo. Subali’t bigo man o panalo, mayroong mahalagang bagay na dapat tayong mapulot rito.

Sa Linggong ito, dalawa na namang talinghaga ang natunghayan natin – ang talinghaga ng butil ng mustasa at ang talinghaga tungkol sa trigo at ligaw na damo. Ang dalawang talinghagang ito ay may kinalaman sa isang katotohanang tumatambad sa ating buhay saanmang dako ng daigdig.

Una sa lahat, may panahon na ang tingin ko sa atin ay walang kaibahan sa isang napakaliit na butil ng mustasa. Napakadali itong hipan at paliparin na parang alikabok lamang. Napaka tinggi nito upang mapansin, upang bigyang-halaga ninuman. Subali’t sa kabila ng kaliitan nito, ito ay simulain ng isang matayog na punong pag lumawig at lumago ay tinitingala at pinamumugaran ng mga ibon sa parang.

Ang taong hindi marunong kumilala nito at kumilatis ay madadala ng katinggian at parang kawalang halaga ng butil na ito. Walang iniwan ito para sa akin sa napaka payak at tila walang halagang dahon ng malunggay. Walang sinasabi kung baga ang malunggay, Walang halimuyak o amoy man lamang. Walang magandang panglabas, at walang anumang maka-aakit sa taong hindi alam kung ano ang natatagong halaga sa likod ng maliliit na dahon nito – ang angking yamang sustansiya nito na hindi mapapantayan ng anumang dahon sa buong mundo.

Sa ating panahon, tila ang lahat ng nakikita at naririnig natin ay salaysay ng pagkabigo. Nandiyan ang terorismo. Nandiyan rin ang pagkagutom ng maraming tao sa iba –ibang dako ng mundo. Nandiyan ang kultura ng kadayaan at katiwalian, na tila wala nang patid at wala nang solusyon. Nandiyan ang kultura ng kamatayan, na siyang naghahari sa puso at kaisipan maging ng ating mga mambabatas at namumuno sa lipunan. Sa harap ng mga matinding suliranin ng lipunan at ng simbahan, tila isang walang silbing butil o dahon ang pangaral ng simbahan, na kay daling libakin at talunin ng mga makamundong pag-iisip ng napakaraming tao. Sa harap ng napabilis na pagdami ng tao sa Pilipinas, tila ang turo ng simbahan – sa mata ng balana – ay isang paurong na pangaral na walang maitutulong sa pag-unlad ng bayan. Ang tinig ng Santo Papa ay parang isa lamang butil ng mustasa, o isang dahon ng malunggay o lantang petsay.

Sa isang talinghaga, tila pinatutunayan nito ang sinabi ko sa simula. Kay rami ang hindi na marunong kumilala at kumilatis. Hindi madaling kilalanin ang trigo at ang ligaw na damo habang lumalaki pa ang mga ito na magkatabi sa isa’t isa. Bukod rito, alam rin natin na mayroong ibang humihila sa ating pag-iisip at kumikitil unti-unti sa buhay ng Diyos sa ating kaluluwa.

Ang dalawang ito ay larawan ng isang karanasan ng pagkabigo at hindi tagumpay. Ito ang pumapasok sa ating isipan sa biglang wari.

Subali’t tingnan natin muli ang dalawang ito, at ibukas ang puso’t isipan sa wastong pagkilala at pagkilatis. Madaling mabulid ang tao sa paglilitis. Madali tayong humusga at magpasya at magsalita ng patapos. Madali para sa atin ang magwika tulad ng sa ebanghelyo na nagbalak bunutin na lamang at sukat, kagya’t ang mga masasamang damo. Nguni’t ditto pumasok ang magandang balitang naka-akma para sa ating lahat na pawang may pusong mapupusok. Sabi ng may-lupa: “Huwag kang mapusok. Maghintay muna at saka na gawin ang binabalak. Sapagka’t kung gagawin mo iyan ay mauubos pati ang magandang uhay ng trigo at matatapon kasama ng masasamang damo.”

Sa madaling salita, isa sa mga magagandang balita para sa atin ngayon, ay ang pangaral na nasa likod nito. Kinakailangan aniya, tayong matutong kumilala at kumilatis bago maglitis at magpasya.

Napakaraming kabulukan sa ating lipunan. May mga napaka-init ng ulo na nagbabalak agad-agad tagpasin ang mga ulo ng mga tampalasan, at puwersahang ibagsak ang gobyerno o agawin ang kapangyarihan. Magpahangga ngayon, mayroon pa ring mga maiinit ang ulo na hindi pa nagigising sa katotohanang ang mga kudeta, ang artipisyal at para nang moro-morong mga “people power” na gusto nilang maganap sa pamamagitan ng tulong ng mass media, ay hindi siyang tamang daan ng pagbabago. Napaka-mainipin nating lahat. Lahat tayo ay naghahanap ng pagbabago, nguni’t mayroong marurunong kumilala at kumilatis, ay mayroong ang hanap agad ay paglilitis.

Kahinahunan at wastong pagpapasiya ang ilan sa mga aral ng mga talinghaga ngayon. Ang tawag dito ni Sto. Tomas ay “prudential judgment” na malaki ang kinalaman sa “karunungang” maka-Diyos. Ito ay kaakibat rin ng pasensiya o kakayahang magtiis upang marating ang pinaka-aasam. Ito rin ay may kinalaman sa katapangan at pagpipigil ng sarili (temperance and fortitude). Ang taong duwag ay mapusok at padahas-dahas at kay daling isuong ang sarili at ang iba sa panganib. Ang taong mapayapa sa kalooban, at mahinahon, ngunit matapang at matiisin, at maalam at marunong ayon sa diwa ng turo ng Banal na Kasulatan ay handang humarap sa napakaraming suliranin. Hindi siya padahas-dahas. Hindi siya napadadala sa kapusukan. Siya ay pinaghaharian ng kakayahang kumilala at kumilatis ng mga bagay-bagay at pangyayari sa buhay. Ang paglilitis ay bagay na para sa kanya ay maaring maghintay, sapagka’t sa kanyang pag-asa, tulad ng pag-asang dulot ng mga maliliit at walang kaganda-gandang dahon ng malunggay, ay magaganap … di maglalaon, sa wastong panahon na dulot at kaloob ng Diyos. Pagkilala at pagkilatis, hindi paglilitis ang lubhang kailangan natin sa ating panahon.