frchito

PAGKILALA AT PAGKILATIS, HINDI PAGLILITIS

In Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Hulyo 17, 2008 at 16:34

Ika-16 na Linggo ng Taon (A)

Julio 20, 2008

Noong isang Linggo, nabanggit natin kung paano ang mga kabataan ngayon ay hindi na marunong kumilala ng punong santol at ang kaibahan nito sa punong mangga. Sa ating pagpapaliwanag tungkol sa talinghaga ng naghasik ng buto, nagunita natin ang makataong karanasan ng tagumpay, sa isang banda, at pagkasawi o pagkabigo, sa kabilang dako. May butong nahulog sa masamang lupa. Hindi ito yumabong at nagbunga. Ito ay tumutukoy sa pagkabigo. Mayroon namang nahulog sa magandang lupa. Ito ay nagbunga ng sandaan, animnapu, o tatlumpu. Ito naman ay naglalarawan ng tagumpay. Subali’t bukod sa pagkabigo at pagtatagumpay, ang talinghagang nabanggit ay tumutuon din sa isang mahalagang katanungan para sa lahat: ano bang uring lupa tayo? Tayo ba ay tumatanggap at nagbubunga? Tayo ba ay isang salaysay ng tagumpay o pagkabigo?

Sa madaling salita, ang talinghaga ay nakatuon sa pangangailangan ng tao na matutong kumilala at kumilatis – ang kakayahang makaunawa sa mga payak na salaysay na ginamit ng Panginoon upang mangaral. Isa sa kahulugan ng pangaral na ito ay ang katotohanang ang tao ay dumadaan sa iba-ibang karanasan, at kasama rito ang karanasan ng tagumpay at pagkabigo. Subali’t bigo man o panalo, mayroong mahalagang bagay na dapat tayong mapulot rito.

Sa Linggong ito, dalawa na namang talinghaga ang natunghayan natin – ang talinghaga ng butil ng mustasa at ang talinghaga tungkol sa trigo at ligaw na damo. Ang dalawang talinghagang ito ay may kinalaman sa isang katotohanang tumatambad sa ating buhay saanmang dako ng daigdig.

Una sa lahat, may panahon na ang tingin ko sa atin ay walang kaibahan sa isang napakaliit na butil ng mustasa. Napakadali itong hipan at paliparin na parang alikabok lamang. Napaka tinggi nito upang mapansin, upang bigyang-halaga ninuman. Subali’t sa kabila ng kaliitan nito, ito ay simulain ng isang matayog na punong pag lumawig at lumago ay tinitingala at pinamumugaran ng mga ibon sa parang.

Ang taong hindi marunong kumilala nito at kumilatis ay madadala ng katinggian at parang kawalang halaga ng butil na ito. Walang iniwan ito para sa akin sa napaka payak at tila walang halagang dahon ng malunggay. Walang sinasabi kung baga ang malunggay, Walang halimuyak o amoy man lamang. Walang magandang panglabas, at walang anumang maka-aakit sa taong hindi alam kung ano ang natatagong halaga sa likod ng maliliit na dahon nito – ang angking yamang sustansiya nito na hindi mapapantayan ng anumang dahon sa buong mundo.

Sa ating panahon, tila ang lahat ng nakikita at naririnig natin ay salaysay ng pagkabigo. Nandiyan ang terorismo. Nandiyan rin ang pagkagutom ng maraming tao sa iba –ibang dako ng mundo. Nandiyan ang kultura ng kadayaan at katiwalian, na tila wala nang patid at wala nang solusyon. Nandiyan ang kultura ng kamatayan, na siyang naghahari sa puso at kaisipan maging ng ating mga mambabatas at namumuno sa lipunan. Sa harap ng mga matinding suliranin ng lipunan at ng simbahan, tila isang walang silbing butil o dahon ang pangaral ng simbahan, na kay daling libakin at talunin ng mga makamundong pag-iisip ng napakaraming tao. Sa harap ng napabilis na pagdami ng tao sa Pilipinas, tila ang turo ng simbahan – sa mata ng balana – ay isang paurong na pangaral na walang maitutulong sa pag-unlad ng bayan. Ang tinig ng Santo Papa ay parang isa lamang butil ng mustasa, o isang dahon ng malunggay o lantang petsay.

Sa isang talinghaga, tila pinatutunayan nito ang sinabi ko sa simula. Kay rami ang hindi na marunong kumilala at kumilatis. Hindi madaling kilalanin ang trigo at ang ligaw na damo habang lumalaki pa ang mga ito na magkatabi sa isa’t isa. Bukod rito, alam rin natin na mayroong ibang humihila sa ating pag-iisip at kumikitil unti-unti sa buhay ng Diyos sa ating kaluluwa.

Ang dalawang ito ay larawan ng isang karanasan ng pagkabigo at hindi tagumpay. Ito ang pumapasok sa ating isipan sa biglang wari.

Subali’t tingnan natin muli ang dalawang ito, at ibukas ang puso’t isipan sa wastong pagkilala at pagkilatis. Madaling mabulid ang tao sa paglilitis. Madali tayong humusga at magpasya at magsalita ng patapos. Madali para sa atin ang magwika tulad ng sa ebanghelyo na nagbalak bunutin na lamang at sukat, kagya’t ang mga masasamang damo. Nguni’t ditto pumasok ang magandang balitang naka-akma para sa ating lahat na pawang may pusong mapupusok. Sabi ng may-lupa: “Huwag kang mapusok. Maghintay muna at saka na gawin ang binabalak. Sapagka’t kung gagawin mo iyan ay mauubos pati ang magandang uhay ng trigo at matatapon kasama ng masasamang damo.”

Sa madaling salita, isa sa mga magagandang balita para sa atin ngayon, ay ang pangaral na nasa likod nito. Kinakailangan aniya, tayong matutong kumilala at kumilatis bago maglitis at magpasya.

Napakaraming kabulukan sa ating lipunan. May mga napaka-init ng ulo na nagbabalak agad-agad tagpasin ang mga ulo ng mga tampalasan, at puwersahang ibagsak ang gobyerno o agawin ang kapangyarihan. Magpahangga ngayon, mayroon pa ring mga maiinit ang ulo na hindi pa nagigising sa katotohanang ang mga kudeta, ang artipisyal at para nang moro-morong mga “people power” na gusto nilang maganap sa pamamagitan ng tulong ng mass media, ay hindi siyang tamang daan ng pagbabago. Napaka-mainipin nating lahat. Lahat tayo ay naghahanap ng pagbabago, nguni’t mayroong marurunong kumilala at kumilatis, ay mayroong ang hanap agad ay paglilitis.

Kahinahunan at wastong pagpapasiya ang ilan sa mga aral ng mga talinghaga ngayon. Ang tawag dito ni Sto. Tomas ay “prudential judgment” na malaki ang kinalaman sa “karunungang” maka-Diyos. Ito ay kaakibat rin ng pasensiya o kakayahang magtiis upang marating ang pinaka-aasam. Ito rin ay may kinalaman sa katapangan at pagpipigil ng sarili (temperance and fortitude). Ang taong duwag ay mapusok at padahas-dahas at kay daling isuong ang sarili at ang iba sa panganib. Ang taong mapayapa sa kalooban, at mahinahon, ngunit matapang at matiisin, at maalam at marunong ayon sa diwa ng turo ng Banal na Kasulatan ay handang humarap sa napakaraming suliranin. Hindi siya padahas-dahas. Hindi siya napadadala sa kapusukan. Siya ay pinaghaharian ng kakayahang kumilala at kumilatis ng mga bagay-bagay at pangyayari sa buhay. Ang paglilitis ay bagay na para sa kanya ay maaring maghintay, sapagka’t sa kanyang pag-asa, tulad ng pag-asang dulot ng mga maliliit at walang kaganda-gandang dahon ng malunggay, ay magaganap … di maglalaon, sa wastong panahon na dulot at kaloob ng Diyos. Pagkilala at pagkilatis, hindi paglilitis ang lubhang kailangan natin sa ating panahon.

Advertisement
  1. magandang araw po Fr Chito nagustuhan ko po ang inyong kalakbay at katoto nais ko pong ipaalam sa inyo na nakakatulong po ito ng malaki sa akin bilang isang layco sa aming parokya dito sa mindanao ganoon din po sa aking programa sa radyo tuwing lingo. akin lang pong ipina paalam sa inyo na nagagamit ko po ang inyong artikulo. sana po pahintulutan ninyo akong ipagpatuloy ang aking ginagawa. marami pong salamat at sumainyo po ang pagpapala ng ating Panginoong Diyos.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: