frchito

Archive for the ‘Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

HARABAS, PALABAS, TUBOS, LUBOS

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kristong Hari, Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon B on Nobyembre 16, 2009 at 01:33

Christ_the_King

DAKILANG KAPISTAHAN NI KRISTONG HARI
Nobyembre 22, 2009

Mga Pagbasa: Daniel 7:13-14 / Pahayag 1:5-8 / Juan 18:33b-37

Marami ang manonood ng sineng 2012. Kasama ako dito. Kahit ano sabihin natin, nakabibighani ang sine na may kinalaman sa trahedya, sa wakas, sa mga nakasisindak na mga bagay na maaaring mangyari sa daigdig na kinalalagyan natin. Nakapagtataka, nguni’t sa panahong ito kung kailan maraming mga natural na trahedya tulad ng lindol, baha, tsunami, at iba pa ang nagaganap sa maraming bahagi ng mundo, ang mga palabas na nagpapakita ng pagka-harabas ng lahat ng kalikasan ay dumadami.

Madaling madala ng takot dahil sa mga ito. Ang panghaharabas ng kalikasan sa mundo ay magandang paksa sa maraming mga palabas na nagdudulot ng pangamba sa isipan at puso ng marami.

Ngunit ano ba ang kaibahan ng sineng 2012 sa sinasaad ng mga pagbasa ngayon? Ang mga pagbasa ay tumutuon sa pagdatal ng mananakop. Subali’t tulad ng nakagawian ng mga manunulat noong panahong yaon, ang balitang ito ay isinapaloob nila sa isang uri ng panitikang tinaguriang apokaliptiko — isang uri ng panulat na kinapapalooban ng marami at kahindik-hindik na mga sagisag o simbolo, na nakatuon at naglalayon, hindi sa pagdudulot ng takot at pangamba, kundi sa isang karunungang espiritwal.

Takot ang dulot ng 2012. Takot ang dulot ng mga mabababaw na hula na nagsasabing gugunaw na ang daigdig sa taong 2012 at iba pa. Nguni’t ang pagdatal ng Anak ng Tao na binabanggit ni propeta Daniel ay hindi takot ang layon, kundi pag-asa, paghihintay, pagnanasang banal, at pananampalataya sa Diyos na hindi nanghaharabas ng kanyang nilikha bagkus nagliligtas at nagtutubos nang lubos!

Ito ang diwa ng paghahari ni Kristo. Hindi niya kailangang maging Hari. Hindi niya kailangan ng anumang titolo. Nguni’t kailangan natin ng isang ituturing na Hari, upang ang ating kamalayan at pagkatao ay matuon sa iisa at parehong layunin at balakin.

Maraming hari o naghahari-harian sa atin. Sapat nang makita ang mga trahedya na dulot ng mga naghahari-harian sa bayan natin – ang mga tampalasang nagwawasak ng kagubatan, ang mga politikong walang hanap kundi posisyon, poder, at pera … ang lahat na ang sinasanto at sinasamba ay hindi ang espiritwal na katotohanan kundi ang sariling pansamantalang kapakanan. Mahaba ang listahan … at kasama tayong lahat dito.

Ang diwa ng paghahari ni Kristo ay para sa atin, at hindi para sa kanya. Malinaw ba kaya ang ating pinipili? Malinaw bang tunay ang hangad natin?

Nakatutuwang isipin na tayo ay nababagabag ng mga imahenes sa sineng 2012. Subali’t matanong natin ang sarili natin … nababagabag ba tayo sa mga bahang kagagawan natin? Nababagabag ba tayo sa katotohanang hindi na natin kailangan ang init ng araw upang wasakin ang hinaharap natin? Natatakot ba tayo sa mga trahedyang dulot ng katakawan natin, pagkamakasarili, at pagkaganid sa mga dulot ng kalikasang mabilis natin ngayon sinisira at winiwindang?

May taglay na aral ang wakas ng panahon sa atin. At hindi takot ang aral na ito kundi karunungan. May taglay na aral ang matuto nating ituring ang Panginoon bilang Hari, sapagka’t sa ganitong paraan, ay mababatid natin na hindi tayo ang “bosing” ng kalikasan na walang pakundangan sa katotohanang ito ay may hangganan. May malaking aral ang kapistahang ito para sa atin na pawang naghahari-harian sa mundo at sa lahat ng alay ng mundong ito.

Sa araw na ito, pista ni Kristong Hari, matuto nawa tayong ilagay ang sarili sa wastong luklukan, hindi sa luklukan ng mga masisiba, matatakaw, madadamot, at mapagkamal at tampalasang politico na walang inisip kundi palawigin ang sariling poder, posisyon at pananalapi. Matuto nawa rin tayo na alalahanin tuwina na may wakas ang lahat, ang buhay, ang hininga, ang pananatili natin sa mundong ibabaw.

Ang Kristong Hari ay dapat tunay na maghari sa puso ng bawat isang Pinoy.

Ang dulot ng Haring ito ay hindi harabas na makikita natin sa palabas. Ang hatid ng Haring ito ay hindi mga paingay na dala ng mga taong sanga-sanga ang dila na buktot at baluktot ang pag-uugali sa lipunan. Ang hatid ng haring ito ay karunungang espiritwal, na maalam tumingin sa aral ng wakas, ng hantungan at ng hangganan ng lahat.

At ano ba ang hantungan at hangganan na ito? Ang tubos at kaligtasan natin lahat … katubusan at kalubusan. Ang haring ito ay naparito upang maghatid sa atin ng tubos na lubos …. “siksik, liglig, at nag-uumapaw.”

Purihin ang Cristo Rey!

Chicago, IL 60605
Nobyembre 15, 2009
11:30 AM

TAGUYOD SA GITNA NG TAGTUYOT

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Setyembre 15, 2009 at 08:15

Jesus_Children
Ika-25 Linggo ng Taon(B)
Setyembre 20, 2009

Panglaw at lungkot ang dulot ng unang pagbasa. May kinalaman ito sa pagbabalak ng mga masasamang-loob laban sa mga nagpapakabuti at nagpapakabanal. Hindi ba’t ito ay isang makatotohanang eksena sa buhay natin? Ang hindi sumasabay sa katiwalian, ang nagpapakatapat sa kanilang tungkulin, ang mga taong hindi sumusunod sa agos, ang may sariling pamamalakad at alituntunin batay sa kanilang paniniwala at pananampalataya … ito ang mga pinagsisikaping gapiin ng mga taong may masasamang balakin at hangarin.

Alam natin kung bakit hindi makausad ang bayan natin … Alam rin natin, na sa kabila ng ating katiyakan na ang nasa pinakamataas na antas ng pamumuno sa bayan natin ay tiwali at madaya, alam rin natin na pati na rin ang mga nasa ibaba, ang mga pinakamaliliit at payak na kawani ng lahat ng antas ng lipunan natin ay nabahiran na rin ng laganap na katiwalian. At kung mayroong nagsisikap maiba sa kalakaran, alam rin natin na sila ay pinagbabalakan ng masama, tulad ng sinasaad sa unang pagbasa: “Pahirapan natin ang tapat, sapagka’t sinisira niya ang diskarte natin… sinasansala niya ang ating mga balakin.”

Ilang mga tao na naglilingkod sa gobyerno na ang nakapaglahad sa akin nito… Hirap sila magpakabuti, sapagka’t sila ang pinag-iinitan ng mga tiwali. Ilang mga personal na karanasan na ang aking pinagdaanan … ang mahuli ng pulis na nagtatago sa dilim dahil sa diumano ay “traffic violation” sa kadiliman ng Linggo ng gabi, kung kailan wala namang gaanong mga sasakyan? Ang hulihin ang walang kalaban-labang mga driver dahil daw sa hindi pagsunod sa batas trapiko dahil nahuli ng “yellow light” sa gitna ng intersection dahil sa bagal ng takbo ng trapiko?

Ang landas ng buhay pang-araw-araw ay puno ng lahat ng uri ng tagtuyot, taghirap, at pagbabalak ng masama laban sa mga nagpapakabuti at nagsisikap gumawa nang tama at mabuti.

Parang isang bukal ng sariwa at malamig na tubig sa tuyot na tuyot at tigang na lupa ang tugon natin sa lahat ng ito: “Ipinagtataguyod ng Panginoon ang aking buhay.”

Nguni’t matanong nga natin … totoo nga ba ito? Totoo nga ba na ang Diyos ay nagtataguyod sa mga naglalakad sa landas ng katotohanan at kabutihan?

Noong libing ni Cory, libo-libo ang nagpumilit sumilay sa kanyang mga labi. Libo-libo rin ang nagsikap Makita ang pagdaan ng kanyang katawan sa mga lansangan sa Maynila. Libo-libo ang nakipagsiksikan, at nagpagod, at nagpakagutom masilayan lamang si Cory at makapagbigay ng kanilang pamamaalam. Sa semeteryo, mahigit sampung libo ang lumusot sa mga kapulisan upang makapasok sa kung saan siya dinala sa huling hantungan. Iyon lamang ang kanilang pakay … ang magpahayag ng kanilang pasasalamat at pagmamahal sa isang taong itinuring nila bilang hindi lamang Ina ng demokrasya, kundi Ina rin ng bayang Pilipinas. Nilabag nila ang kautusan ng pulis, ngunit wala silang nilabag na batas. Tanging pag-ibig at pasasalamat lamang ang kanilang batas na sinunod.

May pag-asa pa ang Pilipinas! Kung titingnan natin ang naganap noong mga araw na yaon, para itong taguyod ng Diyos sa kabila ng tagtuyot na panahon kung kailan ang masama ay itinuturing na mabuti at ang mabuti ay ginagamit para sa kasamaan!

Sa biyaya ng Diyos, marami na rin akong napuntahan sa buong daigdig. Ang Pinoy ay nasa mahigit sa 130 bansa sa buong mundo. Pati sa Eastern Europe ang Pinoy ay matatagpuan. Isa sa mga maliwanag na pagtataguyod ng Diyos sa tagtuyot ng Europa ay walang iba kundi ang pananatili ng mga Pinoy doon. Sila ang nagbibigay-buhay sa simbahan. Sila ang mga nagpapagalaw sa takbo ng liturhiya sa mga lugar na yaon. Sila ang mga umaawit at naglilingkod, nagpapahayag ng kagalakan sa pamumuhay Kristiyano, at nagsasabing mayroong taguyod mula sa Diyos sa kabila ng tagtuyot sa lipunang nababalot ng terorismo at marami pang ibang suliranin.

Ang pagbasa mula sa Aklat ng Karunungan ay walang iba kundi pagtataguyod ng katotohanang ang karunungang mula sa Diyos ay buhay, umiiral, umaantabay, gumagabay sa lahat ng tao …. Ngayon, dito, saanman at kailanman.

Paanyaya sa atin ng ikalawang pagbasa na hayaang lumawig ang karunungang ito mula sa itaas. Sa halip na mapariwara dahil sa inggit, pagkamakasarili, at labis na pag-aasam, ang paanyaya sa atin ay yakapin ang karunungan mula sa Diyos. Ito ang malinaw na taguyod ng Diyos sa kabila ng tagtuyot!

Ang ebanghelyo naman ay tumutuon sa kasukdulan ng tagtuyot – ang kamatayang naghihintay sa Panginoon. Kasama ang mga disipulo sa paglalakbay sa buong Galilea, sinabi Niya nang tahasan ang totoo: “Ang Anak ng Tao ay ihahabilin sa mga tao na maghahatid sa kanya sa kamatayan, nguni’t matapos ang tatlong araw, siya ay muling mabubuhay.”

May lalampas pa kaya sa tagtuyot na ito, na kikitil sa kanyang buhay? May mas mapait pa kayang karanasan kaysa sa sinapit Niya sa pagbabalak at paggawa ng mabuti? Hindi ba ito ang kasukdulan ng tagtuyot ng kabutihan at katarungan?

Kung minsan, nadadala tayo ng kalungkutan dahil sa mga nagaganap sa ating lipunan. Wala na yatang taong tapat at kagalang-galang sa gobyerno, maging sa lehislatura, ehekutibo, at judicatura. Tila lahat ng nag-asam ng posisyon ay nag-asam din sa lahat ng maidudulot ng posisyon: pribilehiyo, poder, pera, at lahat ng iba pa – maging ang mali at kasuklam-suklam!

Tuyot at tigang ang mga lalamunan natin habang nagpupuyos ang damdamin at puso nating nais sumigaw ng katotohanan sa isang daigdig na tila hindi na nakikinig sapagka’t pati ang mundo ay nadala na rin ng kalakarang malayo sa Diyos.
Taguyod mula sa itaas ang hanap natin. Taguyod mula sa Diyos na maawain ang dasal natin.

Taguyod sa tagtuyot ang katangian ng buhay kristiyano. At sa araw na ito, hindi isang magic wand o isang kidlat o kulog ang balita Niya para sa ating lahat na nabubuhay pa dito sa lupang bayang kahapis-hapis.

Ang kanyang tugon at taguyod? Heto … kumuha ng isang batang paslit, iniupo sa kanyang harapan at nagwika: “Sinumang tumanggap sa isang batang ito sa ngalan ko, ay tumatanggap sa akin. At sinumang tumanggap sa akin, ay tumatanggap hindi sa akin, kundi sa nagsugo sa akin.”

Ang taguyod ng Diyos sa kabila ng tagtuyot ay hindi isang kulog at kidlat mula sa langit. Ito ay unti-unti at dahan-dahang nagkakatotoo sa pamamagitan ng mahihina, marurupok, at simpleng tao tulad nating lahat … tulad ng isang payak na bata na tila walang kaya, walang yaman, at walang tinig.

Ito ang karunungang mula sa langit. Ang taguyod ng Diyos ay narito … nagkukubli sa likod mo, sa likod ko, sa likod nating lahat. At ang tanging kailangan ay ito … tanggapin ang hamon ng Panginoon … tanggapin Siya sa kabila ng katigangan ng buhay.

Sapagka’t sa kaibuturan ng lahat … ang taguyod natin sa tagtuyot ay walang iba kundi ang Diyos na sa mula’t mula pa ay nagkaloob ng buhay sa gitna ng kadiliman at kawalan!