frchito

Posts Tagged ‘Pagsunod kay Kristo’

IWAN, IWANAN, AT SUNDIN!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Enero 23, 2014 at 20:50

fishermen

Ikatlong Linggo Taon A
Enero 26, 2014

IWAN, IWANAN, AT SUNDIN!

Balik na naman tayo kay Isaias … propeta ng liwanag sa karimlan … Hula niyang ang mga lugar tulad ng Zabulun at Neftali, na dati’y nalugmok sa kahihiyan at kadiliman, ay mabubunyag bilang tampulan ng liwanag. Hindi lang isang beses natin ito narinig bago mag-pasko at sa buong panahon ng pasko.

Natupad ang kanyang hula nang si Jesus ay lumisan sa Nazaret, at nagpunta sa Capernaum, malapit sa teritoryo ng Zabulun at Neftali. Iniwan ni Jesus and Nazaret. Nilisan niya ang lugar ng kanyang pagkabata, dahil sa isang misyong hindi niya maiwanan, yaman at atang sa kanyang balikat ng Kanyang Amang makalangit.

Nang panahong iyon, mga estudyante ang naghahanap ng susundan, naghahanap ng guro na palilibutan. Sa pagkakataong ito, hindi estudyante and naghanap. Ang Panginoon mismo ang siyang naghanap at tumawag.

Madali ang pagsunod ng tinawag. Hindi katulad ng mga batang pag ayaw sumunod sa magulang ay nagbibingi-bingihan. Mahirap sa mga bata ang iwan ang laro, ang pinakagustong gawin lagi ng bata. Mahirap rin sa mga bata ang iwanan sa iba ang mga laruang pinakamamahal. Mahirap lisanin kaninuman ang mga bagay na pinahahalagahan. At lalung mahirap sundin ang isang naghihimok na iwan ang nakagawian at iwanan ang lahat para sa kanya.

Araw ng disipulo ngayon. Dumating si Jesus, na ang hanap ay tagasunod. Nakita si Pedro at Andres. Tinawag at kagyat tumalima. Walang pasubali. Walang “teka muna.” Walang “mamaya na.” Walang atubili.

Nakita sina Santiago at Juan. Tinawag rin. Hinikayat iwan at iwanan ang lahat. Kagya’t ring sumunod. Walang tanong-tanong. Walang “puede bang sa ibang araw na lamang?”

Marami tayong dahilan. Kapag ayaw maraming dahilan; kapag gusto maraming paraan. Kapag kapartido, walang masama at labag sa batas; kapag kalaban, lahat ay illegal at labag sa batas ng bayan.

Mahirap iwan ang komportableng pamumuhay. Mahirap iwanan ang gamit na kinahumalingan, ang mga taong nagpapataba ng puso natin.

Pero malinaw pa sa sikat ng araw, na ang mga disipulo nang tinawagan, ay kagya’t kumilos ay lumisan. Iniwan ang lahat; iniwanan ang mga kagamitan at lahat. Dalawang paglisan ang tinupad ng mga disipulo: iniwan ang pamilya, at iniwanan ang trabaho, ang makapagbibigay sa kanila ng seguridad o katiyakan sa hinaharap.

Pahiya na naman kaming mga pari dito. Hirap kaming iwan ang kinagawian. Hirap rin kaming iwanan ang mga kinasanayan. Hirap kaming lumisan upang humayo at mangaral ng mabuting balita kung saan kami kinakailangan.

Pero ito ang turo ng Linggong ito – ang diwa ng tunay na pagiging disipulo …
Ang iwan ang lahat … ang iwanan ang mga kinasanayan, at ang paglisan, tulad nang paglisan ng Panginoon sa Nazaret, upang maghatid ng liwanag sa Zabulun at Neftali, at hanggang sa dulo ng daigdig.

Handa ba tayong iwan, iwanan, at lisanin ang lahat? Hindi lang kaming mga pari ang tinatawagan dito, kundi pati mga layko … sapagka’t lahat tayo ay tinatawagan upang maghatid ng mabuting balita hanggang sa dulo ng daigdig … hanggang saw akas ng panahon.

Sacred Heart Novitiate
Lawaan, Talisay City, Cebu
January 23, 2014

Advertisements

OSANA? O SIGE NA!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Mahal na Araw, Taon K on Marso 22, 2013 at 10:14

LINGGO NG PALASPAS

Marso 24, 2013Entry_into_Jerusalem002

OSANA? O BAKA NAMAN, O SIGE NA!

 

Sanay tayo sa larawan ng mga alalay. Halos lahat ng tanyag na tunay na tanyag ay sandamakmak ang alalay. At yamang ang politica natin ay showbiz na showbiz na rin, pinakamaraming alalay ang mga politico sa bayan natin. Saanman sila pumunta … saanman sila naroroon, ang mga alalay ay parang patunay sa awiting ganito ang linya: “Saan ka man, naroroon sinta ..”

Pero nang pumasok ang Panginoon sa Jerusalem, sandamakmak rin ang mga alalay. Hinatak at dinala nila lahat ang unang mahugot sa kanilang katawan at kapaligiran. May nagtanggal ng mga balabal … ginawa nilang alfombra o tapakan ng Panginoon. May nagsira ng mga puno at palumpong … Pinitas ang mga sanga, ginupit ang mga dahon at iwinagayway, kundi ilinatag sa daraanan ng Panginoong dumarating sa ngalan ng Diyos.

Hindi magkamayaw sa ingay, sa galak, sa tuwa at pagbubunyi nang dumating si Jesus sa lungsod.

Pero uso na rin yata noon ang palitan ng partido. Hindi naglaon ay ang mga maiingay na alalay ay nagsipagbaligtaran na ng partido. Yaong mga dating napaos sa kasisigaw ng Osana ay nagbago ng tugtugin … nagpalit ng awitin … at nagbaligtad sa kanilang hiyaw … En vez na Osana ay naging O sige na! ipako yan sa krus!

Sa buhay natin, ilang beses na tayo nagbago ng isip? Ako, inaamin ko … pabago-bago ang isip ko rin sa maraming bagay. Ilang beses tayo bumaligtad sa ating pangako? Ako … may mga pangako ring tinalikuran … Ilang beses tayo bumalikwas at lumayo sa orihinal nating mga layunin at adhikain?

At yamang narito tayo sa paksang ito? Ilan ang kilala ninyong balimbing na dati-rati ay kakampi noong si kwan, pero ngayon ay kakampi na ni ano? Ilan sa atin ang sanga-sanga ang dila at kapag nabusalan ay nagsasalawahan?

Di ba’t ito ang kwento ni David? Di ba’t ito ang kwento ng mga propeta tulad ni Jonas? Na sa halip na tumungo sa Nineve ay bagkus lalu namang umalis palayo? Di ba’t tayong lahat ay salawahan? Di ba’t tayong lahat ay makasalanan?

O anyare sa Jerusalem? Sandamakmak na alalay ang sumalubong, parang dumating sa bayan si Sir Chief at naglabasan ang lahat ng halos mahimatay sa kanyang pagdating. Pero pagkatapos ng ilang araw ay ano ang nangyare? Nasaan sila?

Hayun! Matapos sumigaw ng Osana, ay iba na ang sigaw nila … O Sige Na! Ipako na yan sa krus! Palayain na ang aming bagong Sir Chief, si Barabas!

Banal ang buong Linggong ito. Banal at handa tayong makarinig ng kaunting pasaring mula sa Diyos … bukas ang looban natin na magtika at gumawa ng kaunting pagsisisi.

Eto ang dapat siguro natin marinig. Malimit sa buhay natin, ito ang ating sigaw … At kung yan man ay kasalanan, ay sapagka’t kami ay tao lamang … Alam ko masama, pero sige na, wala na tayong magagawa. Alam kong mali, pero sino ang hindi nagkakamali? Sige na!

Alam nating hindi angkop sa kalooban ng Diyos, pero anong karapatan ng mga pari upang humusga? Sino ang dapat magsabi sa akin kung ano ang aking dapat gawin? Malinis ang aking konsiyensiya … Siya, sige na!

Sa halip na unahin ang Diyos at bumigkas ng Osana, anyare? Heto … napapalitan tuwina ng O SIGE NA! BAHALA NA! PUEDE NA!

Sa dinami-dami ng mga alalay ng Panginoon, nang tumiwalag ang karamihan at nag-asal balimbing, mayroong kaunting nanatili sa kanyang likuran. Ito ang mga hindi pansamantalang mga alalay at tagahanga. Ito ang mga tunay na disipulo.

Ang kailangan ng Panginoon ay hindi mga alalay, bagkus mga tunay na tagasunod!