frchito

Archive for the ‘Propeta Isaias’ Category

KALAKARAN O KATUWIRAN?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Isaias, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Setyembre 7, 2009 at 09:47

isaiah
Ika-24 na Linggo ng Taon(B)
Setyembre 13, 2009

Mga Pagbasa: Isaias 50:4c-9a / Santiago 2:14-18 / Mark 8:27-35

Malaki ang kinalaman ng lakad o paglalakad sa pagninilay natin sa Linggong ito. Si Isaias ay isang propetang banat sa hirap ng paglalakad. Siya rin ang propetang pinakamarami ang winika tungkol sa paglalakad sa iba-ibang pamamaraan sa kasaysayan ng Biblia. Ang sipi sa kanyang aklat sa araw na ito ay kanyang tugon sa lahat ng uri ng pagsubok maging sa sandaling siya ay naglalakad sa gitna ng kadiliman at matinding kahirapan.

Sinasalamin ni Isaias ang landas na tinatahak natin bilang taga-sunod ni Kristo – ang lahat ng uri ng hilahil at pasanin … ang susun-susong mga pagsubok na unti-unting naghahatid sa atin upang manghinawa, magsawa, at bumitaw sa paggawa ng mabuti.

Pinakamadali ang manatili lamang sa pagngawa. Nguni’t mahirap ang tumuloy sa paggawa. Ito ang sinasaad sa liham ni Santiago: “Patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.”

Salamin rin ng mga salita ni Santiago ang buhay natin bilang bayan. Tayo ang itinuturing na tanging bansang Kristiyano sa Asya. Totoo nga ito. Pero totoo rin na mura ang buhay sa Pilipinas. Hanggang ngayon, wala pang umaamin sa pagpatay kay Dacer at Corbito. Wala pa rin malinaw na salarin sa pagkamatay ni Ninoy Aquino. At tuwing malapit na ang halalan, sunod-sunod ang mga patayan – sa isang bansang ang higit na nakararami ay nagsasabing sumasampalataya sila kay Kristo.

Mabilis ang salita; madulas ang bunganga; nguni’t matumal ang paggawa.

Ito ang kalakaran sa ating lipunan. Ito ang kinagawian na malayo sa ebanghelyo. Ngayon pa man, umaandar na ang maduming pamomolitika para sa sariling kapakanan ng naglipanang mga tampalasang naghahangad daw maglingkod sa balana. Dahil sa isang aksidente na naman sa karagatan, manggagalaiti na naman ang mga kinauukulan; mag-iingay na naman ang mga kandidato na gustong marinig at makita ng karamihan, taglay ang pagnanasang makilala nang higit pa, at makita bilang isang kampeon ng mga walang kaya.

Nguni’t malinaw sa mga pagbasa na hindi kalakaran, kundi katuwiran ang dapat pag-ukulan ng pansin.

Sa kabila ng kadiliman at kahirapan, ito ang tugon natin, tulad ng tugon ni Isaias sa kanyang mga pagsubok: “Maglalakad ako sa harapan ng Panginoon sa lupain ng mga buhay!”

Ito ay hindi lamang isang hula at mapagnais na pananalita. Ito ay konbiksyon at malalim na paniniwala ng isang hindi bunganga, kundi, pananampalataya ang pinaiiral sa sarili.

Ito ang bunga ng isang paglalahad na walang iniwan sa tugon ni Pedro sa makailang ulit na tanong ng Panginoon sa kanila: “Sino ba ako ayon sa mga tao?”

Puedeng bunganga lamang ang pairalin dito. Puedeng pagngawa lamang ang siyang palutangin tulad ng mga sinungaling na namumuno sa bayan natin. Pero hindi ito ang hingi ng pananampalataya … hindi lamang ito isang press release, ika nga. Hindi lamang isang scoop o palitaw na balitang walang kinalaman sa gawa.

Ito marahil ang dahilan kung bakit hindi nasiyahan ang Panginoon sa unang mga tugon ng mga disipulo. Kayo …. Ako at Ikaw … hindi sila … ano ang sabi ninyo kung sino ako?

Katuwiran, hindi kalakaran ang dapat umiral. Katotohanan, hindi palitaw na balita ang dapat maghari sa bayan. Katapatan, hindi pabalat bungang kababawan at ugaling kalabaw ang dapat siyang makita sa mga naghahangad “maglingkod” sa bayan!

Chalan Pago, Guam
Setyembre 7, 2009
11:45 AM

PANGAKONG UMUSBONG AT YUMABONG

In Adviento, Homily in Tagalog, Propeta Isaias, Taon B on Disyembre 17, 2008 at 12:04

rubus_fruticosus_4Ika-tatlong Araw ng Simbang Gabi
Diciembre 18, 2008

Mga Pagbasa: Jeremias 23:5-8 / Mt 1:18-25

Sa ikatlong araw ng nobena natin, katapatan pa rin ng Diyos ang ating usapin. Ngayon naman ay halaw kay Jeremias ang hulang nagpapadama sa atin sa pag-ibig at katapatan ng Panginoon. Kahapon, sapin-sapin ang pinag-usapan natin. Sapin-sapin at salin-salin ang mga angkan na pinagmulan ni Jesus. Nguni’t bagama’t sapin-sapin at salin-salin, hindi ito bitin sa kadahilanang ang mga pangakong binanggit sa Lumang Tipan ay pawang nagkatotoo sa pagsilang ng Mananakop na sinasaad sa Bagong Tipan.

Kapag nagmahal ang Diyos, ito ay walang patid, walang lagot … susun-suson, dugtong-dugtong, tuluy-tuloy – tulad ng mga salinlahing inilista ni Mateo kahapon. Tatlong patong na tig lalabing-apat na salinlahi ang pinagtiyagaang ilista ni Mateo, matunton lamang natin na ang angkan ni Jesus ay nag-uugat sa mula’t mula pa na pinaboran at kinasihan – at pinangakuan ng Diyos.

Sa araw na ito, hindi na tayo maglalaway sa sapin-sapin, kumbaga. Araw naman ito ng labong – ng usbong na magiging simulain ng katuparan ng pangako ng Diyos. “Darating ang araw na ako ay gagawa ng isang makatarungang usbong para sa angkan ni David.”

Sa ating mga Pinoy, lalu na para sa mga nakatatanda, ang labong ay masarap gulayin. Ang labong ay usbong ng kawayan na malambot pa, malasa, at sa pagkamura ay kinakain na. Ang labong ay magandang larawan ng isang pangako. Ang katuparan ay napapaloob na sa pangako. Ang labong ay tumuturo sa matipunong kawayan paglaki. Pero ang labong bagama’t larawan ng matayog na kawayan, ay hindi lang basta larawan. Ito ay katuparan na ng kanyang inilalarawan. Pahimakas ang labong na hindi lang pahimakas sapagkat maari nang pakinabangan. Kung kaya’t ito ay kinakain na sa kanyang pagkamura.

Larawan ito samakatuwid ng pag-asa – pag-asang nakatuon sa hinaharap subali’t pag-asang inaani at pinakikinabangan na ngayon, hindi lang bukas.

Ito ang katotohanan tungkol sa ating pananampalataya. Ito ay parang usbong na yumayabong, nguni’t isang usbong na ang itinuturong katotohanan ay isa nang katotohanang pinakikinabangan. Parang labong … pangako at katuparan … baligtaran. “Maghahari ang katarungan sa kanyang panahon, at kaganapan ng kapayapaan magpakailanman.” Ito ang tugon natin sa unang pagbasa. Ito ay nakatuon sa panghinaharap ngunit nakalaan para sa atin dito at ngayon din.

Mura pa ang ating pananampalataya. Kahit mahigit na apat na daang taon tayo napasa ilalim sa mga Kastila at sa pagtuturong Kristiyano, mura at bata pa ang kakayahan nating isabuhay ang pananampalataya. Parang usbong … parang labong na madaling bunutin, madaling puksain.

Pero nakakita na ba kayo ng labong? Bunutin mo ang isa, at bukas at makalawa ay parang walang nangyari. May uusbong muli at may darating na bagong pangako ng panibagong buhay. Tulad natin bilang Pinoy. Sa pagkahaba-haba man daw ng prusisyon, ay sa simbahan pa rin ang tuloy.

Libo-libo ang nagsisimba sa Simbang Gabi. Marami ay mga OFW na nagbabakasyon. Marami ay mga kabataang medyo nanlamig sa Diyos, at matagal nawala sa Simbahan. Marami ay sabihin na natin na hindi tapat sa Lingguhang pagsisimba. Pero sa Simbang Gabi, apaw at awas ang mga simbahan saanman. Para silang mga labong na binunot, pinuksa, o tinanggal, subali’t ngayon ay patuloy pa ring umuusbong.

May pag-asa pa tayo mga kapatid!

Nakatutuwang marinig na maraming komentarista sa radyo na hindi mo inaakalang nagsisimba at ay nagkukuwento kung minsan tungkol sa kanilang pagsisimbang-gabi. Nakatutuwang makita ang mga kabataang matamang nakikinig sa homiliya sa mga araw na ito, bagama’t mayroon ding mga ganap na kawayan na mahirap nang mahutok … sanay na sa kanilang kawalang pansin sa Diyos at sa mga bagay na banal.

Ang pag-asa natin ay hindi lamang isang guni-guni. Si Jesus na bunga at usbong na galing sa angkan ni David, ayon sa salaysay ngayon ni Mateo, ay tunay na yumabong at lumago at nakisalamuha sa atin. Naging tao siya tulad natin, isinilang ng Birheng Maria. Ito ay bahagi ng kasaysayan ng sangkatauhan. Hindi lamang nobela ang ebanghelyo. Ito ay kasaysayan at kahulugan ng kasaysayan.

Sa ikatlong araw na ito, tinunton ng mga pagbasa ang pangako at katuparan. Mula kay Jeremias na nagwika tungkol sa angkan ni Juda, na siyang narinig nating pinangakuan ni Jacob sa unang pagbasa kahapon, ay umusbong ang Mesiyas. Ang katuparan ay naganap sa pagsilang ni Jesus, sa pamamagitan ni Joseng anak rin ni David.

Mura man at bata man ang pananampalataya ng marami, hindi ito tanda ng kawalang pag-asa. Ito ay larawan ng maka-kristiyanong pag-asa. Ang pag-asa natin ay may pangalan, may kasaysayan, may laman at buto noong isilang. Ang pangalan niya ay Jesus, na tinawag na Principe ng kapayapaan, at Panginoong makatarungan.

Hindi ako nagsasawang ulitin ito. Suson-suson at sapin-sapin ang mga suliranin natin. Marami tayong hinaharap na pagsubok. Nguni’t ang tumutunghay sa kasaysayang puno ng pangako at katuparan, ang kasaysayan natin bilang tagasunod ni Kristo, na siyang puno at dulo ng kasaysayan, ay parang labong. Pangako at katuparan. Ang pag-asa natin ay parang labong. Bagama’t usbong lamang ay larawan na ng pagyabong. Ang kanyang pangako ay katuparan na. Mura at bata pa, pero pinakikinabangan na … tulad ng ating pananampalataya kay Kristo.

Darating siya … Dumarating pa siya … at muli siyang darating. May hihigit pa kaya dito? Siya ang tanging ipinangako na uusbong pa at yayabong pa tungo sa kaganapang ating lahat inaasam at hinihintay.