frchito

Archive for the ‘Propeta Isaias’ Category

KAPANGYARIHAN NG DIYOS, HINDI KARUNUNGAN NG TAO

In Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Propeta Isaias, Tagalog Homily, Taon A on Pebrero 7, 2014 at 14:32

saltandlight

Ikalimang Linggo Taon A
Pebrero 9, 2014

KAPANGYARIHAN NG DIYOS, HINDI KARUNUNGAN NG TAO

Paksa ng tatlong pagbasa ang liwanag o ilaw. Tamang-tama, lalu na’t hanggang ngayon ay paapu-apuhap pa rin sa dilim ang maraming lugar na sinalanta ni Yolanda. Parang bumalik uli ang Candelaria sa diwa ng mga pagbasa. Iyan ang nakikita natin sa biglang wari.

Pero sa pangalawang tingin ay may nakikita tayong higit pa. Hindi sapat ang magliwanag. Kay raming ilaw sa ating mga siudad. Kay raming mga taong malinaw kung magsalita. Kay raming mga kagalang-galang sa kongreso ang mahusay magpaliwanag lalu na’t nasa harap ng camera sa TV. Kay rami rin naming mga paring mahusay bumulalas ng mga bagay na banal. Kay raming mga gurong maliwanag pa sa sikat ng araw ang kanilang mga liksyon, tulad ng marami ring ang gawa ay mag-check lamang ng attendance at magtinda ng tsinelas at kung ano-ano pa para mabuhay.

Hindi sapat ang magsabing ako ay liwanag. Hindi sapat na bilang pari ako ay magturo kung paano pumunta sa langit. Kailangan ko ring ipakita ito sa gawa, hindi lamang sa salita.

Maraming mahusay magtalumpati sa ating lipunan. Maraming magaling gumawa ng pasinaya, at tuwing fiesta, maraming handa (kahit utang na babayaran nang mahabang panahon ang inihanda). Maraming honorable sa ating lipunan, kahit na ang pinaggagagawa ay hindi naman honorable o kagalang-galang. Madali ang gumawa ng pailaw, lalu na sa pasko. Madaling itago ang mga barong-barong sa likod ng mga parol at makukulay na pailaw.

Hindi sapat ang ilaw. Pati si Pablo ay sinasabi ito. Dapat, ika nga noong lumang patalastas ng Royal Tru-Orange, ay mayroong pulp bits ang orange drink. Kailangan ng patunay. Heto ang sabi ni Pablo: “Kaya mahina, takot, at nanginginig akong humarap sa inyo. Sa pananalita at pangangaral ko’y hindi ko kayo inakit ng matatamis na pangungusap batay sa karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan ng patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos.”

Hindi tayo makakabingwit ng isda sa salita lamang. Kailangan masilo ito sa bunganga. Kailangan kumilos at gumawa, hindi lamang ngawa.

Ito marahil ang malaking pagkukulang sa ating bayan nating mga Pilipino. Tanging tayo ang Kristianong bayan sa Asya, pero tayo rin ang pinakamalakas uminom (pangatlo sa katunayan) at isa sa mga pinaka korap sa mga bayan sa Asya. Halos tatlong daan ang ating mga kongresista at 24 ang mga senador. Bilangin ninyo ang perang ginagastos sa kanila pa lamang, at huwag nyo nang hanapin kung saan napupunta ang pork barrel funds.

Kaming mga pari ay ilan sa mga pinaka-aral sa ating lipunan. Mahaba at maraming taon ang aming formation process. Pero sa hindi kakaunting pagkakataon, talong-talo kami ng mga laiko sa pagpapahayag ng magandang balita. Hitik kami sa pangaral tungkol sa liwanag, subali’t kulang sa pagbibigay-lasa sa buhay ng karamihang Pinoy.

Kailangan ng higit pa sa ilaw. At ito ang turo ng ebanghelyo. Kailangang maging asin, at magbigay lasa sa buhay ng mga taong karaniwan. Kailangang maging liwanag, pero kailangan ring magpagal upang ang liwanag ay magdulot ng pagbabago sa lipunan.

Magandang halimbawa ang ipinakita ngayon ni San Pablo. Nanginginig, nagpakumbaba, tumatanggap ng kanyang kahinaan at karupukan. Pero tumatanggap rin ng katotohanang sa kabila ng aming karupukan at kasalanan bilang pari at bilang tao, mayroon isang bagay at katotohanang hindi maaaring ipagkaila – na ang lahat ng produkto at katotohanang aming itinutulak bilang pari at tagapaghatid ng magandang balita, hindi “batay sa karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan ng patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos.”

Maging liwanag at asin nawa tayong lahat!

BAWAL ANG PASAWAY!

In Adviento, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Panahon ng Pagdating, Propeta Isaias, Taon A on Disyembre 21, 2013 at 10:34

Isiah_550x415

Ika-apat na Linggo Adbiyento A
Disyembre 22, 2013

BAWAL ANG PASAWAY!

May mga taong sadyang pasaway. May mga taong parang kawali ang tainga. May marunong makinig, at hindi marunong tumalima. May madaling kausap at mayroong mahirap kausapin.

Hari man siya at magaling, si Acaz ay isang pasaway, nag-taingang kawali, at hindi nakinig sa pahayag ni Isaias. Nanganganib silang sakupin ng mga taga Assiria, pero nagmatigas ang kalooban, sa kabila ng tanda o pangako na namumutawi sa labi ng propeta.

Pangako ng pag-asa ang pangitain ni Isaias. Isang tandang maliwanag ng pakikisalamuha ng Diyos sa kanyang bayan.

Pero may malaking guwang ang nasa pagitan ng pangako at katuparan. May taong madaling magbitiw ng salita. Sa dinami-dami ng taong ako ay naging pari, at namuno sa napakaraming fund raising at iba pang mga proyekto, malimit ang maingay ay hanggang salita lamang. Ang mga nangangako ay napapako sa pangako. Walang natutupad. Walang nangyayari. Kapag ang isang tao ay nagsabing magbibigay daw siya ng donasyon, wag mo nang asahan. Pero ang mga tahimik, ang mga walang kibot at walang salita, kalimitan ay sila ang nagbibigay.

May tawag ang mga Kano dito … walk your talk. Isabuhay mo ang sabi mo. Kung ano ang sabi, siyang gawa.

Natupad ang pangakong binitiwan ni Isaias sa kasaysayan. Naganap na ang Pasko ng pagsilang. Dumatal na ang Mesiyas, bagama’t hindi siya kinilala ng sarili niyang bayan. Pero ang pangako ng Diyos ay hindi lamang isang kabanata sa kasaysayan nang nakalipas. Ang pangako ng Diyos ay pang nagdaan, pang kasalukuyan, at pang hinaharap. Walang panahon sa Diyos. Ang lahat ay patungkol sa walang hanggan. Walang simula at walang katapusan.

Pero sino ba ang nagkukulang sa ating dalawa? Hindi ang Diyos. Gaya ng nababasa natin, tinupad niya ang pangako nang isilang si Jesus na mananakop at tagapagligtas.
Kung gayon, sino ang nagkulang? Maliwanag pa sa sikat ng araw … si Acaz ang ang mga katulad niya … ang tao … tayong lahat na pawang naging salawahan.

May malaking guwang malimit sa pagitan ng pangako at katuparan. Ilang beses tayo nangako at hindi natupad? Ilang beses tayo nagbitiw ng salita nguni’t hindi natin pinanindigan?

Sa ikaapat na Linggong ito ng Adbiyento, tunghayan natin ang halimbawa ng isang naging tapat sa pangako … Dahil sa kanya ang guwang sa pagitan ng pangako ng Diyos at katuparan ng kanyang Salita ay naganap …

At heto ang mga katagang patunay … “Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria.”

Nakinig. Tumalima. Sumunod … Iyan ang dapat rin nating gawin. Bawal ang pasaway sa bayan ng mga sumasalampalataya.