frchito

Archive for the ‘Sunday Reflections’ Category

BUKAL SA KABILA NG SUKAL

In Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pagninilay sa Ebanghelyo, San Juan de Letran, Sunday Reflections, Taon A on Nobyembre 6, 2008 at 10:27

Kapistahan ng Pagtatalaga ng Basilica ni San Juan de Letran
Nobyembre 9, 2008

Mga Pagbasa: Exequiel 47:1-2, 8-9, 12 / 1 Corinto 3:9c-11, 16-17 / Juan 2:13-22

Masukal na di biro ang buhay natin lahat sa masalimuot na daigdig na ito. Mabuti pa ang asukal, matamis. Nguni’t sa sakahang masukal at makapal ang mga dawagan at tinikan, mahirap magtrabaho; mahirap magpagal. Mahirap maghawan ng masusukal na dawagan at halamang hindi mo itinanim. Subali’t bago ka makapagtanim ay dapat hawanin muna ang sukal. Mapait at mabigat na trabaho, ngunit wala itong tinatawag nating short cut.

Madawag at masukal ang buhay natin. Puno ng intriga. Puno ng katiwalian. Puno ng suliranin saanman at kailanman. Nguni’t kung kayo ay nakapagsaka na sa tanang buhay ninyo, alam  ninyo na ang paghahawan ng sukal ay nagbubunga ng masagana. Ang isang magsasakang bihasa magpagal, maghintay, at magdasal ay nakakakita balang araw, ng karampatang ginhawa.

Ginhawa … ito ang sinasaad ng mga pagbasa ngayon. Isang pangitain ng propetang Exequiel ang ating pinanghahawakan, isang bukal ng tubig na bumabalon mula sa templo. Ang tubig na ito ay patuloy na dumadaloy patungong Arabah, patungong dagat, at ito ang nagpapasariwa sa tubig alat.  Ito rin ang nagdudulot ng buhay sa mga taong tigang, sa mga masaganang isda at lahat ng uri ng buhay, na umaasa sa tubig na dumadaloy mula sa ilog o bukal na ito.

Ewan ko sa inyo, pero ito para sa akin ay larawan ng pag-asa. At bakit ba hindi tayo dapat mapuno ng pag-asa? Tingnan na lamang natin ang karanasan ng America. Akala ng marami, wala nang pag-asa na makakatuntong ang isang taong may kulay sa White House. Akala ng marami, na ang pipiliin ng mga Kano ay isang tulad ng kanilang tiniis sa loob ng walong taon. Ngunit, nang magbotohan, nagdagsaan ang mga botante at nagpahayag ng kung sino ang nararapat. Nagapi ang mga maling akala, at nagwagi ang kalooban ng nakararami. Kay raming mga bata na ngayon lamang bumoto ang naglabasan at nagpahayag ng kanilang napupusuang kandidato.

Sa masukal na sitwasyon ng economic meltdown, sa madawag na kalagayan ng isang bansang nanghihinuhod ngayon sa ilalim ng balag ng alanganin, ay nagising ang mga kabataang dati-rati ay tulog nguni’t nagbalikwasan, at nangagsipagbotohan.

Tinatanggap ko na habang nanonood ako sa mga nagaganap sa America, ako ay napaluha sa galak para kay Obama. Napaluha ako sa pasasalamat sa katotohanang kahit puno ng sukal at kahit na ang mundo ay nababalot sa kawalang katiyakan, ay mayroong bukal na nagpapasariwa, mayroong ihip ng hanging nagpapabago sa takbo ng kasaysayan.

May Diyos na naggagabay. May Diyos na nagmamahal. May Ina na nagbabantay sa kanyang mga supling.

Ito ang diwa ng Ina ng lahat ng dambanang Kristiyano sa buong mundo – ang basilica ni San Juan de Letran. Ito ang katedral ng Papa bilang Obispo ng Roma. Ito ang simbahang tinitingala natin bilang Ina sa lahat ng mga dambana sa buong daigdig.

Angkop na angkop ang pangitain ni Exequiel. Isang ilog, isang bukal na dinadaluyan ng mapagbigay-buhay na sariwang tubig. Ito ang larawan ng pagbabantay at pangangalaga ng Inang Simbahan na pinapatnubayan ng Amang Diyos.

Ang tugon sa unang pagbasa ay hindi na mas liliwanag pa. Ang Diyos, sabi natin, ay ating muog at lakas, isang taga-tabang o tagatulong sa oras ng ligalig. Di dapat tayo sagian ng pangamba, mangyari man na ang mga bundok ay magsipagdagsaan patungong karagatan!

Tayo ani San Pablo ay gusaling itinatag ng Diyos mismo. Tayo ay walang iniwan sa isang matibay na muog na hindi magagapi na anumang puwersa ng kasukalan o kadiliman. Tayo, aniya rin, ay mga templo ng Diyos at dito nananahan ang espiritu ng Diyos.

Matindi ang pag-asang dulot ng mga pagbasa. Masukal ang mundo. Magulo ang buhay natin. Ang Pilipinas ay patuloy na nagiging higit na magulo sapagka’t walang sumusunod sa batas. Ang mga politico ay ganid at makasarili. Ang mga bus drivers ay walang magawa kundi sumunod sa “kalakaran” ng mga tsuper, na dapat ay magkarera at makamatay sa ating mga lansangan, lalu na sa EDSA. Wala na tayong magagawa kundi sumunod sa “kalakaran” – isang salitang ipinauso ni Lozada. At hindi kaila sa marami na kasama sa kalakarang ito ang pagtungga ng droga o bawal na gamot.

Masukal ang landasin natin. Magulo. At masalimuot. Parang tuyot at tigang na lupa ang larangan ng buhay natin sa pananampalataya. Mahirap magpakatino, kung lahat ng katabi mo ay masukal ang pag-uugali. Mahirap maging halimbawa kung ang lahat ng kasama mo, sa kaliwa at kanan mo ay sumusunod na lamang sa kalakaran ng mundong makasalanan.

Subali’t may isang naparito hindi upang sumunod sa uso at kalakaran kundi magturo ng landasing hindi tinatahak ng marami – the road less traveled by, ika nga. Ito si Kristo na nagpalayas ng mga manininda sa templo. Siya ay magandang balita sa gitna ng kasukalang nakakasuka sa lipunan. Siya ang simoy ng hangin na nagpapanariwa sa tunay na layunin ng kung bakit tayo nilikha ng Diyos – ang maging simulain ng buhay, buhay na ganap, buhay na nagbibigay-buhay sa kapwa, buhay na handang ialay, bilang pag-alalay sa mga higit na mahihina.

Ito ang ating Inang Simbahan. Ito ang ginugunita natin sa pagtatalaga ng basilica ni San Juan de Letran sa Roma – isang daloy ng malamig at mapanariwa at mapagbigay-buhay na tubig, mula sa bukal na siyang magpapanibago sa sukal ng buhay natin na unti-unting nalalayo sa Diyos, na siyang bukal ng buhay!

PAG-IBIG, HINDI PAGKABIG!

In Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections, Taon A on Oktubre 20, 2008 at 17:21

Ika-30 Linggo ng Taon(A)

Oktubre 26, 2008

Mga Pagbasa: Exodo 22:20-26 / I Tesalonika 1:5c-10 / Mt 22:34-40

Ang unang pagbasa ay isang liksiyon na parang akmang-akma sa ating panahon. Ito ay may kinalaman sa hindi pagsasamantala sa mga taong dala ng kanilang katatayuan ay napakadaling pagsamantalahan: ang mga maglalakbay at banyaga, ang mga balo, at mga ulila. Sa batas ng Diyos na inihabilin kay Moises, mayroong espesyal na pagtatangi ang Diyos sa mga mahihina, marurupok, mga talusaling, at mga walang kaya sa lipunan.

Ang Linggong ito ay nakalaan sa isang napakahalagang usapin – pag-ibig.

May isang manunulat na isang psychotherapist na nagsabing may dalawang posibleng saloobin ang lahat ng tao. Ang tao, aniya, ay puedeng mapabilang sa tinatawag niyang “takers” o “givers.” Bagama’t hindi ito ang kabuuan ng kanyang sinasabi, puede natin maunawaan ang mga pagbasa sa araw na ito sa pamamagitan ng lenteng ito.

Tayong lahat, kung gayon, ay puedeng mapabilang sa mga hanay ng mga pakabig o sa lupon ng mga taong mapagkaloob – mga taong pasunggab o mga taong puno ng pag-ibig sa kapwa.

Noong isang Linggo, pinaalalahanan tayo ng Panginoon na may tungkulin tayo kay Cezar at may tungkulin at pananagutan din tayo sa Diyos. Hindi kailangang may alitan o oposisyon sa dalawang ito. Bilang mamamayan sa lupa, mayroon tayong pananagutan sa lipunan, subali’t bilang mamamayan ng langit, ay mayroon rin tayong pananagutan sa Diyos na siya lamang Diyos, as wala nang iba.

Nakita natin noong isang Linggo, na sa kadahilanang ang ating lipunan ay nababalot ng susun-susong mga katiwalian, kadayaan, at katakawan at pagkakanya-kanya, malayo tayong mapabilang ni sa mga maka-Cezar, ni sa mga maka-Diyos. Sa galing natin bilang Pilipino sa pagtakas sa batas, sa galing nating magpalusot sa lahat ng gusot, at sa malaki nating kakayahan na iwasan ang lahat ng pananagutan sa kapwa, sa lipunan, sa kalikasan, at maging sa Diyos, malinaw pa kaysa sa sikat ng araw, na tayo ay hindi para kay Cesar, at lalong hindi para sa Diyos!

Kung gayon, para kanino tayo?

Ito ang malaking palaisipang hatid sa atin ng mga pagbasa sa araw na ito. Tayo ba ay pakabig o mga taong tigib ng pag-ibig?

Sa aklat ng Esodo, malinaw na hindi inaaprubahan ng Diyos ang pagsasamantala. Madaling pagsamantalahan ang banyaga. Ang banyaga ay tila isa ng isdang wala sa tubig. Tuliro ang banyaga sa dayuhang bayan. Madaling maloko; madaling masilo at ma-engganyo. Ang puso ng Diyos ay kapanig sa mga banyagang walang kamuang-muang. Gayundin, hindi pinapanigan ng Diyos ang mga nanlilinlang sa mga balo – sa mga babaeng dala ng pagtangis at pagluluksa, ay hindi malinaw ang pag-iisip. At higit sa lahat, hindi masaya ang Diyos sa pagsasamantala sa mga ulila. Sila ang pinakawalang-kaya sa lahat.

Kung ating titingnan ang mga nagaganap sa ating lipunan, hindi maikapagkakaila na napakapalasak ang pagsasamantala. Ilang mga balo ang nawalan ng kanilang ipon dahil sa mga pyramidal schemes o mga raket hinggil sa pananalapi? Ilang mga balikbayan ang umuuwi sa America o saanman, na nawalan ng credit card, o napabili ng bagay na walang silbi, sapagkat mayroong mabilis pa sa alas kwatro ang isip sa pagsasamantala sa kapwa? Ilang milyong mga Pilipino ang naloloko ng mga politicong sanga-sanga ang dila, na bago mag halalan ay puno ng pulot pukyutan ang bibig, nguni’t sa oras na mahalal ay napapalitan at napupuno ng kapaitan ang puso ng mga taong nalinlang? Ilang mga kabataan ang disin sana ay napaganda ang kinabukasan sa pamamagitan ng magandang edukasyon, nguni’t nabigo at naunsyami sa kadahilanang ang perang para sa mga aklat ay nawaldas at pinaghati-hatian ng mga tiwaling kawani ng kawanihan ng edukasyon? Ilang mga sundalong nakikipagbakbakan sa kaaway at isinusuong ang buhay sa larangan ng giyera ang wala ni sapatos, wala ni pagkain sapagka’t ang budget na wala pang 80 piso sa pagkain ay nababawasan pa at pinaghahati-hatian ng mga nakatataas na opisyal?

Ang aking listahan ay higit pa rito. Maraming dahilang upang magdugo hindi ang ilong, kundi ang puso ng maraming nakakaunawa. Ang tugon natin sa unang pagbasa ngayon ay tugon ng isang dukha – ng anawim ni Yahweh, na pinagpala sapagka’t bagama’t wala nang ibang tutulong, ay nasa panig nila ang Diyos: “Mahal kita, O Diyos, aking lakas at kalasag!”

Mahirap unawain ang turo ng Diyos na umibig. Kay daling manatiling pakabig, pasunggab, at patanggap. Ito ang ginagawa ng sangkatauhan sa mula’t mula pa. Matindi ang pagsasamantala ng tao sa kalikasan, tulad ng mga trosong patuloy na ibinababa sa bundok ng Sierra Madre, tulad ng mabilis na pagkamatay ng lawa ng Bay sa Laguna, at lawang Taal, sa Batangas. Pakabig ang batas na nasusunod. Di maglalaon ay tuluyan nang mamamatay ang mga isdang tawilis at maliputo sapagka’t ang mga pribadong baklad ng mga palaisdaan ay walang puknat na kumakabig at kumikita nang walang pakundangan sa kinabukasan at kapakanang pangkalahatan, at walang pansin sa kinabukasan.

Tuloy tuloy ang ating pagkabig … sa paggamit na walang patumangga ng mga plastic, ng mga shampoo satchet, ng mga Styrofoam na kahon na hindi nabubulok. Pakabig, hindi pag-ibig ang modelong nasusunod sa larangan ng buhay. Tingnan lamang natin ang Sagada at ang Baguio. Di maglalaon ay ang modelong pakabig rin ang siyang maghahatid sa mga lugar na yaon upang maging tulad ng EDSA sa Maynila, na matatabunan ng mga billboards at patalastas ng mga gamut na nakapagpapaputi ng balat. Sa kabila ng ilan nang aksidente, ay patuloy pa ring nagbabagsakan ang mga kabitan ng mga dambuhalang larawan ng artista at politikong nag-aastang artista na nag-eendorso ng mga kung ano-anong mga pangkulapul sa katawan at sa mukha!

Mahirap ang umibig at kay dali ang kumabig. Subali’t ngayon, ang buhay ng Kristiyano ayon sa pagunita sa atin, ay hindi isang pamamasyal sa ilalim ng buwan. Ito ay isang pamumuhay na tulad ni Kristo. At ayon sa huling kabanata ng metanarrative ng kaligtasan ng tao – ng isang nagtutuloy at mahabang salaysay ng ating buhay kay Kristo, ang kaligtasang ito ay naganap sapagka’t si Kristo ay naging tao, at nagpakita sa atin ng matingkad na halimbawa na ang buhay natin ay dapat pamugaran at pamulaklakan, hindi ng saloobing pagkabig, kundi pag-ibig… sa Diyos at sa kapwa.