frchito

Archive for the ‘Tagalog Homily’ Category

SA DATING BAGAY, O SA BAGONG BUHAY?

In Homily in Tagalog, Panahon ng Pagkabuhay, Tagalog Homily, Taon K on Abril 27, 2013 at 21:27

new-heaven-new-earthIkalimang Linggo ng Pagkabuhay (Taon K)

Abril 28, 2013

SA DATING BAGAY, O SA BAGONG BUHAY?

Mahirap makita ang ganda ng bago kundi natin nakita kung ano ang luma. Hindi natin mapahahalagahan ang anumang ginawang bago kung hindi natin nakita kung ano hechura noong luma.

Pangitain ni Juan sa Pahayag ang isang bagong langit at isang bagong lupa. Ano ba ang kahulugan nito para sa atin?

Una … isang pagbabalik-tanaw. Si Pablo at Barnabas as magkasamang nangaral sa Listra at Iconio, sa Pisidia, Pamfilia at Atalia. Ito ang bago. Ano naman ang luma? Di ba’t dati-rati ay isa siyang masugid na tagapag-usig? Di ba’t siya ang kilabot ng mga unang mananampalataya sapagka’t siya ay masipag na tagapagpahirap sa mga tagasunod ng Galileo?

May luma at may bago, at may kakayahan tayong magpanibago. Tulad ni Pablo. Ang lumang Pablo ay taga-usig, nguni’t nang makaranas siya ng pag-ibig at patawad ng Diyos, ay tila bumaba na para sa kanya ang pangitain ni Juan – isang bagong langit at bagong lupa!

Pangitain ni Juan … puno ng pag-asa … puno ng pag-aasam … Ito ang bagong nilulunggati niya. Ano ba ang luma? Heto … nakita niyang nagunaw at nawasak ang lungsod ng Jerusalem, noong taong 70 AD. Nakita niyang nasalaula ang kanilang lungsod na tampulan ng lahat ng kanilang pag-asa.

Puno rin ng damdamin ang turo ni Jesus. Una, nagpaalam siya … “Kaunting panahon na lamang ninyo ako makakasama.” Ikalawa, nagwika siya ng kasukdulan ng pagbabago … ang oras ng pagpapahayag ng karangalan ng Anak ng Tao. Ano ba ang luma? Heto … walang iba kundi ang pagkakanulo sa kanya ni Judas, na sa oras na ito ayon sa ebanghelyo ay lumisan.

Dumadaan tayo sa maraming kalumaan … Ano-ano ba ang mga kalumaang ito? Marami … ang inggit, ang paninira, ang pagkakawatak-watak at kawalan ng kaisahan, ang pag-iimbot, ang pagiging masiba at makasarili … Sa isang salita, kasalanan!

Ito ang mga kalumaan. Ito ang lumang tugtugin ng mga taong nalugmok sa pagkakasala.

Tigib ng pag-asa ang hatid sa atin ngayon ng Panginoon. “isang bagong langit at bagong lupa” … ito ang magaganap at mangyayari pagdating ng tamang panahon. Sa gitna ng kalumaan, sa gitna ng ating kalungkutan sapagkat napakaraming lumang kagawian at estruktura ng kasalanan ang namamayagpag sa lipunan, mag bagong darating ayon sa Panginoon. “At papahirin niya ang kanilang mga luha. Wala nang kamatayan, dalamhati, pag-iyak, at sakit sapagka’t lumipas na ang dating mga bagay.”

Ayaw nyo ba nito? Mawawala ang dating mga bagay. At ano ang daan? Paano natin ito mararating?

Heto ang sabi ng Panginoon … “Mag-ibigan kayo. Kung paanong inibig ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo.”

Luma ang hindi magpatawad. Luma ang hindi magmalasakit sa kapwa. Luma rin ang magpahirap sa kapwa. Lumang politika ang bilihan ng boto. Luma rin ang magpaloko sa mga tampalasan at makasarili.

Halina sa bago. Lumisan na sa dating mga bagay. Dumako na tayo sa bagong langit at bagong lupa. “Kung kayo’y mag-iibigan, makikilala ng lahat na kayo’y mga alagad ko.”

Saan ka pa, kapatid? Sa dating bagay, sa bagong buhay?

KAGALAKAN, KASULATAN, KAPAYAPAAN!

In Panahon ng Pagkabuhay, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Abril 5, 2013 at 14:39

imagesIkalawang Linggo  ng Pagkabuhay (K)

Abril 7, 2013

KAGALAKAN, KASULATAN, KAPAYAPAAN!

Ikawalong araw ngayon mula sa Linggo ng Pagkabuhay. Oktaba ng paskuwa kung tawagin. Sa nakaraang Linggo ang bawa’t araw ay parang Linggo ng Pagkabuhay. Iyan ay sapagkat ang Paskuwa ang pinakarurok ng taon ng Simbahan, o taong liturhiko – ang sukdulan ng pananampalatayang Kristiyano na nakabatay sa muling pagkabuhay ng Panginoon.

Sa tatlong pagbasa ngayon, marami ang tinutumbok, pero may ilan na lumulutang kumbaga … malinaw at madaling makita, kumbaga.

Ang una ay ito: ang pagkabuhay ng Panginoon ay nagdulot ng matinding pagbabago sa mga disipulo. Ano-ano ang ating nakikita? Una sa lahat, ay “maraming kababalaghan ang ginawa ng mga apostol.” Pati si Pedro ay naging tulad ng Panginoong nagpagaling ng mga maysakit. Ang hiling ng marami ay ito … na kahit man lamang sana kanyang anino ay tumama sa kanila.

Sa ikalawang pagbasa, ito naman ang bunga para kay Juan … Nang makita niya ang pangitain ng Panginoong muling nabuhay, narinig niya ang utos na “isulat ang lahat ng kanyang nakita.”

Nguni’t sa ebanghelyo, bago nila makita ang Panginoong muling nabuhay, sila ay binalot ng takot at pangamba kung kaya’t nagtago sila sa taas ng bahay. Malinaw na ayon sa ebanghelyo ni Juan, nang bigyan sila ng kapayapaan ni Kristo at ipakita niya ang kanyang mga sugat sa kanila, ang lahat ay napuno ng kagalakan. Ang takot an napalitan ng tuwa, at sila ay pinagkalooban ng kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan.

Iba talaga kapag naging saksi sa isang dakilang bagay!

Mayroong mga karanasang hindi lamang dapat gunitain at balik-balikan. May mga karanasang nagbibigay ng matinding pagbabago sa ating pagkatao. Ito ang pinagdaanan ng mga disipulo. Nang makita nila si Kristong muling nabuhay, ang takot ay naging kagalakan. Ang simpleng pangaral ay naging panawagan upang gumawa ng kasulatan, tulad ni Juan, at ang pangamba ay napalitan ng kapayapaan!

Subalit lahat tayo ay parang si Tomas na hindi kagya’t naniwala. Medyo makunat nang kaunti si Tomas, na ginusto pa niyang makita ang mga sugat, at mahipo ang kanyang tagiliran, tulad natin kung minsan na hindi agad nagtitiwala, hindi agad naniniwala, at pati mga pangako ng Diyos ay pinagdududahan.

Pero may magandang ginawa si Tomas na dapat nating tularan. Kahit absent siya noong unang nagpakita ang Panginoon, pinilit niyang makarating sa sunod na pagkakataon. Patuloy siyang naghanap ng totoo, at hindi nanatili sa kadiliman ng pagdududa. Nakinig siya sa mga kwento ng mga kasamahan at hindi tumalikod sa kanyang pagiging kabilang sa mga disipulo ng Panginoon.

At ito pa ang matindi … Kahit na medyo nagmatigas siya noong una at sinabing hangga’t hindi niya nakikita o nahihipo ang mga sugat ng Panginoon ay hindi siya maniniwala, nang dumating ang Panginoon at nagpakita sa kanila, hindi na niya hinanap ang mga sugat. Hindi na siya nagpumilit na hipuin pa at masdan ang mga iyon.

Nang makita na niya ang Panginoon, isang panalanging puno ng pag-ibig at pananampalataya ang namutawi sa kanyang mga labi: “Panginoon ko at Diyos ko!”

Anong pagbabago ba ang naging bunga ng muling pagkabuhay sa buhay natin? Anong panalangin ba ang puede nating bigkasin bilang saksi ng kanyang muling pagkabuhay?

Tatlo ang naging bunga sa mga disipulo: Kagalakan, kasulatan, at kapayapaan!