frchito

Archive for the ‘Tagalog Homily’ Category

PAGSUYO, HINDI PAGSAWAY!

In Adviento, Homily in Tagalog, Simbang Gabi, Tagalog Homily, Taon A on Disyembre 20, 2010 at 08:44

Ika-6 na Araw ng Simbang Gabi (A)
Disyembre 21, 2010

Mga Pagbasa: Awit ng mga Awit 2:8-14 / Lucas 1:39-45

Bagama’t panay ang ulan sa atin, ngayong papalapit ang Pasko, na dati-rati ay hindi nangyayari, laman ng unang pagbasa ang mga larawan ng magandang pag-asa. Sa matulaing panulat ni Solomon, sa Awit ng mga Awit, isang larawan ng pag-asa ang namumulaklak sa mga labi ng manunulat …

Iisa ang pakay ng pagbasang ito, ang pukawin ang natutulog nating pag-asa na may darating na tiyak na kaligtasan … ang kabatirang ang Mesiyas ay tiyak na darating upang tuparin ang mga pangakong nilalaman ng mga pangaral ng mga propeta.

Sa panahon natin, kailangan natin ang patuloy na paalaala. Madali tayong lumimot, kay bilis manghinawa, at magsawa sa paggawa ng mabuti. Madali tayong lipasan ng pag-asa, at mabilis tayong panawan ng kakayahang magtiis.

“Hanggang kailan, Panginoon” ang malimit nating tanong sa gitna na sari-saring paghamon sa buhay. Pagtangis at pagtatanong ang malimit na laman ng puso at kaisipan natin. May pag-asa pa kaya si Lauro Vizconde na malaman ang tunay na salarin na walang awang pumatay sa kanyang asawa at dalawang anak? May mahihintay pa kayang mabilis na kalutasan ang walang pakundangan at walang-awa ring pagpatay sa 57 katao sa Maguindanao? May magbabayad pa kaya sa mga bilyon-bilyong ninakaw sa taong bayan sa dinami-dami ng mga katiwaliang naganap sa mga nagdaang administrasyon?

Unos, ulan, baha, at lahat ng uri ng pagkawasak ang nakikita natin sa kapaligiran. Mayroong mga isla na alam ng mga paham na maglalaho sa mapa, di maglalaon, tulad ng Marshall Islands sa Pacifico. Alam natin na sa walang ampat na pagtaas ng temperatura sa buong mundo, ay hinahagupit ng mga unos at bagyo at kalalabisan sa klima ang maraming bahagi ng planeta. At hindi pa natin pinag-uusapan ang mga panukalang batas na walang paggalang sa inosenteng buhay ng mga hindi pa isinisilang!

Ito ang dahilan kung bakit paborito kong panahon sa taon ng pagsamba ang Adviento o Pagdating. Tigib na tigib ng pag-asa at pag-aasam sa lahat ng urin ng napipintong kabutihan ang dulot sa atin. At lalung lalo na sa simbang gabi …

Sa araw na ito, pinupukaw muli ng pagbasa ang katiyakan na dapat ay laman ng puso at damdamin ng bawa’t kristiyano … huhupa ang unos … matatapos ang ulan … at tayo ay makakaranas ng masugid na pagsuyo ng Diyos na lubhang nagmamahal sa atin.

Sinuyo ng Diyos si Maria … Huwag kang matakot Maria …. Iyan ang mensahe ng anghel … Sinuyo ng Diyos rin si Jose … Huwag kang matakot, Jose, na tanggapin siya bilang iyong esposa … Alam natin ang nangyari … Isinama ni Jose si Maria sa kanyang tahanan. Sumagot ng “Oo” si Maria sa kanyang “fiat.” Naganap ang pangarap ng Diyos, sapagka’t nakipagtulungan si Maria at Jose!

Nais kong isipin na tayo ngayon ay sinusuyo rin ng Diyos. Sinuyo Niya tayo upang gumising ng maaga sa loob ng siyam na araw. Sinusuyo pa rin niya tayo upang tumugon sa abot ng ating makakaya sa kanyang paanyaya. Sinusuyo Niya tayo upang maging tagapaghatid ng kanyang magandang balita ng kaligtasan. Sinusuyo Niya tayo upang hadlangan ang anumang masamang balak ng mga taong tampalasan at hindi maka-Diyos.

Sinusuyo Niya tayo tulad ng pagsuyo na binabanggit sa matulaing awit ng mga awit ni Solomon.

Ang tanong kung gayon ay ito … Handa ba tayong sumagot sa kanyang pagsuyo? May pitak ba sa puso natin ang Diyos na patuloy na nagsusuyo at nagsusumamo upang tayo ay mabilang sa kanyang angkan?

Tayo ba ay mga pasuyuin na tumatalima o mga pasaway na nag-aalma ang puso at kaisipan? Tayo ba ay mga magaang dalahin o mabigat na pasanin ng Diyos?

Sa Paskong ito, hindi si Santa Claus at ang kanyang pabor ang dapat nating hanapin. Ang siya natin dapat bigyang pansin ay ang pagsuyo ng Diyos sa kanyang mahal na bayan… Pagsuyo hindi pagsaway … pagsunod, hindi pagtanod sa mga pansarili nating kagustuhan …. Pagtalima, hindi pagiging pakawala sa harap ng kagustuhan at kalooban ng Diyos!

ALAM KONG AKO’Y MULING BUBUHAYIN!

In Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon K on Nobyembre 5, 2010 at 09:47

Ika-32 Linggo ng Taon (K)
Nobyembre 7, 2010

Mga Pagbasa: 2 Macc 7:1-2, 9-14 / 2 Tesalonika 2:16 – 3:5 / Lucas 20:27-38

Sanay na sanay tayo makakita ng tahasang pagtanggi sa maraming mga malalaking tao sa larangan ng politika. Sa tanang buhay ko, wala pa ako nakitang pulitiko sa ating bansa na tumanggap sa korupsyon, tumanggap sa pagsusulong ng jueteng, o tumanggap sa anumang katiwalian sa kanilang pamumuno.

Kapag pagtanggi ang pinag-uusapan, walang hihigit sa mga pulitikong malaon nang nasanay at nahirati sa pagiging sanga-sanga ang dila. Sa kabila ng lahat ng malinaw na ebidensya o palatandaan, wala isa man sa nasasakdal na pumatay ng 57 katao sa Mindanao ang tumatanggap sa siya o sila ay kasangkot man lamang sa malagim na pagpaslang sa inosenteng mga tao. Wala pa rin akong narinig na dating presidente na tumanggap sa pagiging kasangkot o kasama sa katiwalian. Alam nating bilyon-bilyon pang piso o dolyar ang nakatago sa mga bangko sa Switzerland, na magpahangga ngayon ay hindi pa mapakinabangan ng bayan.

Kapag pagtanggi ang pinag-uusapan, bihasa tayong lahat at sanay. Paulit-ulit natin itong nakikita.

Nguni’t sa araw na ito, hayaan natin ang sarili natin na makatunghay sa isang tahasang kabaligtaran nito – ang walang pasubaling pagpapatunay … ang kabaligtaran ng pagtanggi – ang pagtanggap at pagpapatunay!

Pagpapatunay ang mariing ginawa ng pitong magkakapatid sa unang pagbasa. Ito ay pagpapatunay sa katotohanang bumubukal sa puso nilang pitong magkakapatid na lalaki: “Alam kong ako’y muling bubuhayin ng Diyos!”

Sa panahon natin, kay raming mga handang magbitaw ng salitang sa biglang wari ay pagpapatunay. Ilang beses natin nakita ang mga taong matataas na sumumpa sa harap ng Biblia, o sa harap ng buong bayang nanonood sa TV? Sa dami ng mga imbestigasyong naganap na wala namang bunga, sa senado at kongreso, paulit-ulit natin nakita ang napakaraming bulaan na sumusumpa at nagpapatotoo sa kanilang mga isinisiwalat! Subali’t sa dinami-dami ng mga sumumpa, isa lamang at iisa ang katotohanang tumatambad sa atin … tuloy pa rin ang katiwalian … tuloy pa rin ang kadayaan, at sa kabila ng pagtanggi ay tuloy pa rin ang pamamayagpag ng jueteng, ng illegal logging, ng dynamite fishing, ng suhulan sa loob at labas ng gobyerno, at bayaran sa husgado.

Napakamura ngayon ang panunumpa. Napakadulas ng dila ng mga tampalasang nagkukubli sa likod ng paglilingkod sa bayan.

Kung mayroon tayong mahalagang mapupulot sa mga pagbasa ngayon, ito marahil ang pinakamahalaga para sa atin ngayon. Ang pagpapatunay sa salita ay dapat kaakibat ng pagpapatotoo sa gawa. Ang buka ng bibig ay dapat samahan ng malinaw na katuparan.

Pitong magkakapatid na lalaki sa unang pagbasa ang nagpatunay. Hindi matitinag ang kanilang pagpapahayag ng kanilang pananampalataya. Mataginting ang kanilang pagpapatotoo. Ngunit hindi lamang nauwi ito sa pagiging mataginting na pananalita, kundi magiting na pagsasagawa. Isinakripisyo nila ang kanilang buhay. Ibinuwis nila ang sariling buhay, sa ngalan ng katotohanang mapagligtas!

Nawawala na ang halaga ng salita ng tao. Natatabunan tayo ng tone-toneladang mga salita – mula sa mass media, mula sa radyo at telebisyon, mula sa mga pulitiko, mula rin sa aming mga pari. Sapagka’t murang-mura na ang salita sa ating panahon, naglalaho na rin ang katapatan, at sa paglalaho ng katapatan ay nawala rin ang pagtitiwala ng tao.

Noong 1975, sinabi ito ni Papa Pablo VI … ang mga kabataan ay hindi na naniniwala sa mga guro. Kung sila ay naniniwala sa kanilang mga guro, ito ay sapagka’t sila ay mga saksi rin. Sa madaling salita, ang mundo ngayon ay naghahanap, hindi sa mga handang magpatunay sa salita, kundi mga taong handang magpatotoo sa gawa.

Bilang pari, alam kong ito ay isa sa batayan ng kung ako ay pakikinggan ng tao. Alam kong hindi sapat ang magagandang pananalita. Alam kong hindi sapat ang maingay na pagpapatunay. Ang hinahanap ng tao ay mga saksi, na sa salitang Griego ay “martir” (witness).

Ang pitong magkakapatid na lalaki ay nag-asal “saksi” sa katotohanang: una, buhay ang Diyos, at ikalawa, “ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay – sa kaniya’y buhay ang lahat.” (Lucas 20:37).

Ang Inang Santa Iglesya ay patuloy na nagbibigay-saksi sa mga katotohanang ito. May mga pagpapahalagang bumabagtas sa mga pagpapahalagang makamundo at makatao. May lupa at may langit. May buhay makatao at buhay maka-Diyos. At may buhay na walang hanggan. At may muling pagkabuhay ng mga patay. Tulad ng sinabi ng magkakapatid: “Alam kong ako’y muling bubuhayin ng Diyos.”