frchito

Archive for the ‘Tagalog Sunday Reflections’ Category

MAYROON KA BANG “K”?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Enero 28, 2009 at 15:14

50

Ika-apat na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Pebrero 1, 2009

Mga Pagbasa: Dt 18:15-20 / 1 Cor 7:32-35 / Mk 1:21-28

Noong araw, may isang sine na naging tanyag na ang pamagat ay “Wanted: Perfect Mother.”

Kung ako ay gumagawa ng sine, gusto ko sana na ang kasunod ng “Ang Tanging Ina Ninyong Lahat” ay “Ang Tanging Pinuno Ninyong Lahat.”

Hayaan ninyo akong magpaliwanag …

Medyo mahirap ilahad ang pinapaksa sa araw na ito, ika-apat na Linggo sa karaniwang panahon. Una, walang katumbas na salitang Tagalog akong mahagilap upang isalin ang salitang Latin na “auctoritas” (authority) na malimit nating isalin bilang “kapangyarihan.” Ikalawa, kapag ginamit natin ang salitang kapangyarihan, karahasan at katayugan o kataasan ng posisyon agad ang pumapasok sa ating kamalayan.

Subali’t mahalaga na ating maunawaan nang maigi na ito mismo ang pinapaksa ng mga pagbasa sa araw na ito.

Sa panahon natin, hindi tayo lubos na nagtitiwala sa mga may kapangyarihan. Takot ngayon ang marami sa may baril, sa may uniporme, sa may posisyon. Bagama’t natutuwa tayo sa kinang, sa luho, sa rangya ng mga hari at reyna sa mga palasyo nilang tahanan, hindi tayo lubusang nagtitiwala at humahanga sa mga nabubuhay ika nga, sa loob ng mga gusaling kristal.

Sa konteksto ng lipunan natin ngayon, mas hinahangaan pa natin ang tulad nina Charice Pempengco, ni Arnel Pineda, ni Jasmine Trias, Ramiel Malubay, at iba pa, na dahil sa kanilang galing at kakayahan ay nakikilala na sa buong daigdig. Sawa na tayo sa mga hungkag na pangako ng mga politico, mga namumuno sa atin na alam naman ng lahat ay nakatuon ang kanilang atensyon sa pagdadagdag lamang ng yamang makakamal at dagdag pang kapangyarihang mapanghahawakan.

Makabubuti sa atin na tunghayan ang sinasaad ng mga pagbasa. Mahalaga ang mga pangaral nito tungkol sa “auctoritas” na ito o tinatawag nating kapangyarihan. Ano nga ba ang mga aral na mapupulot natin tungkol dito?

Para masagot ang palaisipang ito, dapat tayo magbalik sa salita ng Diyos. Una sa lahat, malinaw sa unang pagbasa na ang anumang tinatawag nating kapangyarihan ay nagmumula hindi sa ating sarili, kundi sa Diyos. Ito ay isang kaloob, isang regalo, isang pamamahagi ng Poong Maykapal. Hindi ito isang bagay na ipinuputong natin sa ating sariling ulo at ipinapasan natin sa sariling balikat. Ang kapangyarihan ay nagmumula sa Diyos na may akda ng lahat ng bagay na mabuti.

Ito ang kahulugan ng salitang “auctor” na ugat ng auctoritas (authority). Ang Diyos lamang ang may akda ng kapangyarihan. Tanging Siya lamang ang nagkakaloob nito. At lahat ng uri at antas ng kapangyarihan ay isa lamang pakikibahagi sa pagiging may akda ng Poong Maykapal. Ito ang sinasaad sa aklat ng Deuteronomio: “Isang propetang tulad ko ang itatanghal ng inyong Diyos na kukunin Niya mula sa inyong bayan. Ang propetang ito ang siya ninyong pakikinggan.”

Balisang balisa tayo ngayon sa maraming bagay. Balisa ang buong daigdig sa lumalawak, lumalalim, at lumalalang pagbagsak ng ekonomiya. Naghahanap ang buong mundo ng isang malakas at makapangyarihang taong sasagot at aako sa pananagutang ito na ipagtaguyod at ibalik sa normal ang lagay ng pamemera.

Naghahanap tayo ng isang “auctor” na magmamay-akda ng isang panukala at balaking magtatawid sa atin sa lahat ng pangambang ito.

Tulad ng sagot ng unang pagbasa … tulad ng ang lahat ng kapangyarihan ay galing sa Diyos, ang sagot ng ikalawang pagbasa ay ganito rin. Ang pagbalikwas mula sa lubhang pagkabalisa ay ang magtalaga ng sarili sa Diyos na Siya lamang may-akda ng pawang kabutihan. Ang Diyos na siya nating tunay na “auctoritas” ang tanging karapat-dapat natin gawing tampulan ng lahat ng ating pag-asa at pagtitiwala, at wala nang iba.

At dito naman papasok ang sinasaad ng ebanghelyo. Si Jesus ay tiningala ng mga tao sa sinagoga. Sa mga nagtuturo, tanging Siya lamang ang nangaral nang may angking kapangyarihan (authority). Kakaiba siya mangaral … kakaiba sa mga eskriba. Ano bang dahilan at ganito ang nangyari?

Simple lang ang sagot. Ang kapangyarihan niya ay hindi lamang panlabas, kundi panloob. Ang angkin niyang kapangyarihan ay galing sa Diyos, kaloob na ipinamahagi ng Kanyang Ama. Hindi ito isang diploma, papel, o titolo lamang. Ito ay mula sa kaibuturan ng kanyang pagiging isang sugo ng Ama, na Siyang nagbahagi at Siyang nagmay-akda ng kabutihang kanyang ginagawa sa kanyang ngalan. Si Kristo lamang ay merong “K.”

Maraming payaso sa lipunan natin na nagpapanggap at nagkukunwaring namumuno nang may kapangyarihan. Hindi tayo nasisilaw sa ningning ng kanilang kasuotan at titolo. Maraming mga artista sa gobyerno ang nagkukunwaring naglilingkod sa publiko sa kanilang “panunungkulan.” Hindi tayo nadadala ng kanilang mabababaw na pangako at nakabibighaning mga binibitiwang salita. Ang mga eskriba ay mga taong aral, dalubhasa at pawang madudulas ang dila. Subali’t si Kristo ang tiningala, pinakinggan, at pinagbuhusan ng atensyon ng balana.

At ang sagot sa palaisipang ito ay nakasalalay sa ugat ng salitang auctoritas sa Latin. Ang salitang ito ay nag-uugat sa salitang “augere” na ang ibig sabihin ay “palaguin,” “dagdagan” o dili kaya’y umentuhan (augment). Ang tunay na namumuno nang may kapangyarihang mula sa Diyos ay nagpapalago, nagpapalawig, nagpapabuti sa iba. Wala siyang hinahanap na pangsarili liban sa ikalalago at ikabubuti ng iba.

Ito ang misyon ni Jesus – ang mabuhay ang lahat at mabuhay nang ganap. Ito ang iginagalang ng balana – mga pinunong ang hanap ay pawang kabutihan ng iba at hindi ng sarili. Walang “perfect mother” sa lupang ibabaw. Walang “natatanging Ina” nating lahat na maari tayong ituring at tawagin.

Pero merong tanging pinuno tayong dapat tularan … Siya ang may-akda ng lahat ng kabutihan. Siya ang Diyos at ang Kanyang bugtong na Anak na si Jesus. Ang Diyos ang tanging pinuno nating lahat na Siyang dapat natin pakinggan, sundin, at tularan. Sino mang nagsasabing sila ay may kapangyarihan, may posisyon, at may “K” – kung hindi din lamang sila marunong makinig sa tinig ng tanging pinunong ito – ay walang iba kundi isang palso, isang payaso, at isang hungkag na laruan, na gumagalaw lamang kapag nasusian.

Mayroon ka bang tunay na “K?”

PAGKAKALOOB O PANLOLOOB?

In Epipaniya, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Pagsilang ng Panginoon, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Enero 2, 2009 at 09:19

midc49mbecketti

magifredi1

KAPISTAHAN NG EPIPANIYA
(PAGPAPAHAYAG NG PANGINOON)
Enero 4, 2009

Marami ang mga balak at gawaing panloloob tuwing nalalapit ang Pasko. Lagi nilang sinasabi na mahirap ang buhay, kung kaya’t ang ilan ay nanloloob na lamang ng hindi nila bahay, ng hindi nila gamit, upang mabuhay. Nakapagtataka, pero kung mahirap ang buhay, bakit nila mas pinahihirap ito sa ibang tao sa kanilang maiitim na balak at gawain?

Bago mag Pasko, isang kahindik-hindik na barilan ang naganap sa Paranaque, malapit kung saan ako malimit mag-Misa. Mahigit 15 ang namatay, kasama na ang masasamang-loob na nagbalak manloob at maglimas ng hindi nila pinaghirapan. Kapag nakaririnig tayo ng ganitong balita, nagpupuyos ang damdamin natin … nagtatanong … Bakit may mga taong ang pakay lamang ay mamitas at umani ng hindi nila itinanim? Bakit mayroong mga taong ang gusto lamang ay dumulog sa hapag na puno ng pagkaing hindi sila ang nagbayo, ni hindi nagluto?

Ang higit na nakararami ay hindi ayon sa ganitong saloobin at gawain – ang panloloob at pagnanakaw.

Mahalaga sa ating Pinoy ang “loob.” Ang “loob” ng Pinoy ay kumakatawan sa kabuuan at yaman ng ating pagkatao. Ang “loobin” natin ang buod ng kung sino tayo, ang lagom ng ating tinatawag na “kakanyahan” (identity). Ang mabuting loob, ang mababa ang loob, ang maganda ang kalooban ay pawang mga konseptong may kinalaman sa isang mabuting tao, sa isang taong ang kabuuan ay pawang kaaya-aya, pawang kaiga-igaya. Ang loob ang tanda ng lahat ng mabuti at maganda sa isang tao.

Nguni’t dahil dito, ang yurakan ang “loob” na ito ay siya ring sukdulan ng kasamaan para sa mga Pinoy. Ang magbigay ng dahilan para sa “sama ng loob” ay ang tapakan ang batayan ng pagkatao natin. Ang “looban” ang bahay o pag-aari ng isang Pinoy ay pagyurak sa kakanyahan ng tao, ang bale-walain ang kaganapan ng pagkatao natin bilang Pinoy.

Ito ang dahilan kung bakit nagpupuyos ang damdamin natin kapag “nilooban” tayo, kapag ang bahay natin ay pinasok at hinalughog. Ito ay paglabag sa kaibuturan ng ating kalooban.

Sa araw na ito, ang liturhiya ay may kinalaman sa konsepto ng “loob” pero sa isang natatanging paraan. Ang mga mago ay hindi nanloob, bagkus nagkaloob. Ito ang tahasang kabaligtaran ng lahat ng masamang kaakibat ng panloloob. Sila ay naparoon sa kinalalagyan ng bagong silang na sanggol, hindi upang manloob, kundi magkaloob. Hindi sila naparoon upang kumabig, kundi ang magbigay ng pag-ibig, ng pag-aalay na tanda ng pag-ibig at pagmamagandang-loob.

Malaki ang kinalaman nito sa ating pananampalataya. Marami ngayong kabataan ang laging naghahanap ng kung ano ang kanilang mahihita sa anumang gawain. Marami ang nagsasabing, wala sila, ika ngang, napapala sa Misa. Diumano’y wala silang nakukuha, wala silang natatanggap o naiuuwi.

Ang saloobing ito ay saloobing pakabig, hindi pagkakaloob. Ito ang saloobin na walang iniwan sa mga nanloloob.

Ang Misa ay hindi panloloob … Ito ay pagkakaloob … Ito ay pakikisama sa mga taong “may magandang kalooban” na silang nararapat magbigay-puri at luwalhati sa Diyos, na una at higit sa lahat ay nagkaloob ng sarili sa ikaluluwalhati ng lahat.

Mahalaga na ang diwang ito ng pagkakaloob ay tumiim sa ating bagang at kaisipan, at kalooban. Sapagka’t ito ang diwa ng Kapaskuhan – ang magkaloob, ang magbigay, at hindi ang kumabig. Ang Pasko ay pista ng pag-ibig, hindi pagkabig.

Mayroong kabaligtaran sa mga mago ang nababasa natin sa ebanghelyo. Nariyan si Herodes, na nagulumihanan sa pagsilang ng sanggol na si Jesus. Pakabig siya, hindi isang taong tigib ng pag-ibig. Pati bata ay pinatulan niya para lamang matiyak ang kanyang kapangyarihan. Ang kanyang niloloob ay masasabi nating kaakibat ng “sama ng loob.” Ang kanyang hiling sa mga mago na ituro rin sa kanya ang kinalalagyan ng bata ay malayo sa diwa ng pagkakaloob, kundi ang panloloob, ang pagsasamantala sa kaalaman ng iba, para sa pansariling kapakanan. Hindi na tayo dapat magtaka na nakilatis ng mga mago ang tunay niyang niloloob, kung kaya’t hindi nila sinabi kung saan matatagpuan ang sanggol.

At alam natin lahat kung ano ang kanyang ginawa – ang kasukdulan ng panloloob nang kinitil niya ang buong “kalooban” ng mga batang paslit na walang kamalay-malay.

Isa sa magandang kagawian ng mga Pinoy sa maraming lugar, lalu na sa panahon ng Pasko, ay ang malayang pagkakaloob ng alay sa Misa. Bagama’t hindi ang material na bagay ang mahalaga, ang pag-aalay ay tanda ng malayang pagkakaloob sa Diyos.

Ito ang isa sa mga malinaw na liksiyon ng kapistahan natin ngayon. Ang Misa ay isang sakripisyo. Bilang sakripisyo, ang buod ay nakasalalay sa kaloob, sa alay, sa puhunang malaya nating ibinibigay sa Diyos. Naparito tayo sa Misa, hindi upang kumabig, kundi upang magkaloob ng buo nating sarili, lahat ng ating balakin, pangarap, kakayahan, at bunga ng ating gawain.

Sa madaling salita, ang Misa ay hindi upang mayroon tayong mahita at mapala, kundi, ang pagkakaloob higit sa lahat, ng lahat ng ating niloloob sa Diyos. Sa ganitong paraan, tunay ngang tayo ay karapat-dapat makibahagi sa kaloob niyang kapayapaan – para sa mga taong may mabubuting kalooban!

Nanguna ang mga mago sa Belen. Naiwan ang masasama ang kalooban tulad ni Herodes. At tayo ay inaanyayahang makisama at makilakbay sa mga mago. Ang hantungan ng lakbaying ito ay walang iba kundi Siyang dakilang kaloob ng Diyos para sa atin lahat.

Dapat pa bang itanong kung mayroon tayong mahihita sa lahat ng ito?