frchito

Posts Tagged ‘Homiliya’

PAGBABAGO@LIPUNAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagkabuhay, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Abril 11, 2009 at 08:36

jesusresurrection

MULING PAGKABUHAY NG PANGINOON (B)
Abril 12, 2009

Mga Pagbasa: Gawa 10:34a, 37-43 / Col 3:1-4 / Juan 20:1-9

Isang kilusan ang lumutang sa kamalayan ng mga Pinoy kamakailan. Sa gitna ng napakaraming luma at lisyang mga kalalagayan ng lipunan, mapasa politika, mapasa kamalayang sibil, mapasa larangan ng komersiyo at edukasyon, sampu ng larangang pang-relihiyon, isang malakas na agos ng pagnanasang magpanibago ang unti-unting rumaragasa sa kamalayan ng buong bayan natin.

Pagbabago … Ito ang sigaw ng lahat. Pagbabago … Ito ang masidhing panaginip ng napakarami sa atin. Pagbabago … Ito ang lubhang kinakailangan ng balana.

Pagbabago … Ito ang pangako na pinanghahawakan nating lahat mula sa Diyos na Maylikha!

Pagbabago … Ito ang hindi lamang pangako kundi bagkus patunay at kaganapan ng kaloob at likha ng Diyos.

Pagbabago ang daloy ng pagdiriwang natin sa araw na ito. Walang iba. Walang duda. Walang katulad. Ang lahat ay mataginting na pagsasa-alaala ng pagbabago.

Gabi ng ipagkanulo ni Judas si Jesus. Gabi ng ipinagtatwa ni Pedro ang kanyang Panginoon. Gabi nang si Jesus ay hatulan ng mga hindi makatanggap sa kanya. Dilim ang pinili ng mga taong mas minatamis mamuhay sa kadiliman. Gabi rin ng siya ay magpawis ng dugo sa halamanan at gabi ng Siya ay dakipin at hatulan ng kamatayan.

Ano ba ang bago sa pagdiriwang natin? Una sa lahat, ang salaysay ng muling pagkabuhay ay naganap sa unang araw ng linggo. Ikalawa, ang parehong salaysay ay naganap sa pagbubukang-liwayway. Ikatlo, isang babae – si Maria ng Magdala – ang siyang unang nakasilay sa isang bagong katotohanan.

Isang bagong kwento para sa isang bagong katotohanan. Isang panibagong tingin sa isang lumang pangako na sa kanyang katuparan ay nagpanibago ng lahat. Ito ang salaysay ng muling Pagkabuhay ng Panginoon!

Isang bagong Pedro ang lumantad sa unang pagbasa. Isang nagpanibagong kaluluwa, na mula sa isang masidhing pagtangis matapos itatwa ang Panginoon, ay bumangon sa isang masidhing pagtugis sa katotohanang natambad sa kanyang paningin… “Kami ay mga saksi sa lahat ng kanyang ginawa para sa mga Judio at sa Jerusalem.” Mula sa isang kinakabahan at nahihintakutang taga-sunod ay bumalikwas si Pedro sa isang magiting at tapat na tagapagpatunay.

Bagong araw para sa isang bagong katotohanan. “Ito ang araw na ginawa ng Panginoon; matuwa tayo at magalak.”

Nguni’t hindi lamang ito … isang panibagong panagimpan ang mungkahi ni Pablo sa mga taga Colosas: “Kung kayo ay muling nabuhay kasama ni Kristo, hanapin ninyo ang mga bagay sa itaas, kung saan Siya ay nakaluklok sa kanan ng Ama.” Bagong pangarap hinggil sa bagong kalalagayan ng mga taong sinagip ni Kristo…

Sa bukang liwayway, isang babae ang nakatunghay sa puntod na pinaglibingan kay Kristo … sa unang araw ng Linggo, sa pagkagat ng liwanag sa gitna ng karimlan. Dilim at kalungkutan ang dala ng puso’t kalooban ni Maria ng Magdala. Ngunit’ sa pagkakita sa bato na pinagulong sa lagusan ng puntod, sapat na para kay Maria Magdalena na tumalilis, tumakbo, at buong galak na ibalita ang napipintong katotohanan ng isang malaking pagbabago sa kanilang buhay at sa buhay na buong daigdig.

Panay pagbabago ang tinutumbok ng mga pagbasa natin ngayon … At ang batayan ng lahat ng ito ay walang iba kundi ang muog at pundasyon ng lahat ng pagbabagong naganap sa buhay ng isang mundong nagupiling sa lumang kwento ng kasalanan at kamatayang dulot nito.

Luma na ang ating pagtangis sa mga kwento ng katiwalian at kadayaan sa lipunan natin. Luma na ang mga paulit-ulit nating pagsisikap na itumba ang paghahari ng mga kampon ni Ali Baba at ang kanyang 40 kampong mandarambong. Luma na ang ating mga pagnanasang muling ibangon ang bayan natin upang maihanay sa mga bansang puedeng magyabang, puedeng magmakaingay sa pag-unlad at karampatang karangyaan. Luma na at gasgas na plaka na ang mga pagpupunyagi natin upang lipulin sa balat ng lupa ang lahat ng uri ng katakawan, pagkamakasarili, at walang sawang pagkakamal ng nakaw na yaman ng bayan.

Ang lumang salaysay ng kasalanan ay talagang laon na …. Mula pa kay Adan at Eba ay nakilala na natin kung saan pupulutin ang mga mapag-imbot, mapanaghili, masiba, at makasarili. At ito ay hindi lamang isang kangkungan … Ito ay masahol pa sa dahilig ng Hinnom na pinagtatapunan ng lahat ng basura ng Jerusalem, na laging nagdadaig, naaagnas, at nangangamoy.

Sa araw na ito, bagong balita at bagong pangako ang natambad sa ating kamalayan. Ito ang tunay na batayan ng lahat ng ating mga pangarap, pag-asa, at pagnanasa sa tunay na pagbabago. Ito ang magandang balita na talagang posible at maaaring mangyari ang lahat ng ating inaasam at hinihintay.

Ito ang tunay at walang katulad at walang kaparis na simulain ng pagbabago@lipunan na siyang isinusulong ng grupong ang hangad ay pagpanibaguhin ang lipunang Pinoy.

Ito ang ganap na patunay na walang pagbabago liban kay Kristo – ang Diyos na may-akda ng tunay na pagbabago. Iyan ang mataginting na aral ng mga pagbasa, na nagdudugtong at nag-uugnay sa muling pagkabuhay ng Panginoon sa gawang paglikha ng Diyos sa aklat ng Genesis. Kung paanong ang Diyos ang siyang lumikha ng lahat at nagpanibago sa malaking kawalan at kaguluhan sa kalawakang binabanggit sa Genesis, ganuon rin naman, ang muling pagkabuhay ni Jesus ay larawan ng parehong Diyos na patuloy na lumilikha ng bagong buhay at bagong kaayusan sa lipunan.

Pagbabago@ lipunan … Ito ang pangarap ng Diyos para sa atin. Pagbabago@lipunan … Ito ang kaganapang naghihintay sa atin. Ito rin ang kanyang pinatunayan sa pinaka matinding bagong balita na naganap sa araw ng Panginoon – ang kanyang muling pagkabuhay.

Umaasa pa rin tayo sa isang ganap na pagbabago sa lipunan. Nangangarap pa rin tayo at patuloy na nananalangin sa ikalalaganap ng ganitong uri ng pagpapanibago. Isang magandang aral ang dapat pulutin kay Maria Magdalenang sa kanyang pagtangis ay di niya nakuhang makilala ang tunay na batayan, muog, at simulain ng lahat ng makabuluhan, makahulugan, at makatotohanang pagbabago – ang muling pagkabuhay ng Kanyang Panginoon!

Ikaw, ano ang dapat mong hawanin sa buhay mo upang matunghayan ang ganap na pagbabagong ito?

Advertisement

MAYROON KA BANG “K”?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Enero 28, 2009 at 15:14

50

Ika-apat na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Pebrero 1, 2009

Mga Pagbasa: Dt 18:15-20 / 1 Cor 7:32-35 / Mk 1:21-28

Noong araw, may isang sine na naging tanyag na ang pamagat ay “Wanted: Perfect Mother.”

Kung ako ay gumagawa ng sine, gusto ko sana na ang kasunod ng “Ang Tanging Ina Ninyong Lahat” ay “Ang Tanging Pinuno Ninyong Lahat.”

Hayaan ninyo akong magpaliwanag …

Medyo mahirap ilahad ang pinapaksa sa araw na ito, ika-apat na Linggo sa karaniwang panahon. Una, walang katumbas na salitang Tagalog akong mahagilap upang isalin ang salitang Latin na “auctoritas” (authority) na malimit nating isalin bilang “kapangyarihan.” Ikalawa, kapag ginamit natin ang salitang kapangyarihan, karahasan at katayugan o kataasan ng posisyon agad ang pumapasok sa ating kamalayan.

Subali’t mahalaga na ating maunawaan nang maigi na ito mismo ang pinapaksa ng mga pagbasa sa araw na ito.

Sa panahon natin, hindi tayo lubos na nagtitiwala sa mga may kapangyarihan. Takot ngayon ang marami sa may baril, sa may uniporme, sa may posisyon. Bagama’t natutuwa tayo sa kinang, sa luho, sa rangya ng mga hari at reyna sa mga palasyo nilang tahanan, hindi tayo lubusang nagtitiwala at humahanga sa mga nabubuhay ika nga, sa loob ng mga gusaling kristal.

Sa konteksto ng lipunan natin ngayon, mas hinahangaan pa natin ang tulad nina Charice Pempengco, ni Arnel Pineda, ni Jasmine Trias, Ramiel Malubay, at iba pa, na dahil sa kanilang galing at kakayahan ay nakikilala na sa buong daigdig. Sawa na tayo sa mga hungkag na pangako ng mga politico, mga namumuno sa atin na alam naman ng lahat ay nakatuon ang kanilang atensyon sa pagdadagdag lamang ng yamang makakamal at dagdag pang kapangyarihang mapanghahawakan.

Makabubuti sa atin na tunghayan ang sinasaad ng mga pagbasa. Mahalaga ang mga pangaral nito tungkol sa “auctoritas” na ito o tinatawag nating kapangyarihan. Ano nga ba ang mga aral na mapupulot natin tungkol dito?

Para masagot ang palaisipang ito, dapat tayo magbalik sa salita ng Diyos. Una sa lahat, malinaw sa unang pagbasa na ang anumang tinatawag nating kapangyarihan ay nagmumula hindi sa ating sarili, kundi sa Diyos. Ito ay isang kaloob, isang regalo, isang pamamahagi ng Poong Maykapal. Hindi ito isang bagay na ipinuputong natin sa ating sariling ulo at ipinapasan natin sa sariling balikat. Ang kapangyarihan ay nagmumula sa Diyos na may akda ng lahat ng bagay na mabuti.

Ito ang kahulugan ng salitang “auctor” na ugat ng auctoritas (authority). Ang Diyos lamang ang may akda ng kapangyarihan. Tanging Siya lamang ang nagkakaloob nito. At lahat ng uri at antas ng kapangyarihan ay isa lamang pakikibahagi sa pagiging may akda ng Poong Maykapal. Ito ang sinasaad sa aklat ng Deuteronomio: “Isang propetang tulad ko ang itatanghal ng inyong Diyos na kukunin Niya mula sa inyong bayan. Ang propetang ito ang siya ninyong pakikinggan.”

Balisang balisa tayo ngayon sa maraming bagay. Balisa ang buong daigdig sa lumalawak, lumalalim, at lumalalang pagbagsak ng ekonomiya. Naghahanap ang buong mundo ng isang malakas at makapangyarihang taong sasagot at aako sa pananagutang ito na ipagtaguyod at ibalik sa normal ang lagay ng pamemera.

Naghahanap tayo ng isang “auctor” na magmamay-akda ng isang panukala at balaking magtatawid sa atin sa lahat ng pangambang ito.

Tulad ng sagot ng unang pagbasa … tulad ng ang lahat ng kapangyarihan ay galing sa Diyos, ang sagot ng ikalawang pagbasa ay ganito rin. Ang pagbalikwas mula sa lubhang pagkabalisa ay ang magtalaga ng sarili sa Diyos na Siya lamang may-akda ng pawang kabutihan. Ang Diyos na siya nating tunay na “auctoritas” ang tanging karapat-dapat natin gawing tampulan ng lahat ng ating pag-asa at pagtitiwala, at wala nang iba.

At dito naman papasok ang sinasaad ng ebanghelyo. Si Jesus ay tiningala ng mga tao sa sinagoga. Sa mga nagtuturo, tanging Siya lamang ang nangaral nang may angking kapangyarihan (authority). Kakaiba siya mangaral … kakaiba sa mga eskriba. Ano bang dahilan at ganito ang nangyari?

Simple lang ang sagot. Ang kapangyarihan niya ay hindi lamang panlabas, kundi panloob. Ang angkin niyang kapangyarihan ay galing sa Diyos, kaloob na ipinamahagi ng Kanyang Ama. Hindi ito isang diploma, papel, o titolo lamang. Ito ay mula sa kaibuturan ng kanyang pagiging isang sugo ng Ama, na Siyang nagbahagi at Siyang nagmay-akda ng kabutihang kanyang ginagawa sa kanyang ngalan. Si Kristo lamang ay merong “K.”

Maraming payaso sa lipunan natin na nagpapanggap at nagkukunwaring namumuno nang may kapangyarihan. Hindi tayo nasisilaw sa ningning ng kanilang kasuotan at titolo. Maraming mga artista sa gobyerno ang nagkukunwaring naglilingkod sa publiko sa kanilang “panunungkulan.” Hindi tayo nadadala ng kanilang mabababaw na pangako at nakabibighaning mga binibitiwang salita. Ang mga eskriba ay mga taong aral, dalubhasa at pawang madudulas ang dila. Subali’t si Kristo ang tiningala, pinakinggan, at pinagbuhusan ng atensyon ng balana.

At ang sagot sa palaisipang ito ay nakasalalay sa ugat ng salitang auctoritas sa Latin. Ang salitang ito ay nag-uugat sa salitang “augere” na ang ibig sabihin ay “palaguin,” “dagdagan” o dili kaya’y umentuhan (augment). Ang tunay na namumuno nang may kapangyarihang mula sa Diyos ay nagpapalago, nagpapalawig, nagpapabuti sa iba. Wala siyang hinahanap na pangsarili liban sa ikalalago at ikabubuti ng iba.

Ito ang misyon ni Jesus – ang mabuhay ang lahat at mabuhay nang ganap. Ito ang iginagalang ng balana – mga pinunong ang hanap ay pawang kabutihan ng iba at hindi ng sarili. Walang “perfect mother” sa lupang ibabaw. Walang “natatanging Ina” nating lahat na maari tayong ituring at tawagin.

Pero merong tanging pinuno tayong dapat tularan … Siya ang may-akda ng lahat ng kabutihan. Siya ang Diyos at ang Kanyang bugtong na Anak na si Jesus. Ang Diyos ang tanging pinuno nating lahat na Siyang dapat natin pakinggan, sundin, at tularan. Sino mang nagsasabing sila ay may kapangyarihan, may posisyon, at may “K” – kung hindi din lamang sila marunong makinig sa tinig ng tanging pinunong ito – ay walang iba kundi isang palso, isang payaso, at isang hungkag na laruan, na gumagalaw lamang kapag nasusian.

Mayroon ka bang tunay na “K?”