frchito

Archive for the ‘Taon K’ Category

ASAM-ASAM; NILALASAM

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Linggo ng Karaniwang Panahon Taon K, Taon K on Nobyembre 4, 2016 at 20:15

 

Ika-32 Linggo ng Karaniwang Panahon (K)

Nobyembre 6, 2016

KATOTOHANANG ASAM-ASAM, KATOTOHANANG NILALASAM

Sanay na sanay ang Pinoy na isabuhay sa kasalukuyan ang mga mahalagang bagay na parating pa lamang sa hinaharap. Maagap at maaga ang Pinoy kung magdiwang. Setyembre pa lamang ay nagkukumahog na ang mga himpilan ng radyo, mga shopping malls, at mga TV network na magpadama, magpatugtog, at magbigay-paalala tungkol sa darating na Pasko.

Maging sa mga pamilya ay maaga mangarap ang mga bata. Bunsod marahil ng kahirapan ay maagang makintal sa isipan ng mga musmos ang kagustuhang marating at makamit ang anumang karera upang makatulong sa magulang, makaipon, at makapag-paanyo ng magandang kinabukasan. Hindi malayong ang mga bata ay sinisimulang paghandaan ng itutustos sa pag-aaral bago pa man sila isilang.

Maaga mangarap ang Pinoy at malayo ang tanaw kapag ang pinag-uusapan ay ang hinaharap. Marunong ang Pinoy na habang maaga pa, ay ninanamnam na, dinadama, at isinasabuhay na ang bagay na bagama’t wala pa, ay pinakahihintay na at pinakamimithi. At sapagka’t ang kanyang isip at puso ay nakatuon sa darating, sa hinihintay na hinaharap, handa rin ang Pinoy na magtiis, magdusa, at maghirap sa kasalukuyan.

Sanay ang Pinoy maghintay. Sanay ang Pinoy magtiis at magdanas ng hirap sapagka’t ang hinaharap ay pihong darating. Hindi ba’t ito ang nasa puso ng mahigit 10 milyong kababayan natin na nasa ibang bansa at nagpapakahirap para sa tinatawag nilang kinabukasan? Hindi ba’t ang pinakaaasam na hinaharap ang siyang dahilan kung bakit handa ang Pinoy na humarap sa kalungkutan, pamamanglaw, at pagkagiliw sa kanilang mahal sa buhay at manatili nang maraming taon sa malayong lugar?

Ito ang buod na kapansin-pansin sa ating mga pagbasa sa araw na ito. Mapait ang pinagdaanan ng pitong magkakapatid. At kung iisipin natin na pati ang kanilang ina ay nagdanas din ng parehong malupit na kamatayan, lalung tumitingkad ang kabatirang basta ang hinaharap ang pinag-uusapan, ay walang hindi gagawin ang taong puno ng pag-asa, tigib ng pananampalataya, at lipos ng pagmamalasakit sa pinaninindigang katotohanang ang kaganapan ay wala pa rito ngayon, kundi sa darating pang panahon.

Sa ngalan ng hinaharap, ang taong matapat at matuwid at puno ng pananampalataya ay handang bale-walain ang kasalukuyan, at ituring ito na pangalawa o pangatlo lamang sa hanay ng pagpapahalaga. Ano nga ba ang nilalaman ng hinaharap na ito? Ano nga ba ang higit na mahalagang katotohanan na nagbunsod sa pitong magkakapatid upang harapin ang mapait na kamatayan sa pugong nagliliyab at naglalagablab?

Ano nga ba ang mahalagang bagay o lagay na ito na naging sapat na dahilan upang ang mga tao ay mamuhay na tila baga ang pinakahihintay ay dumating na? … na naging sapat na dahilan upang hindi na sila mamuhay tulad ng karamihan? Iisa ang sagot ng una at pangatlong pagbasa … pareho ang tinutumbok ng mga ito. At ang higit na mahalagang ito ay ang kanilang paniniwalang ang tao ay muling mabubuhay, upang makapiling ang Diyos magpakailanman.

Ito ang maka-apat na ulit na sagot ng magkakapatid sa aklat ng Macabeo. Ito rin ang sagot ni Jesus sa mga Saduseong nag-usisa sa kanya ng mga tanong na walang kapararakan … mga tanong na alam naman ng lahat ay malayong-malayo sa larangan ng makatotohanan at maaring mangyari. Tulad ng mga tanong ng mga taong aral at nagdudunung-dunungan, ang tanong ng mga Saduseo ay isang patibong. Ang pakay nila ay siluin ang Panginoon, at hindi upang malaman ang katotohanan. Sa kadahilanang hindi sila naniniwala sa muling pagkabuhay, nag-imbento sila ng tanong na batid natin ay malayong mangyari.

Nguni’t sa halip na mawalan ng matibay na pundasyon ang sagot ni Jesus, ay bagkus naidiin niya ang katotohanan – na sa muling pagkabuhay ay mababago ang takbo ng ating pakikitungo sa isa’t isa … na sa muling pagkabuhay ay hindi na tayo nalalambungan ng makamundo at material na uri ng pakikipag-ugnayan sa isa’t isa … na ang mga muling nabuhay ay tila mga anghel, na hindi na muling mamamatay kailanman.

Matibay at malalim ang pagpapahalaga ng taong sumasampalataya dito sa katotohanang ito. At sapagka’t mahalaga ito, ninanamnam na ito bilang katotohanang ganap at narito na. Dahil ito ay pinaninindigan ng sumasampalataya, handa siyang mamuhay na tila baga ay ito ay isa nang katotohanang naganap na ngayon, dito, palagian, at saanman. Maging ang pamumuhay bilang anghel ay handa niyang gawin at akuin. Maging ang pag-aasawa ay handa niyang ipagpaliban o palampasin, sapagka’t dama na niya at niloloob na ang hinaharap na katotohanan ng muling pagkabuhay.

Tulad ng pitong magkakapatid, malayo ang tanaw ng mga sumasampalataya … malalim, matibay, at mapunyagi. Sa lakas ng kanilang pangitain sa hinaharap na luwalhati, ay tinanggap nila ang pansamantalang kahirapan sapagka’t nadama na nila ang luwalhating darating mula sa Panginoon. Tulad ng libo-libong mga banal at mga martir sa kasaysayan ng Santa Iglesya, pinaninindigan natin ang sinasaad sa Salmo na binasa natin sa sandali ng Komunyon: “Ang Panginoon ay aking pastol, hindi ako mangangailangan ng anuman.” Sapagka’t sa ating pananampalataya, ang katotohanang inaasam at hinihintay ay katotohanang ganap, laganap, at nilalasam na.

Advertisement

PANDAK, PERO MATAYOG SA MATA NG DIYOS

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Taon K, Uncategorized on Oktubre 27, 2016 at 09:37

Ika-31 Linggo ng Taon K

Oktubre 30, 2016

ASCENDE SUPERIUS!

Takot ako umakyat sa matatayog na lugar. Takot ako dumungaw sa matataas na gusali. Minsan din akong nahulog sa puno noong bata pa, habang nag-aastang Batman na siyang pinapanuod namin sa TV noong araw. Pero may pagkakataong wala kang mahihita kung di ka magsikap manguyabit sa puno. Kung hindi umakyat ay maghihintay ka na lamang sa nahuhulog na prutas na kinain na ang kalahati ng uod o ng ibon.

May pagkakataon namang kelangan mong umakyat kung gusto mong umangat; kung gusto mong makasilay sa taong hinahangaan, o kung mayroon kang pinapanagimpan at pinagsisikapan. Pandak si Saqueo, tulad ko. Pero hanga ako sa kanya, hindi sapagka’t siya’y tulad kong maliit, kundi sapagka’t siya ay maparaan, at may pinapanagimpan. Nang mabalitaan niyang daraan ang pinag-uusapan ng marami sa Jerico, nagmadali siya … nagtatakbo, at humanap ng balcony – ng puno upang maakyat – kung saan hindi mahaharangan ang kanyang mga mata ng mga taong mas matatangkad kaysa sa kanya.

Sa dinami-dami ng taong dumating sa Jerico, hindi lamang siya ang publikano. Hindi lamang siya ang swapang at ganid, at lalung hindi lamang siya ang nag-aasam ng malaking kita o tubo. Pero iba ang mag-nasa at mag-asam, at iba rin ang maghanap at magpadala sa isang matayog na panagimpan o marangal na pangarap. Tayo man ay mapagnasa at mapaghanap. Naghahanap tayo ng luho, ng yaman, at ng madali ang mariwasang pamumuhay.

Lahat ng nagpunta sa Jerico at ang hanap ay ang Guro – si Kristong daraan ay nagkakaisa sa bagay na ito … Lahat tayo ay may gustong marating. Lahat tayo ay may nais makamit … karangalan man o materyal na bagay … walang sinuman ang makapagsasabing wala siya ni isang hibla ng makamundong pagnanasa. Kagagaling ko lamang noong nakaraang dalawang linggo sa isang bundok – ang isa sa mahigit na 14 na bundok na akin nang naakyat. Takot ako sa matataas na lugar, pero hindi ako takot mangarap umangat, tumaas, at makipag tipan sa mga alapaap sa langit.

Tulad ako ni Saqueo na bagama’t pandak ay may malalim na pagnanais na malampasan ang mga kahinaan at karupukang maaaring magtali sa akin sa ibaba. Kung sa Tondo man daw ay may langit din, ang mga pandak man ay may pangarap marating na matatayog na hangarin. Galing sa akin ang motto ng dalawang kolehiyo sa ating bansa: Ad maiora natus, at Ascende Superius. Ang ibig sabihin ng una ay ito: Isinilang Tayo Para sa Mas Matatayog na Bagay, at ang ikalawa naman ay ito: Umakyat ka Pa ng Kaunti sa Itaas.

Nais kong isipin na si Saqueo ay larawan ng bawa’t isa sa atin. Mababa ang uri … makasalanan … makasarili … sakim at mapagkamkam. Ngunit ang lahat ng santo ay may nakalipas at lahat ng makasalanan ay may hinaharap. Hinarap ni Saqueo ang totoo sa kanyang sarili … bukod sa pandak ay tinanggap niyang kelangan niya ng kaligtasan, ng kagalingan, ng tulong mula sa itaas. Kubrador man ng jueteng ay may pagkakataong magbago. Pandak man at mahirap ay may angking kakayahan at karapatang magnasang umangat, magnais umakyat sa antas ng kabutihan at kagandahang asal.

Kwento ko ito noong katatapos lamang na Philippine Conference on New Evangelization … Noong ako ay bata pang brother, may nakita akong maliit na puno ng mangga sa tabing daan. Ibinuhol ko ang puno at iniwan at inasahan kong mamatay. Ngunit noong ako ay naging pari maraming taon ang lumipas, ay nakita kong malaki na ang puno, matibay, matatag. Hinanap ko ang buhol. Naruon pa rin ang buhol. Matigas. Makapal ang balat. Matipuno at matatag. Lumakas siya kung saan siya nasugatan. Tumatag siya kung saan siya nakaranas ng pagdurusa. Sapagka’t isa siyang punong may panagimpan, may pagnanasa, may takdang kagustuhang marating at makamit.

Si Saqueo ay taong marupok. Tulad nating lahat madali rin siyang matepok. Pero may matayog na pangarap … may malalim na paghahanap. Hinanap niya si Jesus ang Daan, katotohanan, at buhay. Lingid sa kanyang kaalaman, ang Diyos mismo ang naghahanap sa kanya … sa atin, sa bawa’t isa sa ating makasalanan.

Natagpuan siya ng Diyos ng awa at habag: “Zaqueo, bumaba ka agad, sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa bahay mo.” Hinahanap tayo ng Diyos … tayong lahat. Mahal niya tayo at pinagmamalasakitan. Pero mayroon tayong dapat gawin, tulad ni Zaqueo.

Kailangan nating manguyabit sa puno at umakyat. Kailangan nating maghanap ng kaunti, at magpakita ng isang matayog na hangaring gumawa ng tama at karapat-dapat. Nasa ating mga kamay at paa ang kasagutan … Hala … ano pa ang hinihintay natin? Akyat na! Ascende Superius! Sapagkat AD MAIORA NATUS!