frchito

Archive for the ‘Taon K’ Category

HINDI SINGAW, HINDI KATHANG-ISIP KUNDI SUGO MULA SA KAITAASAN

In Simbang Gabi 2015, Taon K, Uncategorized on Disyembre 10, 2015 at 06:22

012-012-jacob-blessing-his-sons-fullSIMBANG GABI 2015  Ikalawang Araw, Disyembre 17, 2015

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

HINDI SINGAW, HINDI KATHANG-ISIP KUNDI SUGO MULA SA KAITAASAN!

Kahapon ang bida sa ating kalye serye ay si Juan Bautista. Hindi pa tayo tapos sa kanya, kaya huwag na huwag kayong aabsent sa mga darating na araw. Kung kaya ninyo pumila sa Aldub sa Arena ay kaya nyo rin ang sumimba ng siyam na araw. Bahala na si Boss kung kayo ay antukin sa trabaho o sa eskwela.

Alam nyo, noong araw, wala pang contraception. Wala pang mga condom na ngayon ay puede nyong bilihin kahit sa 7-11 at sa tindahan sa kanto – ang tawag ng mga Pinoy ay “convenient store” sa halip na “convenience store.” Itanong nyo na lang kay Alma Moreno kung alin ang tama.

Pero bida si Jacob na may 12 anak na lalaki. Wala pa silang kalabang mga pro-choice noong araw. Puede nating sabihin na si Jacob ay Lady’s Choice … medyo masipag at masikap (at huwag nyo na tanungin sa akin kung bakit ko sinabi ito!)

Pero sa 12 anak, si Judah ang mas bida. Sa kanya manggagaling ang kanilang pinakahihintay na Mananakop. At magmula kay Judah ay maraming salin-saling lahi ang nagdaan hanggang dumating kay Jose na siyang umaktong Ama ni Jesus na nanggaling sa angkan ni David.

Walang excitement ang pagbasa sa ebanghelyo. Sino ba naman ang magiging excited sa pagbasa ng mga pangalang mahirap nang bigkasin ay mahirap pang tandaan?

Pero hindi isinulat ni Mateo ang mga pangalang iyon upang tayo ay pahirapan. Hindi niya isinulat iyon upang may mailaman siya sa kanyang facebook post tulad ng walang sawa nating posting ng mga pinuntahan natin, at kinain natin, na may kasamang pang anik-anik na mga selfie, groupie at kung ano-ano pang ka-ek-ekan!

May mensahe ang mama sa atin, at isang mahalagang mensahe.

May pinagmulan ang ating Mananakop. Hindi siya singaw o kathang-isip. Siya ay pinaghandaan ng maraming taon, at hinintay matapos ng suson-susong mga salinlahi. Siya ay may kasaysayan sapagka’t pumasok siya sa daigdig ng mga taong nilalang na may kasaysayan, may pinagdaanan, at may patutunguhan.

Hindi siya isang nilalang ng teleserye. Hindi siya isang Bunga ng malikot na isipan ng mga dabarkads sa TV. Siya ay galing sa kalooban ng Diyos, na nagbalak mula pa sa simula na ang kanyang pag-ibig ay hindi magagapi ng panahon at ng mga gawaing makatao.

Ang hinihintay nating Mananakop ay hindi isang karakter na inimbento ninuman, tulad ng mga simbahang kristiano raw pero nagsimula lamang noong 1914 sa Punta, Sta. Ana.

May kasaysayan tayo at ang kasaysayang ito ay kaakibat ng kasaysayan ng Diyos. At ang kasaysayan ng Diyos ay isang mahabang kwento ng pag-ibig. May simula. May pinagdaanan. May patutunguhan.

Nagmula sa Diyos. Nagdaraan sa daang tinahak ng kanyang Anak, at ang hantungan ay walang iba kundi Siya rin. Siya ang Alpha at Omega.

Dito na tayo sa tiyak. Dito na tayo sa tumpak. Huwag ipagpalit ang kasaysayang ito sa kasaysayang nagmula lamang kung kailan at kung saan. Dito na tayo sa orig. Siya lamang ang naghahatid sa tunay nating hantungan – ang buhay na walang hanggan. Amen

MANGHINAWA O MAGHINTAY NANG BUONG GALAK

In Adviento, LIngguhang Pagninilay, Panahon ng Pagdating, Taon K, Uncategorized on Disyembre 9, 2015 at 10:06

Ika-3 Adbiyento_K

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-3 Linggo ng Adbiyento Taon K

Disyembre 13, 2015

MANGHINAWA O MAGHINTAY NANG BUONG GALAK!

Sa panahon natin, marami ang nadadala na ng kawalang pag-asa. Marami ang hindi na naniniwalang maari pang magbago ang mga bagay-bagay. Sa darating na halalan, malamang na minority president na naman ang mailuluklok, sa kadahilanang ang mga higit na nakakaunawa, pero nanghihinawa na ay ipauubaya na lamang sa mga puedeng bayaran ang tungkuling pumili ng pinuno.

Pero sa mata ng pananampalataya, walang imposibleng bagay, at walang anumang dahilan para tayo ay mawalan ng pag-asa.

Ito ang pinag-ibayong paalaala sa atin ng panahon ng Adbiyento, kung kailan ang diwa ng paghihintay ang laman ng puso at isipan ng bawa’t mananampalataya.

Tingnan natin ang mga tahasang sinasaad ng mga pagbasa … Sa unang pagbasa, deretsahang sinasabi sa atin ng propeta: “Magalak nang lubusan, Lunsod ng Jerusalem!”

Malinaw na hindi panghihinawa ang aral, kundi ang kagalakang matimyas at matingkad. Ito rin ang turo ni Pablo sa mga taga Filipos: “”Huwag kayong mabalisa. … Magalak kayong lagi sa Panginoon.”

At ano ang dahilan ng ganitong kagalakan?

Simple lang ayon kay Pablo … “Malapit nang dumating ang Panginoon.”

Pero sandali nating tunghayan ang ibig sabihin ng mag-intay. Merong nag-iintay na nagpapalipas-oras lamang. Nakatunganga habang patinging-tingin sa relos. Merong nag-iintay na may ginagawa pa rin. Naglilinis ng bahay habang naghihintay ng kung ano man. Meron din namang naghihintay na puno ng pag-asa at nagdarasal.

Tingnan natin kung paano isinabuhay ni Juan Bautista at ng mga nakinig sa kanyang pangaral ang paghihintay na pinag-uusapan natin. Ang tanong sa kanya ay hindi ang pagtunganga bagkus kung “ano ang dapat nilang gawin.”

Oo, ang paghihintay sa panahon ng Adbiyento ay hindi isang walang kahulugang paghihintay tulad sa ginawa ni Juan Tamad na maghapong nakanganga habang naghihintay mahulog ang bayabas sa bibig.

Ang paghihintay na binanggit ni Juan ay puno ng paggawa, aktibo, at hindi nagkukubli sa kawalang pag-asa at kawalang kakayahang gumawa ng ano man.

Hindi kataka-takang kasama sa mga lumapit kay Juan ay mga publikano, mga taga kolekta ng buwis na sanay mangupit at kumobra ng sobra. Sila man, ay mayroong dapat gawin … ang paghihintay ay hindi nangangahulugang tuloy ang dating gawi, kundi ang paggawa ng isang panibagong daan tungo sa ganap na pagbabago.

OK ang manabik. OK rin ang maghintay. Pero mas OK ang gumawa ng nararapat upang ang paghihintay ay maging mabunga at makabuluhan.

Gusto niyo kung saan puede magsimula? Gayahin natin si Juan Bautista. Kailangan nating paghiwalayin ang dayami at ang trigo. Kailangan natin ng kalaykay at bagong panyapak. Kailangan ng apoy na susunog sa luma at mali.

Sa ating bansa, tila dapat ay malaking apoy ang maganap. Kailangan nating linisin ang maraming lumang bagay na siyang balakid sa ating paglago bilang isang bayan.

Higit sa lahat, ang bawat isa sa atin ay may kailangang tunay na pagbabalik-loob at pagbabago.

Samahan natin ang Santo Papa sa pagpasok sa banal na pintuan ng pagbabago, at isabuhay ang dakilang habag at awa ng Diyos sa buong taong darating at sa buong buhay natin!