SIMBANG GABI 2015 Ikalawang Araw, Disyembre 17, 2015
[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]
HINDI SINGAW, HINDI KATHANG-ISIP KUNDI SUGO MULA SA KAITAASAN!
Kahapon ang bida sa ating kalye serye ay si Juan Bautista. Hindi pa tayo tapos sa kanya, kaya huwag na huwag kayong aabsent sa mga darating na araw. Kung kaya ninyo pumila sa Aldub sa Arena ay kaya nyo rin ang sumimba ng siyam na araw. Bahala na si Boss kung kayo ay antukin sa trabaho o sa eskwela.
Alam nyo, noong araw, wala pang contraception. Wala pang mga condom na ngayon ay puede nyong bilihin kahit sa 7-11 at sa tindahan sa kanto – ang tawag ng mga Pinoy ay “convenient store” sa halip na “convenience store.” Itanong nyo na lang kay Alma Moreno kung alin ang tama.
Pero bida si Jacob na may 12 anak na lalaki. Wala pa silang kalabang mga pro-choice noong araw. Puede nating sabihin na si Jacob ay Lady’s Choice … medyo masipag at masikap (at huwag nyo na tanungin sa akin kung bakit ko sinabi ito!)
Pero sa 12 anak, si Judah ang mas bida. Sa kanya manggagaling ang kanilang pinakahihintay na Mananakop. At magmula kay Judah ay maraming salin-saling lahi ang nagdaan hanggang dumating kay Jose na siyang umaktong Ama ni Jesus na nanggaling sa angkan ni David.
Walang excitement ang pagbasa sa ebanghelyo. Sino ba naman ang magiging excited sa pagbasa ng mga pangalang mahirap nang bigkasin ay mahirap pang tandaan?
Pero hindi isinulat ni Mateo ang mga pangalang iyon upang tayo ay pahirapan. Hindi niya isinulat iyon upang may mailaman siya sa kanyang facebook post tulad ng walang sawa nating posting ng mga pinuntahan natin, at kinain natin, na may kasamang pang anik-anik na mga selfie, groupie at kung ano-ano pang ka-ek-ekan!
May mensahe ang mama sa atin, at isang mahalagang mensahe.
May pinagmulan ang ating Mananakop. Hindi siya singaw o kathang-isip. Siya ay pinaghandaan ng maraming taon, at hinintay matapos ng suson-susong mga salinlahi. Siya ay may kasaysayan sapagka’t pumasok siya sa daigdig ng mga taong nilalang na may kasaysayan, may pinagdaanan, at may patutunguhan.
Hindi siya isang nilalang ng teleserye. Hindi siya isang Bunga ng malikot na isipan ng mga dabarkads sa TV. Siya ay galing sa kalooban ng Diyos, na nagbalak mula pa sa simula na ang kanyang pag-ibig ay hindi magagapi ng panahon at ng mga gawaing makatao.
Ang hinihintay nating Mananakop ay hindi isang karakter na inimbento ninuman, tulad ng mga simbahang kristiano raw pero nagsimula lamang noong 1914 sa Punta, Sta. Ana.
May kasaysayan tayo at ang kasaysayang ito ay kaakibat ng kasaysayan ng Diyos. At ang kasaysayan ng Diyos ay isang mahabang kwento ng pag-ibig. May simula. May pinagdaanan. May patutunguhan.
Nagmula sa Diyos. Nagdaraan sa daang tinahak ng kanyang Anak, at ang hantungan ay walang iba kundi Siya rin. Siya ang Alpha at Omega.
Dito na tayo sa tiyak. Dito na tayo sa tumpak. Huwag ipagpalit ang kasaysayang ito sa kasaysayang nagmula lamang kung kailan at kung saan. Dito na tayo sa orig. Siya lamang ang naghahatid sa tunay nating hantungan – ang buhay na walang hanggan. Amen