frchito

Archive for the ‘Taon K’ Category

Tamang Pagtingin; Wastong Pagturing

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Taon K on Hulyo 29, 2016 at 04:28

Ika-18 Linggo ng Taon sa Karaniwang Panahon (Taon K)

TAMANG PANINGIN, WASTONG PAGTURING

Mahalaga para sa atin ang makakita nang malinaw. Mahirap mamili sa gabi lalu na’t
malabo ang ilaw. Mahirap maaninag ang tunay na kulay ng tela. Mahirap makilatis ang
tunay na kagandahan ng anumang ating gustong bilihin. Sa panahon natin, mahalaga na
mabasa natin ang lahat ng nakasulat sa mga tarheta … ng gamot, ng pagkain, ng
anumang gamit pambahay o saan man. Kamakailan ay naging malaking balita sa
Pilipinas ang mga pagkaing gawa sa China. Delikado raw … may halong formalin na
alam ng lahat ay gamit pang embalsamo ng mga patay.

Lubhang mahalaga na marunong tayong tumingin at kumilatis. Lubhang kinakailangan
na mayroon tayong tamang salamin upang makilatis ang lahat ng bagay sa daigdig natin.
Lubhang kinakailangang malinaw ang ating mata una sa lahat. Nguni’t higit sa lahat ay
kinakailangang ang nakikita natin at natutunghayan ay tama. Linaw ng mata at linaw ng
paningin ang binabanggit natin.

Subali’t alam natin na may iba-ibang uri ng kabulagan sa buhay natin. Tingnan natin ang
ilang halimbawa mula sa mga pagbasa sa araw na ito.

Sabi ni Kohelet sa taong ang pakay ng buo niyang buhay ay mag-ipon ng yaman:
“Walang kabuluhan … walang kakabu-kabuluhan.” Sa orihinal na salita sa Hebreo, ang
ginamit na salita ay may kinalaman sa hamog na madaling maglaho. Ang pagpapahalaga
sa yaman at pag-iipon ng bagay na material, ayon kay Kohelet, ay parang pag-iipon ng
hamog na hindi nagtatagal. Naalala ko tuloy noong kami ay mga bata na unang
nakatuntong sa Baguio City. Talagang malamig pa noon sa Baguio. Tuwang-tuwa kami
sa hamog. Pag humihinga at nagsasalita ay nakikita namin ang hininga … umuusok pa.
Sa aming pagkabata ay naisip naming isabote ang hamog upang iuwi sa Maynila. Subali’t
ang maglagay sa bote ng hamog ay walang iniwan sa sinasabi ni Kohelet: “Walang
kabuluhan … walang kakabu-kabuluhan.”

Ito rin ang paksa ng ebanghelyo ayon kay Lucas. Isang tao ang humiling kay Jesus na
mamagitan sa kanyang kapatid upang partihin ang mana nilang magkapatid. Naging
simulain ito ng isang mahalagang pangaral tungkol sa katakawan na tinawag ni Pablo sa
sulat sa mga taga Colosa na isang uri ng idolatria o pagsamba sa diyus-diyosan. “Ingatan
ninyo na hindi kayo matangay ng katakawan, sapagka’t bagama’t ikaw ay mayaman, ang
buhay mo ay hindi nababatay sa pagkakamal ng ari-arian.”

Ang pagkabulag ay pagkawala ng wastong paningin. Sa linguahe ng kompyuter, what
you see is what you get, ika nga (WYSIWYG). Kung ang mata ay nalalambungan, hindi
tama ang paningin, mali ang dating sa mga matang natatakpan sa harap ng katotohanan.
Kung mali ang paningin, hindi rin wasto ang pagturing. Hindi tama ang pagpapahalaga.
Hindi angkop ang pagkilatis sa mga bagay-bagay. Kung ano ang tingin ay siyang turing.
Kung ang tingin mo sa bakal ay ginto, ang turing mo ay ginto, kasing halaga ng ginto.
Kung ang tingin mo ay yero lamang, ang turing mo ay halagang yero lamang. Kung ang
tingin mo ay puwet lang ng baso ang bato sa singsing, ang turing mo ay katumbas lamang
ng puwet ng baso. What you see is what you get.

Ang Panginoong Jesus ay isa ring manggagamot. Tinitingnan niya ngayon kung anong
uri ng mata mayroon tayo. Tama ba ang ating pagtingin? Tama ba ang nakikita natin? At
higit sa lahat … wasto ba ang ating turing?

Kay daming bulag, pipi, at bingi sa ating lipunan noong panahon pa ni Freddie Aguilar at
magpahangga ngayon. Palpak ang ating paningin. Kay raming nagbibigay pahalaga sa
hamog na narito ngayon at mamaya ay wala na. Ilan sa aking mga kakilala ang dati-rati
ay nagkakamal ng maraming pera ngunit ngayon ay salat na salat? Ilan ang mga tao sa
bayan natin na nabubuhay na wari baga’y tanging salapi at yaman lamang ang kanilang
pakay sa buhay? Ilan ang mga politikong ginagawang daan sa pagpapayaman nang higit
ang tinatawag nilang paglilingkod sa bayan? Hindi kaila sa marami na ang ating mga
sundalo ay namamatay, hindi lamang dahil sa bala kundi sa kakulangan ng pagkain at
wastong gamit. May nakapagsabi sa akin na ang budget para sa pagkaing pang-araw-
araw ng mga sundalo ay kulang sa kalahati ang napapakinabangan nila sapagka’t
ibinubulsa ng mga nasa itaas.

Laganap ang kabulagan sa ating lipunan.

Tayo man ay mga bulag, pipi, at bingi rin sa ating pananampalataya. Inilalagay natin sa
unang hanay ang dapat sana ay nasa bandang hulihan. Inuuna natin, hindi ang wastong
pagpapahalaga bagkus ang ating makasariling pagpapahalaga. Ang galing ng
kompanyang nagpangalan sa kanilang sarili ng FAMILY FIRST, INC. Bago ang iba,
tayo muna. Ang Pilipinas, sabi ng isang tanyag na manunulat ay isang malaking anarkiya
ng mga pamilya. Ang pamilya ang puno at dulo ng lahat. Pag pamilya ang pinag-
uusapan, walang mali sa nakaw … walang mali ang katiwalian o korupsyon. Butas ang
batas kapag pamilya ang pinag-uusapan. Okey hindi sumunod ng batas, kasi
pangangailangan ng pamilya ang nakataya.

Itong maling paningin na ito ang dahilan kung bakit tayo number one sa korupsyon sa
buong Asia. Ito ang dahilan kung bakit para sa mga tiwaling politico, walang sapat at
tama na sa pagdaraya. Kung para sa pamilya ito, walang nakaw at walang mali. Butas ang
batas sa mga taong mali ang paningin, at mga taong bulag sa katotohanan at sa tama.

Tila masakit ang sinabi ng Panginoon sa taong humiling sa kanya. Subali’t hindi ibig
sabihin na masama ang maging mayaman. Hindi rin ibig sabihin na mainam ang maging
mahirap. Malayo ito sa sinasaad ng mga pagbasa. Ang mga mayayaman na yumaman sa
tamang paraan ay hindi masasamang tao. Ang mga mahihirap na sa kabila ng kanilang
kasalatan ay masayang nabubuhay ay hindi aba sa mata ng Panginoon. “Mapalad ang
mga dukha sa Espiritu, sapagka’t kanila ang kaharian ng langit.”

Ang pangaral ni Jesus ay hindi pagmamasama sa mayaman. Hindi rin ito pagsasabing
mas mainam ang manatiling mahirap. Ang pinupuntirya ng Panginoon ay kung tama ang
ating pagpapahalaga, kung wasto ang ating ginagamit na salaming pananaw, at kung alam
natin ang mga bagay na dapat natin pahalagahan ng higit sa lahat, at alin ang dapat ilagay
sa ikalawa o ikatlong hanay ng ating pagpapahalaga.

Sapagka’t ang tamang paningin ay magbubunga sa wasto ring pagturing. What you see is
what you get.

PAGDARASAL O PAGPAPAGAL?

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Linggo ng Karaniwang Panahon Taon K, Taon K on Hulyo 12, 2016 at 21:49

Ika-16 na Linggo -Taon K
Julio 17, 2016

PAGDARASAL O PAGPAPAGAL: ALIN ANG TAMA?

Noong isang Linggo, pinagnilayan natin ang buod ng pagmamahal sa kapwa. Ang kapwa
ayon sa ating nabasa ay siyang nangangailangan sa anumang sandali ng atensyon, ng
kalinga, ng pag-ibig na natutunghayan sa gawa. Ang Samaritano, na hindi inaasahang
titigil at tutulong ay siyang lumingon at nagkalinga sa taong nilapastangan ng mga
masasamang-loob sa kanyang paglalakbay. Ang lahat ng iba ay ni hindi lumingon bagkus
lumihis ng landas.

Sa Linggo namang ito, kabukasang-puso at kabukasang-palad ang hiblang nag-uugnay sa
tatlong pagbasa. Si Abraham ay tumanggap ng tatlong bisitang banyaga. Hindi nag-
atubili si Abraham na paghandaan ang kanyang bisita. Pinapasok sila at pinakain, ayon sa
batas ng hospitalidad sa mga banyaga. Ang kanyang kabukasang-palad ay
ginantimpalaan ng Diyos. Nagka-anak sila ni Sara sa kanilang katandaan. Sa ikalawang
pagbasa naman, nakita natin kung paano tinanggap ni Pablo nang maluwag sa kalooban
ang sari-saring dalamhati na kanyang dinanas, at itinuring niya ang mga ito na
pakikibahagi sa pagdurusa ni Kristong Panginoon. Pagtanggap, hindi pagtanggi, ang
kanyang saloobin maging sa mga pasakit sa buhay.

Ang ebanghelyo ay malinaw na may kinalaman din sa kabukasan ng loob sa pagtanggap
ng bisita. Si Jesus ay naging bisita ni Marta at ni Maria. Si Marta ay naging punong-abala
sa pag-aasikaso sa mahalagang panauhin sa pamamagitan ng pagluluto at paghahanda.
Nguni’t si Maria ay nagsalampak sa paanan ni Jesus at nakinig sa kanyang pangaral,
habang ang kanyang kapatid ay nagpapawis.

Madaling magkamali ang nagbabasa nito at ipakahulugang ang Panginoon ay namimili at
may kinikilingan sa dalawang magkapatid. Umangal ng kaunti si Marta. Bakit daw baga
hindi tumulong sa kanya ang kanyang kapatid na nakasalampak lamang sa sahig at
nakikinig sa Panginoon. Umangal siya sa kadahilanang siya ay nagpapagal habang si
Maria ay nagdarasal.

Alin ba ang tama?

Sa biglang-wari, para bagang namili si Jesus at pinaboran si Maria sa kanyang sagot kay
Martang medyo nagdadabog. Abalang-abala ka at balisa sa maraming bagay, nguni’t
tanging isa lamang ang kailangan. Pinili ni Maria ang higit na mainam at hindi ito
ipagkakait sa kanya. Ito nga ba ay isang pahiwatig na mas mainam ang magdasal kaysa
magpagal? Ito nga ba ay isang pangaral tungkol sa higit na kahalagahan ng panalangin
kumpara sa pagtatrabaho?

Ito ay isang lumang usapin sa kasaysayan ng simbahan. Ang kasagutan dito ay siyang
naging dahilan kung bakit may mga taong nagkamali sa pagsasabing ang buhay ng mga
monje at mga monja sa monasteryo ay higit na dakila sa buhay ng mga taong nasa
mundo.

Malaki ang kinalaman ng kinapapalooban o konteksto para maunawaan nang wasto ang
mga pagbasa ngayon. Ang kinapapalooban at konteksto ay may kinalaman sa
kabukasang-puso at kabukasang-palad. Ito ang pagpapahalagang siyang batayan ng ating
pag-unawa sa mga pagbasa. Ang maluwag na pagtanggap sa Diyos ang siyang
pagpapahalagang dapat nating maisaloob at maisabuhay. Ito ang kahulugan ng ating
binasa noong isang Linggo – na dapat nating mahalin ang Diyos nang buong puso, nang
buong kaisipan, at nang buo nating lakas. Sukdulan dapat ang ating pagpapahalaga at
pagtanggap sa Kaniya.

Ito ang diwa na dapat nating gamitin upang unawain ang ebanghelyo. Walang intensiyon
ang Panginoon na pamiliin tayo sa dalawang gawaing parehong mahalaga at
kinakailangan sa ating buhay. Kailangan nating magpagal at kailangan rin nating
magdasal. Hindi natin dapat pagsabungin ang dalawa at ituring na magkasalungat. Hindi
dapat sabihing mas dakila ang mga nasa monasteryo at mas mababa ang mga nasa
mundo. Ang kadakilaan ng tao ay wala sa kung ano ang kanyang ginagawa. Ang
kadakilaan at dignidad ng tao ay angkin niya sa mula’t mula pa, anuman ang kanyang
ginagawa – magdasal man o magpagal.

Subali’t may isang bagay na mahalaga para sa ating lahat. Lahat tayo ay tinatawagan sa
kabukasan ng puso, at kabukasan ng palad. Lahat tayo ay inaasahang magbigay puwang
sa ating puso para sa Diyos. Tulad ni Abraham, tulad ni Pablo, tulad ni Marta at ni Maria,
tinatawagan tayo upang tanggapin at papasukin sa ating buhay at bahay ang Panginoon.
Tinanggap ni Marta si Kristo sa kanyang bahay. Tinanggap rin ni Maria si Kristo sa
kanyang bahay. Si Maria ay nagpasyang sumalampak sa sahig at makinig at makipagniig
sa Panginoon. Si Marta ay nagpasyang magpagal para sa kanyang Panginoon.

Pinili ni Maria ang higit na mahalaga. Tumpak. Nguni’t ang pinili ni Marta ay wasto rin
at tama. Ang higit na mahalaga ay ang Diyos. Kung bukas ang puso natin sa Diyos, alam
nating parehong wasto at tama ang magpagal at magdasal. Hindi na problema kung alin
man ang ating pagpasyahan – magdasal at magpagal – basta’t ito ay para sa Diyos na
siyang dapat mahalin nang ating buong puso, ng ating buong katawan, at ng buong
kaisipan.

Kung pinahahalagahan natin at tinatanggap ang Diyos nang higit sa lahat, pahahalagahan
din natin ang dalawang daan patungo sa kanya: ang pagdarasal at pagpapagal na
nakatuon sa kanyang kadakilaan.