frchito

Archive for the ‘Uncategorized’ Category

BALIK-TANAW, BALIK-LOOB, BALIK-DANGAL

In Uncategorized on Setyembre 8, 2016 at 16:42

Ika-24 na Linggo ng Taon (K)
Setyembre 11, 2016

Mga Pagbasa: Exodo 32:7-11, 13-14 / 1 Timoteo 1:12-17 / Lucas 15:1-32

BALIK-TANAW, BALIK-LOOB, BALIK-DANGAL

Tanging mga hangal lamang ang hindi nagbabago ng isip. Ang kakayahang magbalik-
tanaw at magmuni-muni sa mga nagawa ay isa sa mga tanda ng binabanggit nating
karunungan na paksa ng liturhiya (unang pagbasa) noong isang Linggo. Itong
kakayahang balik-isipin ang nagawa at pagsisihan ang kamalian ay siyang ipinagugunita
sa atin maging ng tugon sa unang pagbasa: “Titindig ako at magbabalik sa aking Ama.”

Paglulubag-loob ang pinapaksa ng unang pagbasa ngayon. Sa makataong pamamaraan ng
pananalita, ipinahihiwatig ng aklat ng Exodo kung paano matapos manikluhod si Moises
sa ngalan ng kanyang kababayang nalisya ng landas at sumamba sa diyus-diyusan,
naghupa kung baga ang galit ng Diyos at nagbitaw ng salitang hindi na niya parurusahan
ang kanyang bayang nagkasala.

Tanging hangal ang hindi nagbabago ng isip. Bagaman at hindi dapat unawaing ganito
nga ang literal na pangyayari, ang malinaw na aral na lumulutang sa kwento ay ang
dakilang habag ng Panginoon sa taong nagsisisi at naninikluhod.

Ang ikalawang pagbasa ay tumutuon din sa paksang pagpapanibago. Ganoon na lamang
at sukat ang pasalamat ni Pablo. Sa kabila nang siya ang pinakamasahol sa mga
makasalanan, ayon sa kaniya mismo, pinagkatiwalaan pa rin siya ng Panginoong
Jesucristo, na siyang nagbigay-lakas sa kanya. Malinaw rin ang katangian ng Diyos na
lumulutang sa kanyang kwento … Malambot ang puso ng Diyos sa isang makasalanang
nagsisikap magbago.

Tanging hangal lamang ang hindi naglulubag-loob at nagbabago.

Nguni’t sino ba ang hindi hangal? Sino ba ang lubos na maalam, marunong, at dalisay
ang pagpapasya? Ano ba ang mga katangiang kaakibat ng makalangit na karunungan na
ayon sa Aklat ng Karunungan na binasa natin noong nakaraang Linggo, ay galing mula sa
itaas?

Tatlong talinghaga ang gamit ni Kristo upang magbigay-liwanag tungkol dito. Ang lahat
ng kwentong ito ay may kinalaman sa pagkawala at pagkaligaw ng landas. At ang
karunungang namayani ay may kinalaman naman sa pagpupunyagi, pagsisikap, at
masugid na paghahanap o paghihintay. Ang hindi hangal ay ang handang lisanin ang
katiyakan, ang kalimutan muna ang lahat, makita lamang at muling masumpungan ang
mahalagang bagay na nawawala. Ang hangal ay ang walang pansin sa nawalang pilak.
Ang marunong at maalam ay siyang hindi tumigil hangga’t hindi nakikita ang bagay na
nawala. Ang hangal ay siyang walang malasakit sa isang naligaw na tupa. Ang maalam at
marunong ay ang handang lisanin muna ang 99 upang hanapin ang isang tupang naligaw
ng landas.

Maraming mga pagkakataon sa buhay natin na hindi natin pinahahalagahan ang para
baga’y maliliit na bagay. Hindi natin alintana ang patuloy na pagpatak ng tubig sa gripo.
Hindi natin pansin ang mga paisa-isang butil ng bigas o kanin na ating itinatapon mula sa
hapag kainan. Hindi rin natin binibigyang-halaga ang bawa’t sandali o minuto na
nagdadaan at naaaksaya sa ating buhay. Maging ang mga maliliit na balutang plastik o
karton ay hindi natin iniisip na makababara ng mga ilog at daluyan ng tubig-baha.

Nguni’t isang tanda ng kaalaman at karunungan ay ang magpahalaga sa mga maliliit at
parang walang lubos na halagang mga bagay. Ang hangal ay walang pagpapahalaga sa
animo’y walang silbi at maliliit na bagay. Ang marunong ay ang masinop, masikap, at
mapaghanap sa anuman at sino mang naligaw, nalisya, o nawala sa tamang landas.

Ito ang dalawang mukha ng karunungang maka-Diyos. Sa isang banda, ang taong
marunong, tulad ng Diyos, ay marunong magbalik-tanaw sa nakalipas at marunong
magsisi at magbalik-loob. Ito ang ginawa ni Moises sa ngalan ng kanyang bayan. Ito ang
ginawa ni Pablo, na bagama’t isang malaking makasalanan, ay nagpadala sa indayog ng
biyaya mula sa itaas, at nagbalik-loob sa Diyos.

Sa ikalawang banda, ang karunungang maka-Diyos ay namamalas sa pagiging masinop,
mapagpahalaga sa kahit iisa sa marami na naglaho o naligaw. Ito ang karunungan ng ama
ng alibughang Anak, na sa kabila ng katotohanang nalustay ng kanyang bunsong anak
ang kalahati ng kanyang yaman, ay binigyang-halaga ang katauhan ng kanyang anak, at
lalu pang ginastusan sa kanyang tuwa at pasasalamat. Ang hindi hangal, tulad ng amang
ito ay handang magbigay-dangal muli sa anak na nagbabalik-loob.

Ito ang karunungan ng Diyos na handang maglubag-loob lalu na sa isang makasalanang
naligaw nguni’t nagbalik-loob sa kanya. Sa kaniyang pagpapahalaga sa isang anak na
naligaw, handa niyang iwanan ang katumbas ng 99 sapagka’t sa kanyang pakiwari, ang
katauhan ng kanyang anak na naligaw ang kumakatawan sa yamang walang kapantay.
Tanging ang taong marunong ang handang magsikap upang makamit muli ng sinumang
nagsisisi ang kanyang dangal.

Subali’t ang nakatatandang kapatid ay nagpakita ng kahangalan. Sa halip na magsaya sa
pagkakitang muli sa kanyang kapatid, siya ay nagkwenta, nanibugho, nagtampo, at
nagpuyos ang damdamin. Sa indayog ng malaking habag at pag-ibig ng isang amang
matagal na tumangis, ay hindi niya nakayang magpadala. Sa halip na sumayaw sa musika
ng pag-ibig ng kanyang ama, ang nakatatandang kapatid ay nagtiim-bagang, nagmatigas
ng kalooban, at kumapit nang mahigpit sa katumbas ng 99 na kagya’t iniwan ng kanyang
ama sa paghahanap at paghihintay sa nawalang anak. Ang isang hangal ay walang
pakundangan sa naglahong dangal ng kanyang kapatid.

Mahigpit ang kapit ng taong hangal sa inaakala niyang kanyang tanging bukal ng
kaligayahan. Ipit ang puso ng isang hangal na hindi marunong makisayaw sa panawagan
ng pagbabalik-loob at pagbabago. At makitid ang pang-unawa ng isang hangal na hindi
kailanman handang maglubag-loob at magbago ng isipan.

Subali’t tulad ni Moises, tulad ni Pablo, tulad ng alibughang anak at ang kanyang ama,
ang karunungang maka-Diyos ay nababasa sa kahandaang magbalik-tanaw, magmuni-
muni, magbalik-loob, at magpasyang magbalik sa Diyos ng awa at habag.

Tanging hangal lamang ang hindi nagbabago ng isip. Ang marunong ay siyang handang
magbalik-tanaw, magbalik-loob, at – dahil dito – ay siyang nakararanas ng pagbabalik-
dangal mula sa itaas, na siyang dahilan kung bakit lubos ang pasasalamat ni Pablo.

KAKULITANG BANAL

In Uncategorized on Hulyo 20, 2016 at 20:36

Ika-17 Linggo ng Karaniwang Panahon, Taon K

KAKULITANG BANAL

Bihasang-bihasa tayong mga Pinoy sa tawaran. Ang unang turing sa pamilihan, lalu na sa
Divisoria, ay hindi natin agad tinatanggap. Tumatawad tayo, humihiling ? nakiki-usap
hanggang sa dumating ang sandaling ang mamimili at magtitinda ay nagkakasundo sa
karampatang halaga.

Pwede nating unawain ang unang pagbasa sa liwanag ng tawarang ginagawa natin sa
palengke tuwina. Bagama?t ang kwentong ito mula sa aklat ng Genesis ay hindi
nangangahulugang ang awa at patawad ng Diyos ay bagay na makukuha sa paki-usap, sa
isang walang sawang pagtawad, malinaw na ang kwentong ito ay may kinalaman sa
dakilang pag-ibig at pagmamalasakit ng Diyos sa kanyang bayang nagkasala. Malinaw
dito ang pagsasaalang-alang ng Diyos sa mga taong nagsisikap magpakabuti, sa mga
taong hindi napadala sa kalakaran ng isipan at pag-uugali ng karamihan. Higit sa lahat,
malinaw rito ang kahalagahan ng pamamagitan na ginawa ni Abraham sa ngalan ng
kanyang bayan.

Maari nating sabihing may kahulugan at kahalagahan ang pagiging makulit sa
panalangin. Kung ating bibigyang-pansin ang sinasaad ng mga pagbasa, malinaw na isa
sa mga paksang malinaw na dapat natin pag-usapan ay ang pananalangin.

Ang kakulitang ito ang siya ring paksa sa ebanghelyo ni Lucas. Dapat nating tandaan na
ang paksa ng ebanghelyo ay may kinalaman, higit sa lahat, sa panalangin. Hiling ng mga
disipulo sa kanya: ?Panginoon, turuan mo kaming manalangin.? Bukod sa pagtuturo niya
ng modelo ng panalangin, ang ?Ama Namin,? nagbigay si Jesus ng dalawa pang
halimbawa na ang kakulitan sa paghiling ay nagbubunga ng magaling sa taong
mapagpunyagi at mapagporsigue sa panalangin.

Ang lipunan natin saan man ay hindi na bihasang magpunyagi. Maikli ang pasensiya ng
marami. Palibhasa?y nabihasa sa puro ?instant? ? instant mami, instant pansit canton,
instant coffee, at sa mga ?fastfood? ? mga pagkaing makakamit mo sa ?unang hiling? at
?unang tawad? o ?unang tawag,? ang kakulitan sa panalangin ay hindi na nakikita sa
balana. Sa panahon ng mga instant messaging at texting, wala nang pasensiya ang tao sa
walang patid na panalangin. Wala nang tawaran sa Pizza hut. Wala na ring hintayan ?
hate late? Tumawag lamang sa Pizza hut, at kapag nahuli kahit isang sandali ay libre na
ang iyong pizza.

Subali?t hindi natin dapat isipin na ang sinasaad ng mga pagbasa ay may kinalaman
lamang sa kakulitan. Ito ay isang bahagi lamang ng sinasaad ng mga pagbasa. Sa
ikalawang banda, ang mga ito ay patungkol, higit sa lahat sa isang Diyos na may
malasakit at malaking habag at pagmamahal sa kaniyang bayan.

Ang panalangin ay pagpapahayag ng kabatirang ito ng taong sumasampalataya sa Diyos.
Alam ng isang mananampalataya ang kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos. Alam ng taong
nagmamahal din sa Diyos na handa siyang magkaloob ng lahat ng hinihiling ng taong
nagsusumamo. Batid niya na ang Diyos ay handang maglubag ang kalooban sa
pagsusumamo ng taong lumalapit bunsod ng kanyang tiwala sa Kaniya. Subali?t bago
maganap at mangyari ang kaniyang hinihiling, malinaw na turo ng Banal na Kasulatan na
dapat munang aminin ito at ipahayag ng tao sa pamamagitan ng panalangin.

Marami akong halimbawa ng katotohanang ito sa aking maikling karanasan. Kamakailan
lamang, mayroon akong kilala na nagkaroon ng malubhang karamdaman. Buong buhay
niya ipinagdasal na siya ay pagkalooban ng Diyos ng isang magandang kamatayan.
Noong siya ay pinanawan ng buhay, sarado ang Parokya at day-off ng mga pari sa
maraming lugar. Subali?t sa sandaling iyon, hindi lamang aksidente o dala lamang ng
tsamba na may dalawang pari na nasa tabi niya sa oras ng kanyang pagpanaw.
Ipinagkaloob sa kanya ang kanyang hiniling buong buhay. At hindi lamang ito ang nasasa
isip ko sa sandaling ito.

Magulo ang daigdig saan man. Walang katiyakan at kasiguraduhan sa maraming lugar sa
daigdig na ito. Ang panganib na dulot ng terorismo ay laganap kahit saan. Marami ang
patuloy na naghihirap at naghihikahos. Parang wala nang solusyon sa maraming larangan
ng buhay ng marami.

Nguni?t ang ating liturhiya ngayon ay walang kinalaman sa kawalang pag-asa. Bagkus ito
ay nagpapaala-ala sa atin lahat na ang Diyos na mapagmahal ay may maka-Amang
pagkalinga sa ating lahat, sa buong daigdig ? sa kabila ng lahat ng suliranin at pangamba
ng balana.

May bisa ang panalangin ? may katuturan ? may kahulugan ? at may saysay ? lalu
na?t dinadaan natin sa banal na kakulitan. Isang tao ang alam kong nangulit sa Panginoon
hanggang sa huling sandali ? ang mabuting magnanakaw na napako sa krus kasama ni
Kristo. Ano ang sagot ni Kristo sa kanyang banal na kakulitan? ?Sa araw na ito, ay
magkakasama tayo sa Paraiso.?