frchito

Posts Tagged ‘Ika-24 na Linggo ng Taon K’

BALIK-TANAW, BALIK-LOOB, BALIK-DANGAL

In Uncategorized on Setyembre 8, 2016 at 16:42

Ika-24 na Linggo ng Taon (K)
Setyembre 11, 2016

Mga Pagbasa: Exodo 32:7-11, 13-14 / 1 Timoteo 1:12-17 / Lucas 15:1-32

BALIK-TANAW, BALIK-LOOB, BALIK-DANGAL

Tanging mga hangal lamang ang hindi nagbabago ng isip. Ang kakayahang magbalik-
tanaw at magmuni-muni sa mga nagawa ay isa sa mga tanda ng binabanggit nating
karunungan na paksa ng liturhiya (unang pagbasa) noong isang Linggo. Itong
kakayahang balik-isipin ang nagawa at pagsisihan ang kamalian ay siyang ipinagugunita
sa atin maging ng tugon sa unang pagbasa: “Titindig ako at magbabalik sa aking Ama.”

Paglulubag-loob ang pinapaksa ng unang pagbasa ngayon. Sa makataong pamamaraan ng
pananalita, ipinahihiwatig ng aklat ng Exodo kung paano matapos manikluhod si Moises
sa ngalan ng kanyang kababayang nalisya ng landas at sumamba sa diyus-diyusan,
naghupa kung baga ang galit ng Diyos at nagbitaw ng salitang hindi na niya parurusahan
ang kanyang bayang nagkasala.

Tanging hangal ang hindi nagbabago ng isip. Bagaman at hindi dapat unawaing ganito
nga ang literal na pangyayari, ang malinaw na aral na lumulutang sa kwento ay ang
dakilang habag ng Panginoon sa taong nagsisisi at naninikluhod.

Ang ikalawang pagbasa ay tumutuon din sa paksang pagpapanibago. Ganoon na lamang
at sukat ang pasalamat ni Pablo. Sa kabila nang siya ang pinakamasahol sa mga
makasalanan, ayon sa kaniya mismo, pinagkatiwalaan pa rin siya ng Panginoong
Jesucristo, na siyang nagbigay-lakas sa kanya. Malinaw rin ang katangian ng Diyos na
lumulutang sa kanyang kwento … Malambot ang puso ng Diyos sa isang makasalanang
nagsisikap magbago.

Tanging hangal lamang ang hindi naglulubag-loob at nagbabago.

Nguni’t sino ba ang hindi hangal? Sino ba ang lubos na maalam, marunong, at dalisay
ang pagpapasya? Ano ba ang mga katangiang kaakibat ng makalangit na karunungan na
ayon sa Aklat ng Karunungan na binasa natin noong nakaraang Linggo, ay galing mula sa
itaas?

Tatlong talinghaga ang gamit ni Kristo upang magbigay-liwanag tungkol dito. Ang lahat
ng kwentong ito ay may kinalaman sa pagkawala at pagkaligaw ng landas. At ang
karunungang namayani ay may kinalaman naman sa pagpupunyagi, pagsisikap, at
masugid na paghahanap o paghihintay. Ang hindi hangal ay ang handang lisanin ang
katiyakan, ang kalimutan muna ang lahat, makita lamang at muling masumpungan ang
mahalagang bagay na nawawala. Ang hangal ay ang walang pansin sa nawalang pilak.
Ang marunong at maalam ay siyang hindi tumigil hangga’t hindi nakikita ang bagay na
nawala. Ang hangal ay siyang walang malasakit sa isang naligaw na tupa. Ang maalam at
marunong ay ang handang lisanin muna ang 99 upang hanapin ang isang tupang naligaw
ng landas.

Maraming mga pagkakataon sa buhay natin na hindi natin pinahahalagahan ang para
baga’y maliliit na bagay. Hindi natin alintana ang patuloy na pagpatak ng tubig sa gripo.
Hindi natin pansin ang mga paisa-isang butil ng bigas o kanin na ating itinatapon mula sa
hapag kainan. Hindi rin natin binibigyang-halaga ang bawa’t sandali o minuto na
nagdadaan at naaaksaya sa ating buhay. Maging ang mga maliliit na balutang plastik o
karton ay hindi natin iniisip na makababara ng mga ilog at daluyan ng tubig-baha.

Nguni’t isang tanda ng kaalaman at karunungan ay ang magpahalaga sa mga maliliit at
parang walang lubos na halagang mga bagay. Ang hangal ay walang pagpapahalaga sa
animo’y walang silbi at maliliit na bagay. Ang marunong ay ang masinop, masikap, at
mapaghanap sa anuman at sino mang naligaw, nalisya, o nawala sa tamang landas.

Ito ang dalawang mukha ng karunungang maka-Diyos. Sa isang banda, ang taong
marunong, tulad ng Diyos, ay marunong magbalik-tanaw sa nakalipas at marunong
magsisi at magbalik-loob. Ito ang ginawa ni Moises sa ngalan ng kanyang bayan. Ito ang
ginawa ni Pablo, na bagama’t isang malaking makasalanan, ay nagpadala sa indayog ng
biyaya mula sa itaas, at nagbalik-loob sa Diyos.

Sa ikalawang banda, ang karunungang maka-Diyos ay namamalas sa pagiging masinop,
mapagpahalaga sa kahit iisa sa marami na naglaho o naligaw. Ito ang karunungan ng ama
ng alibughang Anak, na sa kabila ng katotohanang nalustay ng kanyang bunsong anak
ang kalahati ng kanyang yaman, ay binigyang-halaga ang katauhan ng kanyang anak, at
lalu pang ginastusan sa kanyang tuwa at pasasalamat. Ang hindi hangal, tulad ng amang
ito ay handang magbigay-dangal muli sa anak na nagbabalik-loob.

Ito ang karunungan ng Diyos na handang maglubag-loob lalu na sa isang makasalanang
naligaw nguni’t nagbalik-loob sa kanya. Sa kaniyang pagpapahalaga sa isang anak na
naligaw, handa niyang iwanan ang katumbas ng 99 sapagka’t sa kanyang pakiwari, ang
katauhan ng kanyang anak na naligaw ang kumakatawan sa yamang walang kapantay.
Tanging ang taong marunong ang handang magsikap upang makamit muli ng sinumang
nagsisisi ang kanyang dangal.

Subali’t ang nakatatandang kapatid ay nagpakita ng kahangalan. Sa halip na magsaya sa
pagkakitang muli sa kanyang kapatid, siya ay nagkwenta, nanibugho, nagtampo, at
nagpuyos ang damdamin. Sa indayog ng malaking habag at pag-ibig ng isang amang
matagal na tumangis, ay hindi niya nakayang magpadala. Sa halip na sumayaw sa musika
ng pag-ibig ng kanyang ama, ang nakatatandang kapatid ay nagtiim-bagang, nagmatigas
ng kalooban, at kumapit nang mahigpit sa katumbas ng 99 na kagya’t iniwan ng kanyang
ama sa paghahanap at paghihintay sa nawalang anak. Ang isang hangal ay walang
pakundangan sa naglahong dangal ng kanyang kapatid.

Mahigpit ang kapit ng taong hangal sa inaakala niyang kanyang tanging bukal ng
kaligayahan. Ipit ang puso ng isang hangal na hindi marunong makisayaw sa panawagan
ng pagbabalik-loob at pagbabago. At makitid ang pang-unawa ng isang hangal na hindi
kailanman handang maglubag-loob at magbago ng isipan.

Subali’t tulad ni Moises, tulad ni Pablo, tulad ng alibughang anak at ang kanyang ama,
ang karunungang maka-Diyos ay nababasa sa kahandaang magbalik-tanaw, magmuni-
muni, magbalik-loob, at magpasyang magbalik sa Diyos ng awa at habag.

Tanging hangal lamang ang hindi nagbabago ng isip. Ang marunong ay siyang handang
magbalik-tanaw, magbalik-loob, at – dahil dito – ay siyang nakararanas ng pagbabalik-
dangal mula sa itaas, na siyang dahilan kung bakit lubos ang pasasalamat ni Pablo.

SA KABILA NG LAHAT, KINAHABAGAN AKO!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Moises, Taon K on Setyembre 7, 2010 at 18:21

Ika-24 ng Linggo (Taon K)
Setyembre 12, 2010

Mga Pagbasa: Exodo 32:7-11, 13-14 / 1 Tim 1:12-17 / Lucas 15:1-32

Pag-alala, pagsusumamo, at pasasalamat ang pinapaksa ng mga pagbasa ngayon. Sa harap ng isang matinding pagsuway ng mga Israelita sa kalooban ng Diyos, sa napipintong matindi ring parusang dapat sana ay ipapataw sa kanilang di pagtalima, isang malabuntong-hiningang pagsusumamo ang namutawi sa bibig ni Moises: “Alalahanin ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac, at Jacob. Ipinangako ninyo sa kanila na ang lahi nila’y pararamihing tulad ng mga bituin sa langit at magiging kanila habang panahon ang lupang ipinangako ninyo.”

Pag-alala … Ito rin ang inaasahan ngayon sa atin ng Panginoon. Tuwing tayo ay dadalo sa Misa, ganap na pag-alala ang ginagawa natin – ang paggunita at pagsasakatuparan ng anumang ginugunita at inaalala sa buhay, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Kristong Panginoon.

Pag-alala … Ito ang lubha nating kailangan bilang bayan ng Diyos, bilang mga Pilipinong di miminsang nakaranas, nakatikim, at nakakita ng lahat ng uri ng kapaitan at kapariwaraan. Di miminsang yinurakan ang kalayaan natin. Nagapi tayo at nagupo ng mga banyagang nagmalabis sa atin sa loob ng mahabang panahon. Di miminsan ring pati kapwa nating Pinoy ay nagpahirap sa atin – sa pamamagitan ng maling pamumuno, katiwalian, at labis na pagmamahal sa sariling kapakanan.

Pag-alala … Ito rin ang lubha nating kailangan yamang napakabilis nating lumimot. Nalimutan na natin ang mga nagpahirap sa atin, nandambong, nagnakaw, at nang alipin sa kanilang kapwa. Mga kongresmen na naman sila … namamayagpag … naghahari, at nanlilimahid pa rin sa bahid ng pagmamalabis na tila nasulat lamang sa buhangin at nakatkat na sa guni-guni ng bayan.

Pag-alala … ito rin ang dapat nating pagyamanin bilang Kristiano – ang pag-alala sa mga naganap, paggunita sa magaganap pang kaligtasan, at pagyayaman sa kaganapan ng pangako ng Diyos sa kanyang bayan.

Bunga ng paggunita at pag-alalang ito, nakuha ni Moises ang magsumamo. Ang panalangin ay kaakibat ng pag-alala. Walang taong nagdarasal na wala ring pagpapahalaga sa paggunita, sa pagbabalik-isip, at pagtanggap sa katotohanang naganap, nagaganap, at magaganap pa. Walang pananalangin kung walang pag-alala sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos – ang pagtawid sa dagat na pula, at pagtakas mula sa Egipto, at ang paghahatid sa bayan ng Diyos sa lupang pangako. Walang pananalangin kung walang pag-alala sa buod ng kasaysayan ng kaligtasan: SI KRISTO’Y NAMATAY, SI KRISTO’Y MULING NABUHAY, SI KRISTO’Y DARATING SA WAKAS NG PANAHON!

Marami tayong dapat alalahanin … ang mga kabalbalang patuloy natin ginagawa, bilang indibidwal o pamayanan … ang mga katiwaliang nagaganap sapagka’t pinapayagan natin … ang mga panloloko ng mga politikong walang alam gawin kundi mangako at talikuran ang mga pangako … ang mga pakikilahok natin sa lahat ng uri ng kadayaan, pagmamalabis, at pagsasamantala sa kapwa.

Dapat natin alalahanin ang mga kapalpakan natin … ang mga swat team na walang gamit at walang training … ang mga gas mask na wala palang filter … ang mga katawan na mga nasawi sa hostage crisis noong nakaraang linggo na nagkapalit-palit ang mga pangalan … ang mga turistang nadadalang bumalik sa atin sapagka’t di miminsan silang naloko ng taxi driver, o tourist guide, o nasakuna sa ating mga bus na sunud-sunod na nahuhulog sa bangin.

Dapat nating alalahanin ang mga kamalian natin … ang pagluluklok sa mga tampalasan sa kanilang posisyon, ang kawalan ng continuidad sa mga programa ng gobyerno matapos mabago ang mga namumuno … ang mga posteng may ilaw nagbabara sa bangketa, na ang tanging pakay ay para may masulatan ng kaygagandang pangalan ni mayor, kongresman, o kapitan ng barangay …

Ito ang ginugunita natin sa simula ng bawa’t Misa … “inaamin ko sa makapangyarihang Diyos …” Nagsisimula ang bawa’t Misa sa paggunita, nagtutuloy sa pag-alaala sa mga pagbasa, at nagwawakas sa paggunita pa rin sa darating na luwalhating inilaan para sa kanyang bayan … “Si Kristo’y darating sa wakas ng panahon!”

Nguni’t hindi sapat na tayo ay magumon lamang sa pag-alala. Hindi sapat na tayo ay magbalik-isip lamang sa nakaraan, o mangarap para sa kinabukasan. Kailangan natin magsumamo. Kailangang ang paggunita ay magbunga ng pananalangin. Kailangang ang pagsasama-sama natin sa Misang ito ay hindi matapos lamang sa pag-alala at bagkus mauwi sa paggawa.

Dito tayo kulang bilang Pinoy. Kay dami nating ngawa, ngunit kulang sa gawa. Namamayagpag na naman ang mga imbestigasyon. Naglalakasan na naman ang mga boses ng mga senador at kongresmen na walang tigil ang bunganga sa pag-iimbestiga. Nguni’t sa dami ng mga imbestigasyon na naganap, wala pa tayong maipagmamalaking isa man na nagbunga ng paggawa.

Bilang Pinoy at Katoliko, ginugunita natin ngayon ang kapalpakan natin … “inaamin ko sa makapangyarihang Diyos …” Bilang Pinoy at Katoliko nagtitiklop-tuhod tayo ngayon at nagsusumamo sa buong mundo: “patawarin ninyo ang aming kapalpakan.” Bilang Katoliko, ay nagsusumamo rin tayo sa Panginoon: “Alalahahin Mo ang mga pangako Mo sa amin … alang-alang sa dugo ng iyong bugtong na Anak, na dumanak para sa amin.”

Bilang Pinoy at Katoliko, gumagawa tayo ng paggunita at pag-aalaala … sa Diyos na naging tao, isinilang, namatay, at muling nabuhay. Ginugunita natin ang kanyang pagmamalasakit para sa atin. Nagpapasalamat tayo tulad at kasama ni Pablo sapagka’t bagama’t hindi karapat-dapat, kinasihan Niya tayo at pinagmasdan, kinalinga at biniyayaan … Sa kabila ng lahat, ay kinahabagan tayo! Ito ang mabuting balitang lumulutang sa Misa natin ngayon. Purihin Siyang tangi nating tagapagligtas!