frchito

Archive for the ‘Uncategorized’ Category

GANTIMPALA AT GAMBALA (Ika-10 Linggo ng Taon)

In Uncategorized on Hunyo 2, 2016 at 08:23

 

Ika-10 Linggo ng Taon K
Hunyo 5, 2016

GANTIMPALA AT GAMBALA MULA KAY BATHALA

Kababalik ko lamang galing sa bundok ng Pulag. Panglimang akyat ko na ito sa
bundok na mahal na mahal ko. Isang matandang lalaki ang aming gabay, kung
kanino ko nakita ang pagmamalasakit, ang pangangalaga, at pagsisikhay sa kabila ng
katandaan.

Minsan sa buhay natin ay may mga pangyayari kung kailan higit natin
nararamdaman ang Diyos sa buhay natin. Sa maraming taon ko na rin bilang guro at
pari, palagay ko’y masasabi kong alam ko ang aking sinasabi tungkol rito.

Tatlong magkakatulad na pagbasa ang ating natunghayan ngayon. Ang una ay ang
isang karanasan ni Elias, sa Zarepat, kung saan ang isang balo ay namuhay kasama
ng kanyang kaisa-isang anak na lalaki. Duon siya nakituloy. Sa mga araw kung kailan
naroon siya, namatay ang bata. Ang nanay ay tumangis. Hindi lamang iyon, ginawa
niya ang normal na dapat gawin ng isang ina … Nanisi siya: “Naparito ba kayo upang
ako ay sumbatan sa aking mga kasalanan at patayin ang aking anak?”

Alam ng Diyos kung ilang beses ko siya sinisi. Bakit hindi? Ako na nga ang
gumagawa nang dapat. Ako na nga ang nagpapagal para sa kanya, at ako pa ang
parurusahan? Di ba’t ganito tayo lahat? Kapag gumawa ng mabuti nakalista. At
kapag sinuklian tayo ng paghihirap, mas mahaba ang ating listahan. Mas matindi ang
sisihan, at mas masahol ang ating atungal?

Pati sa ebanghelyo, isang batang lalaki rin ang namatay, anak ng isang balo mula sa
Nain. Sa lahat ng parurusahan, siya pa, ika nga.

Matindi ang tao sa mundo. Walang paki ang karamihan. At kapag masaya ka, masaya
rin sila, lalu na kung may pamudmod kang painom at pakain. Kapag birtdey mo at
nagpaka-canton ka, o Chooks-to-go, masaya ang lahat. Pero kapag malungkot ka,
mag-isa ka. Manigas ka, sabi nga nila.

Hindi ganito ang Diyos. Alam ko, sapagka’t di miminsan akong nagdusa dahil sa
kanya. Ganyan magmahal ang Diyos … nagdudulot at nag-aalay ng buhay sa
pamamagitan ng pagkitil ng makamundong buhay. Nangangalaga at nagkakalinga
ang Diyos. Totoo. Pero ang kanyang gantimpalang biyaya ay laging kaakibat ng
panggagambala.

Si Pablo ay ginamtipalaan ng biyaya ng pagbabalik-loob. Nguni’t ano ang nahita
niya? Ang gantimpala ay nauwi sa gambala. “Ngunit sa kagandahang-loob ng Diyos
ay hinirang niya ako upang maging lingkod niya.” Hindi na siya namayapa noong
siya ay gantimpalaan. Gambalang walang patid ang naging bunga ng gantimpala.

Ilang beses rin ako ginambala nang ganito … mula sa mga taong hindi ko inaasahan,
mula sa mga kapatid ko’t kasamahang walang pagmamalasakit at may halo pang
pag-iimbot. Kung medyo namumunga ang puno, ika nga, marami ang pumupukol.
Kung medyo nagtatagumpay ka, marami ang nalulungkot. Ito yata ang takbo ng
buhay, tulad ng naranasan ng maraming santo at santa.

Isa na rito si Santa Teresa de Avila. Sabi niya, “kung ganito mo tinatrato ang mga
kaibigan mo Panginoon, hindi ako nagtataka kung bakit kakaunti lang kaming mga
kaibigan mo.”

Sabi ni Papa Francisco na hindi masama ang umangal sa Diyos. Isa itong uri ng
panalangin. Umangal ang balo ng Zarepat. Umangal rin si Elias. At ganoon din si
Pablo. Ganoon rin ako. Bakit Lord? Bakit kung sino pa ang nagsisikap ay sila ang
hindi napapansin at hindi nabibigyan ng kung ano man? O sila pang sinisiraan?

Nananaghoy ako kung minsan … nananawagan. Gantimpala ba ang aking dapat
tanggapin o gambala?

Ang tatlong pagbasa ngayon ang tugon … Ang Diyos ay nagkakalinga, nagbibigay ng
gantimpala. Pero Siya rin ang nagkakaloob ng gambala. Hindi puedeng sitting pretty
lamang lagi. Kailangan magpagal. Kailangan kumilos at gumawa para sa bagong
ebanghelisasyon. Kailangan magsikap para sa Kanyang Kaharian.

At huwag kalimutan. Sa kabila ng gantimpala at gambala, ang huli ang siyang
mahalaga: “Binata, bumangon ka!” Sapagka’t ang Diyos ay Diyos ng biyaya, at Diyos
ng gambala, at Diyos rin ng gantimpala!

BAGO PA NALIKHA AT NAANYO ITONG MUNDO

In Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Uncategorized on Mayo 18, 2016 at 08:27

DAKILANG KAPISTAHAN NG BANAL NA SANTATLO

BAGO PA NALIKHA AT NAANYO ITONG MUNDO

Mahirap parati ang mag homiliya tuwing darating ang Kapistahan ng Banal na Santatlo. Malimit na pagkakamali ng mga pari na bigyang-diin ang dogma, ang laman ng pangaral tungkol sa Diyos, at madalang bigyang-pansin ang dapat na bunga ng pangaral. Mas madali ang magturo ng kung ano ang dapat paniwalaan. Mas mahirap ang mangaral kung ano ang dapat na bunga ng pangaral – ang buhay moral. Madali ang magsaulo ng mga nilalaman ng katesismo. Nguni’t alam nating lahat na mahirap ang mag-asta, umasal, at mabuhay ayon sa nilalaman ng katesismo.

Ano ba ang mga sinasaad ng mga pagbasa natin ngayong araw na ito? Himayin natin nang isa-isa. Una sa lahat, binibigyang-diin ng aklat ng Kawikaan, hindi kung ano ang Diyos, kundi kung sino Siya para sa atin, sino Siya sa harap ng lahat ng nilalang. At ano ang pinakamahalagang katotohanan? Ayon sa Kawikaan, Siya ay Diyos na sa mula’t mula pa. Puno ng sagisag ang mga kataga ng Kawikaan … wala pa ang mga dagat; wala pa ang mga bukal ng tubig na malilinaw; wala pa ang mga burol, ganoon din ang mga bundok … Bago pa man ang lahat, ang Diyos ay Diyos na. Sa mga katagang hindi mapagkakamalian, “bago pa nalikha at naanyo ang mundo!”

Mahirap isipin ang mula’t mula pa … bihasa tayong mga tao ang magbilang ng mga araw, linggo, buwan, at taon. Wala sa guni-guni natin ang konsepto ng simula ng panahon. Hirap tayo na umunawa na ang panahon ay nasa ilalim rin ng paghahari ng Diyos sa lahat ng kanyang nilalang. Sapagka’t hindi natin maarok ang simula ng panahon, hindi rin natin maunawaang lubos ang kawalang hanggan ng panahon. Para sa tao, may simula at may wakas, may umpisa at pagtatapos.

Ang mga kapistahang magkakasunod sa mga Linggong kasunod ng Pentekostes ay mga kapistahang nagpapagunita sa atin ng kung sino ang Diyos na ating sinasampalatayanan. Ang una sa hanay na ito ay may kinalaman sa Banal na Santatlo – Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo. Bagama’t ang kanyang pagpapahayag ng sarili ay naganap sa loob ng kasaysayan, ang Diyos ay hindi nakatali sa kasaysayang makatao, na may simula at may wakas. Siya ay ang “alpha at omega,” ang simula at ang wakas.

Nguni’t ito ang maganda sa Diyos natin. Nagpahayag siya at nagpakilala sa pamamagitan ng kasaysayan. Nilikha Niya ang mundo at ang lahat sa daigdig. Ipinahayag Niya ang sarili bilang maylikha. Nagpakilala rin Siya sa pagsusugo ng kanyang bugtong na Anak. Isinilang ang Diyos Anak na nagkatawang-tao at nakihalubilo sa kasaysayan ng tao.

Nagpakilala rin ang Diyos sa pagsusugo ng Espiritu Santo, at ang lahat ng ito ay naganap sa pagsuong Niya sa larangan ng kasaysayang makatao. May iisa lamang akong gustong bigyang-diin halaw sa katotohanang ito … Ang Diyos, Ama, Anak, at Espiritu Santo, na nakihalubilo sa ating kasaysayan, ay Diyos ng kasaysayan, Panginoon ng lahat ng naganap, nagaganap, at magaganap pa sa lupang bayan nating kahapis-hapis!

Malimit na tayo ay naguguluhan ang isipan. Malimit na tayo ay nahihintakutan sa hinaharap, sa maaring mangyari sa mundo. Malimit tayong sinasagian ng takot dahil sa tila pamamayagpag ng kampon ng kadiliman, sa maraming dako ng mundo. Malimit tayong mawalan ng pag-asa, mapuno ng pangamba, at masidlan ng takot ang puso, dahil sa tila walang ampat na pagtiwalag ng sangkatauhan sa pamumuno at paggagabay ng Diyos.

Sa araw na ito, hindi takot at pangamba, kundi galak at katiyakan ang binibigyang- diin ni Pablo … “sa pamamagitan niya’y mayroon na tayong kapanatagan sa harapan ng Diyos.” Nabago ang pagtingin natin dahil sa Kanyang pamamatnubay at pagkalinga. “Nagagalak tayo sa ating mga pagbabata sapagka’t alam nating ito’y nagbubunga ng pagtitiyaga.”

Maraming pangamba ang bumabagabag sa atin ngayon. Tuloy pa kaya ang pag- unlad ng bayan o pagbulusok nito dahil sa panibago na namang mga pinuno sa larangan ng politika? Mayroon kaya na namang isang dilubyo galing sa La Nina, matapos ang El Nino ay manalasa sa bayan natin? Mayroon pa kayang pag-asa ang bayan natin na kay daling lumimot, kay rupok, at kay bilis magbago ang isip? Mauunawaan pa kaya natin kung bakit, sa dinami-dami ng taong nagdaan, sa kabila ng mga pangako ng mga politico, tayo pa rin ang kulelat sa buong Asya, at nalalampasan na ng mga bansang dati-rati ay walang ibatbat sa bayan natin?

Iisa para sa akin ang lumulutang na aral mula sa kapistahang ito. At ito ay walang iba kundi ang kapanatagan ng loob, ang pagkaunawa sa buong katotohanan, sa tulong ng Espiritu Santo. At ano ang katotohanang ito? Hindi lamang na ang Diyos ay iisa sa Tatlong Persona … hindi lamang na ang Diyos ay Diyos na sa mula’t mula pa. Ang pinakamahalagang dapat nating maunawaan ay hindi kung ano ang Diyos, kundi kung sino Siya para sa atin.

Siya ay Ama, maylikha, may-akda ng lahat. Siya ay Anak, na kaloob, regalo, at bigay para sa atin. Siya ay Espiritu Santo na nagkakaloob pa magpahangga ngayon. Siya ay Diyos na iisa sa tatlong persona, Banal na Santatlo, na nananatiling Diyos para sa atin, sa kabila ng ating pangamba, sa likod ng ating mga takot at pagkabalisa, sa harap ng mga pangarap natin sa kinabukasan. Siya ay nanduon na, sa simula. Siya ay narito kapiling natin. Siya ay patuloy na nagggagabay sa tabi natin. Siya ay Diyos, sa harap natin, sa tabi natin, at sa likod natin. At nananatili Siya bilang Diyos, “bago pa nalikha at naanyo itong mundo.” Ano ang dahilan upang matakot at mangamba?