Ika-10 Linggo ng Taon K
Hunyo 5, 2016
GANTIMPALA AT GAMBALA MULA KAY BATHALA
Kababalik ko lamang galing sa bundok ng Pulag. Panglimang akyat ko na ito sa
bundok na mahal na mahal ko. Isang matandang lalaki ang aming gabay, kung
kanino ko nakita ang pagmamalasakit, ang pangangalaga, at pagsisikhay sa kabila ng
katandaan.
Minsan sa buhay natin ay may mga pangyayari kung kailan higit natin
nararamdaman ang Diyos sa buhay natin. Sa maraming taon ko na rin bilang guro at
pari, palagay ko’y masasabi kong alam ko ang aking sinasabi tungkol rito.
Tatlong magkakatulad na pagbasa ang ating natunghayan ngayon. Ang una ay ang
isang karanasan ni Elias, sa Zarepat, kung saan ang isang balo ay namuhay kasama
ng kanyang kaisa-isang anak na lalaki. Duon siya nakituloy. Sa mga araw kung kailan
naroon siya, namatay ang bata. Ang nanay ay tumangis. Hindi lamang iyon, ginawa
niya ang normal na dapat gawin ng isang ina … Nanisi siya: “Naparito ba kayo upang
ako ay sumbatan sa aking mga kasalanan at patayin ang aking anak?”
Alam ng Diyos kung ilang beses ko siya sinisi. Bakit hindi? Ako na nga ang
gumagawa nang dapat. Ako na nga ang nagpapagal para sa kanya, at ako pa ang
parurusahan? Di ba’t ganito tayo lahat? Kapag gumawa ng mabuti nakalista. At
kapag sinuklian tayo ng paghihirap, mas mahaba ang ating listahan. Mas matindi ang
sisihan, at mas masahol ang ating atungal?
Pati sa ebanghelyo, isang batang lalaki rin ang namatay, anak ng isang balo mula sa
Nain. Sa lahat ng parurusahan, siya pa, ika nga.
Matindi ang tao sa mundo. Walang paki ang karamihan. At kapag masaya ka, masaya
rin sila, lalu na kung may pamudmod kang painom at pakain. Kapag birtdey mo at
nagpaka-canton ka, o Chooks-to-go, masaya ang lahat. Pero kapag malungkot ka,
mag-isa ka. Manigas ka, sabi nga nila.
Hindi ganito ang Diyos. Alam ko, sapagka’t di miminsan akong nagdusa dahil sa
kanya. Ganyan magmahal ang Diyos … nagdudulot at nag-aalay ng buhay sa
pamamagitan ng pagkitil ng makamundong buhay. Nangangalaga at nagkakalinga
ang Diyos. Totoo. Pero ang kanyang gantimpalang biyaya ay laging kaakibat ng
panggagambala.
Si Pablo ay ginamtipalaan ng biyaya ng pagbabalik-loob. Nguni’t ano ang nahita
niya? Ang gantimpala ay nauwi sa gambala. “Ngunit sa kagandahang-loob ng Diyos
ay hinirang niya ako upang maging lingkod niya.” Hindi na siya namayapa noong
siya ay gantimpalaan. Gambalang walang patid ang naging bunga ng gantimpala.
Ilang beses rin ako ginambala nang ganito … mula sa mga taong hindi ko inaasahan,
mula sa mga kapatid ko’t kasamahang walang pagmamalasakit at may halo pang
pag-iimbot. Kung medyo namumunga ang puno, ika nga, marami ang pumupukol.
Kung medyo nagtatagumpay ka, marami ang nalulungkot. Ito yata ang takbo ng
buhay, tulad ng naranasan ng maraming santo at santa.
Isa na rito si Santa Teresa de Avila. Sabi niya, “kung ganito mo tinatrato ang mga
kaibigan mo Panginoon, hindi ako nagtataka kung bakit kakaunti lang kaming mga
kaibigan mo.”
Sabi ni Papa Francisco na hindi masama ang umangal sa Diyos. Isa itong uri ng
panalangin. Umangal ang balo ng Zarepat. Umangal rin si Elias. At ganoon din si
Pablo. Ganoon rin ako. Bakit Lord? Bakit kung sino pa ang nagsisikap ay sila ang
hindi napapansin at hindi nabibigyan ng kung ano man? O sila pang sinisiraan?
Nananaghoy ako kung minsan … nananawagan. Gantimpala ba ang aking dapat
tanggapin o gambala?
Ang tatlong pagbasa ngayon ang tugon … Ang Diyos ay nagkakalinga, nagbibigay ng
gantimpala. Pero Siya rin ang nagkakaloob ng gambala. Hindi puedeng sitting pretty
lamang lagi. Kailangan magpagal. Kailangan kumilos at gumawa para sa bagong
ebanghelisasyon. Kailangan magsikap para sa Kanyang Kaharian.
At huwag kalimutan. Sa kabila ng gantimpala at gambala, ang huli ang siyang
mahalaga: “Binata, bumangon ka!” Sapagka’t ang Diyos ay Diyos ng biyaya, at Diyos
ng gambala, at Diyos rin ng gantimpala!