frchito

Posts Tagged ‘Banal na Santatlo’

KAHIT NA MATIGAS ANG ULO NG LAHING ITO!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon A on Hunyo 16, 2011 at 11:04

Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo (A)
Junio 19, 2011

Lahat tayong naging suwail at pasaway ay nakauunawa kahit papaano sa pinagdaanan ni Moises. Namuno si Moises sa isang bayang matigas na ang ulo, ay suwail pa, at sadyang pasaway. Alam natin kung gaano kahapdi sa kalooban ang magsumamo sa Diyos para sa kapwa niyang sukdulan na ang tigas ng ulo at pagkamasuwayin: “Isinasamo kong samahan ninyo kami, kahit na matigas ang ulo ng lahing ito.”

Ang paninikluhod ni Moises ay nagbunga. Naging kapiling nila ang Diyos sa kanilang paglalakbay sa ilang – sa anyong ulap sa kasikatan ng araw, o anyong apoy sa kadiliman ng gabi. Ang Diyos ay nagpakilala ng sarili bilang isang Diyos na kaagapay, kasama, katuwang, kaibigan, Panginoon, at Ama!

Alam natin na ang pagpapakilalang ito ng Diyos ay naganap unti-unti, dahan-dahan, at hindi sa isang kisap-mata lamang. Alam rin natin na ang pagkakatawang-tao ni Kristo ay bahagi ng pagpapahayag na ito ng Diyos sa atin. At ito ang naging buod, dulo, at lagom ng Kanyang unti-unting pagpapakilala ng sarili … Siya ay Ama at Maylikha … Siya ay Anak at tagapamagitan … At Siya ay Banal na Espiritu na sugo ng Ama at ng Anak!

Iisa ang tinutumbok nito – ang hiwaga ng Banal na Santatlo! Na ang Diyos ay IISA nguni’t tatlong Persona, iisa sa pagka Diyos nguni’t nagpakilala bilang Tatlong Persona sa kanyang pinakamamahal na bayan.

Hindi na para kultahin ang utak natin upang matumbok ang kaganapan ng hiwagang ito… Sapat na ang malaman na ang Diyos ay kasama natin, kaagapay nating makaitlo … hindi lang bilang manlilikha … hindi lang bilang kapatid at tagapagligtas … hindi lang bilang tagapagkaloob ng mga regalong pang espiritwal… kundi ito at marami pang iba!

Hindi na para sa atin ang pagsikapang ipaliwanag ang hiwagang ang Diyos mismo ang may akda. Hindi na para sa atin upang siyasatin kung paano naging isa ang tatlo, at ang tatlo ay naging isa! Hindi na para sa atin ang magsikap upang lubos na mapagtanto ang isang hiwagang tanging Diyos lamang ang lubos na nakauunawa!

Nguni’t ito ang para sa atin … ang makilala siya bilang isang kaisahan, isang pamayanan, isang pamilya, na tatlo nguni’t hindi iniwan ang kaisahang siyang batayan ngayon ng atin ring kaisahan at pagbubuklod.

Maraming dahilan ang nasa paligid natin upang magkawatak-watak at magkahiwa-hiwalay. Marami tayong dapat pagtalunan at gawing dahilan upang mag-away at magsalungatan. Nandiyan ang kaibahan ng mayaman at mahirap… Nariyan din ang paghihiwalay ng maalam at ng walang pinag-aralan, ng mga taong may tangang impormasyon, at mga taong walang pinanghahawakang anumang impormasyon … mga may internet, at mga ni radio o telebisyon ay wala (o kuryente sa marami pang lugar sa ating bayan!)

Marami tayong hindi pinagkakasunduan. Marami tayong pinagbabangayan. Maraming dahilan upang lalung magka hati-hati dahil sa maraming bagay.

Ngunit ito ang dakilang turo ng kapistahan natin ngayon … sa kabila ng katigasan ng ulo natin, sa kabila ng kamangmangan natin at kawalang pang-unawa, patuloy ang pagganap ng misyon ng Banal na Santatlo upang tayo ay mapag-isa, upang tayo ay magkabuklod, at magkaniig sa iisang Binyag, iisang pananampalataya, iisang Panginoon!

Ito ang pangarap ng Diyos! Ito ang kanyang misyon, layunin, at panagimpan! Ito ang dahilan kung bakit ang panalangin rin ni San Pablo ay ito: “magkaisa kayo at mamuhay nang payapa. Sa gayon, sasainyo ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan.”

Ito rin ang pangarap ni Moises. Kung kaya’t pinagpaguran niya ang pinanagutan ang pagiging lider at propeta. Hindi lamang iyon … maging tagapamagitan pa rin siya. At kanyang hiling ay walang iba kundi ang siya rin hiling niya marahil para sa atin: “Kung talagang kinalulugdan ninyo ako, isinasamo kong samahan ninyo kami kahit na matigas ang ulo ng lahing ito.”

Di maipagkakailang matigas ang ulo natin … hindi lamang pasaway, kundi bagkus makasalanan. Sa kabila nito, pangarap ng Banal na Santatlo ang kaisahang Sila mismo ang unang nagpakita … kaisahang ganap ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.

Nawa’ y ang pistang ito ay hindi lamang mauwi sa bilangan, o sa walang saysay na pagsisikap maarok ang misteryong antemano ay hindi natin kayang maarok. Nawa’ y mauwi ito sa pagtanggap ng katotohanang mapagligtas – katotohanang dapat maging totoo rin sa buhay natin, na kahit tayo ay matigas ang ulo, ay mahal pa rin tayo ng Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo, na bagaman tayo ay makasalanan, ay hinangad ng Banal na Santatlo na makapiling Niya, sa walang hanggang buhay sa langit na tunay nating bayan. Siya Nawa!

BAGO PA NALIKHA AT NAANYO ITONG MUNDO

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon K, Uncategorized on Mayo 28, 2010 at 13:35

DAKILANG KAPISTAHAN NG BANAL NA SANTATLO
Mayo 30, 2010

Mahirap parati ang mag homiliya tuwing darating ang Kapistahan ng Banal na Santatlo. Malimit na pagkakamali ng mga pari na bigyang-diin ang dogma, ang laman ng pangaral tungkol sa Diyos, at madalang bigyang-pansin ang dapat na bunga ng pangaral. Mas madali ang magturo ng kung ano ang dapat paniwalaan. Mas mahirap ang mangaral kung ano ang dapat na bunga ng pangaral – ang buhay moral.

Madali ang magsaulo ng mga nilalaman ng katesismo. Nguni’t alam nating lahat na mahirap ang mag-asta, umasal, at mabuhay ayon sa nilalaman ng katesismo.

Ano ba ang mga sinasaad ng mga pagbasa natin ngayong araw na ito? Himayin natin nang isa-isa.

Una sa lahat, binibigyang-diin ng aklat ng Kawikaan, hindi kung ano ang Diyos, kundi kung sino Siya para sa atin, sino Siya sa harap ng lahat ng nilalang. At ano ang pinakamahalagang katotohanan? Ayon sa Kawikaan, Siya ay Diyos na sa mula’t mula pa. Puno ng sagisag ang mga kataga ng Kawikaan … wala pa ang mga dagat; wala pa ang mga bukal ng tubig na malilinaw; wala pa ang mga burol, ganoon din ang mga bundok … Bago pa man ang lahat, ang Diyos ay Diyos na. Sa mga katagang hindi mapagkakamalian, “bago pa nalikha at naanyo ang mundo!”

Mahirap isipin ang mula’t mula pa … bihasa tayong mga tao ang magbilang ng mga araw, linggo, buwan, at taon. Wala sa guni-guni natin ang konsepto ng simula ng panahon. Hirap tayo na umunawa na ang panahon ay nasa ilalim rin ng paghahari ng Diyos sa lahat ng kanyang nilalang. Sapagka’t hindi natin maarok ang simula ng panahon, hindi rin natin maunawaang lubos ang kawalang hanggan ng panahon. Para sa tao, may simula at may wakas, may umpisa at pagtatapos.

Ang mga kapistahang magkakasunod sa mga Linggong kasunod ng Pentekostes ay mga kapistahang nagpapagunita sa atin ng kung sino ang Diyos na ating sinasampalatayanan. Ang una sa hanay na ito ay may kinalaman sa Banal na Santatlo – Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo. Bagama’t ang kanyang pagpapahayag ng sarili ay naganap sa loob ng kasaysayan, ang Diyos ay hindi nakatali sa kasaysayang makatao, na may simula at may wakas. Siya ay ang “alpha at omega,” ang simula at ang wakas.

Nguni’t ito ang maganda sa Diyos natin. Nagpahayag siya at nagpakilala sa pamamagitan ng kasaysayan. Nilikha Niya ang mundo at ang lahat sa daigdig. Ipinahayag Niya ang sarili bilang maylikha. Nagpakilala rin Siya sa pagsusugo ng kanyang bugtong na Anak. Isinilang ang Diyos Anak na nagkatawang-tao at nakihalubilo sa kasaysayan ng tao. Nagpakilala rin ang Diyos sa pagsusugo ng Espiritu Santo, at ang lahat ng ito ay naganap sa pagsuong Niya sa larangan ng kasaysayang makatao.

May iisa lamang akong gustong bigyang-diin halaw sa katotohanang ito … Ang Diyos, Ama, Anak, at Espiritu Santo, na nakihalubilo sa ating kasaysayan, ay Diyos ng kasaysayan, Panginoon ng lahat ng naganap, nagaganap, at magaganap pa sa lupang bayan nating kahapis-hapis!

Malimit na tayo ay naguguluhan ang isipan. Malimit na tayo ay nahihintakutan sa hinaharap, sa maaring mangyari sa mundo. Malimit tayong sinasagian ng takot dahil sa tila pamamayagpag ng kampon ng kadiliman, sa maraming dako ng mundo. Malimit tayong mawalan ng pag-asa, mapuno ng pangamba, at masidlan ng takot ang puso, dahil sa tila walang ampat na pagtiwalag ng sangkatauhan sa pamumuno at paggagabay ng Diyos.

Sa araw na ito, hindi takot at pangamba, kundi galak at katiyakan ang binibigyang-diin ni Pablo … “sa pamamagitan niya’y mayroon na tayong kapanatagan sa harapan ng Diyos.” Nabago ang pagtingin natin dahil sa Kanyang pamamatnubay at pagkalinga. “Nagagalak tayo sa ating mga pagbabata sapagka’t alam nating ito’y nagbubunga ng pagtitiyaga.”

Maraming pangamba ang bumabagabag sa atin ngayon. Tuloy pa kaya ang pag-unlad ng bayan o pagbulusok nito dahil sa panibago na namang mga pinuno sa larangan ng politika? Mayroon kaya na namang isang dilubyo galing sa La Nina, matapos ang El Nino ay manalasa sa bayan natin? Mayroon pa kayang pag-asa ang bayan natin na kay daling lumimot, kay rupok, at kay bilis magbago ang isip?
Mauunawaan pa kaya natin kung bakit, sa dinami-dami ng taong nagdaan, sa kabila ng mga pangako ng mga politico, tayo pa rin ang kulelat sa buong Asya, at nalalampasan na ng mga bansang dati-rati ay walang ibatbat sa bayan natin?

Iisa para sa akin ang lumulutang na aral mula sa kapistahang ito. At ito ay walang iba kundi ang kapanatagan ng loob, ang pagkaunawa sa buong katotohanan, sa tulong ng Espiritu Santo. At ano ang katotohanang ito? Hindi lamang na ang Diyos ay iisa sa Tatlong Persona … hindi lamang na ang Diyos ay Diyos na sa mula’t mula pa. Ang pinakamahalagang dapat nating maunawaan ay hindi kung ano ang Diyos, kundi kung sino Siya para sa atin. Siya ay Ama, maylikha, may-akda ng lahat. Siya ay Anak, na kaloob, regalo, at bigay para sa atin. Siya ay Espiritu Santo na nagkakaloob pa magpahangga ngayon. Siya ay Diyos na iisa sa tatlong persona, Banal na Santatlo, na nananatiling Diyos para sa atin, sa kabila ng ating pangamba, sa likod ng ating mga takot at pagkabalisa, sa harap ng mga pangarap natin sa kinabukasan. Siya ay nanduon na, sa simula. Siya ay narito kapiling natin. Siya ay patuloy na nagggagabay sa tabi natin. Siya ay Diyos, sa harap natin, sa tabi natin, at sa likod natin.

At nananatili Siya bilang Diyos, “bago pa nalikha at naanyo itong mundo.” Ano ang dahilan upang matakot at mangamba?