[ANG TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]
Kapistahan ng Banal na Santatlo
Mayo 31, 2015
MALABO BA?
Marami tayong hindi nauunawaan pero tinatanggap natin. Para sa maraming tao, ang kuryente na ginagamit natin araw-araw ay malayo sa pang-unawa ng tao. Ang alam lamang nila ay tumatakbo ito sa kawad o alambre, at ito ang nagpapatakbo ng lahat ng kasangkapan sa bahay, pati na ang kalan at plantsa.
Kapag tinanong mo ang maalam, maipapaliwanag nila ang electrons, ang positive at negative ions, at iba pa, pero sa mas malalim na pagninilay, mga pangalan lamang ito sa isang misteryong malayo sa pang-unawa ng karamihan.
Hindi rin natin matingnan upang lubos maunawaan ang araw. Pero tanggap natin ang liwanag. Tanggap rin natin ang init nito. Tanggap natin na kung walang araw ay walang buhay. At kahit na anong paliwanag tungkol sa chlorophyll na siyang sumasagap sa sinag ng araw at gumagawa ng pagkain para sa atin, ay ito ang puno at dulo ng lahat … MALABO PA RIN.
Pero malabo man o malinaw, tanggap natin na walang forever! Kahit ang teleseryeng ito ay nagwakas na ,,, sa ayaw nyo man o sa gusto.
Ito rin ang katotohanan tungkol sa Diyos. Malabo! (At kung meron mang nagsasabing malinaw sa kanya ang Banal na Santatlo, eto naman ang sagot ko: E DI WOW!)
Pero may dagdag ako … Hindi lahat ng malabo ay hindi totoo. Tingnan nyo mga pictures ninyo, lalo na yung sinauna pa, na galing sa negatives o sa black and white pa noong panahon ni Mahoma. Malalabo!
Kumain kayo ng shomai na usong-uso ngayon. Alam nyo ba kung ano talaga ang laman? Kahit malabo at puro harina at gawgaw lang na binudburan ng maraming asin, kain pa rin tayo. Tingnan nyo rin ang embutido o ang ngohiong … kahit panay tinapay lang at extenders ang ginamit, takam pa rin tayo.
Hindi natin matingnan ang araw. Pero dama natin ang sinag. Hindi natin matitigan ang araw, pero tanggap natin ang init.
Hindi natin makita ang mukha ng Ama, pero tulad ng sinag ng araw, ay nakita natin si Jesus na kanyang bugtong na Anak. Hindi natin matunghayan ang Ama, pero dama rin natin ang init, na siyang Espiritu Santo.
Iisang Diyos. Tatlong Persona. Diyos Ama. Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo.
Malabo ba? Dapat lang! Sapagka’t kung malinaw ito para sa iyo, ay IKAW NA!
Pero walang tutulad sa Diyos. Walang Diyos kundi Siya lamang. Walang karapat-dapat tumanggap ng luwalhati at papuri liban sa kanya lamang, sapagka’t walang ibang Diyos kundi Siyang nagpakilala nang dahan-dahan sa atin sa kasaysayan. Siya ay Manlilikha. Siya ay Manliligtas. Siya ay mapagpabanal at mapaghatid sa katotohanan.
LUWALHATI SA DIYOS AMA. LUWALHATI SA DIYOS ANAK. LUWALHATI DIYOS ESPIRITU SANTO, IISANG DIYOS, TATLONG PERSONA!
Siya na, wala nang iba!