frchito

Posts Tagged ‘Homiliya sa Tagalog’

SANA NGA! TARA NA!

In Homily in Tagalog,Karaniwang Panahon,Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo,Taon B on Setyembre 29, 2012 at 18:30

Image

Ika-26 na Linggo Taon B

Setyembre 30, 2012

Mga Pagbasa: Bilang 11:25-29 / Sant 5:1-6 /Mt 9:38-43, 45, 47-48

SANA NGA! TARA NA!

Medyo nahuli ako sa pagninilay na ito. Nasa gitna ako ng isang retreat para sa mga volunteer ng isang malaking simbahan – mga taong ang pawang dahilan kung bakit sila narito ay sapagka’t naglilingkod sila nang bukal sa kalooban sa bayan ng Diyos na dumadayo sa simbahang nabanggit.

Simbahan … Sambahan … Samahan ng mga taong pawang nais makatulong, nais maligtas, at nagnanais din magpakabanal, at balang araw ay mapasama sa mga hanay ng mga banal. Dito tayo lumalapit at nakapagpapayaman sa ating pananampalataya, at nakapagpapalago ng ating pag-asa at pag-ibig sa kapwa. Dito tayo nananagana sa mga aral na harinawa’y maghahatid sa dagdag na kaalaman, dagdag na karunungan, at dagdag pang kakayahang harapin ang mga pagsubok sa buhay.

Ngunit bawat gubat ay may ahas, at bawat grupo ay may Judas. May mga taong hindi sanay na may karibal, may kakompetensya, at may dapat hatian ng kung ano mang sa tingin nila ay mauubos na. Mayroong ganoong tao sa grupo ni Moises. Nang si Eldad at Medad ay gumawa ng panghuhula at pagwiwika sa ngalan ng Diyos, nabahala ang ilan sa mga kasama ni Moises: “Nangangaral po sina Eldad at Medad. Patigilin nyo po sila.” Hindi pinag-aksayahan ni Moises ng panahon ang sumbong ng talubata. “Inggit ka pa para sa akin? Kung sana nga ang lahat ay mga propeta! Sana nga ang lahat ay kasihan ng Diyos ng kanyang espiritu!”

Medyo kahambing ito sa naganap sa ebanghelyo. Napansin ni Juan na may isang taong nagpapalayas ng demonyo sa mga tao sa ngalan ni Jesus. Nagsumbong rin siya. At hindi rin pinatulan ng Panginoon ang kanyang sumbong. “Huwag ninyo siyang sansalain. Walang gumagawa ng anumang dakilang gawa sa ngalan ko na magwiwika ng anumang laban sa akin.”

Ganito kalawak ang pang-unawa ng Diyos. Ganitong katarik ang adhikain ng Diyos para sa ating kaligtasan at kapakanan.

Subali’t tayong lahat ay narito pa’t nagbibilang, naghahambing, patingin-tingin upang hindi tayo malamangan, malampasan, o maunahan. Sakit ito ng inggit, ng hili, at ng malimit kabuliran ng mga naglilingkod sa simbahan, kasama na kaming mga pari – ang pananaghili.

Sa tagal tagal ko na rin bilang pari, ito ang malimit kong makita sa anumang samahan. Laging may intriga. Laging may sumbungan. Laging may inggitan at laging may unahan. Nguni’t sa tinagal-tagal ko na rin sa paglilingkod sa Simbahan, alam kong ang higit na malaking larawan na nais marating ng Diyos ang siyang nagaganap, siyang sa huli ay ang nangyayari.

Ano ba ang malaking larawang ito na binabanggit natin?

Walang iba kundi ang binabanggit rin ni Santiago … na sa bawat gubat ay may ahas, at sa bawat grupo ay may Judas. May mga taong likas na madaya, likas na mapanlamang, likas na mapagmalabis. Ito ang mga mayayamang ang yaman, ayon sa kanya, ay nabubulok na at naaagnas. Ito ang mga mapagmalabis na hindi nagkaloob ng tamang pasahod sa mga trabahador.

Tayo man, pari man o laiko, ay nanganganib na masama sa kategoriyang ito. Tayo man, ay sinasagian ng inggit, ng hili, at pagtutulad-tulad sa isa’t isa. Tayo man ay maaring maging tulad ng mayamang ipinatutungkulan ni Santiago.

Nguni’t tayong lahat, pari man o laiko, ay may kakayahang potensyal na gawaing dakila. Tayong lahat ay may potensyal na kapangyarihang magagawa ng mga taong handang magpasya nang tama.

Ito ang ginagawa ng maraming mga bukal sa loob na nag-aalay ng panahon para sa simbahan, tulad ng mga taong ngayon ay kasama ko sa retreat house na ito sa Tagaytay.

Lubhang nagagalak ang Diyos sa mga taong tulad nito. Sapagkat lubhang kinakailangan naming mga pari ang katulong upang maipalaganap ang magandang balita. Sa ngayon, halos hindi matugunan ang lahat ng mga katanungan ng mga taong naghahanap ng kasagutan. Uhaw at gutom ang karamihan sa katotohanang mapanligtas, at nakalulungkot aminin, na marami ngang naghahanap, at maraming nagtatanong, ngunit kakaunti ang nariyan upang tugunan ang lahat ng ito.

Isa itong suporta sa mga laiko o ordinaryong katoliko na sumagot sa pananagutang ito. Bayani kayo, at saludo kami sa inyo! Ipagpatuloy nawa ninyo ang inyong sinimulan.

Sana nga’y lahat ay magwika para sa Diyos! Sana nga’y lahat ay mangaral sa Kanyang ngalan! Sana nga! Hala, tayo na!

KELANGAN PA BA I-MEMORIZE YAN?

In Catholic Homily,Homily in Tagalog,Karaniwang Panahon,Taon B on Setyembre 22, 2012 at 15:45

Image

Ika-25 Linggo ng Taon B

Setyembre 23, 2012

Mga Pagbasa: Kar 2:12, 17-20 / San 3:16-4:3 / Mc 9:30-37

Sabi nila, kapag may usok, ay may sunog. Kelangan pa bang i-memorize yan? Hindi naman ito malalim pa sa balon na katotohanang hindi maarok ninuman. Napatunayan ko ito noon lamang isang linggo. Habang nagtuturo, biglang may sumabog sa labas ng gusali at kapagdaka’y napatingin kami lahat sa labas ng bintana. Makapal at maitim na usok ang tumambad sa amin. Nagulantang ang lahat at nagsipagtakbuhan, kasama na ako. Kung may usok, dapat pa bang itanong kung may sunog?

Meron! At sa mga sumunod na tatlong oras, kami ay balisa at parang mga pugong abala sa paggawa ng dapat gawin upang iligtas ang mga kagamitan sa maliit na kapilya sa seminary na pinakamalapit sa pabrikang inubos ng apoy.

May katumbas ng usok ang binabanggit sa mga pagbasa. Sa una halaw sa aklat ng Karunungan, pagtatambang ang nasa puso ng mga tampalasang nagbabalak ng masama laban sa nagsasabi ng totoo at tapat. “Tambangan natin ang taong matuwid, pagka’t hadlang sila sa ating mga balak.” Di ba usok yan na nagbabadya ng inggit, ng poot, at ng anumang dinaramdam ng taong naunsyami ang madidilim na naisin?

Kelangan pa bang i-memorize yan?

Sa ikalawa, napa-isip si Santiago. May usok rin ng “inggit at makasariling hangarin.” Tulad namin na nagtakbuhan para malaman kung ano ang pinagmulan ng usok at apoy, nagtanong rin si Santiago. At sinagot niya ang sarili niyang tanong: “Ano ang pinagmumulan ng inyong alitan at paglalaban-laban?” “Hindi ba’t sa masasamang nasa na namumugad sa kalooban ng bawa’t isa sa inyo?”

Kelangan pa bang i-memorize yan?

Sa katunayan, alam nating lahat ito. Ang usok ay nagbabadya ng apoy. At ang anumang masamang gawa ay may pinagmumulang higit na malalim, higit na malaking katotohanan.

Magtataka pa ba kayo na ang ating mga mambabatas ay nagtutungayaw at nagpapasaringan? Dapat ba rin pagtakhan na ang mga disipulo mismo ay nagbabangay at nagdidiskusyon kung sino sa kanila ang pinakadakila?

Kelangan pa ba i-memorize yan?

Kelangan pa bang pagtakhan na ang puno at dulo ng lahat ng pagtutungayaw ay ang puso ng bawa’t isa sa atin?

Maraming kaguluhan sa buhay natin. Maraming mga gusot sa bayan natin. Tuloy raw ang pagtaas ng ekonomiya. Ngunit tuloy pa rin ang pagtaas ng krimen at ng korupsyon. Tuloy pa rin ang panglilinlang ng mass media, at ng mga survey, na hindi nagsisiwalat ng kabuuan ng katotohanan. Tuloy pa rin ang pagdami ng mahirap, at tuloy ang paglawak ng puwang sa pagitan ng mayaman at mahirap.

Sa kabila nito tuloy pa rin ang pagdami ng mga party list na aplikante. Tuloy pa rin ang epal ng mga politikong pawang nagnanais na sila, pati asawa, anak, pamangkin, at mga inangkin ang siyang maglingkod sa bayan. Tuloy pa rin ang makasalanang estruktura ng politica sa bayan nating sinisinta.

Nguni’t huwag na tayong lumayo pa. Huwag na tayong magtuturo pa ng iba. Sapat nang tingnan ang sari-sarili natin. Sapat nang sipatin natin ang konsiyensiya natin at duon, sa kaibuturan ng puso natin, ay nagkukubli ang dalawang pwersang magkasalungat: ang pagnanasa sa mabuti, at ang pagnanasa sa masama. “Saanman naghahari ang inggit at makasariling hangarin, maghahari rin doon ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa.” (Ikalawang pagbasa).

Nais sanang isikreto ng Panginoon ang kanilang lakad padaan sa Galilea. Nais niya sanang makapulong nang tahimik ang kanyang mga disipulo upang unti-unting isiwalat sa kanila ang sikreto mesyaniko, ang hiwaga ng kanyang pagiging sugo ni Yahweh, na ayon sa kanyang turo “ay ipagkakanulo at papatayin, ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.”

Pero hindi niya maisiwalat nang lubos ang nag-uumapaw na balita. Hindi nakikinig ang mga disipulo. Nagtatalo sila. Nagtutungayaw. Nagpapataasan ng ihe. Nagtatanong sila sa isa’t isa, kung sino ang pinakadakila sa kanilang lahat. Nguni’t ang akala nilang sikretong usapan ay hindi pala lingid sa kaalaman ng Panginoon. Nagtanong siya: “Ano ba’ng pinagtatalunan ninyo sa daan?”

Huwag na tayong magmaang-maangan pa. Lahat tayo ay sinasagian ng ambisyon. Lahat tayo ay maging sikat. Lahat tayo ay nangangarap nang gising at nag-aambisyong makilala ng balana. Lahat tayo ay nananaginip maging dakila, maging tanyag, at maging bukambibig ng sambayanan.

Kelangan pa bang i-memorize yan?

Sa ating lahat ngayon na ginugulantang ng katotohanang ito, isang magandang balita ang dulot ng Panginoon. Sige na … tahan na. OK lang mag-asam na maging dakila. Walang masama diyan. Pero … at ito ang matindi … ang kadakilaang tunay ay hindi ang mauna sa lahat. “Ang sinumang nagnanais na maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.”

Maging bata, ika nga. Walang yabang. Walang kahibangan na tulad ng sa mga matatandang tulad natin. Ang kadakilaan ay simple lamang – ang maging kasing simple ng batang kalong ni Jesus.

Kelangan pa ba i-memorize yan?

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 553 other followers