frchito

Posts Tagged ‘Ika-18 Linggo ng Taon A’

TABANG-LAMIG, O TUNAY NA KABUSUGAN AT KALUSUGAN?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Taon A on Agosto 2, 2014 at 09:52

Feeding+the+5000

Ika-18 Linggo ng Taon A
Agosto 3, 2014

TABANG-LAMIG O TUNAY NA BUSOG AT MALUSOG?

Marami tayong salita sa Tagalog na walang katumbas sa Ingles. Isa na rito ang “tabang lamig.” Ito ay para sa isang taong mataba kung tingnan, pero hindi tunay na malusog. Kung baga, parang ampaw … husto sa bilog at pintog, pero tila puro hangin lang ang nasa loob.

At dahil nasa paksa tayo ng mabilog o mapintog, dumako tayo sa pagkain. Wala akong kilalang hindi gusto ng masarap na pagkain, liban ang maysakit. Mayroon rin akong kilalang kahit maysakit ay magana pa rin kung kumain. Pero alam nating lahat na may pagkaing malusog at may pagkaing puro taba lamang ang dulot. Ito ang naghahatid sa isang taong magkaroon ng “tabang lamig” o “tabang kanin,” o tabang sopdrink, kung na adik tayo sa sopdrink.

Panay pagkain ang paksa sa una at ikatlong pagbasa. Pero, tila parang sandwits na pumapagitna ang isang walang kinalaman sa pagkaing material, pero bunga ng tunay na pagkaing isinasagisag sa mga pagbasa.

Paanyaya ni Isaias na maghanap tayo ng pagkaing hindi natutumbasan ng pera lamang. Ito ang pagkain ng kalooban ng Diyos na higit pa sa anumang masarap na pagkain: “Makinig kayo sa akin at sundin ang utos ko at matitikman ninyo ang pinakamasarap na pagkain.” (Unang pagbasa)

Sagot natin sa unang pagbasa ang siyang turo naman ng ikatlong pagbasa: “Pinakakain mong tunay kaming lahat, O Maykapal!” Ito ang buod ng milagrong ginawa ni Jesus nang pakanin niya ang higit sa limang libong katao (hindi kasama rito ang bata at mga babae!).

Sa buhay natin, kay raming nagpapanggap na masarap, makinang, maganda at kapaki-pakinabang. Tingnan nyo na lang ang mga larawan ng pagkain sa Jollibee at McDonald’s. Ang gaganda ng larawan! Pero pag dating ng order mo, ibang-iba sa nasa piktyur!

Madali tayo malinlang ng palsong pagkain … madali tayong madala ng kinang ng tila isang diamante kung tingnan, pero pwet lang pala ng baso. Madali tayo mahuli ng isang tila ginto, pero palara lang naman pala, at palsong pilak na walang laman kundi panandaliang kinang. Maraming pagkain na parang masarap, subali’t ang dulot ay sandamakmak na kolesterol o asukal sa katawan.

Tunay na pagkain ang dulot sa atin ng mga pagbasa. Hindi panlamang tiyan lamang. Tulad ng pinakain ng Panginoon ang limang libo, hindi lamang tinapay at isda ang kanyang dulot, kundi kung ano ang pinangaral niya matapos silang busugin – ang pangaral sa tunay na pagkain at sa tunay na buhay na walang hanggan.

Huwag sana tayo masiyahan sa sarap lamang, sa alat o tamis, o sa mantikang lumulutang sa pagkain. Huwag sana tayo mabulag sa kinang, sa ganda, o sa tila magagandang dulot ng mga bagay na hindi nagtatagal.

Ang aking puso ay nakatuon ngayon sa mga Kristiyanong pinahihirapan ng mga namumuhi kay Kristo sa Iraq at sa Syria. Sa biglang iglap, sila ay mga refugees, mga taong kahit anong sandali ngayon ay maaaring patayin, pahirapan, at sikilin. Gutom sila sa pagkaing material. Gutom sila at salat sa mga bagay na marangya, masarap at kaaya-aya.

Pero mayroon silang pagkaing hindi alam ng daigdig, at hindi alam ng mga walang pananampalataya. At ito ay sandwits na pumapagitna sa una at ikatlong pagbasa ngayon … “Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ni Kristo? Ang paghihirap ba, ang kapighatian, ang pag-uusig, ang gutom, ang kahubaran, ang panganib o ang tabak?”

Huwag sana tayo masiyahan sa tabang lamig lamang. Hanapin sana nating lahat ang tunay na kabusugan, at tunay na kalusugan, sa piling ng Diyos, patungo sa langit na tunay nating bayan!

Advertisement

MAKINIG, SUMUNOD, AT MATITIKMAN NATIN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Hulyo 30, 2011 at 11:10

Ika-18 Linggo ng Taon (A)
Julio 31, 2011

Para sa isang katulad kong may konting hilig sa pagluluto, nakatutuwa ang unang pagbasa, nakatatakam, nakabibighani. Payo sa mga nauuhaw at nagugutom, halina, diumano, at bumili nang nais kahit walang bayad!

Kailan ang huling pagkakataong bumili tayo nang walang bayad? Malayo na sa alaala ko ang mga pagkakataong, nakakahingi ng kung ano-ano sa kapitbahay, sa kahanggan, sa aming salita sa Mendez, Cavite, na sa iba ay kapitbahay! Maaring humingi ng baga, para hindi na gumastos sa posporo (casafuego) … puedeng makihingi ng ginataan, kapag ang kapitbahay ay sinipag magluto … at puede rin panaka-naka ay magbigay ng pansit, kung ito ang maliit na handa sa bertdey. Puedeng maki-inom sa bahay ng may bahay. Puedeng makisilong kung umuulan, at sa pagdating ng piyesta, ang lahat ng mapadpad o mapadaan ay kasama sa kainan!

Ganito yata talaga ang kultura ng mga taong gipit, mga taong payak, at walang masyadong rangyang aasahan sa buhay. Ito rin ang kultura ng mga taga disyerto kung saan ang hospitalidad o ang pagtanggap sa bisitang naglalakbay ay sukdulan na. Ito ay sapagkat ang paglalakbay sa disyerto ay puno ng panganib, tigib ng kawalang katiyakan, kung kaya’t ang pagtanggap sa mga naglalakbay ay isang birtud, isang kagandahang-asal.

Ang sinasaad ni Isaias dito ay patungkol sa mga Israelitang napatapon sa Babilonia. Uhaw na uhaw sila at gutom na gutom sa katiwasayan, kapayapaan at pamamatnubay ng Diyos.

Ang paanyaya na galing sa Diyos ay bilang pagtugon sa pagkauhaw at pagkagutom na ito.

Uhaw at gutom rin tayo sa maraming bagay. Uhaw na uhaw ang bayan sa mga katugunan sa katiwaliang palasak sa lipunan. Gutom na gutom ang lahat sa mga malinaw na tugon sa mga katanungang tila wala sinuman sa nakinabang nang malaki sa kaban ng bayan ay may alam isagot. Lahat sila ay nakalimot sa sariling pirma, nakalimot sa mga pinagbibili nilang mga bahay sa America. Lahat sila ay biglang nagkakasakit ng alta presyon; lahat ay biglang nangangailangan ng duktor at pagtigil sa ospital.

Di lingid sa ating kaalaman na hindi lamang uhaw at gutom ang nararanasan natin. Alam rin nating hating-hati ang bayang Pinoy sa maraming usapin. Hati ang Pinoy kung dapat bang ilibing si Marcos sa libingan ng mga bayani. Hati rin ang bayan kung dapat bang ipasa ang RH bill. Hating hati at hiwa-hiwalay ang mga tao sa maraming isyu, pati sa isang uri ng pananalitang tinatawag na jejemon, na marami sa mga kaedad ko ay walang kamuang-muang!

Nagkakahiwalay rin ang taong bayan dahil sa kasalanan, sa kasakiman, sa pagkagahaman sa pansariling kapakanan.

May magandang balita pa kayang nagkukubli sa likod ng lahat ng ito?

Tungkulin ko bilang pari ang bigyang-diin ang balitang bumabagtas sa ngayon at dito … mga pangako ng Diyos na higit na lumalampas sa mga makataong kondisyon ng kasakiman at kasalanan. At sa araw na ito, nais kong isipin na tigmak ng magandang balita ang mga pagbasa.

Una sa lahat ay ito … pangarap rin ng Diyos ang kapayapaan at katiwasayan. Hindi gusto ng Diyos na tayo ay maging terrorist na lang lahat at magpatayan sa isa’t isa, na gamit pati Kanyang ngalan! Hindi gusto ng Diyos na tayo ay magkawatak-watak at maghilahan paroo’t parito dahil lamang sa mga batas, o panukala. Hindi gusto ng Diyos na tayo ay mawalay sa Kanya dahil sa kasalanan.

Ikalawa, sa wika ni San Pablo, wala ni anuman, aniya, ang puedeng maglayo sa atin sa pag-ibig ng Diyos. Walang anumang maaaring mamagitan sa atin at sa kalinga ng Diyos na mapagligtas. Himayin natin ito nang kaunti …

Paghihirap? Nabura na ni Kristo sa kanyang pagpapakasakit at pagkamatay ang kagat ng paghihirap. Hindi kaya nitong ihiwalay tayo sa Diyos!

Kapighatian? Ito man ay hindi pinaligtas ng Diyos. Sa pighati ng kanyang Ina sa pagkakita ng kanyang mapait na pagkamatay sa krus, napawi ang lahat ng bahid ng pagkatalo dahil sa pighati. Sa masaganang luhang tumulo sa pisngi ng mahal na Ina, at sa pagtangis din mismo ng Diyos kay Kristo, napawi ang lahat ng kapangyarihan ng pighati upang tayo ay malugmok sa kawalang pag-asa!

Kahubaran? Kay raming mga walang bubong at walang marangyang kasuutan sa lipunan natin na hindi nanghihinawa sa paggawa ng tama at mabuti. Kay raming mga payak at simpleng taong hindi ginagawang problema ang kasalatan, at patuloy na nabubuhay nang tapat sa kalooban ng Diyos!

Panganib? Di ba’t kay raming Pinoy ang sumusuong sa lahat ng uri ng panganib makakita lamang ng ipagtatawid buhay ng kanilang pamilya? Di ba’t kay rami ang nagsisikap pumunta sa Afghanistan man o saan mang sulok ng mundo makapagtrabaho lamang? Di ba’t kay raming mga misyonero ang patuloy na nabubuhay sa gitna ng tiyak na panganib maipahayag lamang ang magandang balita ng kaligtasan? Hindi … hindi nito kayang ihiwalay tayo sa pag-ibig ng Diyos!

Tabak? Natapos ba ang paggawa ng mabuti ng mga Obispo sa mahihirap na lugar ng bayan natin dahil lamang sa tabak na matalas ng kasinungalingan at PR media blitz bilang pagtuligsa at pagpapahina sa kredibilidad ng Simbahan? Natahimik ba ang simbahan dahil sa mga kasinungalingang ipinukol sa kanya? Wala … Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.

Natakot ba si Juan Bautista sa tabak ni Herodes? Naputol ba ang kanyang pagmamalasakit para sa pangakong Mananakop dahil lamang sa isang pinunong sinagian ng kawalang seguridad kung kaya’t siya ay pinapugutan ng ulo?

Ang mensahe sa Linggong ito ay mensahe ng pag-asa … Wala … Walang binatbat ang lahat ng panunuligsa at pang-uusig. Kahit ang dami ng mga dapat pakainin ay hindi naging sagabal para gumawa ng isang himala ang Panginoon.

Tulad noong araw, hindi mo kailangan ng maraming pera … hindi mo kailangan ng posporo … Hindi mo kailangan ang magarang kasuutan para makikain, makituloy o makisilong sa bahay ng may bahay. Marami ang libre … walang bayad.

Ito ang pag-asang nais kong ikintal sa aking sarili at sa ating lahat. Kaya natin ang lahat… kaya ng Diyos ang lahat. Kaya natin ito!

Lilimang tinapay at dadalawang isda ang puhunan ng Panginoon. Sa kanyang kasalatan, napakain niya ang higit sa limang libong katao. Ano ang kanilang ginawa?

Nakinig sila. Sumunod. At natikman nila ang kagandahang loob ng Diyos!