frchito

Posts Tagged ‘Ikawalong Linggo ng Taon A’

LINGKOD NI KRISTO; KATIWALA NG MGA HIWAGA NG DIYOS

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Pebrero 23, 2011 at 07:18

Ika-8 Linggo ng Taon(A)
Pebrero 27, 2011

Mga Pagbasa: Isaias 49:14-15 / 1Corinto 4:1-5 / Mateo 6:25-34

Karanasan nating lahat ang lumimot at makalimutan. Sa dami ng taon na ako ay naging guro o administrador ng paaralan, libo-libo na ang nagdaan sa aking pamamahala, at malimit kong marinig ang tanong na ito, lalu na sa facebook: “Pads, natatandaan mo pa ba ako?” Walang may gusto na lumimot, at lalung walang may gustong malimutan. Ang pagkalimot at ang pagkawala sa radar kumbaga sa buhay ng isang tao ay tila isang palatandaan na hindi masyado tumimo sa alaala ng tao ang ating pagkatao. At kung tayo ay natatandaan ng sinuman, malaking kagalakan ang dulot nito sa puso natin. Naging makahulugan, kumbaga, ang buhay natin sa taong hindi nakalimot sa atin.

Ito ang diwa ng unang pagbasa. Hindi kailanman tayo malilimot ng Diyos. “Kung mayroon mang inang lumimot sa kaniyang bunso, ako’y hindi lilimot sa iyo kahit sandali.”

Maraming paraan ang paglimot. Hindi kailangang burahin sa digital phonebook natin sa cellphone para lumimot. Hindi rin kailangang itago sa ating “wall” sa facebook upang lumimot, at lalung hindi kailangang i-delete o i-block sa ating profile ang mga taong dapat limutin o ayaw natin maging “friend” sa social networking site.

Maaari natin limutin ang isang tao, kung tayo ay nagsasalawahan, o namamangka sa dalawang ilog. Sa salitang Pinoy, mayroon tayong tinatawag na “two timing.” Sa pagkakataong ito, namamanginoon tayo sa dalawang amo, nagsasanga-sanga ang dila natin sa pagbibigay pugay at panlabas na pagsunod sa dalawang amo. Doble kara ang tawag natin dito. At kapag nangyari ito, wala sa dalawa ang tunay na amo. Nakakalimutan natin ang siyang dapat bigyan ng pagtalima at dinggin sa kanyang mga pangaral.

Nakita natin ito sa masalimuot na usapin tungkol sa mga biglang yamang mga heneral na limpak limpak na salapi ang kinamal sa loob ng apat na taong panunungkulan. Nakita natin kung paano pinaglaruan ng mga tampalasan ang sistema upang maikubli ang milyon-milyong piso sa pinagmulan at sa dapat pagbigyan. Nagkakandarapa ang mga kinauukulan sa pagtanggi, sa pagpapabulaan ng mga akusasyon. Nguni’t ang katotohanang naglaho ang pera, at may nag-encash ng mga tseke, na diumano ay para sa mga iba-ibang tao ay naganap.

Madaling lumimot kapag nagsasanga-sanga ang puso ng tao at nahahati sa dalawang amo – Diyos o si Mammon.

Lahat tayo ay may hibla sa pagkatao natin ng kabutihan at hibla ng kasamaan. Dahil sa kasalanang mana, nabahiran ang kalikasan natin bilang tao, at nagkaroon ng pagkahumaling sa masama. May kakayahan tayong lahat na gumawa ng mabuti at gumawa ng anumang maghahatid sa kapariwaraan. Lahat ng mga nasa gitna ng usaping ito ay nakarinig ng mga pangaral tungkol sa “honor, integrity, loyalty.” Lahat tayo lalu na ang mga ka-edad ko ay nakatunghay ng araling “good manners and right conduct.” At ang mga mas nakababata ay nakatunghay naman ng “sibiks at kultura” o anumang tulad nito, gaya ng “values education.”

Nguni’t maganda man ang narinig natin tungkol sa “honor, integrity, loyalty,” ang tao ay marupok, kay daling lumimot, tulad ng sinabi ni Rico Puno.

Sa araw na ito, malinaw ang paalaala sa atin ng Diyos. Una, iisa ang Diyos. Iisa ang Panginoon. Hindi natin kaya magsalawahan sa buong buhay, tulad nang hindi kinaya ng mga whistleblower na dati-rati ay kahati sa mga pagnanakaw, at nagsuplong. Hindi natin kaya mamangka sa dalawang ilog tuwina, at ang pagkasalawahan ay tanda ng isang taong wala ni hibla ng “honor, integrity, loyalty.”

Higit tayo sa mga ibon sa parang. Higit tayo sa mga damong natutuyo at namamatay sa tindi ng init. Mayroong isang dakilang hantungan ang naghihintay sa atin, ayon sa balak ng Diyos.

Ito ang hindi natin dapat limutin. At Siya na tanging Panginoon at Diyos, na hindi marunong lumimot ay siya ring hindi natin dapat siphayuin, kaligtaan, at tuluyang limutin.

Ang pagka-alaala sa Kanya at sa Kaniyang utos ay ang tinatawag na metanoia, pagbabalik-loob. Ngunit walang pagbabalik-loob kung walang pagbabalik-isip sa nagawa natin.

Ito ang dahilan kung bakit tayo nagtipon sa araw na ito – ang gunitain, ang kilalanin, at ang alalahanin, na tayo ay mga lingkod ni Kristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos!

Huwag sana natin limutin ito!

Advertisement