frchito

Posts Tagged ‘Juan Bautista’

MAGANDANG BALITA SA PAMILYA

In Uncategorized on Disyembre 22, 2014 at 22:35

Malachi Saint-John-the-Baptist-web

Ika-8 Araw ng Simbang Gabi

Disyembre 23, 2014

MAGANDANG BALITA SA PAMILYA

Hindi natin maitatanggi na ang pamilya ay nagdaranas ng sari-saring pagsubok sa ating panahon. Una sa lahat, hirap ang pamilya na manatiling magkaisa ngayon. Si Tatay ay nagtatrabaho sa Saudi, o si Nanay ay nanunungkulan o naninilbihan sa HongKong o Italya o saanman sa buong Europa. Si Kuya o si Ate ay nasa Singapore o nasa Korea.

Pangalawa, ang uso na siyang kalakarang namamayaning saloobin at isipin, na batay sa tinatawag na “tolerance” ay nagtuturong maski ano puede, basta’t
happy ka. Basta’t masaya ka, wala sinumang makapagkokondena … sabay batbat pa ng isang quote na mula kay Pope Francis: “Who am I to judge?” (kahit ang puno at dulo o konteksto ay malayo sa konteksto na nasa isip ng marami ngayon!)

Pangatlo, iba na ang pamilya dahilan sa iniba na rin ang definisyon ng kasal. Hindi na ito isang kontratang pang habambuhay, kundi isa lamang partnership, na puedeng mawala o magbago ng mga alituntunin, anumang oras.

Ang kasal, bagama’t isang institusyong natural, ang kanyang hugis at anyo ay nababalot na ng isang anyong hindi na ayon sa kalikasan. Iba-iba nang gawang makataong element ang bumabalot sa kasal.

Nguni’t sapagkat ang Diyos ang may akda nito, kaisahan at pagniniig ang natural dito, hindi hidwaan o pagtutungayaw.

Nais kong isipin na isa ito sa mga padaplis na paksa ng pagbasa, lalu na sa unang pagbasa. Ayon sa pangako ni Propeta Malakias, “darating ang pinakahihintay na sugo at ipahahayag ang aking tipan.” Pero ang kanyang pagdating ay may tahasang pakay: “para humatol at dadalisayin niya ang mga saserdote, tulad ng pagdadalisay sa pilak at ginto, upang maging karapat-dapat sa Panginoon.”

Isang institusyong makatao na dapat dalisayin ang kasal, ang pagsasama ng babae at lalake ayon sa balak ng Diyos, bilang isang pagniniig sa pag-ibig sa harapan ng Diyos at tao. At isa sa mga bunga nito ay ang pagdadalisay rin sa pamilya, na nabahiran na rin ng hidwaan bunga ng kasalanan. Hatid ng kasalanang ito ang kawalang kapanatagan sa isa’t isa, o kawalan ng wasto at malalim na pagniniig, tulad ng pakikipagniig ng Diyos sa kanyang bayan.

Ito ang magandang balita para sa mga pamilyang naririto ngayong umaga: “Muling magkakalapit ang loob ng mga ama’t mga anak.”

Harinawa, O Panginoon! Halina, Panginoon, halina!

SI PAMBI, JUAN, SAMSON, AT SINUMAN

In Uncategorized on Disyembre 18, 2014 at 07:34

Samson-Banner65x35

Ika-apat na Araw ng Simbang Gabi

Disyembre 19, 2014

SI PAMBI, JUAN, SAMSON, AT SINUMAN

Sa isang malaking simbahan kung saan ako nagmimisa noon bilang batang pari, natatandaan ko pa ang sakristan na ang tawag ng lahat ay si “Pambi.” Ito pala, nalaman ko lang nang maglaon, ay galing sa salitang “pambihira.” Pambihira talaga si Pambi, at hindi ko na dapat sabihin pa kung bakit.

Pambihira rin si Samson. Kakaiba sa pangkaraniwang pamamaraan ang kanyang pagsilang. Ipinaglihi siya sa kabila ng pagkabaog ng asawa ni Manoa. Pambihira rin ang pinagdaanan ni Juan Bautista. Tulad ni Samson, siya man ay ipinaglihi at isinilang sa katandaan ni Zacarias at Elizabet.

Pareho silang gumanap sa mahalagang papel sa kasaysayan ng kaligtasan. Pareho silang nilukuban ng Espiritu ng Panginoon. Pereho silang nagbayad nang malaki para ganapin ang kanilang papel. At pareho silang namatay upang maganap ang misyong iniatang sa kanilang balikat.

Malayo tayo sa buhay ng dalawang “Pambing” ito, at kahit ang kilala kong sakristang si Pamby ay malayo rin sa pambihirang misyong ginawa ni Samson at Juan. Tayo ay mga pangkaraniwan at ordinaryong tao lamang. Tayo ay kabilang sa hanay ng mga Sinuman!

Pero ang kwento nina Samson at Juan ay hindi nakatuon sa kanilang pambihirang pagsilang. Ang salaysay sa Biblia tungkol sa dalawa ay tungkol sa tunay at natatanging PAMBI sa lahat – ang walang kaparis, walang kapantay, at walang kahulirip na pag-ibig ng Diyos sa lahat ng Sinuman!

Si Juan at ang angkang pinanggalingan niya at hindi pambihira. Si Manoa at ang kanyang asawa ay walang matayog na narating, at hindi naghahawak ng anumang titulo. Sila man, kung di nga lamang hinirang ng Diyos, ay kabilang sa hanay ng mga Sinuman.

Ganito magmahal ang Diyos. Mahal niya ang lahat. Mahal niya ang lahat ng Sinuman, “maging sino ka man,” tulad ng salitang ginamit ni Rey Valera. Mahal niya ang bulag, pipi, bingi, at pilay, at si Kristong ating pinakahihintay ay naparito upang magpalaya sa mga napipiit at magpasinaya sa isang panibagong panahon.

Si Samson, na nagmula sa mag-asawang Sinuman, ay “lumaki at pinagpala ng Panginoon.” Si Juan, na ipinaglihi ni Elizabet ay nagbigay tulong at lumingap sa kanya: “Ginawa niya ito upang alisin ang aking kadustaan sa harapan ng mga tao.”

Tayo ay mga karaniwang tao – mga Sinuman, nguni’t hindi tayo nababaon sa kadustaan. Ito ang dahilan kung bakit tayo gumigising araw-araw nang maaga. Hindi tayo tinawag sa pagiging pangkaraniwan. Hindi tayo nilalang para manatili sa kadustaan at kasalanan. Tayo ay hinirang, tinawag, at kinasihan dahil lamang sa iisa, at iisang dahilan: “Ganoon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa daigdig kung kaya’t isinugo niya ang kanyang bugtong na Anak.”

Pambi talaga ang Diyos – pambihira, walang katulad, walang kapantay. Mahal na mahal niya ang lahat ng Sinuman – maging sino ka man!