frchito

SI PAMBI, JUAN, SAMSON, AT SINUMAN

In Uncategorized on Disyembre 18, 2014 at 07:34

Samson-Banner65x35

Ika-apat na Araw ng Simbang Gabi

Disyembre 19, 2014

SI PAMBI, JUAN, SAMSON, AT SINUMAN

Sa isang malaking simbahan kung saan ako nagmimisa noon bilang batang pari, natatandaan ko pa ang sakristan na ang tawag ng lahat ay si “Pambi.” Ito pala, nalaman ko lang nang maglaon, ay galing sa salitang “pambihira.” Pambihira talaga si Pambi, at hindi ko na dapat sabihin pa kung bakit.

Pambihira rin si Samson. Kakaiba sa pangkaraniwang pamamaraan ang kanyang pagsilang. Ipinaglihi siya sa kabila ng pagkabaog ng asawa ni Manoa. Pambihira rin ang pinagdaanan ni Juan Bautista. Tulad ni Samson, siya man ay ipinaglihi at isinilang sa katandaan ni Zacarias at Elizabet.

Pareho silang gumanap sa mahalagang papel sa kasaysayan ng kaligtasan. Pareho silang nilukuban ng Espiritu ng Panginoon. Pereho silang nagbayad nang malaki para ganapin ang kanilang papel. At pareho silang namatay upang maganap ang misyong iniatang sa kanilang balikat.

Malayo tayo sa buhay ng dalawang “Pambing” ito, at kahit ang kilala kong sakristang si Pamby ay malayo rin sa pambihirang misyong ginawa ni Samson at Juan. Tayo ay mga pangkaraniwan at ordinaryong tao lamang. Tayo ay kabilang sa hanay ng mga Sinuman!

Pero ang kwento nina Samson at Juan ay hindi nakatuon sa kanilang pambihirang pagsilang. Ang salaysay sa Biblia tungkol sa dalawa ay tungkol sa tunay at natatanging PAMBI sa lahat – ang walang kaparis, walang kapantay, at walang kahulirip na pag-ibig ng Diyos sa lahat ng Sinuman!

Si Juan at ang angkang pinanggalingan niya at hindi pambihira. Si Manoa at ang kanyang asawa ay walang matayog na narating, at hindi naghahawak ng anumang titulo. Sila man, kung di nga lamang hinirang ng Diyos, ay kabilang sa hanay ng mga Sinuman.

Ganito magmahal ang Diyos. Mahal niya ang lahat. Mahal niya ang lahat ng Sinuman, “maging sino ka man,” tulad ng salitang ginamit ni Rey Valera. Mahal niya ang bulag, pipi, bingi, at pilay, at si Kristong ating pinakahihintay ay naparito upang magpalaya sa mga napipiit at magpasinaya sa isang panibagong panahon.

Si Samson, na nagmula sa mag-asawang Sinuman, ay “lumaki at pinagpala ng Panginoon.” Si Juan, na ipinaglihi ni Elizabet ay nagbigay tulong at lumingap sa kanya: “Ginawa niya ito upang alisin ang aking kadustaan sa harapan ng mga tao.”

Tayo ay mga karaniwang tao – mga Sinuman, nguni’t hindi tayo nababaon sa kadustaan. Ito ang dahilan kung bakit tayo gumigising araw-araw nang maaga. Hindi tayo tinawag sa pagiging pangkaraniwan. Hindi tayo nilalang para manatili sa kadustaan at kasalanan. Tayo ay hinirang, tinawag, at kinasihan dahil lamang sa iisa, at iisang dahilan: “Ganoon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa daigdig kung kaya’t isinugo niya ang kanyang bugtong na Anak.”

Pambi talaga ang Diyos – pambihira, walang katulad, walang kapantay. Mahal na mahal niya ang lahat ng Sinuman – maging sino ka man!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: