frchito

Posts Tagged ‘Kahinahunan’

MAGBUNGA, KUNDI AY PUTULIN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kwaresma, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Pebrero 28, 2013 at 17:05

Ikatlong Linggo ng Kwaresma Taon K

MiracleofthefigMarso 3, 2013

Mga Pagbasa: Ex 3:1-8a, 13-15 / 1 Cor 10:1-6, 10-12 / Lucas 13:1-9

MAGBUNGA O PUTULIN!

Medyo mahirap intindihin ang ebanghelyo sa araw na ito. May halong konting tila pananakot, subali’t may hibla rin ng katotohanan. Sino ba sa atin ang hindi umasa na magbunga ang pagsisikap natin, anuman iyon? Sino sa atin ang hindi umasang tumanggap ng magandang grado, lalu na’t pinagpuyatan natin ang aralin? Sinong magsasaka ang hindi naghanap ng bunga matapos gawin ang lahat para itanim at palaguin ang bungang-kahoy?

Lahat tayo ay may ideya kung ano ang pagtitimpi. Sa dinami-dami ng mga kabulastugang nagawa natin noong bata, di ba’t hanga tayo sa mga magulang na nagtimpi, nagtiis, at nagpigil ng sarili upang tayo ay mamulat, matuto, at mapalaki nang tama? Sino sa atin ang hindi humanga sa ating magulang na isusubo na lamang nila at sukat ang pagkain, ay ibibigay pa sa atin? Sino ang hindi natuwa na tayo ay pinagpasensyahan, at pinagbigyan sapagka’t tayo ay bata lamang?

Ang lahat ng ito ay may katotohanan at may kinalaman sa buhay natin. Matiisin ang Diyos … mapagtimpi … mahinahon … at hindi pabigla-bigla.

Dalawang bagay ang tila paalaala sa atin ng ebanghelyo ngayon. Una, matapos ikwento ang nangyaring malagim sa mga Galileo na pinaslang ni Pilato, at sa 18 kataong nadaganan ng bato sa Siloam, isang babala ang turo sa atin … na kung hindi tayo magbabalik-loob ay malamang na sapitin rin natin ang sinapit nila. Ikalawa ay galing sa puno ng igos. Dapat raw magbunga, at may hangganan ang paghihintay.

Nakatatakot … nakababahala … pero totoo at makahulugan, bilang isang paalalang dinaan sa isang uri ng golpe de gulat.

Pero di ba totoo rin na tayo ay pasaway? Di ba totoo rin na sa kabila ng paulit-ulit na trahedya ay patuloy pa rin ang pagwasak natin sa kalikasan? Di ba totoong kahit na naganap na ang Ondoy at Sendong at Pablo … ang Ormoc, ang Ginsaugon, Leyte, at ang Cherry Hills Subdivision ay patuloy pa rin tayong nagwawalang bahala? Di ba totoong tayo ay maigsi ang alaala, at madaling lumimot?

Pwes! Ang araw na ito ay puno ng paalaala, kahit na sa pamamaraang golpe de gulat. Ang lahat ay may hangganan. Pati nga ang salop ni Fernando Poe Jr ay pag napuno ay kinakalos. Ang lahat ay may katapusan. Pati nga mga eroplano sa America ay nagreretiro sa disyerto ng Mojave sa Nevada. Pati mga mahinahong tao ay nabubugnot rin, at nauubusan rin ng pasensya.

At ito ang mahalagang pagunita sa atin … Mahinahon ang Diyos. Matiisin. Mapagtimpi at mapagpatawad. Pero nagsasawa rin ang may arin ng puno ng igos, kung walang bungang dulot at hatid.

Pumapatak ang metro ika nga. Dumadaloy ang panahon, at pati mga ilog ay natutuyo at pati mga halaman ay nagpapahinga rin, kumbaga.

Iisa ang diwang pagunita ng lahat ng ito sa atin. May hangganan ang lahat. At ang buhay ng tao ay may wakas. May pagsusulit at pagtutuos. Hindi araw-araw ay pasko, sabi nga.

Siguro ay tama lang na ating isaisip ngayon at sa lahat ng araw ng kwaresma …

Magbunga o putulin! Anong bunga ang nakikita sa buhay natin?

 

PANANAHAN SA GITNA NG KATAHIMIKAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon on Agosto 4, 2011 at 13:32

Ika-19 na Linggo ng Taon(A)
Agosto 7, 2011

Hirap tayo tumahimik ngayon. Laging may bukas na radyo sa paligid natin. Laging may kompyuter na online. Laging may malakas na TV na bukas, o earphone na nakapang-al sa tenga. Walang sumasakay sa jeep na walang palahaw na musika, at ang hinahanap na bus ay ang mayroong wi-fi.

Hirap tayo tumahimik. At lalong hirap tayo na manahimik. Walang buhay kung walang ingay. At kapag walang ingay, ay parang walang nangyayari, walang nagaganap. Natanggal nga ang wang-wang, ay tuloy naman ang wang-wang ng bunganga ng paninisi, ng paninira, ng walang patid na imbestigasyon sa Senado at sa marami pang lugar na hindi na makayang itikom ang bibig sa paghuhusga sa kapwa. Walang tigil ang wangwang ng mass media, na bago pa man napatunayan ang maysala, ay nahusgahan na sa walang patumanggang pagbabalita. Tulad ng naganap sa mga Pajero bishops, hindi tinantanan ang mga Obispo hanggang ang isang kasinungalingan ay naging isang katotohanan sa isipan ng marami.

Maganda at angkop ang nilalaman ng unang pagbasa. Wala ang Diyos sa malakas na hangin. Wala rin siya sa lindol, sa kulog, at sa apoy. Bagama’t natakot si Elias, batid niyang ang Diyos ay nasa likod ng katahimikan, kahinahunan, katiwasayan.

Mahirap tumayo ng tuwid kung ikaw ay inuusig. Mahirap manindigan kung ikaw ay nahusgahan na. Mahirap manahimik kung ikaw ay hindi tinatantanan ng kasinungalingan, lalu na’t makapangyarihan at mayaman ang nasa likod ng pag-uusig sa iyo.

Pati ang Panginoon ay inusig. Matapos magpakain ng higit sa 5,000 katao sa damuhan, napagod siya at pumalaot noong gabing iyon, matapos pauwiin ang mga pinakain.

Nguni’t tulad ng nangyayari sa mga gumagawa ng mabuti, silang nagpagal para sa kapakanan ng marami ay silang nakaranas ng matinding pagsubok. Ang mga taong may malasakit sa iba ang siyang nagdadala at umaani ng mga pasakit.

Sa aking mahabang karanasan bilang pari at edukador, ang mga maiingay ang siyang mabababaw. Ang mga maraming angal ang walang nagagawa at naitutulong. Ang mga maraming angal sa mga fund-raising ay silang walang ibinibigay, at ang mga tahimik lamang ang siyang malaki ang naitutulong. Di ba’t kasabihan na kapag maingay ang agos, ang tubig ay mababaw, at kung tahimik, ang tubig ay malalim?

May mahalagang aral para sa atin lahat ang mga pagbasa ngayon .. tungkol sa Diyos na nangungusap at nangangaral sa atin, hindi sa pamamagitan ng paninindak sa pamamagitan ng ingay at kaguluhan, kundi sa pamamagitan ng katiwasayan at kahinahunan.

Nahintakutan ang mga disipulo na binagabag ng wangwang ng bagyo at unos sa laot ng lawa ng Galilea, sa kalagitnaan ng dilim at kawalang katiyakan. Tulad natin, sari-saring wangwang ang bumabagabag sa atin – ang wangwang ng panunuligsa, ang wangwang ng poot laban sa Simbahang Katoliko, mula sa mga nagsasabing sila raw ay katoliko, mula sa mga tagapagsulong ng pamamahayag at brodkasting. Saan ka man sumuling, paborito nilang gawin ang pagsikapang ibagsak ang Simbahan, at pahinain ang autoridad ng Simbahan.

Takot at pangamba ang sumasagi sa ating puso. Tulad ng mga disipulo, ang dasal natin ay “Sagipin mo ako, Panginoon.” Tulad ni Pedro, nanghihinawa tayo, nahihintakutan, nangangamba. Ang Bangka ng simbahan ay halos mabuway, halos tumaob sa paninira ng mga umuusig sa kanya.

Sa Linggong ito, naparito tayo upang magnilay sa magandang balita. Narito ang mahalagang balita para sa atin. Wala ang Diyos sa ingay, pagtungayaw, at panunuligsa. Wala ang Diyos sa wangwang ng gulo.

Ito ang natunghayan ni Elias. Hindi sa apoy. Hindi sa kulog, at lalung hindi sa malakas na hangin. Ang Diyos ay narito … sa piling natin, nagkukubli sa kahinahunan, kababaang-loob, kahinahunan, at kapayapaan!

Sa gitna ng unos at bagyo, nariyan si Kristo, naglalakad sa dilim … nagpapayo sa atin: “Huwag kayong matakot! Ako ito!”

Nananahan siya sa piling natin, sa likod o sa gitna ng katahimikan!