frchito

Posts Tagged ‘Karunungan’

PANGINOON, IKAW LAMANG!

In Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Taon A, Uncategorized on Nobyembre 4, 2011 at 11:33

Ika-32 Linggo ng Taon (A)
Nobyembre 6, 2011

Mga Pagbasa: Karunungan 6:12-16 / 1 Tes 4:13-18 / Mt 24:42a-44

PANGINOON, IKAW LAMANG!

Mahalaga ang magkamit ng kakayahang kumilatis ng mga bagay-bagay. Sa panahon natin, palasak ang mga peke, tulad ng pekeng Rolex, pekeng Nike, at kung ano-ano pang palsong mga produktong nagpapanggap na orihinal nguni’t gawa lamang naman pala sa China.

Sa dami ng mga kadayaang gawa ng mga negosyante, kung minsan, napakahirap mamili kahit ng mga pagkain. Mahirap malaman kung ang mga pusit na galing China ay tunay na sariwa o nabuhusan ng formaldehyde o ano-ano pang mga kemikal. Mahirap makilala sa mga pulpol na politico ang tunay nagsasabi ng katotohanan, o nambobola lamang.

Kailangan natin ng tunay na karunungan upang mabatid kung alin ang tama, alin ang palso, alin ang peke, at alin ang palpak.

Sa araw na ito, makalangit na karunungan ang ikinikintal sa atin ng mga pagbasa. Sa unang pagbasa, narinig natin ang isang himig para sa karunungang makalangit – karunungang “maningning at di kumukupas.” Alam nating lahat na ang peke, na tubog lamang sa ginto o sa pilak, ay hindi nananatiling makintab. Hindi naglalaon, ito ay kumukupas, naglalaho ang kinang, at napupuno ng pekas.

Ito rin ang nagaganap kung ang hanay ng ating pagpapahalaga ay nababaluktot … kapag ang mga pinahahalagahan natin ay katumbas ng pwet lamang ng baso, o pekeng tanso, o walang iba kundi plastic, kapag ang itinatampok natin o ginagawang diyus-diyusan ay dapat pangalawa lamang o pangatlo liban sa tunay na Diyos.

Malinaw ang paalaala sa atin ng tugon matapos ang unang pagbasa: “Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang!”

Pero napakadali sa atin ang mabulagan dahil sa mababaw na pagtingin natin. Sa biglang-wari, ang paghihirap ay isang parang sumpa. Sa biglang wari, ang kamatayan ay ang kasukdulan ng kawalang kahulugan. Sa biglang tingin, pagkatalo ang magapi ng sakit, ng ano mang uri ng kahirapan, at ng kamatayan.

Tunay na pagkilatis, bunsod ng makalangit na karunungan ang kailangan natin.

Ito ang pagkilatis na turo ngayon ni San Pablo. Sa mata ng pananampalataya, binigyang-kahulugan ni Pablo ang kamatayan, batay sa kahulugan ng kamatayan mismo ng Panginoon: “Naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay. Kaya naman, naniniwala tayong bubuhayin din ng Diyos ang lahat ng namatay na nananalig kay Jesus – upang isama sa kanya.”

Nguni’t dapat nating aminin na mahirap makita ang lahat ng ito. Mahirap makita bilang isang pagpapala ang kahirapan, ang pagdurusa, lalu na’t alam natin na ang nagdurusa ay taong inosente at walang kamuang-muang sa nagaganap – tulad ng mga sanggol, na dahil sa kasalanan at kapabayaan ng kanilang mga magulang, ay nagdaranas ng sari-saring kapaitan sa buhay.

Mahirap makita ang diamanteng nagkukubli sa kapaitang ito. Mahirap makita ang pagpapalang nagtatago sa likod ng pagdurusa.

Nguni’t napakadaling mapagkamalian ang puwit ng baso at makita ito bilang isang mamahaling Kristal. Madaling mapagkamalian ang bagay na material at hindi nagtatagal bilang kasukdulan ng kayamanan at walang hanggang kaligayahan. Madaling gawing Diyos ang sa mula’t mula pa ay isang payaso o anino lamang ng tunay na Diyos na buhay.

Madaling mabulag dahil sa makikintab at makikinang na pekeng tanso o palsong ginto na tubog lamang naman sa manipis at mababaw na kagandahan.

Sampung dalaga ang naatangan upang magbantay sa pagdating ng lalaking ikakasal. Ang lima ay nasiyahan na sa puwit ng baso o palsong ginto. Nasiyahan na sila sa isang ilawang walang pampuno ng langis sa sandaling magkulang. Nabulag na sila sa ilaw na hatid ng kanilang ilawang napakadali palang maubusan ng langis.

Ang lima ay may angking karunungan. Nagsikap. Nagpaanyo. Naghanda. Hindi nasiyahan at lalung hindi nabulagan sa lumalagablab na apoy ng kanilang mga sulo. Naghanap ng paraan at naghanda sa sandaling maubusan. Naghirap nang kaunti sa pagdadala ng extrang langis. Inisip ang kahihinatnan ng kanilang ginagawa. Nakita ang maaaring maganap, o puedeng mangyari. Malayo ang kanilang tingin, at hindi nasiyahan sa kinang ng pekeng ginto ngayon at dito.

May angkin silang tunay na karunungan! At ito ang malaking kaibahan sa pagitan ng limang bobo at limang marunong!

Bobo tayo kung hindi natin makita ang tunay na siya nating hinahanap. Bobo tayo kung tayo ay manatili lamang sa kung ano ang sininisinta, kung ano ang ginugusto, at hindi ang siyang tunay nating panagimpan at pangarap ng puso. Ang ginugusto at sinininta, kalimitan, ay tulad lamang ng puwit ng baso – mababaw, pahapyaw, at madalian.

Natumbok ng salmista ang tunay nating panagimpan, at tunay nating inaasam at siyang makapagbibigay-katuparan sa kaibuturan ng pagkatao natin – walang iba kundi ang Diyos!

“Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang!”

PUSONG MAUNAWAIN AT MARUNONG KUMILALA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon A on Hulyo 22, 2011 at 16:46

Ika-17 Linggo ng Taon(A)
Julio 24, 2011

Isang matayog na halimbawa si Solomon sa mga namumuno … mataas ang narating, matayog ang napuntahan, nguni’t mababa pa rin ang loob. Higit sa lahat, ang kanyang hiniling sa Diyos ay hindi pansariling bagay, kundi bagay na makatutulong sa iba: isang pusong maunawain at marunong kumilala ng masama at magaling.

Magulo ang panahon natin … sala-salabat ang mga patakaran; salu-salungat ang mga batas na sinusundan … walang kaisahan sa mga panuntunan at lalung walang kontinuidad sa mga programa sa pamahalaan. Bagong hari, bagong ugali … bagong pinuno, bago ring mga panukala. Lahat ng luma ay nagiging masama; at lahat ng bago ay parang nagiging mabango at tuwid at tama.

Sa kaguluhang ito, napapanahon ang halimbawang ipinakita ni Solomon. Humiling siya, hindi ng anumang pansarili, kundi nakatuon sa kapakanan ng kanyang pinaglilingkuran.
Mahirap ngayon ang magpakabuti at manindigan sa inaakala mong tama. Sa kaguluhan ng mga sala-salabat na hanay ng pagpapahalaga, halos lahat ay napapasa ilalim sa politika. Lahat ay nagkakaroon ng kulay politika. Ang mga pangaral ng simbahan para sa kabanalan ng buhay ng tao ay nagiging isang diskusyong political, at nagiging tila isang pakikialam ng simbahan sa politica. Ang tinatawag ng participatory politics ay pinagbibintangan lagi bilang partisan politics. Ang karapatan at katungkulan ng Simbahan upang mangaral tungkol sa katotohanang moral ay sinisiphayo bilang isang panghihimasok o tahasang pamumulitika o pakikialam.

Sa biglang wari, tila isang malaking dagok sa Simbahan ang kahihiyang idinulot ng usapin tungkol sa pera galing sa PCSO. Sa muling sulyap, isa itong pagpapalang nagkubli sa likod ng isang tila nakahihiyang pangyayari. Ang bintang, at pinalaking kwento tungkol sa Pajero, ay bumaligtad at nag-boomerang laban sa sinumang nagsimula o nagpasimula nito. Ang isang kalahating katotohanan, na kalimitan ay masahol pa sa buong kasinungalingan, ay bumalikwas at tumama sa pinagmulan nito. Sila na nagkondena sa nakalipas na administrasyon sa paggugol ng salapi para sa PR, ay gumastos rin pala kamukatan ng mahigit sa kalahating bilyong piso upang bayaran ang PR machinery na nagsiwalat ng balitang gumulantang sa mga Katoliko at di katoliko … sa mga antemano ay galit na sa simbahan, at sa mga nagmamahal sa simbahan.

Sa muling sulyap, mabuti na rin na nangyari ito … Kailangan ngayong maging mapag-isip at magkaroon ng karunungan mula sa itaas bago makipag-tulungan sa mga politicong ang hangad lamang tuwina ay ang palawigin ang kanilang sariling mga nasa at panukala. Dahil rito, kinakailangan munang magmuni at humiling ng tulong mula sa itaas bago tumanggap ng anumang tulong mula sa anumang sangay ng gobyernong dapat naman sa mula’t mula pa ay gumaganap sa tungkuling makatulong sa mga nangangailangan.

Sa muling sulyap ay mabuting naganap ito. Naging malinaw ang pangangailangang ang mga namumuno ay dapat magtaglay ng karunungang hiniling ni Solomon: ang kakayahang maging maawain at magpasya at kumilala ng masama at magaling.

Ito ang hiling at panalangin natin sa araw na ito … Karunungang maka-Diyos, karunungang makalangit … at ang una nating dapat kilalanin ay ito … “Alam nating ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang panukala, sa kanilang ikabubuti.”

Para sa mga nagmamahal sa Kanya, ang nagaganap ay pawang sa ikabubuti nila. Para sa Simbahan, sa mata ng pananampalataya, ang kababaang-loob na ipinakita ng pitong Obispo ay walang ibang bunga kundi kabutihan para sa bayan ng Diyos. Mukhang natalo at nagapi, at napahiya, nguni’t kailanman ay hindi magagapi ang Simbahan na pinamumugaran ng banal na tao at baluktot na tao, ng damong mabuti at damong masama, nguni’t tinatawagan sa iisang hantungan – ang kaligtasan at buhay kapiling ng Diyos.

Ang ikalawang mahalagang bunga nito ay ang dagdag ng kabatiran na ang pinagsisikapan nating lahat ay walang iba kundi ang paghahari ng Diyos, na inihalintulad ni Kristo sa isang kayamanang nadiskubre sa isang lupain, kung kaya’t pinagsikapang makamit ng isang tao, gaano man kataas ang halaga.

Ang paghaharing ating inaasam ay hindi nalalayo sa isang lambat na inihagis, na nakahuli ng iba-ibang isda … masama at mabuti, nguni’t ang karunungang dapat natin ngayon makamit ay ang katotohanang balang araw, pagdating ng panahon, ang mga ito ay pagbubukud-bukurin, paghihiwalayin ang mabubuti at masasama.

Sa wakas, ang karunungang dapat natin makamit ay kakayahang magpasya at kumilala ng magaling at masama, upang sa pagdating ng araw na ito, ay mabilang tayo, hindi sa mga mapapariwara, kundi kasama sa mga maliligtas at makakapiling ng Diyos sa langit na tunay nating bayan!

Magkaroon nawa tayong lahat ng karunungang ito!