Ika-17 Linggo ng Taon(A)
Julio 24, 2011
Isang matayog na halimbawa si Solomon sa mga namumuno … mataas ang narating, matayog ang napuntahan, nguni’t mababa pa rin ang loob. Higit sa lahat, ang kanyang hiniling sa Diyos ay hindi pansariling bagay, kundi bagay na makatutulong sa iba: isang pusong maunawain at marunong kumilala ng masama at magaling.
Magulo ang panahon natin … sala-salabat ang mga patakaran; salu-salungat ang mga batas na sinusundan … walang kaisahan sa mga panuntunan at lalung walang kontinuidad sa mga programa sa pamahalaan. Bagong hari, bagong ugali … bagong pinuno, bago ring mga panukala. Lahat ng luma ay nagiging masama; at lahat ng bago ay parang nagiging mabango at tuwid at tama.
Sa kaguluhang ito, napapanahon ang halimbawang ipinakita ni Solomon. Humiling siya, hindi ng anumang pansarili, kundi nakatuon sa kapakanan ng kanyang pinaglilingkuran.
Mahirap ngayon ang magpakabuti at manindigan sa inaakala mong tama. Sa kaguluhan ng mga sala-salabat na hanay ng pagpapahalaga, halos lahat ay napapasa ilalim sa politika. Lahat ay nagkakaroon ng kulay politika. Ang mga pangaral ng simbahan para sa kabanalan ng buhay ng tao ay nagiging isang diskusyong political, at nagiging tila isang pakikialam ng simbahan sa politica. Ang tinatawag ng participatory politics ay pinagbibintangan lagi bilang partisan politics. Ang karapatan at katungkulan ng Simbahan upang mangaral tungkol sa katotohanang moral ay sinisiphayo bilang isang panghihimasok o tahasang pamumulitika o pakikialam.
Sa biglang wari, tila isang malaking dagok sa Simbahan ang kahihiyang idinulot ng usapin tungkol sa pera galing sa PCSO. Sa muling sulyap, isa itong pagpapalang nagkubli sa likod ng isang tila nakahihiyang pangyayari. Ang bintang, at pinalaking kwento tungkol sa Pajero, ay bumaligtad at nag-boomerang laban sa sinumang nagsimula o nagpasimula nito. Ang isang kalahating katotohanan, na kalimitan ay masahol pa sa buong kasinungalingan, ay bumalikwas at tumama sa pinagmulan nito. Sila na nagkondena sa nakalipas na administrasyon sa paggugol ng salapi para sa PR, ay gumastos rin pala kamukatan ng mahigit sa kalahating bilyong piso upang bayaran ang PR machinery na nagsiwalat ng balitang gumulantang sa mga Katoliko at di katoliko … sa mga antemano ay galit na sa simbahan, at sa mga nagmamahal sa simbahan.
Sa muling sulyap, mabuti na rin na nangyari ito … Kailangan ngayong maging mapag-isip at magkaroon ng karunungan mula sa itaas bago makipag-tulungan sa mga politicong ang hangad lamang tuwina ay ang palawigin ang kanilang sariling mga nasa at panukala. Dahil rito, kinakailangan munang magmuni at humiling ng tulong mula sa itaas bago tumanggap ng anumang tulong mula sa anumang sangay ng gobyernong dapat naman sa mula’t mula pa ay gumaganap sa tungkuling makatulong sa mga nangangailangan.
Sa muling sulyap ay mabuting naganap ito. Naging malinaw ang pangangailangang ang mga namumuno ay dapat magtaglay ng karunungang hiniling ni Solomon: ang kakayahang maging maawain at magpasya at kumilala ng masama at magaling.
Ito ang hiling at panalangin natin sa araw na ito … Karunungang maka-Diyos, karunungang makalangit … at ang una nating dapat kilalanin ay ito … “Alam nating ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang panukala, sa kanilang ikabubuti.”
Para sa mga nagmamahal sa Kanya, ang nagaganap ay pawang sa ikabubuti nila. Para sa Simbahan, sa mata ng pananampalataya, ang kababaang-loob na ipinakita ng pitong Obispo ay walang ibang bunga kundi kabutihan para sa bayan ng Diyos. Mukhang natalo at nagapi, at napahiya, nguni’t kailanman ay hindi magagapi ang Simbahan na pinamumugaran ng banal na tao at baluktot na tao, ng damong mabuti at damong masama, nguni’t tinatawagan sa iisang hantungan – ang kaligtasan at buhay kapiling ng Diyos.
Ang ikalawang mahalagang bunga nito ay ang dagdag ng kabatiran na ang pinagsisikapan nating lahat ay walang iba kundi ang paghahari ng Diyos, na inihalintulad ni Kristo sa isang kayamanang nadiskubre sa isang lupain, kung kaya’t pinagsikapang makamit ng isang tao, gaano man kataas ang halaga.
Ang paghaharing ating inaasam ay hindi nalalayo sa isang lambat na inihagis, na nakahuli ng iba-ibang isda … masama at mabuti, nguni’t ang karunungang dapat natin ngayon makamit ay ang katotohanang balang araw, pagdating ng panahon, ang mga ito ay pagbubukud-bukurin, paghihiwalayin ang mabubuti at masasama.
Sa wakas, ang karunungang dapat natin makamit ay kakayahang magpasya at kumilala ng magaling at masama, upang sa pagdating ng araw na ito, ay mabilang tayo, hindi sa mga mapapariwara, kundi kasama sa mga maliligtas at makakapiling ng Diyos sa langit na tunay nating bayan!
Magkaroon nawa tayong lahat ng karunungang ito!
this page really helps me a lot! 😀