frchito

Posts Tagged ‘Linggo ng Pasyon’

TAGASUNOD, HINDI TAGAHANGA

In Uncategorized on Marso 29, 2012 at 17:51

Image

Linggo ng Palaspas

Abril 1, 2012

Mga Pagbasa: Isa 50:4-7 / Fil 2:6-11 / Mc 15:1-39

Marami sa mga tagabasa ko ang nasa facebook o nasa twitter. Malamang na kakaunti lamang ang hindi konektado sa internet.

Sa panahon natin, iba ang sikat, di ba? Aminin man natin o hindi, marami sa atin ang nag-aasam makilala, maging tanyag, at maging celebrity sa cyberspace. Kay rami nang naging tanyag sa pamamagitan ng Youtube, at iba pang platform sa internet. Pangarap natin na makagawa ng isang video na magiging “viral” ika nga, o “meme” man lamang, o anumang kakaiba o bago. Ang hanap natin ay ang dami ng “hits,” ng “visits,” ng “likes” o “google plus” o “1’s.”

Lahat tayo ay naghahanap ng taga-hanga!

Subali’t sa simula ng mahal na araw, kailangan natin tiyakin na nasa wastong pahina tayo, o tamang takbo ng isipan. Liwanagin muna natin kung ano ang hinanap ni Kristo.

Unahin natin sa pagbasa bago tayo nag-prusisyon. Ano ang sinasaad? Ang daming taong mga taga Jerusalem ang natuwa at nagbunyi sa kanyang pagpasok sa lungsod. Hanap nila ang isang haring tagapagligtas. Hanap nila ay isang pinunong maghahatid sa kanila sa kalayaan. Kung kaya’t mali man o tama, ay nagbunyi sila kay Jesus. Naglatag ng mga balabal; nagwasiwas ng mga palaspas; at nangasipaghiyawan ng pagbubunying laan lamang sa isang sugo mula sa langit: “Osana sa kaitaasan! Pinagpala ang naparirito sa ngalan ng Panginoon!”

Masaya, di ba? Sino sa atin ang ayaw sa atensyon ng madla? Sino sa atin ang aayaw pa sa isang marangyang party sa karangalan natin?

Pero matapos ang prusisyong maluwalhati ay biglang natakluban ng kakaibang damdamin at himig ang liturhiya. Biglang napalitan ng lambong ng lungkot o katotohanang brutal, ika nga, ang takbo ng mga pangyayari. Matapos ang marangyang pagpasok sa Jerusalem, nabunyag sa ating kaalaman ang tunay na diwa ng pagpasok ni Jesus sa banal na lungsod.

Sa unang pagbasa pa lamang, narinig natin ang mga katagang galing sa Lingkod ng Diyos, na nagpahayag ng walang pasubaling pagsunod niya sa kalooban ng Diyos: “Pinabayaan ko silang bunutin ang buhok ko’t balbas, gayon din ang lurhan nila ako sa mukha.”

Sa ikalawang pagbasa naman, narinig natin sa awit ni San Pablo ang mga katagang nagpapahayag ng lubos na pagtalima sa kalooban ng Diyos: “Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus.”

Malayo yata ito sa mga “likes” natin sa facebook. Aminin natin …sino ba ang huli nating pinagkalooban ng “like?” Kanino bang mensahe ang ating ipinorward o ipinasa sa prends? A ver … ano bang ang una nating tinitingnan pag nag-log-in tayo? Di ba’t kung ilan ang mensahe o comments? Di ba’t ito rin ang  dahilan kung bakit tila nagpapaligsahan ang marami sa pagpopost ng profile pic na makalaglag matsing, o makatawag-pansin?

Di ba totoong nag-asam rin tayong maging tulad nila Moymoy Palaboy o ni Mikee Bustos na sinusundan ng marami, at laging binubuksan ang pahina sa youtube?

Taga-hanga! …  iyan ang hanap ng marami. Iyan ang hanap ng mga senador tuwing ipapangalandakan ang kanilang mukha sa TV. Iyan ang hanap ng maraming pulitikong walang kabubusugan kapag publicidad ang hanap … name recall … upang sa araw ng botohan, ang matatandaan ng botante ay hindi ang kanilang plataporma, o balak gawin, kundi ang kanilang matamis na pangalan.

Ang Linggo ng Palaspas ay isang mumunting larawan ng kung sino ang tao. Ito rin ay isang buod ng kung ano dapat tayo. Nagsimula ang drama sa isang maluwalhating prusisyon. Napalitan ng isang katotohanang hindi madaling tanggapin – na ang itinanghal na Hari, ay hari nga, nguni’t isang kakaibang hari ayon sa balak ng Ama … isang haring masasadlak sa dusa, sa kadustaan, at sa kamatayan … isang haring ang trono ay hindi isang magarbong upuan, bagkus ang trono ng krus, kung saan niya tutubusin ang mga taong naglalakad pa sa dilim ng kasalanan.

Ayaw natin sumunod sa ganitong hari. Ayaw natin maging isang taong mababaon sa puntod ng pagkalimot o kawalang pansin. Kung kaya’t marami sa atin ay nananatili  na lamang bilang mga tagahanga … malayo ika nga sa bituka. Ang isang tagahanga ay isang pasulyap-sulyap lamang, patingin-tingin, parang mga lurkers sa facebook na araw-araw ay naroon, nguni’t hindi on-line … Lahat ng wall ng mga prends ay binubuksan, tinitingnan, nguni’t hindi nagpapakita, hindi nagpaparamdam … panaka-naka lamang nagla-like, o nag-kokomento. Alam nilang lahat ang nangyayari sa iba, nguni’t walang nakaaalam sa nangyayari sa kanila. Secret admirers, ika nga.

Ito ang hindi hinahanap ng Panginoon. Hindi siya nangaral upang humanga tayo sa kanya. Nangaral siya upang tayo ay sumunod sa kanya! At ang pagsunod ay hindi nakukuha sa “likes,” “comments” o “1’s” sa Google plus.

Ang pagsunod ay nangangahulugang pagsalubong sa kanya sa pagpasok sa Jerusalem, at ang pagsama rin sa kanya palabas ng Jerusalem … paakyat sa bundok ng Kalbaryo, patungo sa krus, sa kadustaan, at kamatayan.

Sabi nga ng mga Intsik … Ang salita o daldal ay hindi nakapagluluto ng bigas. Kailangan gumalaw. Kailangan kumilos. Kailangan tumayo mula sa iyong kompyuter, at iwanan ang iPad, o android tablet, wakasan na ang pagla-like, at humayo, magpasan ng krus, at sumunod sa Panginoon!

Hindi ito nakukuha sa papeysbuk-peybuk lamang. Hindi rin ito madadala sa pa-sta-status na lamang, o pa-twitter twitter na walang katapusan na parang isang kuliglig. Tara na, at sumunod sa kanya – hanggang sa kamatayan at kaluwalhatian!

 

KASAMA, KASANGGA, O KATUNGGALI?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Mahal na Araw, Tagalog Homily, Taon K on Marso 22, 2010 at 16:44

Linggo ng Palaspas
Marso 28, 2010

Habang lumalapit ang halalan, lumalabas rin ang tunay na kulay ng mga kandidato o mamboboto. Hindi mahirap makita ang pagiging hunyango ng ilan sa mga kandidato. Ang mga dating mga magkatunggali ay ngayon ay magkakasama; mga dating parang magsing-irog sa iisang partido ngayon ay parang pinaghiwalay ng tadhana. Ang mga dati ay maiingay sa larangan ng politika, ngayon ay nagtatago at hindi natin alam kung saang lupalop naparoon.

Ito rin ang tila telenobelang sa araw na ito ay nagsisimula, kumbaga. Ang kaibahan nga lamang ay hindi ito isang teleserye. Ito ay salaysay ng pinakadakilang pag-ibig na natungyahan ng sangkatauhan sa kasaysayan … ang pinakadakilang kasaysayan ng pag-ibig.

Kasama … ito ang ugaling ipinakita ng marami nang pumasok si Jesus sa Jerusalem! Nangasipaglabasan sa mga lansangan ang mga bata, matanda, at talubata … tangan nila ang anumang mahagilap sa kamay upang iwagayway, ilatag, iwagiswis bilang pagpupugay sa itinanghal nilang Haring dumarating.

Kasama … Ito ang larawan ng mga taong sa simula ay tuwang-tuwa sapagka’t dumarating mula sa kaitaasan ang kanilang pinakaaasam, pinakahihintay! Halos manggayupapa ang lahat sa pagpuri at pag-awit: “Osana sa kaitaasan … Pinagpala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon!”

Kasangga … ito ang larawang kanilang ipinamalas. Kasangga sila ng kanilang itinatanghal at pinagpupugayan. Kasangga sila ng isang hindi malamang unawain at tanggapin ng mga namumuno sa bayan, na ang tingin sa kanya ay isang taong may madilim at maitim na pakay na hindi magugustuhan ng mga nasa kapangyarihan.

Minsan din nating ginampanan ang pagiging kasama at kasangga ni Kristong Mananakop. Di miminsan sa buhay natin na nagpahayag tayo ng pagiging kasama at kasangga ng Panginoong dumating sa kasaysayan upang isulat ang panibagong takbo ng kasaysayan.

Nguni’t alam natin ang naging takbo ng salaysay… Ang mga nagmakaingay na masiglang naging kasangga ng Panginoon ay nangagsipag baligtaran … naging mga balimbing na nag-astang mga hunyango ay tumalikod sa kanilang pinuri hanggang langit ilang araw lamang ang nakalilipas. Sa ikalawang bahagi ng liturhiya natin, binasa natin ang pasyon, ang kwento ng kanyang pagpapakasakit at pagkamatay. Ang mga balimbing na dati-rati ay umawit ng “Osana,” ay sila ring di naglaon ay sumigaw ng “tama na!”

Sala sa init; sala sa lamig ang mga balimbing na walang iisang salita.

Ito ang salaysay na nananalaytay sa ating kasaysayan, sa ating lipunan, sa ating kultura at pagkatao bilang Pinoy. Tingnan lamang natin ang mga hunghang at sinungaling na mga politico na dati ay parang hayop kung magbangay at ngayon ay parang si Romeo at Juliet kung magmahalan. Tingnan natin ang mga dating tinitingala natin na ngayon pala ay mandarambong na primera klase din naman pala. Tingnan natin ang ubod ng yamang kandidato na hanggang langit ang gastos para ipagmakaingay sa siya ay mahirap at natutulog sa bangketa at naglalangoy sa basura!

Higit sa lahat, tingnan natin ang sarili natin. Tingnan natin ang Inang Simbahan, na bilang samahan ng mga taong marupok ay sinagian at dinapuan na rin ng iba-ibang uri ng kabulukan, tulad ng mga pang-aabuso ng mga kabataan. Tingnan natin ang sarili natin sa salamin. Tingnan natin kung paano tayo maghusga tulad ng mga kalalakihang handang pumukol ng bato sa babaeng nahuli sa pakikiapid. Tingnan natin ang sarili natin …

Hindi malayong makita natin ang larawan ni Judas, ni Pedro, ni Pablo – ng lahat ng mga makasalanang naging banal sapagka’t bumangon sila sa tulong ng kanilang itinatwa at ipinagkanulo.

Kasama ako sa pulutong na ito … kasama tayong lahat … kasangga tayo dapat at tunay ngang di miminsang idineklara natin ang sarili bilang kasangga ni Kristo. Ngunit ang linggo ng palaspas ay salaysay tungkol sa mga balimbing at mga salawahan at tampalasan … masakalanan tulad ko, tulad ninyo, tulad ng lahat.

Katunggali tayo ni Kristo … di miminsan, di kayang ipagkaila gaano man kadulas ang ating mga dila, gaano man karami ang sanga ng mga dila natin … kasama tayo sa tinatawag natin sa panalangin, na mga “dilang masasama.”

Pero tumitigil tayo taon-taon upang gunitain, upang balik-isipin at muling ganapin … Alin? Ang dakilang salaysay ng pag-ibig sa atin ng Diyos na gumawa ng lahat para sa ating ikapapanuto at ikaliligtas. Sa kanyang dakilang pagpapakasakit, tayong mga katunggali at kalaban, dahil sa kanyang dakilang pag-ibig ay muling itinuring na kasama at kasangga. Muli natin naririnig ang mga katagang pinagnilayan natin noong isang Linggo: “Wala bang naghuhusga sa iyo? Ako man, hindi kita hinuhusgahan. Humayo ka na at huwag nang magkasala!”